Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Pinakamagandang Tagagubat”

“Ang Pinakamagandang Tagagubat”

“Ang Pinakamagandang Tagagubat”

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA SWEDEN

UNA ko itong nakita isang araw ng Hunyo​—“ang pinakamagandang tagagubat,” gaya ng tawag dito ng ilang tagarito. Ito ay ang napakalaking abuhing kuwago, o, gaya ng pagkakilala rito kung minsan na, ang kuwagong Lapland.

Ang kabigha-bighaning higanteng kuwagong ito ay naninirahan sa ilang dako ng Finland at gawing hilaga ng Sweden gayundin sa gawi pa roon pasilangan ng Siberia, Alaska, at Canada. Ito’y nagtatago at napakahirap makita kung hindi mo alam ang pugad nito. Kapag nakita mo na ang pugad, matutuklasan mo rin na talagang hindi matatakutin ang kuwagong ito.

Pag-aaral sa Maninila

Nagawa kong pag-aralan ang may maninipis na marka na lalaking kuwagong Lapland habang naghahanap ito ng pagkain. Ito’y bigla na lamang lilipad mula sa isang sanga at susubuking silain ang isang daga. Nadagit ba niya ang kaniyang sisilain? Aba, oo! Kitang-kita ko ang isang maliit na daga na nakabitin sa mga kuko nito habang pumapaitaas ito sa mabagal at kahanga-hangang paglipad sa pamamagitan ng pagkálalakíng pakpak na bumuka nang 140 centimetro mula sa dalawang dulo ng magkabilang pakpak.

Ang kuwagong Lapland ay hindi regular na nangingitlog taun-taon na di-tulad ng maraming ibang kuwago. Ang higanteng kuwagong ito ay kumakain lamang ng maliliit na daga, kaya may mga taon, kapag kakaunti ang suplay nito, ang pangingitlog ay ganap na humihinto. Sa ibang mga taon naman, kapag maraming makakain, maaaring nagkakaroon ng apat o higit pang inakay sa bawat pugad.

Pagpili ng Asawa

Ang mga kuwago ay nagpaparami kung panahon ng tagsibol, at ang babae ay maingat na pumipili ng kaniyang asawa, bagaman hindi pangunahin sa kaniya ang mabikas na hitsura ng kaniyang manunuyo​—na tulad marahil ng maraming kababaihan sa kaurian ng mga tao. Ayon sa pag-aaral ng ilang tagamasid ng ibon, kailangang ipakita ng lalaki na siya’y isang magaling na maninila. Bago gumawa ng anumang plano para sa isang pamilya, kailangan muna niyang paglaanan ng pagkain ang babae.

Kapag maraming mahuhuling daga at ang lalaki ay isang magaling na “tagapagpakain,” ang pagkaing ibinibigay niya sa babae ay magpapataba rito. Ang karagdagang bigat na ito ang nagsisilbing hudyat sa kaniyang katawan, na nagpapahiwatig kung ilang itlog ang ilalabas nito.

Ang lalaki ang siya ngayong tanging may pananagutan sa paninila, na nangangailangan ng lubusang lakas. Siya’y inuudyukan ng nakikiusap na pagtawag ng babae, yamang ang buong lakas nito ay nakabuhos naman sa pangingitlog at pangangalaga sa mahahalagang kayamanang ito.

Paghahanap ng Pugad

Sa pamamagitan ng aking largabista, napagmasdan ko ang magandang lalaking ibon habang regular siyang dumaraan sa itaas na may dalang nasila. Sa wakas, nakita ko rin ang pugad. Ang mga kuwagong Lapland ay hindi gumagawa ng sarili nilang mga pugad kundi nang-aagaw sila ng mga pugad na yari sa maliliit na sanga mula sa ibang ibong maninila na naninirahan sa kagubatan. Kapag walang pugad, ang kuwago ay maaaring gumamit ng isang natuyong tuod.

Sa loob ng pugad, nakita ko ang dalawang mabalahibong sisiw na nanlalaki ang mga mata sa pagtitig nang may pagtataka sa mga nakapalibot sa kanila. Sa sabay-sabay na nagmamakaawang pagsiyap, ibinaling nila ang kanilang gutóm na mga mata sa kanilang inahin, na nakaupong nagbabantay sa malapit. Maaaring mapanganib kung lalapitan mo nang husto ang mga inakay sa sandaling ito. Kapag nadama ng inahin na nanganganib ang kaniyang mga inakay, ito’y tahimik na lilipad palapit at sasalakayin ang nakikialam sa pamamagitan ng matutulis na kuko nito. Kaya mahalagang mag-ingat at pag-aralan ang mga kuwago sa angkop na distansiya.

Pagpapakain at Pagsasanay

Pagdating sa pugad, ililipat ng lalaki ang nasila mula sa kaniyang mga kuko tungo sa kaniyang tuka at ibibigay ang daga sa isa sa mga inakay. Ang pagpapakain sa isang inakay ay sinasabayan ng pagkalalakas na pagsiyap ng ibon na siyang susunod na susubuan.

Matapos na makain ng isang inakay ang hinahangad nito, nagpapakita ito ng halos katawa-tawang pagbabago sa pagkilos. Ang hitsura ng mukha nito, na hanggang sa sandaling iyon ay masigla at alerto, ay biglang magbabago, at ang sisiw ay kikilos na parang lasing! Lahat ng kaniyang lakas ay nakabuhos sa pagtunaw sa pagkain, at maya-maya’y matutumba ito na parang isang lumiit na bunton ng malambot at mahimulmol na balahibo. Ngunit ang kapatid nito na nasa pinakatabi niya ay unti-unti nang dumidilat ang mga mata at nawawala na ang nakalalasing na epekto ng huling pagpapakain dito.

Sa ganitong paraan nagpapatuloy ang mga bagay-bagay hanggang sa kalagitnaan ng Hunyo. Pagsapit ng panahong iyon ay apat na linggo na ang edad ng mga inakay at maaari nang ipagaspas ang pakpak papalabas ng kanilang pugad, sa udyok na tawag ng kanilang inahin. Sa pasimula, paakyat-akyat muna sila sa mga punungkahoy, taglay ang kadalubhasaan. Doon ay walang gaanong panganib mula sa maninilang hayop na di-gaya sa lupa.

Sa kalaunan, ang mga sisiw ay nagpapalipat-lipat na sa mga sanga sa pamamagitan ng kanilang mga pakpak, anupat nagsasanay nang lumipad. Pagkaraan, nagkakaroon na ang mga ito ng sarili nilang kakayahan sa paglipad at paninila. Nagbabago rin ang kanilang anyo, upang sila rin ay maituring na ‘magagandang tagagubat.’

[Picture Credit Lines sa pahina 18]

© Joe McDonald

© Michael S. Quinton

[Picture Credit Lines sa pahina 19]

© Michael S. Quinton

© Michael S. Quinton