Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Nabubuhay Para sa Milenyo

“Lubusang napatunayan na ang mga taong may malubhang karamdaman ay determinadong mabuhay upang maranasan ang mahahalagang pangyayari,” sabi ni Richard Suzman ng National Institute on Aging, sa Bethesda, Maryland, E.U.A. “Ang proseso ay mahiwaga subalit ang pambihirang kaganapang ito ay totoong-totoo.” Lumilitaw na dahil sa kagustuhang makita ang taóng 2000, mahigit sa katamtamang bilang ng mga tao ang namatay noong unang linggo ng bagong taon, pag-uulat ng The Guardian ng London. Sa Britanya, 65 porsiyento pa ng mga tao ang namatay noong linggong iyon, at sa New York City, ang namamatay ay dumami pa nang mahigit sa 50 porsiyento, kung ihahambing noong unang linggo ng 1999. Sinabi ni Robert Butler, presidente ng International Longevity Center, na ang mga pagdaming ito ay naranasan sa buong daigdig. Dagdag pa niya: “Ang kagustuhang mabuhay ay posibleng maging makapangyarihan.”

Paglalayag sa Pamamagitan ng Computer

Sa tulong ng elektronikong teknolohiya, maaaring hindi na kailanganin ng mga barko ang maraming tsart na nasa papel upang makapaglayag, sabi ng The Daily Telegraph ng London. Noong Nobyembre 1999, sa kauna-unahang pagkakataon ay pinahintulutan ng International Maritime Organization, sa pamamagitan ng hidrograpikong tanggapang Aleman, ang isang sistema ng paglalayag ng barko sa pamamagitan lamang ng computer. Sa halip na mga tsart na nasa papel, ang computer ay nagbibigay ng dalawang elektronikong bersiyon​—isang ini-scan na paksimile ng tsart na nasa papel at isang digitized na bersiyon na kilala bilang vector chart. Ang pinakamahalagang kabutihan ng elektronikong tsart ay na palaging ipinakikita nito ang eksaktong kinaroroonan ng barko. At, sa pamamagitan ng paglalatag ng hinango-sa-radar na tsart sa iskrin ng computer, lalong nasusuri ng mga naglalayag kung may mga panganib sa kanilang daraanan. Isang pinuno ng barko, na tuwang-tuwa sa pagpapasulong na ito, ang nagsabi: “Pinagaang nito ang aming trabaho . . . kaya maaari na naming higit na pagtuunan ng pansin ang pagtitimon, mga galaw ng trapiko, ibang barko at, kapag papalapit sa daungan, kung ano ang ginagawa ng aming timonero.”

Malamang na Hindi mga Tagaibang Planeta

“Nitong nakalipas na ilang dekada, parami nang paraming bilang ng mga astronomo ang nagpahayag ng ideya na malamang na nakakalat daw sa mga bituin ang mga sibilisasyon ng mga tagaibang planeta,” sabi ng The New York Times. “Ang paniniwalang ito hinggil sa tagaibang planeta ay nagpasigla hindi lamang sa di-mabilang na mga aklat, pelikula at mga panoorin sa telebisyon . . . kundi gayundin sa malaon nang makasiyensiyang paghahanap na gumagamit ng pagkálalakíng tulad-mangkok na antena upang suriing mabuti ang kalangitan kung may kahit bahagya man lamang na signal ng radyo mula sa matatalinong tagaibang planeta.” Ang paghahanap na iyan ay malamang na malamang na mabigo, sabi ng dalawang sikat na siyentipiko, sina Dr. Peter D. Ward at Dr. Donald C. Brownlee, mga awtor ng aklat na Rare Earth. Ang mga bagong tuklas sa astronomiya, paleontolohiya, at heolohiya, ayon sa kanila, ay nagpapakita “na ang komposisyon at katatagan ng Lupa ay napakapambihira” at na ang mga kalagayan sa iba pang lugar ay hindi angkop sa masalimuot na mga anyo ng buhay. “Sa wakas ay nasabi na namin ang malaon nang ipinalalagay ng marami​—na ang masalimuot na buhay ay talagang pambihira,” sabi ni Dr. Ward. Dagdag pa ni Dr. Brownlee: “Sinasabi ng mga tao na ang Araw daw ay isang karaniwang bituin. Hindi iyan totoo. Halos lahat ng kapaligiran sa sansinukob ay hindi naaangkop pamuhayan. Maaari lamang itong umiral sa mga lugar na mistulang Halamanan ng Eden na gaya ng Lupa.”

