Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nakikita Mo ba ang Higit Pa sa Nakikita ng Iyong Mata?

Nakikita Mo ba ang Higit Pa sa Nakikita ng Iyong Mata?

Nakikita Mo ba ang Higit Pa sa Nakikita ng Iyong Mata?

KARANIWANG hindi nakikita ng mga tsuper ng kotse ang kasalubong sa isang kurbang sarado. Subalit sa tulong ng isang salamin na nakalagay sa kurba, nakikita ang parating na sasakyan at naiiwasan ang mga aksidente. Sa katulad na paraan, aktuwal na hindi nakikita ng mga tao ang isang di-nakikitang Maylalang. May paraan ba upang malaman na umiiral nga ang Isang iyon?

Binanggit ng isang manunulat noong unang siglo kung paano natin mauunawaan ang hindi natin nakikita. Siya’y sumulat: ‘Ang di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula sa paglalang sa sanlibutan patuloy, sapagkat napag-uunawa ang mga iyon sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, anupat sila’y di-mapagpapaumanhinan.’​—Roma 1:20.

Pag-isipan iyan. Nakikita mo ba ang katalinuhan na nasasalamin sa mga bagay sa palibot natin na wala sa kakayahan ng tao na lalangin? Tumutulong ba sa iyo ang gayong mga bagay upang makita mo sa pamamagitan ng “mga mata ng iyong pang-unawa” na may isa na nakahihigit sa tao? Isaalang-alang natin ang ilang halimbawa.​—Efeso 1:18, King James Version.

Pagkatuto Mula sa Paglalang

Namamangha ka ba sa kariktan ng isang maningning at mabituing kalangitan sa isang gabing walang buwan, anupat nakikita rito ang katibayan ng isang Dakilang Maylikha? “Ang langit ay naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay isinasaysay ng kalawakan,” ang bulalas ng isang sinaunang tagamasid. “Kapag tinitingnan ko ang iyong mga langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda,” ang taong ito ay nagtanong, “ano ang taong mortal anupat iniingatan mo siya sa isipan, at ang anak ng makalupang tao anupat pinangangalagaan mo siya?”​—Awit 8:3, 4; 19:1.

Natural lamang para sa atin na mamangha sa mga paglalang na lubhang kahanga-hanga upang makopya ng mga tao. Isang bantog na taludtod ng tula ang nagsasabi: “Tanging Diyos ang makagagawa ng isang punungkahoy.” Gayunman, higit pang kamangha-mangha ang paglalang sa isang sanggol, na nangyayari nang walang anumang patnubay sa paglalang mula sa mga magulang. Kapag ang binhi mula sa ama ay sumasama sa isang itlog mula sa ina, ang mga plano ay agad na iginuguhit sa DNA ng isang bagong nabuo na selula upang maging isang bata. “Kung isusulat,” sabi nga, ang mga instruksiyon sa loob ng DNA “ay pupuno ng isang libong aklat na may tig-600 pahina.”

Pasimula pa lamang iyan. Ang orihinal na selula ay nahahati at nagiging dalawa, pagkatapos ay apat, pagkatapos ay walo, at patuloy. Pagkaraan ng mga 270 araw, ang isang sanggol na binubuo ng libu-libong milyon ng nabubuhay na mga selula ng mahigit na 200 uri ay isinisilang. At isipin lamang na ang orihinal na selula ay nagtataglay sa loob nito ng impormasyon upang gawin ang lahat ng iba’t ibang uri ng mga selula at gawin ang mga ito sa tamang-tamang panahon! Ikaw ba’y naaantig na purihin ang ating Maylalang? Pansinin ang papuring binanggit ng salmista na sumulat: “Ikaw mismo ang gumawa ng aking mga bato; iningatan mo akong natatabingan sa tiyan ng aking ina. Pupurihin kita sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin.”​—Awit 139:13-16.

Yaong mga nakapag-aral sa “mga himalang” ito ay labis na humahanga. Si Dr. James H. Hutton, nakaraang presidente ng mga samahang Pangmedisina ng Estado ng Chicago at Illinois, ay nagsabi na siya’y nalilipos ng paghanga sa “makahimalang kakayahan [ng selula] na magpasa sa susunod na mga selula ng impormasyon na gusto nilang paramihin. Talagang kamangha-mangha na natutuhan ng ating mananaliksik na mga siyentipiko ang mga bagay na ito. Subalit tiyak na may Banal na Karunungan na nagplano ng mga kababalaghang ito.”

Nagpatuloy pa si Dr. Hutton: “Sa sakop ng aking pagdadalubhasa sa endocrinology, ang pag-aaral sa mga gawain ng endocrine at ng mga karamdaman sa mga glandulang ito ay lalo pang nagpatibay sa pananalig na isang Banal na Kapangyarihan ang tiyak na nasa likuran ng kamangha-manghang kasalimuutan at pagkilos ng mahahalagang sangkap na ito.” Siya’y naghinuha: “Para sa akin ang pagdidili-dili sa mga kababalaghang ito ay nakakakumbinsing dahilan upang maniwala na may isang walang hanggan ang kapangyarihan at karunungan ang nagplano ng sansinukob na ito, nagpakilos dito at nangangasiwa rito.”

Pagkatapos gawin ang mga obserbasyong ito, si Dr. Hutton ay nagtanong: “Siya ba ay isang personal na Diyos na nakaaalam sa bawat maya na nahuhulog?” Sumagot siya: “Sa paano man ay duda ako riyan. Ni naniniwala man ako na nagbibigay Siya ng pansin lalo na sa aking hindi mahalagang pang-araw-araw na mga gawain.”

Bakit kinikilala ng marami na nakikita ang katalinuhan sa “mga himala” ng paglalang subalit pinag-aalinlanganan ang pag-iral ng isang personal na Diyos na nagmamalasakit sa sangkatauhan?

Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?

Marami ang nangangatuwiran na kung mayroong Diyos, hindi niya papayagan na labis na maghirap ang mga tao. Ang karaniwang itinatanong ng ilan ay, “Nasaan ang Diyos nang kailangan namin siya?” Isang tao na nakaligtas sa pagpaslang ng mga Nazi sa milyun-milyon noong Digmaang Pandaigdig II ay nagdalamhati ng gayon na lamang sa paghihirap na nakita niya anupat nasabi niya: “Kung madidilaan mo lamang ang aking puso, malalason ka sa pait nito.”

Kaya para sa marami ito’y isang problema. Gaya ng sinabi ng sinaunang tagamasid na binanggit kanina, ang katibayan ng isang Maylalang ay maliwanag kung susuriin natin ang makahimalang kaayusan at disenyo ng mga bagay-bagay. Gayunman, kung Siya ay isang Diyos na nagmamahal sa atin, paano nga Niya mapapayagan ang gayong kakila-kilabot na paghihirap? Upang maunawaan natin at masamba ang Diyos sa tamang paraan, dapat tayong magkaroon ng kasiya-siyang kasagutan sa mahalagang katanungang iyan. Saan natin masusumpungan ito?

Inaanyayahan ka naming kumuha ng isang kopya ng brosyur na Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos? Sa pahina 32 ng Gumising! na ito, malalaman mo kung paano ka makahihiling ng isa nito. Inaakala namin na ang maingat na pagsusuri sa mga bahaging “Kung Bakit Pinayagan ng Diyos ang Paghihirap” at “Ano ang Ibinunga ng Paghihimagsik?” ay magbibigay sa iyo ng kasiya-siyang mga kasagutan.

[Mga larawan sa pahina 10]

Nakikita mo ba sa mga bagay na ito ang katibayan ng isang Maylalang?