Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tubó—Higante sa mga Damo

Tubó—Higante sa mga Damo

Tubó​—Higante sa mga Damo

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA

ANO ang gagawin natin kung walang asukal? Isang pagmamalabis na sabihing hindi na tatakbo ang daigdig​—subalit maraming pagkain ang mangangailangan ng malaking pagbabago kung mawawala ang asukal. Oo, sa maraming bahagi ng daigdig sa ngayon, naging bahagi na ng araw-araw na buhay ang pagkain ng asukal, anupat ginagawang pandaigdig na industriya ang paggawa ng asukal.

Milyun-milyong tao, mula sa Cuba hanggang sa India at mula sa Brazil hanggang sa Aprika, ang nagtatanim at naggagapas ng tubó. Sa katunayan, minsan ay nangibabaw ang paggawa ng asukal bilang ang pinakamalaki at pinakamaunlad na industriya sa daigdig. Maaaring sabihin na hinubog ng tubó ang daigdig na gaya ng ginawa ng iilang halaman lamang.

Gusto mo bang malaman ang higit pa hinggil sa pambihirang halamang ito? Kung gayon ay samahan kami sa pagdalaw sa isang rehiyon sa Queensland, Australia, kung saan itinatanim ang tubó. Bagaman limitado ang nagagapas na tubó sa lugar na ito, ang mahusay na pagsasaka at mga paraan ng pagpoproseso ay nagpangyari rito na maging isa sa nangungunang tagapagluwas ng hilaw na asukal sa daigdig.

Isang Pagdalaw sa Matubóng Rehiyon

Ang hangin ay mainit at mahalumigmig. Ang araw sa tropiko ay may napakatinding sikat sa isang bukirin ng magulang na mga tubó. Ang malaking makina na katulad ng pang-ani ng trigo ay mabagal na umuusad sa nagtataasang mga tanim na tubó, anupat tinatagpas ang mga punò habang isinasagawa ang paggapas at inilalagay ang natagpas na tubó sa isang treyler na umuusad sa kabilang tabi. Di-magtatagal at ang katas na asukal ay tatagas mula sa tinagpas na tubó, at isang manamis-namis at maamag na amoy ang hahalo sa simoy ng hangin. Ang napakahalagang katas mula sa pambihirang damo na ito ay nagsimula nang maglakbay mula sa bukid tungo sa lalagyan ng asukal sa iyong mesa.

Hindi pa gaanong natatagalan, matrabaho noon ang manu-manong paggapas ng tubó dito sa Australia gaya ng nangyayari pa rin sa maraming bansa kung saan ginagapas ang tubó. Gunigunihin ang tanawin. Manu-manong ginagapas ng mga manggagawa ang tubó. Isang hanay ng pawisan na manggagapas ng tubó ang mabagal na umaabante sa taniman ng tubó. Taglay ang halos militar na kaeksaktuhan, tinitipon ng mga manggagawa sa isang kamay ang mga kumpol ng tuwid na punò ng tubó at pagkatapos ay binabatak ang mga ito nang pirme sa isang panig upang ilantad ang magkakaparehong tuod ng mga ito. Swishhh, tagpas! Swishhh, tagpas! Sa pamamagitan ng malalakas na pag-unday, tinatagpas ng mga manggagawang may hawak na gulok ang mga punò nang sagad sa lupa. Pagkatapos na ihagis ang mga ito sa maayos na mga hanay sa tabi, tutuloy naman sila sa susunod na tungkos, o kumpol, ng tubó. Sa buong daigdig, unti-unti nang nagbabago ang situwasyong ito, yamang parami nang paraming bansa ngayon ang nagsisimulang gumamit ng makinarya.

