Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Nangungunang Gumagamit ng Tabako sa Daigdig
Ang Tsina ay “ang pinakamalaking tagagawa at tagakonsumo ng tabako sa daigdig,” ang pag-uulat ng The Journal of the American Medical Association. “Sa populasyon ng Tsina na 1.2 bilyon, mahigit na 300 milyong lalaki at 20 milyong babae ang mga naninigarilyo.” Inilabas ng mga doktor mula sa Chinese Academy of Preventive Medicine at sa Chinese Association on Smoking and Health, sa Beijing, kasama na ang mga doktor mula sa Kanluran ang mga resulta ng isang pambansang surbey sa mahigit na 120,000 tumugon. Ang kanilang konklusyon? Ang Tsina ay nasa “maagang yugto ng isang epidemya sa tabako,” at “hindi kukulangin sa 50 milyong naninigarilyong Tsino na nabubuhay sa ngayon ang inaasahang mamamatay nang wala sa panahon.” Ang katamtamang edad ng mga naninigarilyo sa unang pagkakataon sa Tsina ay bumaba nang mga tatlong taon mula noong 1984, mula sa edad na 28 tungo sa 25, ang sabi ng ulat. Kakaunti lamang ang nakatatanto na ang paninigarilyo ay maaaring pagmulan ng kanser sa baga at sakit sa puso.
Kapag Nagmamalasakit ang mga Magulang
“Sinasabi ngayon ng mga siyentipiko na ang lihim sa tagumpay ng isang bata ay isang magulang na nagmamalasakit hinggil sa kaniyang pagkatuto—at ipinakikita ito,” ang sabi ng The Toronto Star. Magkasamang sinubaybayan ng Statistics Canada at ng Human Resources Development Canada ang paglaki at kalusugan ng 23,000 batang taga-Canada na may edad 4 hanggang 11 mula noong 1994. May katibayan, na karamihan sa mga magulang na taga-Canada ay nagpakita ng masiglang interes sa pag-aaral ng kanilang mga anak, lalo na sa unang mga baytang sa paaralan. Sinasabi ng ulat na “95 porsiyento ng mga bata na edad 10 at 11 ang nagsasabi na pinatitibay-loob sila ng kanilang mga magulang sa lahat o sa karamihan ng pagkakataon na pagbutihin nila ang pag-aaral” at na 87 porsiyento ng mga magulang ang “nagbabasa kasama ng kanilang mga anak araw-araw mula Grade 1 hanggang 3.” Si Mary Gordon, administrador ng mga programa sa pagpapalaki ng anak para sa Toronto District School Board, ay nagsabi: “Alam na namin ngayon na hindi mo kailangang maging mayaman o edukado upang maging mahusay na magulang ngunit kailangan mong maging presente, alerto at interesado.” Idinagdag pa niya: “Ang ugnayang may pagmamalasakit ang siyang nagpapasulong ng mga isip, at ito’y unang nagaganap sa tahanan.”
Mga Tin-edyer at mga Telepono
Ang mga tin-edyer ay kilala sa pakikipag-usap sa telepono. “Ginagamit nila ang telepono para sa kasiyahan o kapag nababagot sila,” ang sabi ng lingguhang pahayagan sa Poland na Przyjaciółka. Gayunman, marami ang maaaring hindi nagsasaalang-alang kung gaano na sila katagal sa paggamit ng telepono o hindi nakababatid sa halaga ng isang tawag. Ano ang solusyon? Iminumungkahi ng magasin na ang mga kabataan ay hilingang magbayad sa kahit na bahagi lamang ng bayarin sa telepono. Inirerekomenda nito ang pagpapaalaala sa mga tin-edyer na “ang telepono ay dapat na ibahagi at na nais din ng iba na gamitin ito paminsan-minsan.”
