Pagdalaw sa “Pinakamatandang Lunsod ng Russia”
Pagdalaw sa “Pinakamatandang Lunsod ng Russia”
KAMI ng aking asawa, si Linda, ay dumating sa Moscow noong Hulyo 1998 dahil sa isang atas sa trabaho. Ngayon pa lamang kami nakarating ng Russia, at sabik kami na matuto tungkol sa bansa, sa wika nito, at sa mamamayan nito.
Di-nagtagal pagdating namin, napansin ko ang nakapupukaw-interes na bagay na waring inukit sa likod ng berdeng limang-ruble na salaping papel. Ipinakita roon ang isang gaya ng ika-14 o ika-15 siglong kuta na yari sa ladrilyo na nanununghay sa isang ilog, at sa likod nito ay may isang isla at isang lawa. Sa isang sulok ay waring nakaukit din ang pangalan ng lugar: Novgorod.
Nagtanong ako sa mga taga-Moscow tungkol dito. Alam nilang lahat ang tungkol sa Novgorod, ngunit isa lamang sa mga tinanong ko ang aktuwal na nakarating doon. Sinabi sa akin na wala pang 550 kilometro ang layo nito mula sa Moscow, isang magdamag na biyahe sa tren sa daang patungo rin sa St. Petersburg. Ipinasiya naming mag-asawa na pumaroon.
Ang Biyahe Namin Patungong Novgorod
Yamang nakabili na ako noon ng mga tiket patungong St. Petersburg, alam ko na kung saan bibilhin ang mga ito. Ang numero ng aming bagon at silid ay nakalimbag sa aming mga tiket. Dumating kami sa istasyon ng tren nang mag-aalas nuwebe na noong isang gabi ng nakaraang Setyembre at namalagi sa aming pribadong silid sa bagon numero 5.
Kasabay ng langitngit at pagkatapos ay pumapalag na pag-alug-alog, ang bagon ay pagiwang-giwang na umabante. Paulit-ulit na nangyari ito sa buong magdamag, yamang kami’y lulan ng isang pampublikong tren. Hihinto kami, at pagkaraan ng ilang minuto, isa pang tren ang dadagundong sa pagdaan. Lilipas pa ang ilang minuto habang kami ay nakaistasyon sa isang tabi sa katahimikan ng gabi. Pagkatapos ay bibitiwan na ang mga preno, at ang aming bagon ay papalag, lalangitngit, huhugong at, sa wakas, bubuntot na sa tren. Saka naman ako muling makakatulog.
Ang konduktora sa aming bagon ay kumatok sa aming pinto ilang sandali bago kami dumating sa Novgorod. Napakaraming tao sa istasyon ng tren, kahit na alas siyete pa lamang ng umaga. Sa isang istante ng diyaryo, nakakita kami ng isang mapa ng lunsod at nagtanong din kami sa tagapagtinda kung magkano ang bayad sa taksi patungo sa aming otel. Sa halagang 20 ruble (mga 70 cents), isinakay kami ng drayber ng taksi sa kaniyang Russian Lada patungo sa aming otel, sa kabila ng Ilog Volkhov—ang ilog na waring nakaukit.
Sinabi sa amin ng drayber na ang asawa lamang niya ang Ruso at hindi siya. Kaya siya ay naninirahan sa Russia. Pinatuloy kami ng resepsiyonista sa otel at pinayagan pa nga kaming marehistro, bagaman 7:30 n.u. pa lamang. Binigyan niya kami ng mga ideya kung saan magandang pumunta. Naglakad kami sa tabi ng ilog at pagkatapos ay nag-almusal.
Nakakita kami ng isang parke na may maayos na nagupitang damuhan at mga tinabas na
punungkahoy. Ang pasyalan sa tabi ng ilog ay namumutiktik sa nagkakalipumpon na mga palamuting bulaklak. Bagaman may mga turista—paminsan-minsan ay dumarating ang bus na gawa sa Korea na may sakay na isang grupo ng turista—ang Novgorod ay hindi isang bayang panturista. Karamihan sa mga taong nakita namin ay mga Ruso.Sinabi sa amin ng maraming residente roon na ang Novgorod ang pinakamatandang lunsod ng Russia. Sinasabi na ito’y mahigit nang 1,100 taon. Ang nagpapatunay sa relihiyosong pamana nito ay ang napakaraming matatandang simbahan sa palibot ng lunsod. Sa isang mapa, si Linda ay nakabilang ng 25 doon lamang sa lugar na kinaroroonan ng otel.
