Louis Braille—Nagbibigay-Liwanag sa mga Bilanggo ng Kadiliman
Louis Braille—Nagbibigay-Liwanag sa mga Bilanggo ng Kadiliman
GAANO mo pinahahalagahan ang kakayahang bumasa at sumulat? Maaaring ipinagwawalang-bahala ito ng ilan, subalit ang pagbasa at pagsulat ay siya mismong saligan para tayo matuto. Alisin mo ang kakayahang bumasa, at ang susi sa napakalaking imbakan ng kaalaman ay mawawala.
Sa loob ng daan-daang taon, ang nasusulat na salita ay hindi nababasa ng mga bulag. Subalit noong ika-19 na siglo, ang pagkabahala sa kanilang suliranin ang nag-udyok sa isang masigasig na binata na gumawa ng isang paraan ng pakikipagtalastasan na nagbukas ng pagkakataon para sa kaniyang sarili at sa milyun-milyong iba pa.
Pag-asa na Nagmula sa Trahedya
Si Louis Braille ay isinilang noong 1809 sa nayon ng Coupvray sa Pransiya, mga 40 kilometro mula sa Paris. Ang hanapbuhay ng kaniyang ama, si Simon-René Braille, ay ang paggawa ng guwarnisyon. Marahil ang batang si Louis ay madalas na naglalaro sa gawaan ng kaniyang ama. Gayunman, noong minsan ito ang tagpo ng isang kakila-kilabot na aksidente. Mahigpit na hawak ang isang matalas at matulis na kasangkapan—malamang ay isang balibol o pambutas—di-sinasadyang naiduro ito ni Louis sa kaniyang mata. Ang pinsala ay wala nang lunas. Masahol pa, ang impeksiyon ay agad na kumalat sa kaniyang kabilang mata. Sa murang gulang na tatlo, si Louis ay naging isang ganap na bulag.
Sa pagsisikap na gawin ang pinakamabuti sa gayong kalagayan, ang mga magulang ni Louis at ang pari sa parokya, si Jacques Palluy, ay nagsaayos na si Louis ay makapasok sa mga klase sa lokal na paaralan. Maraming natutuhan si Louis sa kaniyang naririnig. Sa katunayan, mga ilang taon na nanguna siya sa kaniyang klase! Subalit may mga limitasyon sa kung ano ang maaaring matutuhan ng isang bulag sa paggamit ng mga pamamaraan na dinisenyo para sa mga may paningin. Kaya, noong 1819, si Louis ay nagpatala sa Royal Institute for Blind Youth.
Ang tagapagtatag ng institusyon, si Valentin Haüy, ay isa sa unang nagtatag ng isang programa upang tulungang bumasa ang mga bulag. Gusto niyang labanan ang umiiral na ideya na ang pagkabulag ay humahadlang sa isang tao mula sa mga pakinabang ng isang pormal na edukasyon. Ang unang mga eksperimento ni Haüy ay ang paggawa ng malalaki at nakaumbok na mga titik sa makapal na papel. Bagaman pasimula lamang, ang mga pagsisikap na ito ay naging saligan para sa mga pag-unlad sa dakong huli.
Natutuhan ni Braille na basahin ang malalaki at nakaumbok na mga titik sa mga aklat sa maliit na aklatan ni Haüy. Gayunman, natanto niya na ang pamamaraang ito sa pag-aaral ay mabagal at hindi praktikal. Tutal, ang mga titik ay dinisenyo para sa mga mata—hindi para sa mga daliri. Mabuti na lamang, may nakaunawa sa mga limitasyong ito na malapit nang lumitaw sa eksena.