Isinalin ang Bibliya sa Higit Pang mga Wika

“Ang Bibliya ang siya pa ring aklat na may pinakamaraming salin sa daigdig,” sabi ng pahayagang Excelsior sa Mexico. Ayon sa German Bible Society, ang Bibliya ay isinalin pa sa 21 wika noong 1999, anupat makukuha na ito kahit sa isang bahagi lamang sa 2,233 wika. Sa mga ito, “ang Matandang Tipan at ang Bagong Tipan sa kabuuan ay naisalin na sa 371 wika, nadagdagan pa ng 5 kaysa noong 1998.” Saan kaya masusumpungan ang lahat ng mga wikang ito? “Ang pinakamaraming iba’t ibang salin ay masusumpungan sa Aprika, na may 627, sinundan ng Asia, na may 553, Australia/Pasipiko, na may 396, Latin Amerika/Caribbean, na may 384, Europa, na may 197, at ang Estados Unidos, na may 73,” sabi ng pahayagan. Magkagayunman, “ang Bibliya ay hindi pa rin naisasalin sa kalahati man lamang ng mga wikang ginagamit sa dagdig.” Bakit? Sapagkat medyo kakaunti lamang ang mga taong nagsasalita sa mga wikang iyon, at ang pagsasalin ng Bibliya sa mga wikang iyon ay isang hamon. Gayundin, marami sa mga tao ay may dalawang wika, at kung ang Bibliya ay hindi naimprenta sa isa sa kanilang mga wika, mababasa nila ito sa isa pa.

Itinapong mga Amyunisyon

Nitong nakaraan ay nakakahuli ang mga mangingisdang Italyano ng mga bagay na kung sa ganang kanila ay hindi nila huhulihin​—mga sandatang kimikal. Ayon kay Valerio Calzolaio, pangalawang kalihim sa Ministry of the Environment sa Italya, “mula 1946 hanggang dekada ’70 . . . , naging kaugalian nang itapon sa dagat ang mga munisyon na hindi na ginagamit.” Tinatayang mga 20,000 bomba ang nakalapag sa pinakasahig ng Adriatico, sa laot ng silangang baybayin ng Italya. Hanggang noong 1997, 5 Italyanong mangingisda na ang namatay at 236 ang kinailangang maospital dahil sa mga epekto ng nakamamatay na mga kimikal na tumatagas mula sa naagnas na mga munisyon na nakuha nila sa kanilang mga lambat. Dagdag pa sa problema, isang di-pa-naisisiwalat na bilang ng mga bomba ang itinapon sa katubigan ding iyon ng mga eroplanong pandigma nitong kamakailang labanan sa Balkan, at ang ilan sa mga ito ay “nahuli” na sa mga lambat na pangisda. Hindi lamang ang katubigan ng Italya ang apektado. Tinatayang 100,000 tonelada ng kimikal na mga sandata ang nakalapag sa pinakasahig ng Baltic Sea, at batid na mayroon ding ganitong mga tapunang lugar sa katubigang malapit sa baybayin ng Hapon, Estados Unidos, at ng Gran Britanya.

Pinalabis na Bilang

“Huwag mong palaging paniniwalaan ang iyong nababasa sa mga pahayagan,” sabi ng The Economist. Ang mga peryodista “ay hindi maaaring walang kamali-mali.” Lalo nang totoo ito kapag sangkot na ang estadistika, lalo na yaong tungkol sa mga sakuna. Bakit? “Sa kalituhang dulot ng digmaan, o ng kalamidad sa panahong walang digmaan, imposible, siyempre pa, na matiyak kung ilang tao ang namatay o nasaktan,” ang sabi ng artikulo. Upang mapagbigyan ang pag-uusisa ng mga tao, nagbibigay ang mga peryodista ng mga pagtantiya, kadalasa’y matataas, at “bihirang bawasan ang kanilang mga pagtantiya sa paglipas ng panahon.” Ang dahilan? “Nais ng mga peryodista na tangkilikin ang kanilang mga istorya, gusto naman ng mga editor na mabili ang kanilang pahayagan, at nais ng mga nagbibigay ng tulong na mapaunlad ang kanilang mga ahensiya. Maging ang mga opisyal ng pamahalaan ay nagnanais na makakuha ng simpatiya.” Iminumungkahi ng magasin na ang mga mambabasa “ay mag-ingat​—sa huwad na katumpakan, sa halatang pagpapalabis, at sa patuloy na hilig ng mga peryodista na magpasobra.” Dagdag pa nito: “Anuman ang kapangyarihan ng pamamahayag sa pangkalahatan, pagdating sa pagpatay ng tao, ang panulat ay talagang mas malakas kaysa sa tabak.”

