Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Wika—Mga Tulay at Pader sa Komunikasyon

Mga Wika—Mga Tulay at Pader sa Komunikasyon

Mga Wika​—Mga Tulay at Pader sa Komunikasyon

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA MEXICO

“Walang kasaysayan ang makapagbibigay sa atin ng isang eksaktong pagkaunawa sa mga pagbabago ng isang bayan, sa kanilang kaayusang panlipunan at sa kanilang mga paniniwala at mga damdamin, na gaya ng isang pagsusuri sa kanilang wika.”​—MARTÍN ALONSO.

SA BUONG kasaysayan, ang wika​—ang mga pinagmulan, pagkasari-sari, at patuloy na pagbabago nito​—ay nakabighani sa mga iskolar. Tunay, ang kanilang pagkabighani ay naingatan pa nga​—kung paanong naingatan ang karamihan ng mga rekord ng kasaysayan​—dahil sa wika mismo. Walang alinlangan, ang wika ang pangunahing paraan ng komunikasyon ng tao.

Sa kasalukuyang panahon, tinataya ng ilang dalubwika na mga 6,000 o higit pang mga wika ang sinasalita sa buong daigdig, hindi pa kabilang ang lokal na mga diyalekto. Ang wika na sinasalita ng pinakamaraming tao ay ang Mandarin ng mga Tsino, na may mahigit na 800 milyong nagsasalita nito. Ang susunod na apat na wika na sinasalita ng karamihan ng mga tao, na hindi naman ayon sa pagkakasunud-sunod, ay Ingles, Kastila, Hindi, at Bengali.

Ano ang nangyayari kapag ang ibang mga kultura at, sabihin pa, ang kanilang mga wika ay biglang nagkatagpo sa isa’t isa? Sa ibang panig naman, paano naaapektuhan ng pagkabukod ng mga grupo ang kanilang wika? Tingnan natin kung paanong naitatayo ang mga tulay​—at gayundin ang mga pader​—sa komunikasyon.

Mga Pidgin, Creole, at Lingua Franca

Ang pananakop, kalakalan sa pagitan ng mga bansa, at maging ang pagkabilanggo sa mga kampong piitan ay nagpadama sa mga tao ng pangangailangang maglagay ng tulay upang maalis ang puwang sa komunikasyon dahil sa hindi pagkakaroon ng iisang wika. Kaya nagsimula silang gumamit ng pinaikli, o pinasimple, na anyo ng wika. Inalis nila ang mga masalimuot na gramatika, mas kaunting mga salita ang ginamit, at nilimitahan ang mga salita sa mga paksa ng karaniwang interes. Sa ganitong paraan nalikha ang mga wikang pidgin. Ang pidgin, na bagaman napakasimple, ay isang wika na may sariling sistema sa wika. Subalit kung maglaho na ang pangangailangan na lumikha rito, ito’y maaaring mamatay.

Kapag ang pidgin ang naging pangunahing wika ng mga mamamayan, mga bagong salita ang idinaragdag at muling binabago ang gramatika. Ito sa gayon ay nagiging wikang creole. Kabaligtaran ng pidgin, ipinahahayag ng creole ang kultura ng isang bayan. Sa ngayon, maraming pidgin at creole​—na batay sa Ingles, Pranses, Portuges, Swahili, at iba pang mga wika​—ang sinasalita sa daigdig. Ang ilan ay naging pangunahing mga wika pa nga sa isang bansa, gaya ng Tok Pisin sa Papua New Guinea at Bislama sa Vanuatu.

Ang iba pang mga tulay na nagtataguyod ng komunikasyon ay ang mga lingua franca. Ang lingua franca ay isang karaniwang wika na ginagamit ng mga grupo na ang katutubong wika ay iba. Halimbawa, sa Central African Republic, ang mga nagsasalita ng iba’t ibang lokal na wika ay maaaring makipagtalastasan sa pamamagitan ng wikang Sango. Sa mga diplomatiko, ang Ingles at Pranses ay mga wikang ginagamit bilang lingua franca. Ang pidgin ay lingua franca, at gayundin ang creole.

