Ang Paghahanap Para sa Isang Sakdal na Lipunan
Ang Paghahanap Para sa Isang Sakdal na Lipunan
KAMANGHA-MANGHA sanang makita ang isang mas magandang daigdig, isang daigdig na punô ng mga taong walang sakit, kirot, at kapansanan! Isang pandaigdig na lipunan na walang krimen o alitan. Isang pamilya ng tao na walang namamatay.
Maliwanag, nangangailangan ng malalaking pagbabago sa sangkatauhan mismo upang matamo ang gayong mga tunguhin. Hindi na bago ang mga ideya kung paano mapapabuti ang lahi ng tao. Mga 2,300 taon na ang nakalilipas, sumulat ang pilosopong Griego na si Plato: “Ang pinakamahusay sa alinmang kasarian ang siyang dapat na pagtuwangin hangga’t maaari, at hindi dapat pagsamahin ang kapuwa mahinang uri hangga’t maaari.” Gayunman, nito lamang kamakailan nagkaroon ng puspusang mga pagsisikap upang pasulungin ang pamilya ng sangkatauhan. Ang larangan ng pag-aaral na ito ay tinawag na eugenics.
Ang katagang “eugenics” ay nilikha ni Sir Francis Galton noong 1883, isang Britanong siyentipiko at pinsan ni Charles Darwin. Ang salita ay nagmula sa katagang Griego na nangangahulugang “isinilang na tanyag” o “maharlika ang pinagmanahan.” Batid ni Galton na maaaring makuha ng iba’t ibang uri ng bulaklak at mga hayop ang ilang kaayaayang katangian sa pamamagitan ng mapamiling pagpapalahi (selective breeding). Hindi kaya maaaring mapabuti ang sangkatauhan sa gayunding mga pamamaraan? Naniniwala si Galton na maaaring gawin iyon. Ikinatuwiran niya na kung ang katiting na bahagi ng gastusin at pagsisikap na ginugol sa pagpapalahi ng mga kabayo at baka ay ginamit “sa pagpapabuti ng lahi ng tao,” maaaring magkaroon ng “isang kalipunan ng mga henyo.”
Dahil sa naimpluwensiyahan ng mga isinulat ni Darwin, ikinatuwiran ni Galton na panahon na upang pamahalaan ng mga tao ang sarili nilang ebolusyon. Noong unang mga dekada ng ika-20 siglo, labis na naging popular ang mga ideya ni Galton sa gitna ng mga pulitiko, siyentipiko, at mga taong mataas ang pinag-aralan, kapuwa sa Europa at Estados Unidos. Sa paggunita sa popular na mga kaisipan noong kaniyang kapanahunan, sumulat ang lider ng isang makapangyarihang bansa: “Walang karapatan ang lipunan na hayaang magparami ng kanilang uri ang masasamang tao. . . . Anumang pangkat ng mga magsasaka na hindi nagparami sa kanilang pinakamagagandang hayupan, at hinayaang magparami ang mga pinakamahina ang uri ay ituturing na angkop sa isang institusyon para sa mga nasisiraan ng ulo. . . . Balang araw mapagtatanto natin na ang pangunahing obligasyon ng isang mabuting mamamayan na tama ang uri ay ang ipamana ang kaniyang dugo sa sanlibutan, at na wala tayong karapatan na magparami ng di-kaayaayang mga mamamayan.” Ang mga salitang iyon ay isinulat ng ika-26 na presidente ng Estados Unidos, si Theodore Roosevelt.
