Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Isang Mabagsik na Bulkan Tungo sa Isang Mapayapang Isla

Mula sa Isang Mabagsik na Bulkan Tungo sa Isang Mapayapang Isla

Mula sa Isang Mabagsik na Bulkan Tungo sa Isang Mapayapang Isla

HABANG bumabagtas ang aming bangka sa huling pagliko nito patungo sa daungan ng Griyegong isla ng Santorini, napaharap kami sa isang makapigil-hiningang tanawin. Isang mataas na pader ng nagbabantang matatarik na dalisdis ang umaabot sa taas na halos tatlong daang metro mula sa dagat. Mga kakatwang bahay na kulay puti ang nasa mga gilid ng bangin. Ang kakaibang hugis ng isla, ang kawalan ng anumang karaniwang mga baybayin na nakikita sa mga isla, ang nakabiting mga dalisdis​—ang mga ito’y nagpapahiwatig na may nangyaring di-pangkaraniwan dito. Mayroon nga. Ang isla ng Santorini ay ang nalalabing kalahati ng silanganing bahagi ng isang sumabog na bulkan, at kami’y naglalayag sa mga tubig na pumuno sa bunganga ng bulkan na ito!

Ang Pagbuo ng Isang Isla

Noong sinaunang panahon ang isla ng Santorini​—kilala rin sa ngayon bilang Santorin o Thíra​—ay tinatawag na Strongyle, na nangangahulugang “Bilog.” At bilog nga ang isla. Ngunit ayon sa mga eksperto, isang malakas na pagsabog ng bulkan ang bumago sa hugis ng isla halos 3,500 taon na ang nakalipas. May katibayan na isang malaking pagsabog ang nagbukas ng isang malawak na caldera (bunganga ng isang gumuhong bulkan) sa gitna ng isla, anupat bumuo ng isang malalim na lunas, at umagos ang dagat upang punuin ito.

Ipinalalagay ng ilang bulkanologo na ang dagundong ng pagsabog ay nakarating sa Europa, Asya, at Africa at na nagpabagsak ito ng mga gusali hanggang sa layong isang daan at limampung kilometro. Sa palagay nila, ang nakasasakal na abo ay malamang na humarang sa sinag ng araw sa buong lunas ng Mediteraneo sa loob ng ilang araw. Lahat-lahat, 80 kilometro kuwadrado ng isla ang naglaho o lumubog sa dagat. Ang lahat ng buhay ay nalipol.

Nang maglaon, ang anumang lupa na natira sa Strongyle ay tinirhan ng mga naninirahan mula sa kontinente, at ang isla ay muling pinanganlang Calliste, na nangangahulugang “Pinakamaganda.” Ngunit ang pamumuhay sa isang bulkan ay nagbigay sa mga naninirahan ng isang pag-iral na masasabing mauga sa literal na paraan. Sa pagitan ng 198 B.C.E. at 1950 C.E., 14 na pagsabog ang naganap. Pagkatapos, noong 1956 ay isang lindol ang nagwasak ng maraming mga bahay sa isla. “Ang lupa ay umuuga at yumayanig na parang gulaman,” sabi ni Kyra Eleni, isang may-edad na babae na nakaligtas sa kapaha-pahamak na pangyayaring iyon. “Sa harap ng looban ng aking bahay, na nasa ibabaw ng isang dalisdis, mayroong mabatong daanan. Bigla na lamang itong gumuhong pababa sa dagat, anupat naiwan ang aking bahay na halos nakabitin sa hangin! Kailangan naming lisanin ang bahay na iyon at magtayo ng bagong tirahan sa mas matatag na lupa.”

Ang nawasak na mga nayon ay mabilis na itinayong muli, na ang kalakhang bahagi nito’y ginawa ng mga dayuhan. Sa ngayon dinadayo ang Santorini ng libu-libong bisita na dumaragsa doon tuwing tag-init. Bukod sa Santorini, ang mas maliit na isla ng Thirasía at ang di-tinitirhang maliit na pulo ng Aspronísi ay nananatili.