Sa iba’t ibang rehiyon sa loob ng isang bansa, maaaring gamitin ang lokal na mga uri ng pambansang wika, na tinatawag na mga diyalekto. Habang mas nabubukod ang rehiyon, nagiging lalong kapansin-pansin ang mga pagkakaiba. Sa kalaunan, ang ilang diyalekto ay nagiging ibang-iba mula sa orihinal na wika ng lugar anupat ang mga ito’y nagiging panibagong wika. Sa ilang kalagayan ay hindi madali para sa mga dalubwika na makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng isang wika at ng isang diyalekto. At, yamang ang mga wika ay patuloy na nagbabago, ang mga diyalekto kung minsan ay namamatay dahil sa hindi paggamit, at kasama nitong namamatay ang isang bahagi ng kasaysayan.

Ang wika ay isang kaloob ng Diyos. (Exodo 4:11) Ang kabigha-bighaning proseso ng pagbabago sa wika ay nagpapakita kung gaano kadaling baguhin ang kaloob na ito. Maaari rin nating matutuhan sa wika na walang isang grupo ng tao ang nakahihigit sa isa, sapagkat walang nakabababang wika. Katulad ng iba pang mga kaloob mula sa Diyos, ang wika ay magagamit ng lahat ng tao nang pantay-pantay, anuman ang kanilang kultura o dako na kanilang tinitirhan. Mula sa pasimula, ang mga wika ng lahat ng tao ay sapat na upang magsilbi sa layunin nito. Ang bawat isa sa mga ito ay karapat-dapat igalang, gaano man karaming tao ang nagsasalita nito.

Makasaysayan at Panlipunang mga Salik

Ang palakaibigang katangian ng tao ay nasasalamin sa wika. Kaya, kapag nagtagpo ang mga kultura​—na isang karaniwang pangyayari​—ipinababanaag ng wika ng mga kulturang iyon ang katibayan ng gayong pagtatagpo sa loob ng mga salinlahi.

Halimbawa, sa pamamagitan ng maraming salita nito na nagmula sa Arabe, pinanatili ng Kastila, na itinuturing na isang binagong bersiyon ng Latin, ang rekord ng pananakop ng Muslim noong ikawalong siglo sa teritoryong Kastila. Matutunton din sa Kastila ang impluwensiya ng Griego, Pranses, Ingles, at iba pang mga wika. Bukod pa riyan, sa Kastila na sinasalita sa Amerika, nananatili ang bakas ng sinaunang mga maninirahan sa kontinente. Halimbawa, ang Kastila roon ay nagtataglay ng maraming salitang galing sa wikang Nahuatl ng mga Aztec sa Sentral Amerika.

Kung paanong ang katutubong wika ay nagpapakilala sa mga tao na may isang bansa at isang rehiyon pa nga, ang paggamit ng wika ay maaaring magpakilala sa mga tao sa isang grupo, gaya ng isang propesyon, isang hanapbuhay, mga grupong pangkultura at nasa larangan ng isports, o mga organisasyong kriminal pa nga. Ang talaan ay talagang walang katapusan. Tinatawag ng mga dalubwika ang pantanging mga ibang anyong ito na salitang hindi maintindihan (jargon) o balbal (slang) o kung minsan ay isang diyalekto pa nga.

Gayunman, kapag may pagkakapootan sa pagitan ng mga bansa at ng etniko o kultural na mga pangkat, ang wika ay hindi na nagiging tulay. Ito’y maaaring maging isang pader na nakadaragdag sa pagkakabaha-bahagi ng mga tao.

Ang Kinabukasan ng mga Wika

Ang komunikasyon ay isang masalimuot na bagay. Sa isang panig, ang makabagong hilig ay tungo sa pagbuwag sa mga pader ng wika, pangunahin nang dahil sa pamamahayag ng masa. Ayon sa Encyclopædia Britannica, ang Ingles ay sinasalita ngayon bilang isang pangunahin o isang pangalawang wika ng 1 sa bawat 7 katao. Kaya, ito ang pinakamalaganap na ginagamit na lingua franca sa daigdig. Ang paggamit dito ng mga tao ay nagpahintulot para sa mas malawak na komunikasyon at pagpapalitan ng kapaki-pakinabang na impormasyon.

