Ang Orihinal na Magtotroso ay Nagtatrabaho Pa Rin
Ang Orihinal na Magtotroso ay Nagtatrabaho Pa Rin
NAIMBENTO ng mga tao ang maraming kagamitan upang putulin ang kahoy, kasama na rito ang mga palakol, sinsel, splitter, at lagari. Mayroon ding mga traktora na may matatalas at malalaking gato na maaaring pumutol ng malalaking punungkahoy. Ngunit ang pinakamatatandang kagamitan na pamputol ng kahoy ay hindi gawang-tao. Iyon ay ang mahuhusay at matatalas na ngipin—yaong sa beaver, ang orihinal na magtotroso.
Ang isang beaver na nasa hustong gulang ay maaaring umabot nang humigit-kumulang sa 1.3 metro ang haba at tumimbang nang mahigit sa 27 kilo. Sa dahilang ang itaas at ibabang mga ngipin nito’y patuloy na lumalaki, dapat na madalas kikilin ng beaver ang mga ito. Ang suson ng matigas na enamel ang tumatakip sa harapan ng pang-ibabaw na ngipin nito, anupat nagpapangyaring magkaroon ang mga ito ng isang matalas at pahilis na talim. Nakakurbang papasók at pinatitibay ng napakalakas na mga kalamnan ng pangá, napuputol nang walang kahirap-hirap ng likas na mga pait na ito ang pinakamatitigas na kahoy.
Mainit na Pangginaw, Isang Buntot na Marami ang Gamit
Pinahahalagahan ng mga taong naninirahan sa malamig na klima ang gamit ng isang mainit at di-tinatagusan ng tubig na pangginaw. Buweno, hindi na kailangan ng beaver na mamili ng gayong kasuutang panlabas, yamang ito’y pinagkalooban ng isang makapal na pangginaw na balahibo. May kulay itong mula sa mapusyaw na kulay kape hanggang sa matingkad na kayumanggi, ang balahibo ng beaver ay may dalawang patong. Ang pang-ilalim na balahibo, ang makapal na panloob na pangginaw, ay binubuo ng mga pinung-pinong hibla na may nakahanay na maliliit na kawit na nagkakawing-kawing upang ipagsanggalang ang beaver mula sa tubig at lamig. Iniingatan ng mas mahahaba at mas makakapal na hibla ng pananggalang na balahibo ang pang-ilalim na balahibo at tumutulong sa beaver sa pag-aalis ng tubig sa katawan nito. Dahilan pa sa makináng na kintab at pagiging mala-pelus nito, hindi nga kataka-taka na gustung-gusto ng maraming tao ang mga damit na yari sa balat ng beaver! Aba, minsan ay nagsilbing isang uri ng pera sa Canada ang mga balat ng beaver!
Lahat ng beaver ay may dalawang pares ng kakaibang glandula sa pinakapunò ng buntot nito. Ang isa ay naglalaan ng isang pantanging langis, at ang isa naman ay gumagawa ng castoreum, isang masamyong likido na may malakas ngunit hindi naman masangsang na amoy. Ginagamit ng beaver ang mga likidong ito sa maraming paraan, kasama ang hindi pagtagos ng tubig sa balahibo nito at pang-akit sa ibang mga beaver. Kapaki-pakinabang rin sa mga tao ang castoreum, yamang ang mga gumagawa ng pabango ay ginagamit ito sa ilang mga pabango nila.