Ipinakita sa mga eksibit at mga eksposisyon, kapuwa sa Britanya at Amerika, ang mga batas
sa henetikong pagmamana, na malimit na nasa mga pisarang nakatayo na nagdidispley ng napakaraming dagang-kosta na pinalamnan ng bulak. Inayos ang mga ito upang ipakita kung paano naipamamana ang kulay ng balahibo ng isang lahi tungo sa susunod na lahi. Ang layunin ng mga eksibit ay maliwanag na itinawid sa pamamagitan ng kasamang pananalita. Isang tsart ang nagsabi: “Ang di-kanais-nais na mga katangian ng tao gaya ng kulang-kulang na pag-iisip, epilepsiya, pagiging kriminal, kabaliwan, alkoholismo, karukhaan at marami pang iba ay lumalabas sa mga pamilya at namamana nang gayung-gayon tulad ng kulay ng mga dagang-kosta.” Isa pang paskil sa eksibit ang nagtanong: “Hanggang kailan tayong mga Amerikano na magiging napakaingat sa pagpapalahi ng ating mga baboy at manok at baka—at pagkatapos ay ipinauubaya naman sa pagkakataon ang angkan ng ating mga anak?”Pagsasagawa ng Eugenics
Ang mga ideyang ito ay hindi lamang intelektuwal na mga haka-haka. Sampu-sampung libong “mga di-kanais-nais” ang ginawang baog kapuwa sa Hilagang Amerika at Europa. Mangyari pa, ang pagkilala sa kung sino o ano ang di-kanais-nais ay nakasalalay nang malaki sa pangmalas ng mga nagpapatupad ng pasiyang gawing baog ang mga ito. Halimbawa, sa estado ng Missouri, E.U.A., ipinanukala ang batas na humihiling na gawing baog ang mga “nahatulan sa salang pagpatay, panghahalay, pagnanakaw sa daan, pagnanakaw ng manok, pambobomba, o pagnanakaw ng mga sasakyan.” Dahil sa maling pagsisikap nitong matamo ang nakatataas na lahi sa isang henerasyon, lumabis naman ang Alemanyang Nazi. Pagkatapos na sapilitang gawing baog ang mahigit na 225,000 katao, ang milyun-milyong iba pa—mga Judio, Romany (Hitano), mga may kapansanan, at iba pang “di-kanais-nais”—ay nilipol sa ilalim ng pakunwaring eugenics.
Dahil sa kabangisan noong panahon ng Nazi, nagkaroon ng pangit na kahulugan ang eugenics, at inasam-asam ng marami na itigil na ang larangang ito ng pagsusuri, anupat ilibing na kasama ng milyun-milyong namatay sa ngalan nito. Gayunman, noong dekada ng 1970, kumalat ang mga ulat hinggil sa makasiyensiyang mga pagsulong sa bagong larangan ng molecular biology. Ikinatakot ng ilan na maaaring paningasin ng mga pagsulong na ito ang pagbabalik ng mga ideya na dating kinahumalingan sa Europa at Hilagang Amerika noong pasimula ng siglo. Halimbawa, noong 1977 sa isang kapulungan ng National Academy of Science hinggil sa recombinant DNA (pinag-aaralang DNA na pinaghihiwa-hiwalay at isinasama sa ibang DNA na may ibang pinagmulan), binabalaan ng isang kilalang biyologo ang kaniyang mga kasamahan: “Pangyayarihin ng pananaliksik na ito na mas mabago natin ang henetikong kayarian ng mga tao. Diyan nila natuklasan
kung paano natin magagawang magkaroon ng mga anak na may huwarang mga katangian. . . . Sinubukan noon na ang magiging huwarang mga bata ay may olandes na buhok, asul na mata at may mga gene ng Aryan.”Ituturing ito ngayon ng marami na katawa-tawa kung ihahambing ang mga pagsulong ng henetikong inhinyeriya sa programang eugenics ni Hitler. Sa nagdaang animnapung taon, nagkaroon ng napakahigpit na mga kahilingan para sa isang purong lahi. Sa ngayon, pinag-uusapan ng mga tao kung paano mapabubuti ang kalusugan at ang uri ng buhay. Ang eugenics noon ay nagmula sa pulitika at ginatungan ng pagkapanatiko at pagkapoot. Ang bagong mga pagsulong sa pananaliksik sa henetiko ay pinasigla ng komersiyal na mga pakinabang at pagnanais ng mga tao na magkaroon ng mas mabuting kalusugan. Bagaman may malalaking pagkakaiba, ang tunguhin na baguhin ang mga tao ayon sa sarili nating mga paghatol sa henetikong paraan ay baka tulad na rin ng eugenics noon.