Mahuhusay Bumaril na Beetle
“Ang mabibilis na kuha ng larawan ay nagbigay sa mga siyentipiko ng kaunawaan sa mga mekanismo na nagpapangyari sa bombardier beetle (isang uri ng salagubang) na gumawa ng pinakaasintadong tira taglay ang pinakaepektibong sandata sa daigdig ng mga insekto,” ang ulat ng pahayagang Independent sa London. Sa paggamit ng isang pares ng tulad-kalasag na mga pambanda sa dulo ng katawan nito, maaaring ipuntirya ng beetle nang eksaktung-eksakto ang isang pulandit ng mainit na mga asido sa isang potensiyal na kalaban at patayin ito sa loob ng wala pang isang iglap. Yamang ang beetle ay hindi tinatablan ng likidong ito, maipagsasanggalang din nito ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pag-iisprey ng likido sa espesipikong mga bahagi ng sarili nitong katawan, kabilang na ang likod nito, kapag inaatake ng mas maliliit na kuyog ng mga insekto, tulad ng mga langgam. Ang mga siyentipiko sa Cornell University, sa Ithaca, New York, na kumuha ng larawan sa beetle habang kumikilos ito ay nagsabi: “Bagaman dati nang alam na kayang ituon ng mga bombardier beetle ang kanilang isprey sa pamamagitan ng pagpapaikot sa dulo ng puson nito, ang antas ng pagiging eksaktung-eksato sa pag-asinta ng mga ito sa mga pulandit ay hindi napansin noon.”
Pagngangalit sa Kusina
“Ang pagiging lalong komplikado ng hi-tech na mga kasangkapan sa tahanan ay nag-udyok ng mga silakbo ng ‘pagngangalit sa kusina,’ ” ang ulat ng pahayagang Independent sa London. Ang nasiphayong mga maybahay ay “nakatuklas na hindi sila makapagluto sa microwave ng isang tasa ng sopas, makapaglaba [sa washing machine] ng isang pares ng medyas o makagamit ng blender na may mixer nang hindi gumugugol nang ilang oras sa pagbabasa ng isang manwal.” Sinasabi ng mga sikologo na pinahihintulutan ng makabagong teknolohiya ang mga disenyador na ilakip sa mga kasangkapan ang napakaraming mga bahagi, at kanilang tinukoy ang isang karaniwang video player bilang pangunahing halimbawa ng pagiging labis-na-komplikado. Si Cary
Cooper, propesor ng sikolohiya sa Manchester University, ay nagpaliwanag: “Ang mga tao ay napapaharap sa bagong teknolohiya sa dako ng kanilang trabaho saanmang lugar ito, at pag-uwi nila ay nais nila ang isang mas simpleng buhay na hindi nagpapaalaala sa kanila ng trabaho.”Panganib ng Hilaw na Pasibol
Pagkatapos ng pagdami sa mga ulat ng sakit na mula sa pagkain, pinayuhan ng U.S. Food and Drug Administration ang mga mamimili na sinumang nagnanais bawasan ang panganib ng sakit na mula sa pagkain ay dapat umiwas sa pagkain ng hindi lutong pasibol ng butil, ang ulat ng magasing FDA Consumer. Gustung-gusto ng maraming tao ang hilaw na alfalfa, clover, o toge. Gayunman, naugnay ang mga ito sa paglaganap ng impeksiyon dahil sa baktirya sa ilang bansa, ang sabi ng The New York Times. Ang maliliit na bata, may-edad, at yaong may mahihinang sistema ng imyunidad ay lalo nang madaling kapitan. Sinubok ng mga mananaliksik ang iba’t ibang mga paraan sa pagsugpo sa baktirya, kabilang na ang paghuhugas sa mga pasibol sa mga solusyon ng klorina o alkohol, ngunit hindi lubos na epektibo. Ipinaliwanag nila na “ang halumigmig at maiinit na temperatura sa proseso ng pagpapasibol ay naglalaan ng angkop na mga kalagayan upang dumami ang mga organismo,” ang sabi ng Times.
Ang mga Wika sa London
Ang mga batang mag-aaral sa London, Inglatera, ay nagsasalita ng hindi kukulangin sa 307 wika, ang ulat ng pahayagan ng lunsod na iyon na The Times. Si Dr. Philip Baker, isa sa mga awtor ng unang surbey sa mga wika na kasalukuyang sinasalita sa London, ay nagtaka sa pagkakaiba-iba ng mga ito. Sinabi niya: “Lubhang nakatitiyak kami ngayon na ang London ay ang lunsod na may pinakamaraming sinasalitang wika sa daigdig, mas marami pa kaysa sa New York.” Hindi kasali sa bilang na 307 ang daan-daang diyalekto at maaaring masyadong mababang pagtasa ito. Dalawang-katlo lamang sa 850,000 batang mag-aaral ng lunsod ang nagsasalita ng Ingles sa tahanan. Ang pinakamalaking grupo na nagsasalita ng banyagang wika ay nagmula sa sub-kontinente ng India. Hindi kukulangin sa 100 wikang Aprikano ang sinasalita. Sa isang paaralan lamang, ang mga mag-aaral ay nagsasalita ng 58 wika.