Ang matubóng rehiyon ng Australia ay pangunahin nang binubuo ng isang makitid na lupain sa tabing dagat na mga 2,100 kilometro ang haba, na ang kalakhang bahagi nito ay kahanay ng bantog na Great Barrier Reef. (Tingnan ang artikulong “Pagdalaw sa Great Barrier Reef,” sa Hunyo 8, 1991, labas ng Gumising!) Ang taun-taon na mainit at mahalumigmig na klima rito ay nagpapangyari na managana ang tubó, at mga 6,500 tagapagtanim ang pangunahin nang nabubuhay sa maliliit na bukirin ng pamilya na nakapangalat sa kahabaan ng baybay-dagat na parang mga kumpol ng ubas sa isang puno ng ubas.

Pagkaraan ng mahabang paglalakbay, nakita namin sa malayo ang lunsod ng asukal ng Bundaberg, sa gitnang baybay-dagat ng Queensland. Habang pababa kami sa isang maliit na burol, isang makapigil-hiningang tanawin na pagkaganda-ganda ang tumambad sa amin​—isang maladagat na tubuhan na hinahampas ng hangin ang makikita hanggang sa napakalayo! At talagang sari-sari ang kulay ng mga ito! Ang iba’t ibang bukirin ng tubó ay magkakaiba ang antas ng pagkagulang, kaya bumubuo ang mga ito ng isang pinagtagni-tagning mosaik na may matitingkad na kulay luntian at ginto, na may maliliit na tagni ng kulay-tsokolate sa mga lugar na iniwang tiwangwang sa taóng ito o kagagapas pa lamang.

Ang Hulyo ang pinakamalamig na buwan ng taon, at ang panahon ng paggapas at pagkabyaw ay nagpasimula na. Magpapatuloy ito hanggang sa Disyembre habang gumugulang ang pananim sa iba’t ibang yugto. Ngayon ay sabik na kaming dumalaw sa isang kabyawan upang makita kung ano ang nangyayari sa mga ginapas na tubó. Subalit iminungkahi na bago namin gawin iyon, pag-aralan muna namin ang isang bagay hinggil sa tubó mismo. Kaya ipinasiya naming puntahan sa unang pagkakataon ang isang istasyon sa pag-eeksperimento ng asukal na itinayo sa rehiyon. Dito isinasagawa ng mga siyentipiko ang pagpapatubo ng bagong mga uri ng tubó at ang pagsasaliksik upang mapasulong pa ang agrikultura at produksiyon ng tubó.

Ang Pinagmulan at Pagpapatubo Rito

Sa istasyon ng pananaliksik sa asukal, isang magiliw na agronomo ang natutuwang magturo sa amin tungkol sa tubó mismo at magpaliwanag kung paano ito pinatutubo. Orihinal na natagpuan sa maulan na kagubatan ng Timog-Silangang Asia at New Guinea, ang tubó ay isang higante sa pamilya ng damo, na dito’y kalakip ang iba’t ibang miyembro na gaya ng damong panghardin, damong may mga butil, at ang makahoy na kawayan. Lahat ng halamang ito ay gumagawa ng asukal sa kanilang mga dahon sa pamamagitan ng proseso ng photosynthesis. Gayunman, naiiba ang tubó dahil sa napakaraming asukal ang ginagawa nito at pagkatapos ay iniimbak ito bilang matamis na katas sa mga himaymay ng mga punò nito.

Ang pagpapatubo ng tubó ay kilalang-kilala sa sinaunang India. Doon, noong 327 B.C.E., ang mga eskriba sa nananakop na mga hukbo ni Alejandrong Dakila ay sumulat na ang mga naninirahan doon ay “ngumunguya ng isang kahanga-hangang tambo, na nagluluwal ng isang uri ng pulot nang walang anumang tulong mula sa mga bubuyog.” Nang bumilis ang panggagalugad at pagpapaunlad sa daigdig noong ika-15 siglo, ang pagtatanim ng tubó ay lumaganap na gaya ng apoy. Sa ngayon ay libu-libo na ang iba’t ibang uri ng tubó, at mahigit sa 80 bansa ang nagtutulungan upang makagapas ng mga isang bilyong tonelada taun-taon.