Isang Ideya Mula sa Isang Di-inaasahang Pinagmumulan
Noong 1821, nang si Louis Braille ay 12 taóng gulang lamang, si Charles Barbier, isang retiradong kapitan sa artilyerya ng Pransiya, ang dumalaw sa institusyon. Doon ay iniharap niya ang isang paraan ng pakikipagtalastasan na tinatawag na night writing, na nang maglao’y tinawag na sonography. Ang night writing ay ginawa upang gamitin sa larangan ng digmaan. Ito ay isang nahihipong paraan ng pakikipagtalastasan na gumagamit ng nakaumbok na mga tuldok na inayos sa anyong parihaba na anim na tuldok ang taas at dalawang tuldok ang lapad. Ang ideyang ito na paggamit ng isang kodigo upang kumatawan sa mga salita ayon sa tunog ay nakapukaw ng interes sa paaralan. Masiglang pinagtuunan ng pansin ni Braille ang bagong pamamaraang ito at pinaunlad pa nga ito. Subalit upang maging tunay na praktikal ang sistema, kailangang
magmatiyaga si Braille. Isinulat niya sa kaniyang talaarawan: “Kung hahadlangan ako ng aking pagkabulag upang malaman ang tungkol sa mga tao at mga pangyayari, mga ideya at mga doktrina, kailangan kong humanap ng ibang paraan.”Kaya sa sumunod na dalawang taon, puspusang gumawa si Braille upang mapasimple ang kodigo. Sa wakas, nakagawa siya ng isang pinagbuti at eleganteng pamamaraan na salig sa isang cell o espasyo na tatlong tuldok lamang ang taas at dalawang tuldok ang lapad. Noong 1824, sa gulang na 15, nabuo ni Louis Braille ang isang sistema ng anim-na-tuldok na cell. Di-nagtagal pagkatapos niyan, si Braille ay nagsimulang magturo sa institusyon, at noong 1829 ay inilathala niya ang kaniyang pambihirang pamamaraan ng pakikipagtalastasan na kilala sa ngayon sa kaniyang pangalan. Maliban sa ilang maliliit na pagpapahusay, ang sistema niya ay talagang hindi nagbago hanggang sa ngayon.
Paggawa sa Braille na Magagamit sa Buong Daigdig
Noong mga huling taon ng dekada ng 1820 ay inilimbag ang unang aklat na nagpapaliwanag sa naimbento ni Braille na nakaumbok na mga tuldok; subalit ang imbensiyon ay hindi agad tinanggap nang malawakan. Kahit na sa institusyon mismo, ang bagong kodigo ay hindi opisyal na ginamit kundi noong 1854—dalawang taon pagkamatay ni Braille. Gayunpaman, ang lubhang nakahihigit na pamamaraang ito ay naging popular noong dakong huli.
Ang ilang organisasyon ay gumawa ng mga literatura sa Braille. Ang Samahang Watchtower ay nagsimulang gumawa noong 1912 ng gayong mga materyal na magagamit, nang ang kodigo ay ginagawa pang pamantayan para sa mga nagsasalita ng Ingles. Sa ngayon, sa paggamit ng masulong na mga pamamaraan sa paglilimbag ng Braille, ang Samahan ay nag-i-emboss ng milyun-milyong pahina taun-taon sa walong wika at ipinamamahagi ito sa mahigit na 70 bansa. Kamakailan, dinoble ng Samahan ang produksiyon nito upang matugunan ang lumalaking pangangailangan para sa literatura sa Bibliya sa Braille.
Sa ngayon ginagawa ng payak at mahusay ang pagkakagawang kodigong Braille ang nasusulat na salita na magagamit ng milyun-milyon na may kapansanan sa paningin—dahil sa puspusang pagsisikap ng isang batang lalaki halos 200 taon na ang nakalipas.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 15]
PAG-UNAWA SA KODIGONG BRAILLE
Ang Braille ay binabasa mula kaliwa pakanan, na ginagamit ang isa o dalawang kamay. May 63 posibleng kombinasyon ng mga tuldok sa bawat cell ng Braille. Kaya, lahat ng titik at bantas sa karamihan ng mga abakada ay maiaatas sa isang espesipikong kombinasyon ng mga tuldok. Ang ilang wika ay gumagamit ng isang pinaikling anyo ng Braille, kung saan ang ilang cell ay kumakatawan sa madalas lumitaw na mga kombinasyon ng titik o buong mga salita. Ang ilang tao ay naging napakahusay sa Braille anupat sila’y nakababasa ng hanggang 200 salita sa bawat minuto!
[Mga larawan]
Ginagamit lamang ng unang sampung titik ang mga tuldok sa dalawang itaas na hanay
Idinaragdag ng susunod na sampung titik ang tuldok sa ibabang-kaliwa sa unang sampung titik
Idinaragdag ng huling limang titik ang dalawang tuldok sa ibaba sa unang limang titik; ang titik na “w” ay isang eksepsiyon sapagkat ito ay idinagdag nang dakong huli sa abakadang Pranses
[Picture Credit Line sa pahina 14]
Larawan: © Maison Natale de Louis Braille-Coupvray, France/Photo Jean-Claude Yon