Binabago ang Lipunan sa Pamamagitan ng Siyensiya
Habang binabasa mo ang mga pananalitang ito, sistematikong sinusuri ng mahuhusay na computer ang henetikong kayarian ng tao (human genome)—ang kumpletong kalipunan ng mga instruksiyon na nasa ating mga gene na nag-uutos kung paano tayo lálakí at lubos na nagtatakda kung magiging anong uri tayo ng tao. Maingat na kinakatalogo ng mga computer na ito ang sampu-sampung libong gene na nasa DNA ng tao. (Tingnan ang kahong “Mga Detektib ng DNA.”) Inihuhula ng mga siyentipiko na minsang matipon at maitago ang impormasyon, ito’y magagamit sa darating na mga panahon bilang pangunahing pagkukunan ng impormasyon upang maunawaan ang biyolohiya at gamot para sa tao. At umaasa ang mga siyentipiko na habang sinisiyasat ang mga misteryo ng henetikong kayarian ng tao, mabubuksan ang daan para sa paggamot na makaaayos o makapagpapalit sa may-diperensiyang mga gene.
Umaasa ang mga doktor na ang pananaliksik sa gene ay magbubunga ng bagong uri ng ligtas subalit mabibisang gamot upang maiwasan at malabanan ang sakit. Gagawin ding posible ng gayong teknolohiya na masuri ng iyong doktor ang rekord ng iyong henetikong kayarian upang matiyak nang patiuna kung aling gamot ang magiging pinakamabisa para sa iyo.
Bukod pa sa gayong medikal na mga pakinabang, itinuturing ng ilan ang henetikong inhinyeriya bilang isang paraan upang malutas ang mga suliraning panlipunan. Sa pagitan ng ikalawang digmaang pandaigdig at pasimula ng dekada ng 1990, iginiit ng matatalinong tao na ang mga suliraning panlipunan ay mababawasan kung babaguhin ang mga ekonomiya at mga institusyon at pasusulungin ang kapaligiran na kinabubuhayan ng mga tao. Subalit nito lamang nakalipas na mga taon, ang mga suliraning panlipunan ay lumalalâ. Maraming tao ang naniwala na ang pinakadahilan ng gayong mga problema ay nasa mga gene. At ipinalalagay ng ilan sa ngayon na mas mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga gene kaysa sa kapaligiran sa pag-impluwensiya sa pag-uugali ng indibiduwal at grupo ng mga tao.
Kumusta naman ang kamatayan? Ayon sa mga mananaliksik, maging ang solusyon sa gayong problema ay nasa pagkontrol ng ating DNA. Nagawa na ng mga siyentipiko na mapahaba nang dalawang ulit ang buhay ng mga fruit fly at mga bulati, na ginagamit ang mga pamamaraan na sinasabi nilang maaaring gamitin sa mga tao balang araw. Sinabi ng pinuno ng Human Genome Sciences Inc.: “Ito ang kauna-unahang pagkakataon na maiisip natin ang tungkol sa imortalidad ng tao.”
Mga Dinisenyong Sanggol?