Sa kabilang dako, ang mga pader sa wika ay nagpalala sa pagkakabaha-bahagi, pagkapoot, at digmaan. Ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Kung ang lahat ng tao ay nagsasalita ng iisang wika, . . . magkakaroon ng higit na mabuting pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga bansa.” Sabihin pa, ang gayong mabuting pakikipag-ugnayan ay hihiling ng mas malaking pagbabago kaysa paggamit lamang ng isang lingua franca. Tanging ang matalinong Maylalang ng wika ang makagagawa sa lahat ng mga tao na magsalita ng isang wika.

Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya, ang pangunahing paraan ng pakikipagtalastasan ng Diyos sa mga tao, na malapit nang alisin ng Diyos ang kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay at palitan ito ng isang pamahalaan na namamahala sa langit​—ang kaniyang Kaharian. (Daniel 2:44) Pagkakaisahin ng pamahalaang iyon ang lahat ng sangkatauhan sa isang mapayapa, matuwid na bagong sistema ng mga bagay dito sa lupa.​—Mateo 6:9, 10; 2 Pedro 3:10-13.

Kahit na sa ngayon, pinagkakaisa ng isang dalisay na espirituwal na wika​—ang katotohanan tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga layunin​—ang milyun-milyong tao mula sa lahat ng wika, nasyonalidad, at dating mga relihiyon. (Zefanias 3:9) Kaya, waring makatuwiran na sa kaniyang bagong sanlibutan, lalo pang pagkakaisahin ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng pagbibigay sa lahat ng tao ng isang karaniwang wika, anupat binabaligtad ang ginawa niya sa Babel.

[Kahon sa pahina 12]

Ang Pinagmulan ng mga Wika

Ang matalino-sa-lahat na Maylalang, ang Diyos na Jehova, ay gumagamit ng wika sa makalangit na dako ng mga anghel. (Job 1:6-12; 1 Corinto 13:1) Nang lalangin niya ang mga tao, inilagay niya sa kanila ang isang bokabularyo at ang kakayahan na palawakin ito. Walang katibayan ng anumang sinaunang wika ng tao na binubuo ng mga angil at mga ungol. Sa kabaligtaran, isaalang-alang ang paliwanag ng Encyclopædia Britannica tungkol sa Sumeriano, ang pinakamatandang nakikilalang nasusulat na wika: “Ang pandiwang Sumeriano, taglay ang . . . iba’t ibang unlapi, gitlapi, at hulapi nito, ay nagpapahiwatig ng napakasalimuot na wika.”

Noong mga ika-20 siglo B.C.E., salungat sa utos ng Diyos na magsipangalat at “punuin ang lupa,” ang mga tao ay nagsikap na kontrolin ang lahat ng lipunan sa Kapatagan ng Shinar, sa Mesopotamia, at nagsimulang itayo ang Tore ng Babel na ukol sa relihiyon. Ang iba’t ibang wika ay nagsimula nang guluhin ng Diyos ang kanilang panlahat na wika, anupat binigo ang kanilang mapanganib at nakapipinsalang mga plano.​—Genesis 1:28; 11:1-9.

Hindi sinasabi ng ulat ng Bibliya na ang lahat ng mga wika ay nagmula sa orihinal na wika. Sa Shinar, pinasimulan ng Diyos ang maraming bagong bokabularyo at mga huwarang pangkaisipan, na nagbunga ng iba’t ibang wika. Kaya, ang mga pagsisikap na tuntunin ang isang pinagmulang wika kung saan nagmula ang lahat ng iba pang wika ay nabigo.

[Larawan sa pahina 12]

Sa Babel, nilito ng Diyos ang wika ng mapaghimagsik na mga tao