Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Artikulong Pangkabataan Ako po’y 12 taóng gulang, at tuwang-tuwa po akong basahin ang inyong mga magasin. Noong hindi pa po ako nagbabasa ng inyong mga magasin, hirap na hirap po akong makibagay sa aking mga kaibigan dahil po sa lahat sila ay mas matanda sa akin. Pero nang mabasa ko po ang mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ”, naging mas madali para sa akin na makibagay sa kanila. Salamat po sa inyong mga magasin. Ang mga ito’y napakalaking tulong.
N. I., Russia
Pagkatuto ng Wika Salamat sa nakatutulong na mga mungkahi sa artikulong “Nais Mo Bang Matuto ng Isang Banyagang Wika?” (Enero 8, 2000) Nagsimula akong mag-aral ng wikang Kastila noong nakalipas na dalawang taon, at ang pagkatuto ko ng wikang ito ay napatunayang napakakapaki-pakinabang. Nitong nakalipas na internasyonal na kombensiyon, nakatulong ako sa maraming kapuwa mga Kristiyano mula sa ibang mga bansa.
K.L.R., Brazil
Tatlong taon na ako ngayong nag-aaral ng wikang Pranses, at dapat akong magpasalamat sa artikulo. Talagang nakapagpapatibay ito! Nadarama ko ang isang pinag-ibayong pasiya na ipagpatuloy ang aking pag-aaral, at ako’y umaasa at nananalangin na balang araw ay magagamit ko rin ang aking kakayahan sa pagsasalita ng wikang banyaga sa ilang pitak ng ministeryong Kristiyano.
L. C., Estados Unidos
Dito sa Bavaria ay maraming banyaga. Bagaman karamihan ay marunong ng wikang Aleman, mas tumutugon sila sa mabuting balita ng Bibliya kung naririnig nila ito sa kanilang sariling wika. Yamang marami ang taga-Russia, ipinasiya kong pag-aralan ang kanilang wika. Tama kayo sa pagsasabing ito’y isang hamon. Gayunman, napagtagumpayan ko ang unang hadlang, alalaong baga’y, ang matutuhan ang alpabeto—at ang mga titik ay hindi na gaanong mahirap intindihin.
B. K., Alemanya
Iminungkahi ninyo na gumamit ng mga audiocassette upang matuto ng wika habang nagmamaneho. Sa palagay ko’y hindi isang magandang ideya na imungkahing kami’y gumawa ng isang bagay na kailangang pag-ukulan ng pansin habang nagmamaneho. Maaaring maging dahilan ito ng aksidente.
K. S., Hapon
Nagtanong kami sa ilang organisasyong pangkaligtasan sa sasakyan, at walang nakapagbigay ng anumang pagsasaliksik na nagpapakitang ang pakikinig sa edukasyonal na mga audiocassette habang nagmamaneho ay naghaharap ng higit na panganib kaysa sa pakikinig sa musika o pakikipag-usap sa mga kasakay. Magkagayunman, ang paalaala na mag-ingat habang nagmamaneho ay pinasasalamatang lubos.—ED.
Pag-opera Nang Walang Dugo Nais kong pasalamatan kayo sa seryeng “Paggamot at Pag-opera Nang Walang Dugo—Dumarami ang Humihiling Nito.” (Enero 8, 2000) Tumulong ito sa pag-aalis ng ilang maling palagay ng mga tao laban sa mga Saksi ni Jehova. Nagdala ako ng maraming magasin sa aming opisina at inialok ang mga ito sa aking mga kasama. Sa panahon ng pananghalian, napansin ko ang isang kasamahan sa trabaho na buong-sigasig na nagbabasa ng magasin. Maya-maya ay nilapitan niya ako at sinabi: “Hindi ko kailanman naisip kung gaano karaming kawili-wiling artikulo ang nilalaman ng magasin!”
I. S., Czech Republic
Mga Insekto Salamat sa artikulong “Ang Kagila-gilalas na Daigdig ng mga Insekto.” (Enero 8, 2000) Ang impormasyon, na walang-alinlangang bunga ng masusing pananaliksik, ay naiharap na mabuti. Gusto ko sanang manood noon ng TV, pero sa halip ay nagbasa na lamang ako ng isyu ng Gumising! Pagkabasa ko sa artikulong ito, nasabi kong tama ang pinili ko.
O. K., Pransiya
Palibhasa’y wala akong makatuwirang paliwanag kung bakit may mga insekto, nasabi kong ginawa ni Jehova ang mga ito upang tiyakin na pananatilihing malinis ng mga tao ang kanilang mga tahanan. Subalit ipinakita sa akin ng artikulong ito na ang mga insekto pala ay isa pang pahina ng aklat ng paglalang, na mula sa mga ito’y higit pa tayong matututo tungkol sa ating dakilang Maylalang.
A. A., Estados Unidos