Karagdagan pa, nasa gitna ng caldera ng Santorini ang dalawang maliliit na pulo na mula sa bulkan​—Néa Kaméni at Palaía Kaméni. Makikita pa rin ang pagkilos ng bulkan sa mga kamakailan lamang na nabuong maliliit na pulong ito, habang paminsan-minsan ang ‘natutulog na higante’ ay gumigising at bumubuga ng kaunting usok. Laging pabagu-bago ang pangkalahatang hugis ng Santorini, kaya sa pana-panahon, ang mapa nito’y dapat na muling iguhit.

Pamumuhay sa Gilid

Walang mga dalisdis sa gilid ng caldera ng Santorini, mga bangin lamang. Ang mga patayong lupain ay naglalaan sa mga taga-isla ng pinakasimpleng solusyon sa paggawa ng bahay: Maghukay ng isang pahalang na tunel sa lupa, gumawa ng pader patungo sa bukana, at doon manirahan. Oo, ang karamihan sa mga bahay na makikita sa ibabaw ng caldera ay hinukay mula sa bato.

Ang harap ng bawat gayong bahay ay isang looban, o balkonahe, na tanaw ang caldera. Ang looban ng bahay na nasa itaas ay nagsisilbing bubungan ng isa pang bahay na nasa ilalim. Maaari mong tamasahin ang kagila-gilalas na mga paglubog ng araw mula sa mga balkonaheng ito, anupat nasisiyahan sa purpurang araw habang ito’y unti-unti at maringal na naglalaho sa dagat. Ang ilang looban ay mayroon ding maliit na kusina, isa o dalawang bahay ng ibon, at mababangong halamang-damo at bulaklak na nakapasó.

Ang talagang kakaibang katangian na mapapansin sa mga nayon sa kabuuan ay ang pagiging hindi deretso ng pagkakahanay sa mga bahay. Kahit ang mga bobeda ay walang simetriya. Ang sobrang kawalan ng ayos ng mga linya at mga kurba, na nagtatagpo upang bumuo ng pinaka-kakaiba sa mga hugis, ang nagdudulot ng kapinuhan sa mga kumpol ng bahay, na di-inaasahan sa isang baku-bako at tulis-tulis na isla.

Napakatuyo ng Santorini. Ang tanging tubig na makukuha ay ang inipong tubig-ulan na nakaimbak sa mga sisidlan. Ngunit mataba ang lupang pang-ibabaw. Kaya naman, ang limitadong rehiyon na malayo sa baybayin ng isla ay nagdudulot ng iba’t ibang mga pananim.

Kapuwa sa turista at sa katutubo, ang Santorini ay isang pantangi at kahanga-hangang patotoo sa kagandahan ng ating planeta.

[Kahon sa pahina 18]

ANG KAUGNAYAN NG ATLANTIS

Isang alamat na maaaring nagmula sa Ehipto, nanatili sa klasikal na mga Griyegong akda, at lumitaw sa mga tradisyong pang-edad medya ng mga heograpong Arabiano ay yaong tungkol sa isang nawawalang kontinente, isla, o lunsod ng Atlantis. Ang Atlantis ay sinasabing naglaho sa dagat bunga ng mga lindol at mga baha. Ipinahihiwatig ng ilang arkeologo na ang alamat na ito ay nag-ugat sa pagsabog ng bulkan ng Santorini.

Ang mga paghuhukay dito na nagsimula noong 1966/67 ay nagsiwalat ng isang mayaman at maharlikang lunsod ng mga Minoan na nabaon sa ilalim ng mga labí ng bulkan, na naingatan ang hitsura nito na katulad noong mismong panahon nang pagsabog ng bulkan. Waring ang patiunang mga babala ang nag-udyok sa mga naninirahan na lisanin ang lugar sa tamang panahon. Ipinalalagay ng ilang mananaliksik na ang hindi pag-amin ng mga naninirahan na ang kanilang dating marilag na lunsod ay wala na, ang siyang nagpasimula sa alamat ng isang Atlantis na nananatili pang buháy at maunlad, anupat nagpapatuloy ang pamumuhay sa lunsod sa ilalim ng dagat.

[Larawan sa pahina 16]

Santorini

[Larawan sa pahina 17]

Nasisiyahan ang mga Saksi ni Jehova na mangaral sa Santorini

[Larawan sa pahina 18]

Tanaw ang Aegeano mula sa bai-baitang na lupain ng Santorini