Sa kalakhang bahagi ng daigdig, ang pagtatanim ay isang napakatrabahong gawain. Ang magulang na mga punò ng tubó ay pinuputol sa haba na mga 40 centimetro at itinatanim sa mga tudling na may agwat na 1.5 metro. Ang bawat putol, o set, ay tumutubo bilang isang kumpol na may mga 8 hanggang 12 punò ng tubó, na gumugulang sa loob ng mga 12 hanggang 16 na buwan. Ang paglalakad sa isang makapal na taniman ng magulang na mga tubó ay maaaring maging nakatatakot na karanasan. Ang mga punò ng tubó at ang makakapal na dahon nito ay tumataas nang hanggang 4 na metro. Ang kaluskos kaya sa banda roon ay dahil lamang sa hangin, o iyon marahil ay isang ahas o isang daga? Sakaling marinig iyon, marahil panahon na upang bumalik sa ligtas na dako ng parang!

Isinasagawa ang pananaliksik upang makatuklas ng mga paraan sa paglaban sa mga peste at sakit ng tubó. Marami sa mga pagsisikap na ito ay nagtamo ng ilang tagumpay, bagaman hindi lahat. Halimbawa, noong 1935, sa pagsisikap na pawiin ang pesteng uwang-tubó, sinimulang gamitin ng mga awtoridad ang mga palakang-tubó na galing sa Hawaii sa hilagang Queensland. Nakalulungkot, pinili ng mga palakang-tubó ang ibang saganang pagkain sa halip na ang uwang-tubó, anupat mabilis na dumami, at naging ang mismong pangunahing peste sa buong hilagang-silangang Australia.

Susunugin Mo Muna Bago Gapasin?

Di-nagtagal, nang gumabi na, nagmasid kami nang may pagtataka habang sinusunog ng isang lokal na magsasaka ang kaniyang magulang na pananim na tubó. Sa loob ng ilang segundo, ang maliit na taniman ay naging isang malaking sunog na may mga liyab na pumapailanlang nang napakataas sa kalangitan sa gabi. Ang pagsunog sa tubó ay nakatutulong upang maalis ang di-kinakailangang mga dahon at iba pang bagay na maaaring makapagpabagal sa paggapas at pagkabyaw. Subalit nito lamang kamakailan, may lumalagong kalakaran ng paggapas na hindi na patiunang nagsusunog nang napakalaki. Ang pamamaraang ito ay tinatawag na paggapas sa berdeng tubó. Hindi lamang nito pinalalaki ang ani sa asukal kundi nag-iiwan din ito sa lupa ng isang nagsasanggalang na takip ng mga dahon, na nakatutulong naman sa paghadlang sa pagkaagnas ng lupa at pagtubo ng mga panirang-damo.

Bagaman sa maraming bansa na doo’y nagtatanim ngayon ng mga tubó, ginagapas pa rin nang manu-mano ang pananim na ito, dumarami ang mga bansa na gumagapas ngayon sa pamamagitan ng malalaking makina na tumatagpas ng tubó. Ang mga dambuhalang ito ay bumabagtas sa gitna ng matataas na punò ng tubó, inaalis ang dulo at ang mga di-kanais-nais na mga dahon ng punò at pagkatapos ay karaka-rakang pinuputol ang mga ito nang maiikli, o pira-piraso, anupat handa nang iproseso sa kabyawan. Samantalang ang isang tagagapas ng tubó ay maaaring gumapas, sa katamtaman, ng 5 tonelada ng tubó bawat araw na ginagamit ang nakapapagod na manu-manong pamamaraan, ang mga makinang panggapas naman ay maaaring makapagproseso ng hanggang 300 tonelada bawat araw nang napakadali. Bawat bukirin ay maaaring gapasin taun-taon sa loob ng ilang taon bago bumaba ang naaaning asukal at ang mga halaman ay kailangan nang palitan.

