Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ginagawang Mas Ligtas ang Paglalakbay sa Himpapawid

Ginagawang Mas Ligtas ang Paglalakbay sa Himpapawid

Ginagawang Mas Ligtas ang Paglalakbay sa Himpapawid

ITINULAK nang pasulong ng kapitan ng eroplano ang mga throttle, at sumagot naman ang kasamahang piloto na tinanggap niya ang pahintulot mula sa nagkokontrol ng trapiko sa himpapawid. Habang nakaupo ako sa likuran ng mga piloto bilang isang tagamasid sa loob ng cockpit (kinalalagyan ng piloto), nararamdaman kong kumakabog ang aking dibdib habang ang mga makina ng eroplano ay nagbigay ng nakakulob na ugong. Napasandal ako sa aking upuan nang ang Boeing 747​—isang “big iron,” sa katawagan ng mga piloto​—ay sumibad. Pagkatapos, nang hindi ko man lamang naramdaman, nasa himpapawid na kami, at unti-unting lumiliit sa likuran at ibaba namin ang Runway Blg. 34 ng New Tokyo International Airport.

Panganib sa Himpapawid!

Pagkatapos nang ilang sandali, narinig namin ang isang malakas na pagsabog, at nagsimulang manginig at umikot nang malakas ang eroplano. Napuno ng nakabibinging ingay ang loob ng cockpit. Tumunog ang alarma! Nagliliwanag ang ilang nagbababalang mga ilaw na kulay pula at manilaw-nilaw na kahel na nasa mga panel sa cockpit habang sinisikap ng kasamahang piloto na ituwid ang pag-ikot.

“Nasusunog ang ikatlong makina!” sigaw ng kapitan habang pinipindot niya ang buton na nagpapatahimik sa alarma. “Walang rotation, walang oil pressure, walang hydraulics sa ikatlong makina,” sabi ng kasamahang piloto. “Patayin ang ikatlong makina. Ihinto ang daloy ng gasolina sa ikatlong makina. Ihinto ang paggamit ng ikatlong makina.” Pagkatapos banggitin ang bawat utos, ginawa ng isang piloto ang angkop na pagkilos at pagkatapos ay tiniyak naman ito noong isa pa. Kanilang pinagtulungang ayusin ang situwasyon, na para bang nakaplano ang kanilang mga kilos. Namangha ako sa pagiging kalmado nila subalit kumikilos naman nang may katiyakan upang makontrol nila ang situwasyon.

Sumunod, ang kasamahang piloto ay nagradyo sa nagkokontrol ng trapiko sa himpapawid anupat humihiling ng pahintulot para sa biglaang paglapag at nagpapahanda ng mga kagamitang pangkagipitan. Pagkatapos ay ipinagbigay-alam niya sa mga tauhan sa eroplano na ihanda ang mga pasahero para sa isang biglaang paglapag.

Habang kinukumpleto at sinusuri ng mga tauhan ang kanilang listahan na pangkagipitan, sinisikap kong punasan ang pawis sa aking noo habang nakakapit ako nang mahigpit sa aking upuan! Laking ginhawa ko nang makalapag nang maayos ang eroplano. Nadama ko rin na para akong tanga dahil sa pagiging takot na takot. Alam mo, lahat ng mga nabanggit sa itaas ay hindi tunay. Hindi ako lumipad mula sa bansang Hapon. Nakaupo ako sa isang makabagong flight simulator (kahawig sa ipinakita sa itaas) sa United Airlines Flight Center, sa Denver, Colorado, E.U.A. Nagsasanay lamang ang mga tauhan ng eroplano. Para sa akin​—na isang beterano sa mga desktop computer flight simulator​—isa itong nakatutuwang karanasan.

Mga Manggagaya Para sa Kapakanan ng Kaligtasan

Bawat araw, ang katulad na mga pangyayari ay inuulit-ulit nang daan-daang beses ng mga tauhan sa eroplano sa mga simulator na gaya nito. Bakit? Para sa kanilang pagsasanay at para sa kaligtasan ng mga naglalakbay​—sa iyong kaligtasan. Pero bakit ginagawa ang gayong mga pagsasanay sa mga simulator sa halip na sa tunay na mga eroplano? Maraming dahilan, ngunit bago natin isaalang-alang ang mga iyon, tingnan muna natin kung paano sumulong ang flight simulation.

