Ang mga Bata sa Hinaharap?
Ang mga Bata sa Hinaharap?
Ang taon ay 2050. Sa loob ng isang klinika para sa pag-aanak, pinagmamasdang mabuti ni Melissa ang iskrin ng computer. Nag-iisip siya. Tutal, ang pagpili ng isang anak ay isang seryosong bagay, hindi isang bagay na gagawin nang padalus-dalos. Ipinakikita sa iskrin ang larawan ng isang nakangiting tin-edyer na babae na pinanganlan ni Melissa at ng kaniyang asawang si Curtis, na Alice. Kapuwa ang larawan at ang impormasyong nakasulat sa ibaba ay nagsasabi ng maraming bagay tungkol sa magiging pagkatao ni Alice, sa pisikal at mental na paraan.
Hindi pa naisisilang si Alice. Ang magiging tin-edyer ay isa pa lamang binhi, na maingat na itinago sa –200 digri Celcius kasama ang maraming iba pang binhi sa isang kalapit na silid. Ang mga henetikong katangian ng bawat binhi ay ini-scan at ipinasok sa computer upang makatulong sa mga magulang sa pagpili ng kung alin ang ipupunla sa sinapupunan ni Melissa.
Yamang gusto nina Melissa at Curtis ang isang babae, tinanggihan nila ang mga lalaking binhi. Sumunod ay sinuri ng mga magulang ang natitira pang mga binhi para naman sa mga katangiang gaya ng magiging kalagayan ng kalusugan, hitsura, at pag-uugali. Sa wakas ay nakapili na sina Melissa at Curtis. Pagkalipas ng siyam na buwan, masaya sila sa pagsilang ng isang anak na babae na kanilang napili—isang tunay at nabubuhay na Alice.
ANG salaysay na ito ay hinalaw mula sa akda ni Lee Silver, isang propesor ng molecular biology sa Princeton University, New Jersey, E.U.A. Ito’y pagtaya sa ipinalalagay niya na maaaring maganap sa darating na mga dekada. Isinalig niya ang kaniyang mga ideya sa umiiral na mga pananaliksik at teknolohiya. Ang mga binhi ng tao ay maaari nang suriin para sa ilang mga karamdamang henetiko. At 20 taon na ang nakalilipas sapol nang isilang ang kauna-unahang test-tube baby. Palibhasa’y nabuo sa isang petri dish (malanday na babasaging lalagyan para sa pinalalaking mga buháy na bagay), siya ang kauna-unahang tao na nabuo sa labas ng sinapupunan ng kaniyang ina.
Ang bagay na pinanganlan ni Dr. Silver ang bata na Alice ay nagpapaalaala sa atin ng bantog na kuwentong pantasiya na Alice in Wonderland. Tunay nga, ang inaasam-asam na hinaharap ng marami ay isang lupain ng kababalaghan. Isang editoryal ng kilalang magasin na Nature ang nagsabi: “Ang sumusulong na kadalubhasaan sa molecular genetics ay naghaharap sa atin ng pag-asa sa kinabukasan na baguhin ang kalikasan ng ating uri.”
Sa sumusunod na artikulo, susuriin natin ang ilang pagsulong sa biotechnology, na nagtutuon ng pansin lalo na sa posibilidad para sa “pagpapabuti” ng sangkatauhan. Ang mga ginagawa ba sa mga laboratoryo sa ngayon ay makaaapekto sa inyong buhay o sa iyong mga anak? Gayon nga ang paniwala ng marami.