Kapag ang tubó ay naputol na, ang mabilis na proseso ay napakahalaga, sapagkat ang asukal sa nagapas na tubó ay madaling nawawala. Upang mapabilis ang madaliang pagbiyahe patungo sa mga kabyawan, isang makitid na riles ng tren na mga 4,100 kilometro ang haba ang nagseserbisyo sa mga tagapagtanim ng tubó sa Queensland. Ang maliliit na tren na naglalakbay sa mga riles na ito ay isang makulay na tanawin habang binabagtas ng mga ito ang kabukiran, habang hila ang dose-dosenang bagon na punung-puno ng tubó.

Papunta sa Kabyawan

Ang paglilibot sa kabyawan ay isang kawili-wiling karanasan. Ang unang tatambad sa paningin ay ang mga hanay ng mga bagon ng tubó na naghihintay na idiskarga. Malalaking panggutay at rodilyo ang pumupulbos sa tubó, anupat pinipiga ang katas na asukal mula sa himaymay. Ang natirang himaymay, o bagaso, ay pinatutuyo at ginagamit na gatong na pampaandar sa buong kabyawan. Ang sobra rito ay ipinagbibili rin sa mga tagagawa ng papel at mga materyales sa pagtatayo para magamit sa kanilang mga produkto.

Pagkatapos ang dumi sa katas na asukal ay inaalis, anupat naiiwan ang nalinis na katas. Ang nasalang dumi, na tinatawag na putik, ay ginagamit sa abono. Ang isa pang kakambal na produkto, ang pulot-tubó, ay ginagamit bilang pagkain para sa hayupan o bilang isang likas na materyales sa pagdistila sa rum (alak) at pang-industriyang alkohol. Ang maraming gamit ng tubó at ang kahusayan ng mga proseso sa pagkabyaw ay tunay na kahanga-hanga.

Ang katas ay saka naman ginagawang arnibal sa pamamagitan ng pagpapasingaw sa labis na tubig habang ito’y pinakukulo, at ito ay binubudburan ng maliliit na butil ng asukal. Ang mga butil na ito ay lumalaki hanggang sa ninanais na laki. Pagkatapos ay hinahango ang mga ito mula sa halo at pinatutuyo. Ang resulta ay hilaw na pulang asukal. Ang higit pang pagpapadalisay ang magpapabago sa hilaw na asukal na ito tungo sa pamilyar na dinalisay na puting asukal na karaniwan nang matatagpuan ng marami sa mga mesang kinakainan.

Marahil ang iyong tsaa o kape ay higit na tatamis ang lasa matapos ang kawili-wili at nakapagtuturong paglilibot na ito sa matubóng rehiyon. Siyempre pa, kung ikaw ay may diyabetis, baka kailangang kalimutan mo muna ang asukal at marahil ay gumamit ng ipanghahalili.

Walang-alinlangan, tayo ay humanga sa dunong at pagkamalikhain ng Isa na nagdisenyo at pagkatapos ay nagpangyari na tumubo nang gayon karami ang pambihirang halamang ito, ang tubó​—tunay na isang higante sa mga damo!

[Kahon sa pahina 22]

Iyon ba ay Beet o Tubó?

Ang asukal ay ginagawa mula sa dalawang pangunahing pananim sa daigdig. Ang tubó ay pangunahin nang itinatanim sa mga lugar na tropiko at siyang pinanggagalingan ng di-kukulangin sa 65 porsiyento ng produksiyon ng asukal sa daigdig. Ang natitirang 35 porsiyento ay galing sa mga sugar beet, na itinatanim sa mga may mas malalamig na klima, gaya ng Silangan at Kanlurang Europa at Hilagang Amerika. Ang mga asukal ng mga ito ay magkahawig sa kimikal na paraan.

[Larawan sa pahina 23]

Tubó na sinusunog muna bago gapasin

[Larawan sa pahina 23]

Mekanikal na pang-ani ng asukal. Hinihila ng traktora ang isang treyler

[Picture Credit Line sa pahina 21]

Lahat ng larawan sa pahina 21-4: Queensland Sugar Corporation