Ang ipinagmamalaking mga ulat tungkol sa mga ginagawa at maaaring gawin pa sa susunod na mga taon ay nagpapadali na ipagwalang-bahala ang kasalukuyang mga limitasyon at posibleng
mga problema ng bagong mga teknolohiya. Bilang paghahalimbawa, bumaling tayo sa isyu tungkol sa mga sanggol. Ang pagpapasuri ng gene ay karaniwan nang ginagawa. Ang pinakamalaganap na pamamaraan ay matutunton noon pang mga dekada ng 1960. Iniiniksiyunan ng isang doktor ang sinapupunan ng isang nagdadalang-taong babae at kumukuha ng sampol ng amniotic fluid, na nakapalibot sa di-pa-naisisilang na sanggol. Sa gayo’y maaaring suriin ang fluid upang makita kung ang di-pa-naisisilang na sanggol ay nagtataglay ng anuman sa napakaraming henetikong karamdaman, kasali na ang Down’s syndrome at spina bifida. Ang pamamaraang ito ay karaniwang isinasagawa pagkalipas ng ika-16 na linggo ng pagdadalang-tao. Isinisiwalat ng mas makabagong pamamaraan ang mga detalye ng henetikong kayarian ng binhi sa pagitan ng ikaanim at ikasampung linggo ng pagdadalang-tao.Pinangyayari ng mga pamamaraang ito na matukoy ng mga doktor ang maraming sakit, subalit halos 15 porsiyento lamang sa mga ito ang maaaring lunasan. Kapag isiniwalat ng mga pagsusuri ang isang henetikong suliranin o nagkaroon ng malabong resulta, napapaharap ang maraming magulang sa mahirap na pagpapasiya—dapat bang ipalaglag ang di-pa-naisisilang na sanggol, o dapat bang isilang ang bata? Ganito ang komento
ng The UNESCO Courier: “Sa kabila ng paglaganap ng pagpapasuri ng DNA—bawat isa ay may patente at pinagkakakitaan nang malaki—hindi pa rin matupad ng genetics hanggang sa ngayon ang ipinagmamalaki nitong mga pangako hinggil sa paggamot sa gene. Nasusuri ng mga doktor ang mga kalagayan at mga sakit na hindi naman nila malunasan. Kaya ang aborsiyon ang malimit na inihaharap bilang kagamutan.”Mangyari pa, habang ang biotechnology ay nagiging mas mahusay, ang mga doktor ay umaasang magkaroon ng nakahihigit na kakayahan upang masuri at malunasan ang mga depekto sa henetiko na alinman sa sanhi o naglalantad sa mga tao sa iba’t ibang sakit. Karagdagan pa, umaasa ang mga siyentipiko na sa dakong huli ay magagawa nilang mailipat ang artipisyal na mga chromosome sa binhi ng tao upang maipagsanggalang ito sa mga sakit na gaya ng Parkinson’s, AIDS, diyabetis, at kanser sa prostate at suso. Sa gayo’y maisisilang ang isang bata na may pinalakas na sistema ng imyunidad. Nariyan din ang pag-asa ng pagkakaroon ng mga gamot sa hinaharap na “magpapahusay” sa paglaki ng binhi, marahil sa pamamagitan ng pagkontrol sa mga gene upang mapag-ibayo ang katalinuhan o mapasulong ang memorya.
Bagaman natatanto maging ng pinaka-optimistang
mga siyentipiko na matatagalan pa bago makapili ang mga magulang ng uri ng anak na ibig nila mula sa isang katalogo, para sa maraming tao ang pag-asa na magkaroon ng pinapangarap na anak ay lubhang kaakit-akit. Ikinakatuwiran ng iba na pagiging iresponsable ang hindi paggamit ng teknolohiyang ito upang mabawasan ang mga henetikong karamdaman. Tutal, ang katuwiran nila, kung walang masama na pag-aralin ang iyong anak sa pinakamahuhusay na paaralan at patingnan sa pinakamagagaling na doktor, bakit hindi subukang magkaroon ng pinakamagaling na sanggol hangga’t maaari?Mga Ikinababahala sa Hinaharap
Gayunman, ang iba ay nagpapahayag ng pagkabahala. Halimbawa, ang aklat na The Biotech Century ay nagsasabi: “Kung ang diyabetis, sickle-cell anemia, at kanser ay maiiwasan kapag binago ang henetikong kayarian ng mga indibiduwal, bakit hindi pagtuunan ng pansin ang di-gaanong malubhang ‘mga sakit’: myopia, color blindness, dyslexia, sobrang katabaan, at pagiging kaliwete? Ang totoo, ano ang makahahadlang sa isang lipunan sa paghatol na isang sakit ang isang pantanging kulay ng balat?”