Noong una at ikalawang digmaang pandaigdig, itinayo ang mga paaralan na gumagamit ng mga sinaunang flight simulator upang makatulong sa lumalaking pangangailangan para sa mga kuwalipikadong piloto. Sa pagtatapos ng dekada ng 1960, mabilis na sumulong ang abyasyon sa tulong ng mga simulator, nang ang mga simulator ay naging lalong makatotohanan. Natularan pa nga nila ang kaliit-liitang mga detalye, gaya ng kung paano lumilipad ang eroplano kapuwa ayon sa kung gaano ito kabigat at kung gaano karaming gasolina ang taglay nito. Nakaaapekto ang gayong mga salik sa pagpapalipad nito. Pagkatapos, sa panahon na lumilipad ito, nasusunog ang gasolina at nagbabago ang mga katangian ng paglipad ng eroplano. Nagawang posible ng mga pagsulong sa elektroniks at mga computer na tularan ang mga ito at ang maraming iba pang kalagayan.

Ang tunguhin ay ang gumawa ng mga simulator na eksaktung-eksakto na makatutulad sa totoong paglipad hangga’t maaari. Dahil dito, ang mga makabagong simulator ay may malalaki at malalakas na pundasyong hydraulic na nagpapangyaring baguhin ang pagkilos sa anim na paraan. Pinaaandar ng malalaking hydraulic pump ang sistema anupat maaaring maramdaman paminsan-minsan ng mga tauhan ng eroplano ang iba’t ibang pagkilos na magdudulot ng puwersa mula +1 hanggang –1 g. *

Habang binabagu-bago ng mga piloto ang mga kontrol, nadarama nila ang mga resulta sa totoong oras na ginugol sa paglipad​—tulad ng kanilang nadarama kapag nasa eroplano. Ang pagsibad, pagbagal, pag-ikot, pagbulusok, paglapag at ang pagiging baku-bako ng paliparan, at ang kalagayan ng panahon ay hindi lamang nadarama ng kaloob-loobang bahagi ng pandinig ng piloto kundi pati rin ng kaniyang buong katawan.

May ginawang pagsulong sa paggamit ng mga sistemang panoorin na ginawa sa tulong ng computer na nagpapakita ng espesipikong mga paliparan sa daigdig at ng nakapaligid na lupain ng mga ito. Ipinakikita ang buháy na buháy na mga larawang ito sa mga iskrin na nakapalibot sa harapan ng simulator cockpit. Ang anggulo ng panoorin ay naka-180 digri ang luwang at naka-40 digri naman ang taas nito. Nagagawa ng mga simulator na “makalipad” ang mga piloto sa lahat ng lagay ng panahon​—taglamig, tag-ulan, panahong makidlat, umuulan ng graniso, at mahamog​—at sa araw, sa pagbubukang-liwayway, o sa gabi.

Pagdalaw sa Isang Simulator

Ang daan patungo sa simulator na pinuntahan ko ay isang tulay na bakal na tumatawid sa haba na 6 na metro sa pagitan ng “lupa” at ng isang malaki at puting simulator na nasa isang napakalaking nagagalaw na plataporma. Ang simulator ay mukhang isang sasakyang panlunsad sa buwan o isang malaking gagamba.

Kapag nasa loob ka na, pakiramdam mo’y para ka talagang pumasok sa cockpit ng isang tunay na eroplano. Makikita mo ang lahat ng mga pihitan, indicator light, gauge, switch, at mga pingga na ang pagkakaayos ay katulad na katulad sa eroplanong tinularan nito. Napansin ni Terry Bansept, ang aking tour guide at isang teknisyan ng flight simulator, na ang karamihan sa mga panel at mga instrumento nito ay talagang mga piyesa ng eroplano.

Ipinaliwanag ni Terry na ang mga flight simulator ay naging kasinlaki, katulad na katulad ang gamit, at lubos na kapareho ng mga cockpit ng mga iba’t ibang modelo ng eroplano. Habang dumarami ang gamit ng flight simulation, natanto ng mga nasa larangan ng abyasyon na ang mga simulator ay naglalaan ng mataas-na-kalidad ng pagsasanay sa paglipad. Bukod sa tinuturuan ang mga piloto na magpalipad ng eroplano, kasama rin sa pagtuturong may kinalaman sa simulator ang pagsasanay para sa mga hakbanging pangkagipitan.

Kapag naabot ng isang simulator ang isang pamantayan ng pagiging ganap na gaya ng eroplano, maaari pa ngang itala ng mga piloto ang oras na kanilang ginugol dito, na para bang sila’y nagpalipad ng isang totoong eroplano. Sa ilang kalagayan, maaaring maganap ang halos lahat ng pagsanay at pagsubok ng piloto sa loob ng isang simulator.

Bakit Ginagamit ang mga Simulator?

Maraming praktikal na dahilan kung bakit ginagamit ang mga simulator. Nakatitipid sa gasolina at langis kapag ang mga ito ang ginagamit sa halip na ang totoong eroplano. Nakababawas din ito sa trapiko sa himpapawid, ingay at polusyon sa hangin, at mga gastusin sa pagsasanay at pagpapalipad. Walang gastos kapag “bumagsak” ang isang simulator, at walang nasasaktan.

