Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Cystic Fibrosis Salamat po sa inyong artikulong “Pamumuhay Nang May Cystic Fibrosis.” (Oktubre 22, 1999) Bagaman ako’y 17 anyos lamang at walang anumang maselan na problema sa kalusugan, pinahanga ako ng kasaysayan ni Jimmy Garatziotis. Tumulong ito sa akin upang pag-isipan ang maraming bagay, pati na kung gaano kaimportante na pahalagahan ang anumang taglay mo. Sa kabila ng kaniyang napakahirap na karamdaman, si Jimmy ay masayahin pa rin at may matibay na pananampalataya sa mga pangako ni Jehova. Nananalangin ako na sana’y patuloy na taglayin nina Jimmy at Deanne ang lakas upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok sa kanila.

E. Z., Russia

Pamahiin Hindi ako Saksi ni Jehova, subalit dalawang taon na akong nagbabasa ng inyong mga publikasyon. Nais ko kayong pasalamatan sa seryeng “Kontrolado ba ng Kapalaran ang Iyong Buhay?” (Agosto 8, 1999) at “Mga Pamahiin​—Bakit Lubhang Mapanganib?” (Oktubre 22, 1999) Dati akong patalistiko at mapamahiin dahil iyan ang kinalakihan ko. Subalit ngayon ay napag-unawa kong totoo ang sinasabi ninyo hinggil sa tunay na Kristiyanismo.

N. D., Pransiya

Hindi ko nagustuhan ang mga artikulo ninyo tungkol sa pamahiin. Ako’y isang debotong Romano Katoliko, at ang isa sa mga artikulo ay bumabanggit na ang “pagkukrus” ng mga pasahero ay isang pamahiin. Ginagawa ito ng mga Katoliko bilang bahagi ng kanilang pagdarasal para sa isang ligtas na paglalakbay. Ito’y isang napakahalagang panuntunan ng aming pananampalataya at hindi maaaring ituring na isang pamahiin.

S. W., Estados Unidos

Hindi maikakaila na marami ang nagkukrus na halos ay wala sa isip ang tungkol sa debosyon sa relihiyon. Nang tanungin kung bakit siya nagkrus sa palaruan, inamin ng isang Australianong manlalaro ng football: “Sa palagay ko’y isa lamang itong pamahiin.” Hindi nga kataka-taka, ang ritwal na ito’y may bahid na ng pamahiin sa pasimula pa lamang. Sabi ng “The Catholic Encyclopedia”: “Mula pa noong pinakamaagang panahon, ito’y ginagamit na sa lahat ng pagpapalayas sa masasamang espiritu at pag-oorasyon bilang isang sandata laban sa mga espiritu ng kadiliman.”​—ED.

Droga Nais kong magpasalamat sa inyo sa seryeng “Kontrolado ba ng Droga ang Daigdig?” (Nobyembre 8, 1999) Palibhasa’y napadala sa impluwensiya ng mga kaibigan, ang aking ama ay naging alipin ng droga at alkohol. Ang tahanan ay hindi isang dakong kanlungan kundi isang dako na doo’y malimit akong nanganganib. Sa kabila ng lahat, hindi pa rin ako titigil kailanman sa pag-aanyaya sa aking mga magulang upang maranasan nila ang kagalakan ng pagsamba sa Diyos.

M. L., Italya

Minsan sa isang linggo, isang pulis ang dumarating sa aming paaralan at nagpapahayag tungkol sa mga bagay na gaya ng droga at alkohol. Ipinasiya kong sa susunod na pagpunta niya sa aming klase, bibigyan ko siya ng mga artikulo tungkol sa droga. Hangang-hanga siya sa mga ito at binasa ang ilang bahagi nito sa klase. Nakinabang ang aming buong klase mula sa mga artikulo!

C. D., Estados Unidos

Anak na May Kapansanan Ang kasaysayan ni Rosie Major na, “Natuto Kaming Magtiwala sa Diyos sa Panahon ng Kagipitan” (Nobyembre 22, 1999), ay labis na nakaantig sa akin. Nakatira kami noon sa lunsod, pero hindi ko gusto ang nagiging epekto nito sa aking panganay na anak na babae. Kaya nakahanap kami ng matitirhan sa isang lugar sa probinsiya. Napakaganda na sana ng aming kalagayan hanggang sa mawalan ako ng trabaho na sumasahod ng $56,000 sa isang taon. Narito kami ngayon sa probinsiya kapisan ang tatlong anak at may binabayarang utang. Tunay ngang napakahirap na kalagayan! Subalit nang mabasa ko ang kasaysayan ni Rosie Major, sa wari’y walang sinabi ang aking problema sa pananalapi anupat napahiya ako. Talaga ngang napakaraming tao sa iba’t ibang dako ang nangangailangan ng tulong ng Diyos! Maaari ba akong magkaroon ng suskrisyon sa Ang Bantayan at Gumising!?

M. F., Estados Unidos

Nagagalak kaming pagbigyan ang kahilingang ito ng mambabasa.​—ED.