Mag-ingat sa mga Alagang Hayop

Ayon sa peryodikong Le Monde ng Pransiya, 52 porsiyento ng sambahayan sa Pransiya ay may mga alagang hayop. Gayunman, ipinakikita ng kamakailang pag-aaral ng isang grupo ng mga beterinaryo sa Institute of Comparative Animal Immunology, sa Maisons-Alfort, Pransiya, na ang mga fungi at mga parasito na dala ng 8.4 milyong pusa at 7.9 milyong aso sa Pransiya ang siyang dahilan ng iba’t ibang sakit ng mga may-ari ng alagang hayop. Kabilang dito ang buni, roundworm, scabies, leishmaniasis, at toxoplasmosis. Ang huli ay maaaring maging dahilan ng pagkalaglag ng sanggol o kaya’y pagkakaroon ng di-normal na anyo ng fetus sa mga babaing nagdadalang-tao. Binanggit din sa ulat ang maraming reaksiyon ng alerdyi na sanhi ng mga alagang hayop sa bahay at mga impeksiyong resulta ng mga kagat ng aso​—mga 100,000 taun-taon sa Pransiya.

Ekosistema sa Bibig

“Natuklasan ng mga siyentipiko sa Stanford University ang 37 bago at walang katulad na mga organismo sa isa sa pinakanaiibang ekosistema sa lupa: ang bibig ng tao,” pag-uulat ng The Toronto Star. Pinararami nito ang mga kilalang uri ng baktirya sa bibig hanggang sa mahigit sa 500, “isang napakalawak na pagkakasari-sari anupat maipapantay ito sa mga maulang gubat sa tropiko, na madalas na itinuturing bilang ang pinakasukdulan ng biyolohikal na kayamanan.” Nakapipinsala ba ang baktirya? Matapos matuklasan ang bagong mga organismo sa oral plaque, sinabi ng mikrobiyologong si Dr. David Relman: “Ang gayong pagkakasari-sari ay di-nakababahala sapagkat naglalaan ito para sa biyolohikal na katatagan at proteksiyon.” Idinagdag pa ng Star na karamihan sa mga uri ng baktirya “ay ipinalalagay na naglalaan ng ginhawa, proteksiyon at pagkain.” Iilan lamang ang nagdudulot ng problemang gaya ng pagkabulok ng ngipin, sakit sa gilagid, at mabahong hininga.

Dumaraming Digmaan

“Patuloy na dumami ang bilang ng mga digmaan” noong 1999, pag-uulat ng pahayagan sa Alemanya na Siegener Zeitung. Ang Study Group for Research Into War Causes, sa University of Hamburg, ay may nabilang na 35 armadong alitan noong 1999, 3 ang kahigitan kaysa noong nakaraang taon. Sa mga ito, 14 ay sa Aprika, 12 ay sa Asia, isa ay sa Europa, at ang iba pa ay sa Gitnang Silangan at Latin Amerika. Hindi pa natatanaw ang wakas ng digmaan, sabi ng grupong nag-aaral. Sa katunayan, “walong digmaan ang lumitaw sa listahan ng taóng ito sa kauna-unahang pagkakataon, anupat kabilang dito ang mararahas na alitan sa Chechnya, Nepal, Kyrgyzstan, at Nigeria.” Ang isang dahilan ay sapagkat ang ilang sanhi ng mga alitan ay maaaring naitatago sa loob ng mahabang panahon bago sumiklab ang mga ito sa pagiging armadong alitan o ganap na digmaan.