Nakakita kami ng isang tore sa loob ng kremlin—hindi ang Kremlin sa Moscow; ang “kremlin” ay Rusong salita para sa “kuta ng lunsod.” Ang tore ay mararating hanggang sa tuktok nito. Sa halagang 5 ruble (wala pang 20 sentimo), pinahintulutan kaming umakyat sa paikid na hagdan hanggang sa tuktok. Inihambing ko ang tanawin sa larawang nasa limang-ruble na salaping papel. Naglakihan na ang mga puno, at nilagyan na ng bubong ang nilalakaran sa pader ng kremlin. Subalit naroon ang Ilog Volkhov—ang mismong ilog at ang mismong isla at lawa na nasa gawing likuran sa larawan. Ang crane lamang na naghuhukay sa ilog ang wala sa larawan.
May napansin kaming pambihirang bagay noong ikalawang araw namin sa Novgorod.
Bagaman ang lunsod ay itinuturing na maliit ng mga Ruso—sa kabila ng populasyon nito na 250,000—natatandaan kami ng mga tao rito at ang mga bagay-bagay tungkol sa amin! Natandaan ng serbidora sa otel na nagkita na kami noong sinundang araw. Natandaan niya na gusto namin ng kape, at patuloy niya kaming hinahatdan nito. Natandaan din niya na ayaw namin ng juice kaya hindi na siya nagtanong kung gusto namin nito noong ikalawang araw. Nang hingin ko ang bayarin namin, ngumiti si Olga—natandaan ko ang pangalan niya—at nagsabi, habang nakatitig sa akin, “Ang numero ng kuwarto ay 356, di ba?”Noong Linggo, libu-libong tao ang dumagsa sa kremlin, sa tulay na tawiran ng tao na nagdurugtong sa magkabilang ibayo ng Ilog Volkhov, sa mga lansangan, at sa pasyalan. Bumili si Linda ng popcorn sa isang nagtitinda sa lansangan malapit sa tulay na tawiran ng tao, na—gaya ng hula mo!—nakaalala na nakita siya noong sinundang araw.
Nang bumalik kami upang umakyat muli sa tore para pagmasdang muli ang tanawin, nginitian kami ng batang babae na kumukuha ng bayad sa pagpasok at nagsabi: “Narito kayo kahapon, hindi po ba? Buweno, nakapagbayad na kayo kahapon, kaya hindi na kayo kailangang magbayad na muli.”
Nakita namin si David, isang kaibigan na matagal na naming kakilala sa New York. Nakapag-asawa siya ng isang Rusong babae, si Alyona, at sila’y naninirahan ngayon sa Novgorod, naglilingkod bilang mga ministro sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Nagtagpo kami sa harapan ng Detinets Restaurant, na itinayo mismo sa pader sa itaas ng kremlin. Doon kami hinainan ng pinakamasarap na pagkaing Ruso na noon pa lamang namin natikman. Ang bagay na ito’y mura ay isa pang bonus. Ang pagkain na inihahain sa tatlong uri (salad, sopas, pangunahing putahe, kape, at panghimagas) ay nagkakahalaga ng mga $6.
Ang Novgorod ay isang lunsod na may palakaibigang mga tao na nakaalaala sa amin, may masasarap na pagkain, at sagana sa kasaysayan at pagkasari-sari na nagpapangyari rito na maging kawili-wili. Babalikan namin ito.—Isinulat.
[Mga larawan sa pahina 22, 23]
Ang limang-ruble na salaping papel ng Russia, at isang magandang larawan ng mismong tanawin ng Novgorod
[Larawan sa pahina 23]
Ang kremlin, mula sa Ilog Volkhov
[Larawan sa pahina 24]
Pagtawid sa tulay na tawiran ng tao sa Volkhov River
[Larawan sa pahina 24]
Ang relihiyon ay prominente sa Novgorod sa loob ng dantaon