Bukod-tangi ang buntot ng beaver. Tulad sagwan ang hugis nito na halos 0.3 metro ang haba, at marami itong gamit. Halimbawa, kapag nasa tubig, ang
buntot ng beaver ay nagsisilbing timon para sa paglalayag. Kapag nasa lupa ginagamit ito upang maging matatag ang beaver habang nginangatngat ng hayop ang mga punungkahoy. Kapag may dumarating na panganib, hinahampas ng beaver ang buntot nito sa ibabaw ng tubig, anupat binababalaan ang ibang beaver na nasa malapit para manganlong. Gayunman, upang linawin ang isang maling palagay, hindi ginagamit ng beaver ang buntot nito bilang isang dulós ng kantero para maglagay ng putik sa mga prinsa nito.Pagkain at Tubig
Ano ba ang kinakain ng beaver? Ang pinakapaborito nito ay ang malambot na panloob na balat ng kahoy at ang mga bukó ng punungkahoy ng poplar at willow. Sa gayon, habang nagpuputol ng isang punungkahoy para sa isang proyekto ng pagtatayo, maaari ring masiyahan ang beaver sa isang masarap na pagkain. Kung minsan habang ang isang beaver ay abala sa pagngatngat sa isang punungkahoy, ang isa namang beaver ay palihim na aakyat at magnanakaw ng ilang masarap na balat ng kahoy mula sa lugar na hindi makikita ng kasama nito.
Sa panahon ng taglamig, ginagamit ng beaver ang isang kakaibang sistema ng pag-iimbak ng pagkain. Una, magdudukal ito ng isang malalim na hukay sa ilalim ng tubig—isang kahanga-hangang gawa na hindi gaanong mahirap, yamang kaya ng beaver na manatili sa ilalim ng tubig nang 15 minuto nang minsanan. Pagkatapos, tatambakan ng beaver ang ibabaw ng tubig ng mga sanga ng aspen, willow, at ng iba pang punungkahoy sa tapat ng butas na ginawa nito. Habang naibubunton ang mas maraming kahoy, sa
wakas ay aabot ang salansan na ito sa pinakailalim ng hukay. Sa kalaunan, kapag natabunan na ng yelo ang lawa at nahadlangan na ng niyebe ang paggawa sa ibabaw, ang kolonya ay may punung-punong “paminggalan” sa ilalim ng tubig.Tungkol sa tubig, kakaunti ang mga hayop sa lupa ang nasisiyahan dito na tulad ng beaver. Bukod sa makapal na balahibo nito, na di-tinatagusan ng tubig dahil sa langis, ang beaver ay mayroon ding isang suson ng taba sa ilalim ng balat nito na naglaan ng proteksiyon sa napakalamig na tubig. Aba, ang mga beaver ay nagtatalik pa nga sa ilalim ng tubig! Yamang may ginagampanang mahalagang papel ang tubig sa buhay ng mga beaver, hindi mo sila makikita na naninirahang malayo sa mga lawa at sapa.
Ang mga Beaver at mga Tao
Ang mga beaver ay maaamo, at madali silang makipagkaibigan sa mga taong mabait makitungo sa kanila. Palaging inaayos ng mga hayop ang kanilang sarili at pinananatili nilang malinis ang kanilang sarili. Sa nakalipas na panahon, ang mga Amerikanong Indian ay madalas na nag-aalaga ng mga beaver sa kanilang mga kampo. Gayunman, dapat kang mag-isip na mabuti bago mo papasukin ang isang beaver sa iyong tahanan. Ang problema ay hindi sila humihinto sa paggawa. “Kapag inalagaan sa loob ng bahay,” sulat ng pangkapaligirang inhinyero na si Alice Outwater, “kanilang puputulin ang mga paa ng mga mesa at upuan at gagawa ng maliliit na prinsa sa pagitan ng mga muwebles.” Baka gayon din ang mangyari sa mga punungkahoy at poste ng bakod sa likod-bahay.
Subalit lumitaw ang mas mabigat na mga problema sa pagitan ng mga beaver at ng mga tao. Halimbawa, nagrereklamo ang ilang mga may-ari ng lupa na ang mga prinsa ay nagiging sanhi ng pag-apaw ng mga sapa, anupat nagbubunga ng pagkasira ng ari-arian. Gayunman, sinalungat ng mga siyentipiko at iba pa ang gayong mga reklamo sa pamamagitan ng pagbanggit sa mga kapakinabangan ng gawain ng beaver. Halimbawa, dahil sa pag-iipon ng beaver ng tubig, natitipid at nalilinis ang tubig at nakapaglalaan ito ng mga kalagayang tumutulong sa maraming uri ng hayop at halaman na mabuhay. Sinasabi pa nga ng ilan na ang mga sapa na kinaroroonan ng beaver ay nakabawas sa mga epekto ng tagtuyot.
