Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gawing Ligtas ang Iyong Paglipad!

Gawing Ligtas ang Iyong Paglipad!

Gawing Ligtas ang Iyong Paglipad!

“Ang mga paglikas mula sa mga pampasaherong eroplano ay nagaganap minsan sa isang linggo,” sabi ng isang ulat sa USA Today. Bagaman ang karamihan sa mga ito ay mga di-malalang insidente o mga di-totoong babala, ang paglikas ay magiging mas madali kung iyong susundin ang mga sumusunod na mungkahi:

MAGBIHIS NANG TAMA. Magsuot ng damit na maalwan at magpapahintulot sa iyo na malayang kumilos. Dapat na lubusang takpan ng mga damit ang iyong balat hangga’t maaari. Inirerekomenda ang pagsusuot ng pantalon at pang-itaas na may mahahabang manggas. Magsuot ng mga damit na gawa sa likás na tela, tulad ng koton, lana, denim, at balat. Ang mga telang sintetiko, tulad ng rayon, polyester, at naylon (lalung-lalo na ang medyas) ay maaaring matunaw kapag nainitan, anupat maaaring magdulot ng malulubhang pasò sa katawan at mga binti.

MAGHANDA SA ISIPAN. Pag-isipan kung ano ang iyong gagawin kapag may nangyaring kagipitan. Minsang nakaupo, hanapin ang pinakamalapit na mga emergency exit, kapuwa sa harapan ng iyong hanay at sa likod nito. Makinig sa mga tagubiling pangkaligtasan na itatanghal ng tagapaglingkod sa eroplano bago ang paglipad. Repasuhin ang kard na pangkaligtasan na nagbibigay ng detalye sa mga hakbangin para sa paglikas.

HUWAG MATARANTA. Kapag nangyari ang isang kagipitan, manatiling kalmado at sumunod sa mga tagubilin mula sa mga tauhan ng eroplano. Kung kinakailangang lumikas, tumungo sa pinakamalapit na emergency exit at iwanan ang iyong mga pag-aari.

MAINGAT NA LUMIKAS SA EROPLANO. Tumalon na una ang paa sa padulas ng eroplano sa halip na nakaupo para magpadulas. Ihalukipkip ang iyong mga kamay sa dibdib. Panatilihin ang iyong mga binti at paa na magkatabi, at alisin ang mga sapatos na may matatalas na takong. Kapag nasa lupa ka na, lumayo sa eroplano at manatiling alisto sa mga sasakyang pang-emergency.

Maaari bang mabawasan ang namamatay sa pagsunod sa mga tagubiling ito? Oo! “Hindi lahat ng sakuna sa paglipad ay nakamamatay,” sabi ng Intercom ang newsletter ng Federal Aviation Administration. Idinagdag pa nito: “Humigit-kumulang na 50 porsiyento ng lahat ng mga namamatay sa pangkomersiyong paglipad ay nagaganap sa mga sakunang maaaring maligtasan.”