Pagsalakay ng Fungus!
Ang alipunga (athlete’s foot), isang makirot na impeksiyong bunga ng fungus sa mga daliri at mga talampakan ng paa, ay mabilis na lumalaganap sa Alemanya, ang ulat ng magasing-pambalita na Der Spiegel. Isa sa 5 Aleman ay nagdurusa mula rito, at sa iba pang bansa sa Europa, ay hamak na mas mataas ang antas ng impeksiyon. Ang mga pagkakataon na maimpeksiyon ay mas mataas saanman na ang mga tao’y naglalakad nang nakayapak sa isang kulong na dako—tulad ng mga sauna, swimming pool, o maging sa ilang gusaling panrelihiyon. Yamang ang mga selula (spore) ng fungus ay napakatibay, ang mga kasangkapan na pang-isprey o palanggana ng pampagaling sa impeksiyon sa paa (foot-disinfectant)—kung saan ang mga kimikal ay mayroon lamang ilang segundo upang tumalab—ay kadalasang nagpapalaganap ng alipunga sa halip na hadlangan ito. Paano mo maiingatan ang iyong mga paa? Inirekomenda ng espesyalista sa fungus na si Dr. Hans-Jürgen Tietz ang paggamit ng mga tsinelas na pampaligo sa lahat ng lugar kung saan lumalakad din ang iba. Ang pinakamahalaga ay pagpapanatiling tuyo ang iyong mga paa. Ang lubusang pagtuyo sa mga ito, lalo na sa pagitan ng mga daliri ng paa, ay humahadlang sa pagkakaroon at pagdami ng mga fungi.
Pag-aalis ng Asin sa Tubig-Dagat
Ang tubig-dagat ay kinukumberte sa tubig na naiinom sa isang plantang nag-aalis ng asin sa tubig-dagat (desalination plant) sa isang maliit na pulo sa ibayong baybayin ng Timog Australia, ang ulat ng pahayagang The Australian. Bagaman ang pag-aalis ng asin sa tubig-dagat (desalination) ay hindi na bago, “ipinagmapuri ang teknolohiya bilang isang pagsulong sa pag-aalis ng asin sa tubig-dagat sapagkat hindi ito nangangailangan ng mga kimikal,” ang sabi ng ulat. Upang masuplayan ang 400-miyembrong komunidad ng Penneshaw, sa Kangaroo Island, “sinisipsip ang tubig mula sa karagatan at puwersahang pinararaan sa isang pansala sa malakas na presyon upang alisin ang asin. Pagkatapos ay maaaring padaluyin nang ligtas pabalik sa dagat ang purong tubig-dagat, o tasik.” Bagaman malaki ang mga inaasahan para sa mas malawakang paggamit ng bagong sistema, nananatili itong mahal, bagaman mas mura ito kaysa sa tradisyunal na mga pamamaraan sa paglilinis ng tubig, ang sabi ng The Australian.
“Nasa Miting Siya”
Sa isang surbey ng 148 sekretarya na nagtatrabaho para sa mga tagapamahala ng malalaking kompanya, 47 porsiyento ang nagsabi na hinilingan sila ng kanilang mga amo na linlangin ang iba paminsan-minsan, ang ulat ng The Wall Street Journal. Sinabi ng isang sekretarya, isang marketing assistant sa Texas, na upang mapanatili niya ang kaniyang trabaho sa loob ng 30 taon, kailangan niyang sabihin sa mga tumatawag sa telepono na ang kaniyang amo ay “nasa miting,” kahit na ang kaniyang amo ay nag-iisa sa kaniyang opisina. Ang ilang kawalang-katotohanan ay maaaring lalo nang mapanganib, tulad ng pagsasabi sa isang asawang-babae na hindi mo alam kung nasaan ang kaniyang asawa na wala sa opisina. Isang sekretarya ang sinesante matapos niyang sabihin nang may katotohanan sa isang tumawag sa telepono na ang naantalang pambayad na tseke ay hindi pa naihulog sa koreo.