Tinataya ng mga naturalista na may humigit-kumulang sa 10,000,000 beaver ang naninirahan ngayon sa kontinente ng Estados Unidos. Gayunman, tinataya ng ilan na mahigit sa 200,000,000 ang nabuhay sa mismong lugar na iyon 500 taon na ang nakalipas. Isip-isipin: Sampu-sampung milyong “magtotroso” ang maaaring nagtatrabaho sa mga kagubatan ng Hilagang Amerika bago pa man dumating ang mga unang Europeo. Pero, sa halip na makakita ng tiwangwang na lupa na walang mga punungkahoy, natanaw niyaong mga sinaunang dayuhan ang malalawak at malalagong kagubatan. Maliwanag na ang beaver ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa ekolohiya ng ating planeta. Kung gayon, makapagpapasalamat tayo na ang orihinal na magtotroso ay nagtatrabaho pa rin!
[Kahon/Larawan sa pahina 22, 23]
“Kasinsipag ng Isang Beaver”
Ang tao na bumuo ng pariralang iyan ay malamang na nagmasid sa mga beaver na gumagawa ng prinsa sa sapa o gumagawa ng kanilang tirahan. Totoo naman, ang mga hayop na ito’y parang walang kapaguran habang pinuputol nila ang mga punungkahoy at dinadala ang mga piraso sa lugar na pagtatayuan. Kung minsan, naghuhukay pa nga sila ng mga kanal para palutangin ang mga materyales na ginagamit sa pagtatayo patungo sa tamang lugar.
Ngunit paano ginagawa ng mga beaver ang kanilang mga prinsa? Una, para patibayin ang istruktura, naglalagay sila ng mga sanga sa ilalim ng sapa. Kung ang daraanan ay malawak, ikinukurba ng mga beaver ang kanilang dike o pilapil pasalungat sa agos ng tubig upang patibayin ito laban sa lakas ng agos. Sa paggamit ng mas maraming kahoy, kanilang pinupuno ang balantok sa tamang taas, at pagkatapos ay pinapasakan nila ng putik at mga bato ang mga puwang. Upang gawing matatag ang prinsa, patitibayin ng mga beaver ang tagiliran ng inaagusan ng tubig sa pamamagitan ng paglalatag ng mga sanga sa streambed sa isang anggulo. Ang masisipag na kinapal na ito’y regular pa ngang nagkukumpuni ng kanilang mga ginawa!
Hindi magtatagal, isang panatag na lawa ang mabubuo nang pasalungat sa agos ng tubig. Dito itinatayo ng mga beaver ang tiwasay na mga tirahan—una isang simpleng lungga sa tabing-ilog habang ginagawa ang prinsa at sa kalaunan isang tirahan malayo sa pampang na yari sa putik at patpat na hugis simburyo. Upang maingatan mula sa mga maninila, ginagamit ng mga beaver ang mga pasukan sa ilalim ng tubig. Sila ay nagpapahinga at nagpapalaki ng kanilang mga anak nang ligtas sa loob.
Tunay na masipag ang beaver. Pinakawalan ng mga siyentipiko sa Wyoming, E.U.A., ang sampung beaver—limang lalaki at limang babae—sa isang lugar na matagal nang walang nakikitang beaver. Pagkalipas ng isang taon, nagbalik ang mga mananaliksik anupat nakita nila na nakapagtatag ang mga ito ng limang magkakaibang kolonya at nakapagtayo ng 55 prinsa!
[Mga larawan sa pahina 24]
Isang beaver na nagtatrabaho; isang tirahan ng beaver at prinsa; isang batang beaver