Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Ang Pagbubulay-bulay na Kapaki-pakinabang

Ang Pagbubulay-bulay na Kapaki-pakinabang

“ANG MGA PANANALITA NG AKING BIBIG AT ANG PAGBUBULAY-BULAY NG AKING PUSO AY MAGING KALUGUD-LUGOD NAWA SA HARAP MO, O JEHOVA NA AKING BATO AT AKING MANUNUBOS.”​—AWIT 19:14.

ANO ang ibig sabihin ng “pagbubulay-bulay” para sa iyo? Kung sinusunod mo ang mga turo ng ilan sa mga Silanganing relihiyon, marahil naniniwala ka na ito ay isang bagay na nagdudulot ng higit na kalinawan ng isip o pantanging kaliwanagan. Ang pagbubulay-bulay na isinasagawa sa Budismo ay nagpapasigla ng pag-alis sa isipan nang lahat ng pag-iisip. Ang ilan sa mga uri ng pagbubulay-bulay ay sinasabing pinasisigla ang pagpuno sa iyong kaisipan ng “panlahat na mga katotohanan ng karunungan.”

Naiiba sa mga ito ang pangmalas ng Bibliya sa pagbubulay-bulay. Sa anong paraan? Isaalang-alang ang halimbawa ng Bibliya na isang lalaking nagngangalang Isaac, na sa edad na 40 ay maraming dapat pagbulay-bulayan. Sinasabi ng Genesis 24:63: “Si Isaac ay naglalakad sa labas upang magbulay-bulay sa parang nang sumasapit na ang gabi.” Walang dahilan upang ipalagay na inalis ni Isaac sa kaniyang isipan ang mga kaisipan o basta nagdidili-dili lamang siya sa isang malabong ‘panlahat na katotohanan ng karunungan.’ Malamang na si Isaac ay may mga espesipikong bagay na pag-iisipan, tulad ng kaniyang kinabukasan, pagkamatay ng kaniyang ina, o kung sino ang kaniyang mapapangasawa. Ginamit niya ang ilan sa pansariling oras sa gabi upang magbulay-bulay, marahil sa gayong mahahalagang bagay. Sa Bibliya, ang pagbubulay-bulay ay higit pa sa basta pangangarap nang gising.

Higit Pa sa Basta Pagbubulay-bulay Lamang

Isaalang-alang ang halimbawa ng salmistang si David. Napaharap siya sa iba’t-ibang suliranin na tila hindi mapagtatagumpayan, at alam na alam niya na bilang isang di-sakdal na tao, kailangan niya ang tulong mula sa Diyos sa pagwawasto ng kaniyang paggawi. Ano ang nagpalakas kay David sa gayong mahihirap na kalagayan? Gaya ng nakaulat sa Awit 19:14, sinabi ni David: “Ang mga pananalita ng aking bibig at ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay maging kalugud-lugod nawa sa harap mo, O Jehova na aking Bato at aking Manunubos.” Ang Hebreong salita na ginamit dito na isinaling “pagbubulay-bulay” ay mula sa isang salitang ugat na literal na nangangahulugang “makipag-usap sa kaniyang sarili.” Oo, si David ay ‘nakipag-usap sa kaniyang sarili’ tungkol kay Jehova, sa kaniyang gawain, mga gawa, mga kautusan, at sa kaniyang katuwiran.​—Awit 143:5.

Sa katulad na paraan, itinuring ng mga sinaunang Kristiyano na bahagi ng kanilang pagsamba ang paglaan ng panahon sa pagbubulay-bulay sa mga espirituwal na bagay. Nagpaalaala si apostol Pablo: “Anumang mga bagay na totoo, anumang mga bagay na seryosong pag-isipan, anumang mga bagay na matuwid, anumang mga bagay na malinis, anumang mga bagay na kaibig-ibig, anumang mga bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.” (Filipos 4:8) Siyempre pa, upang makapag-isip ng nakapagpapatibay na mga kaisipan, ang “mga bagay” na binanggit ni Pablo ay dapat na pumasok sa ating isipan sa anumang paraan. Paano?

Naglaan ang salmista ng sagot. Mababasa sa Awit 1:1, 2: “Maligaya ang taong hindi lumalakad sa payo ng mga balakyot . . . Ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi.” Oo, binabasa nang salmista ang kautusan ng Diyos nang palagian. Sa gayon ay maaari niyang pagbulay-bulayan ang mga bagay na natutuhan niya tungkol sa Maylalang.

Pagbubulay-bulay sa Ngayon

Napakahalaga ang pagbabasa ng Bibliya, ngunit pagkatapos ng pagbabasa, dapat tayong magbulay-bulay, mag-isip na mabuti, o “makipag-usap sa ating sarili” tungkol sa ating nabasa. Kung paanong kailangan nang pagtunaw upang lubusan tayong makinabang sa ating kinain, kailangan ang pagbubulay-bulay upang lubusan nating maitimo sa isipan ang binabasa natin sa Bibliya. Ang tamang pagbubulay-bulay ay hindi lamang nag-aalis ng mga negatibong kaisipan. Pinapangyari rin nitong isaalang-alang natin ang mga salig-sa-Bibliyang mga kalutasan sa ating mga suliranin. Matutulungan tayo ng gayong pagbubulay-bulay na matagumpay na harapin ang mga kabalisahan sa pang-araw-araw na buhay.​—Mateo 6:25-32.

Kinilala ng salmistang si David ang papel na ginagampanan ng pagbubulay-bulay upang mapalugdan ang Diyos. Sinabi niya: “Ang bibig ng matuwid ang siyang pabulong na nagsasalita ng karunungan.” (Awit 37:30) Oo, ang pagbubulay-bulay ay isang pagkakakilanlan nang isang tapat na mananamba. Ang maituring na matuwid ng Diyos ay isang tunay na pagpapala, at nagdudulot ito ng mga espirituwal na kapakinabangan. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na “ang landas ng mga matuwid ay tulad ng maningning na liwanag na papaliwanag nang papaliwanag hanggang sa ang araw ay malubos.” (Kawikaan 4:18) Samakatuwid, ang masunuring Kristiyano na “pabulong na nagsasalita ng karunungan” ay makaaasa na sumulong sa kaunawaan ng Bibliya.

Pinaalalahanan din ng Bibliya ang mga Kristiyano na magbulay-bulay sa kanilang mga maka-Kasulatang pananagutan. Sinabi ni apostol Pablo kay Timoteo: “Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao. Laging bigyang-pansin ang iyong sarili at ang iyong turo. Mamalagi ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.” (1 Timoteo 4:15, 16) Oo, ang ating sinasabi at iginagawi ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iba.

Maliwanag, marami tayong dahilan upang magsagawa ng malalim at nakatuong pag-iisip tungkol sa mahahalagang bagay. Mahalaga na magnilay-nilay sa ating mga nakaraang karanasan, magmuni-muni sa mga bagay ngayon, at may pagdidili-diling pag-isipan ang ating kinabukasan. Ngunit higit sa lahat, ang ating pagbubulay-bulay ay magdudulot ng pinakamalaking kaliwanagan kung ang ating mga kaisipan ay nakatuon sa karunungan ng ating Maylalang, ang Diyos na Jehova.

[Larawan sa pahina 20]

Ang “The Thinker,” ni Rodin