Lubusang pag-iinteresan ng mga kompanya sa
seguro ang impormasyon sa henetiko. Ano kung isiwalat ng pagsusuri sa panahon ng pagdadalang-tao ang isang posibleng suliranin? Gigipitin kaya ng mga kompanya sa seguro ang ina na ipalaglag ang bata? Kung siya’y tumanggi, ipagkakait ba sa kaniya ang bayad sa seguro?Nag-uunahan ang mga kompanya ng kimikal, parmasya, at biotechnology sa pagpatente sa mga gene at mga organismo gayundin sa mga pamamaraan upang mabago ang mga ito. Ang nagtutulak na impluwensiya, siyempre pa, ay pinansiyal—ang magkamal ng salapi mula sa teknolohiya sa hinaharap. Nangangamba ang maraming bioethicist (nagsusuri sa etika ng biotechnology) na ito’y maaaring humantong sa “consumer eugenics,” na doo’y maaaring gipitin ang mga magulang na pumili ng mga batang “kanais-nais ang henetikong kayarian.” Napakadaling isipin kung paano gaganap ng malaking bahagi ang pag-aanunsiyo sa gayong kausuhan.
Siyempre pa, malamang na hindi madaling makuha ang mga bagong teknolohiya sa mas mahihirap na lugar. Marami na ngang bahagi sa lupa ang nagkukulang sa pinakamahahalagang pangangalaga sa kalusugan. Maging sa napakaunlad na mga bansa mismo, ang paggamot na salig sa gene ay maaaring makuha lamang ng mga nakaririwasa sa buhay.
Isang Sakdal na Lipunan
Dahil sa pagdagsa ng mga babasahin tungkol sa ginagawa sa larangan ng biotechnology, madalas na lumitaw ang kasabihang “gumaganap sa papel ng Diyos.” Yamang ang Diyos ang Disenyador at Maylalang ng buhay, angkop lamang na isaalang-alang kung ano ang kaniyang iniisip may kinalaman sa paghahanap para sa kasakdalan. Sinasabi ng aklat ng Genesis sa Bibliya na pagkatapos lumalang ng buhay sa lupa, “nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti.” (Genesis 1:31) Ang henetikong kayarian ng unang mag-asawa ay sakdal. Dahil lamang sa kanilang pagsuway sa Diyos kung kaya nagdulot sila ng di-kasakdalan at kamatayan sa kanilang sarili mismo at sa kanilang mga supling.—Genesis 3:6, 16-19; Roma 5:12.
Ibig ng Diyos na Jehova na makita ang wakas ng karamdaman, pagdurusa, at kamatayan. Noong unang panahon, naglaan siya ng paraan upang sagipin ang sangkatauhan mula sa mga problemang ito. Inihuhula ng aklat ng Apocalipsis sa Bibliya ang panahon kapag ang Diyos ay mamamagitan sa mga gawain ng tao. Hinggil sa panahong iyan, ating mababasa: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” Ang malawakang mga pagbabagong ito ay mangyayari hindi dahil sa kamangha-manghang mga pagsulong sa siyensiya na gawa ng tao, na marami sa mga ito ay hindi man lamang kumikilala sa pag-iral ng Diyos, lalo pa ang pumuri sa kaniya. Hindi, ang talata ay nagpapatuloy: “Ang Isa [Diyos na Jehova] na nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’”—Apocalipsis 21:4, 5.
[Blurb sa pahina 5]
Pagkatapos na sapilitang gawing baog ang mahigit na 225,000 katao sa Alemanyang Nazi, ang milyun-milyong iba pang “di-kanais-nais” ay nilipol sa ilalim ng pakunwaring eugenics
[Blurb sa pahina 6]
Umaasa ang mga doktor na ang pananaliksik sa gene ay magbubunga ng bagong uri ng ligtas subalit mabibisang gamot upang maiwasan at malabanan ang sakit
[Blurb sa pahina 11]
Simula sa tupa na pinanganlang Dolly, ang mga siyentipiko ay nakapag-clone na ng dose-dosenang indibiduwal na mga hayop—lahat ay mula sa mga selulang nasa hustong gulang. Maaari kayang gamitin ang gayunding teknolohiya upang ma-clone ang mga taong nasa hustong gulang?
[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]
Maaari Bang Ma-Clone ang mga Tao?
Noong 1997, isang tupa na pinanganlang Dolly ang nasa ulong balita sa buong daigdig. Ano ba ang natatangi kay Dolly? Siya ang kauna-unahang mamal na matagumpay na nai-clone mula sa selulang nasa hustong gulang, na kinuha mula sa mammary gland (glandula para sa gatas) ng babaing tupa. Sa gayon, si Dolly ang naging mas nakababatang “kambal” ng tupa na pinagkunan ng selula nito. Bago pa kay Dolly, nagawa na ng mga siyentipiko sa loob ng mga dekada na ma-clone ang mga hayop mula sa selula ng binhi. Iilan ang nag-isip na posibleng mabago ang kaayusan ng isang selula mula sa isang mamal na nasa hustong gulang upang makapagluwal ng isa pang hayop na may katulad na katulad na henetikong kayarian. Ginagawang posible ng cloning mula sa isang selulang nasa hustong gulang na makita nang patiuna kung ano ang kalalabasan ng magiging mga supling.
Ang layunin ng mga siyentipiko na nag-clone kay Dolly ay ang mapahusay ang mga hayop sa bukid na siyang mahalagang pinagkukunan sa paggawa ng mga gamot na inilalabas sa mga gatas nito. Ang ulat ng tagumpay ng mga siyentipiko ay unang lumitaw noong Pebrero 1997, sa isang magasin para sa siyensiya na Nature, sa ilalim ng pamagat na “Mga Supling na Nabubuhay sa Labas ng Sinapupunan na Nagmula sa Binhi at mga Selula ng Mamal na Nasa Hustong Gulang.” Agad na pinagkaguluhan ng media ang ulat at mga detalye hinggil dito. Pagkalipas ng dalawang linggo, itinampok ng pabalat ng magasing Time ang larawan ni Dolly kasama ang ulong balita na “Magkakaroon Pa Kaya ng Isang Gaya Mo?” Noong linggo ring iyon, naglabas ng serye ang magasing Newsweek hinggil sa paksang nasa pabalat nito na pinamagatang “Maaari ba Nating Ma-Clone ang mga Tao?”
Simula kay Dolly, ang mga siyentipiko ay nakapag-clone na ng dose-dosenang indibiduwal na mga hayop—lahat ay mula sa mga selulang nasa hustong gulang. Maaari kayang gamitin ang gayunding teknolohiya upang ma-clone ang mga taong nasa hustong gulang? Oo, ang sagot ng ilang biyologo. Nagawa na ba ito? Hindi pa. Si Ian Wilmut, ang Britanong siyentipiko na nanguna sa grupong nag-clone kay Dolly, ay nagsabi na ang cloning sa kasalukuyan ay “talagang hindi mabisang pamamaraan,” na nagbubunga ng pagkamatay ng maraming di-pa-naisisilang na hayop na halos sampung ulit ang kahigitan kaysa nagaganap sa likas na pag-aanak.
Ang ilan ay nag-iisip, ‘Paano kung may lubos na maging matagumpay sa pamamaraan at nakapag-clone, halimbawa, ng napakaraming Hitler?’ Sa pagsisikap na mapahupa ang gayong pagkatakot, sinabi ni Wilmut na bagaman ang batang na-clone ay magiging kakambal sa henetikong paraan ng tao na siyang pinagmulan ng selula nito, ang taong na-clone ay maaaring maimpluwensiyahan ng kapaligiran nito at magkakaroon ng pantanging personalidad na gaya ng likas na mga kambal.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
Mga Detektib ng DNA
Ang katawan ng tao ay binubuo ng halos 100 trilyong selula. Ang karamihan ng selula ay may nukleo. Ang loob ng bawat nukleo ay may 46 na kumpol na tinatawag na mga chromosome. Ang bawat chromosome ay nagtataglay ng iisa, masinsin ang pagkakaikid at tulad sinulid na molekula na tinatawag na DNA. Tinatayang sa loob mismo ng DNA ay mayroong mga gene na umaabot hanggang sa 100,000, na nakaayos na para bang mga nayon at mga lunsod sa kahabaan ng pangunahing haywey. Ang ating mga gene ang pinakapangunahin na tumitiyak sa bawat bahagi ng ating katawan—ang ating paglaki sa sinapupunan, ang ating kasarian at pisikal na mga katangian, at ang ating paglaki tungo sa pagiging nasa hustong gulang. Naniniwala rin ang mga siyentipiko na kasali sa ating DNA ang isang “orasan” na tumitiyak kung gaano tayo kahaba mabubuhay.
Ang DNA ng mga hayop at tao ay magkatulad na magkatulad. Halimbawa, ang henetikong kayarian ng mga chimpanzee (isang uri ng unggoy) ay 1 porsiyento lamang ang kaibahan sa mga tao. Subalit, ang pagkakaibang iyan ay sampung ulit na mas malaki kaysa sa pagkakaiba sa pagitan ng DNA ng sinumang dalawang tao. Gayunman, ang gayong pagkaliliit na pagkakaiba ang dahilan ng maraming katangian na nagpapangyaring maging pambihirang indibiduwal ang bawat isa sa atin.
Wala pang sampung taon ang nakalilipas, pinasimulan ng mga siyentipiko ang isang mabigat na proyekto—ang pagtiyak sa eksaktong pagkakasunud-sunod ng yunit ng kimikal ng DNA ng tao. Ang proyektong ito, na kilala bilang Human Genome Project, ay napakahirap at napakalaki, at ito’y maaaring gumugol ng bilyun-bilyong dolyar. Ang natipong mga impormasyon ay magiging napakarami anupat mapupuno nito ang tinatayang 200 tomo, na ang bawat tomo ay kasinlaki ng isang direktoryo ng telepono na may 1,000 pahina. Upang mabasa ang lahat ng impormasyong ito, kailangang pagtuunan ito ng isang tao nang 24 na oras sa isang araw sa loob ng 26 na taon!
Ang malimit na nakakaligtaan ng media ay ang bagay na minsang matipon ang impormasyong ito, nangangailangan pa rin itong bigyang kahulugan. Kakailanganin ang bagong mga kagamitan upang maanalisa ang mga impormasyon. Isang bagay na makilala ang mga gene; ibang bagay naman ang malaman kung ano ang ginagawa ng mga ito at kung paano ito kumikilos upang makabuo ng isang tao. Tinagurian ng isang tanyag na biyologo ang Human Genome Project bilang “ang Banal na Kopa ng Genetics.” Gayunman, iminungkahi ng isang dalubhasa sa pagsusuri sa henetikong kayarian, na si Eric Lander, ang mas makatuwirang paglalarawan dito: “Para itong isang talaan ng mga piyesa,” aniya. “Kung ibinigay ko sa iyo ang talaan ng mga piyesa para sa Boeing 777 at ito’y may 100,000 piyesa, sa palagay ko’y hindi mo maitotornilyo ang mga ito nang magkakasama at tiyak na hindi mo pa rin mauunawaan kung bakit ito lumipad.”
[Dayagram]
(Para aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
SELULA
NUKLEO
MGA CHROMOSOME
DNA
BASE PAIR