“Maaaring mabawasan ng mga simulator ang dami ng mga aksidente sa pagsasanay,” sabi ni Terry. “Ginagawa nitong posible ang pagsasanay para sa pagharap sa mga kagipitan, tulad ng sunog sa makina, pagkasira ng kagamitan sa paglapag, pagsabog ng gulong, lubos na pagkawala ng puwersa sa paglipad, bagyo, biglang pagbabago sa lakas at direksiyon ng hangin, pagyeyelo, at kapag mahirap makita ang nililiparan.” Maaari ring magkaroon ng masusing pagsasanay para sa mekanikal na mga sistema, at maaaring ayusin ang mga pagkasira at diperensiya ng sistema nang hindi nanganganib ang eroplano o ang buhay ng tao.

Sa pagkokomento tungkol dito, ganito ang napansin ng makaranasang piloto na si J. D. Whitlatch: “Ipinakikita ng mga pangyayaring aming ginagamit sa mga simulator ang 6 na milyong kombinasyon ng mga posibleng kaganapan at kalagayan sa paglipad. Hindi namin kailanman magagawang sanayin ang mga tauhan sa eroplano sa gayong karaming mga pangyayari sa totoong eroplano.”

Sa Estados Unidos, ang mga simulator mismo ay maingat na sinusuri at ginagarantiyahan ng Federal Aviation Administration (FAA), ng nagsusuring mga piloto, at ng mga teknisyan. Bago magsimula ang bawat araw ng pagsasanay, kinukumpuni, sinusuri, at “pinapalipad” ng mga teknisyan ang kanilang mga simulator upang tiyakin na eksaktung-eksaktong matutularan ng mga ito ang eroplano. Kapag may mga binabago sa totoong eroplano, ginagawa rin ang mga pagbabagong ito sa mga simulator. Sa tuwing ikaanim na buwan, “pinalilipad” ng mga kinatawan ng FAA ang mga simulator upang siguraduhin na ang mga ito’y ganap na tulad ng totoong eroplano.

Pagkatuto Mula sa mga Nakaraang Trahedya

Sa pamamagitan ng paggamit sa impormasyong nasa mga flight data recorder at mga rekorder ng boses sa cockpit na nakuha mula sa mga lugar ng aksidente, maaaring iprograma ng mga inhinyero ang mga simulator upang tularan ang mismong mga kalagayan at mga pagkasira na nangyari sa aktuwal at espesipikong mga aksidente ng eroplano. Ang impormasyon at pagtulad na ito ay magagamit bilang kasangkapan upang matulungan ang mga imbestigador na tiyakin ang sanhi ng bawat aksidente. Karagdagan pa, makatutulong ang gayong impormasyon sa pagtuturo sa darating na mga henerasyon ng piloto kung paano sila tutugon sa mga di-inaasahang problema. Ginagamit din ito ng mga gumagawa ng eroplano at piyesa ng eroplano upang malaman kung paano makapagdisenyo at makagawa ng mas mahusay na eropano at mga piyesa sa hinaharap.

Kapag isiniwalat ng imbestigasyon na ang pagkakamali ng piloto ang siyang dahilan ng aksidente o muntik-muntikang aksidente, kung gayon, maaaring pasimulan ang pagsasanay upang maiwasan ang katulad na mga pagkakamali sa hinaharap. Sinabi ni Lew Kosich, isang makaranasang piloto: “Ang mga pangyayaring ipinakikita namin ay hindi kathang-isip lamang; talagang nangyari ang mga ito sa isang lugar.” Sa pagsisikap na mapabuti ang mga pagtugon ng piloto sa mga problema, ang mga programa sa pagsasanay, at higit sa lahat ang kaligtasan ng publiko, patuloy na tinataya at tinutularan ng mga eksperto ang mga tunay-sa-buhay na situwasyon at kanilang pinag-aaralan ang mga reaksiyon ng piloto sa mga ito.

Habang sinusubukan ko ngayong “ilapag” ang “Boeing 747” sa “Charles de Gaulle Airport”​—na sinusubaybayan ng aking kasamahang piloto na si Terry​—inaasahan kong marinig ang nakatutuwang tunog ng mga gulong na lumalapag sa tarmak. Aba, huminto ang iskrin ng simulator dahil sa maling pagmaneobra! Naibangga ko pala ang “big iron” sa gusali ng nagkokontrol ng trapiko sa himpapawid!

Anong laki ng ating pasasalamat na ang mga piloto na talagang nagpapalipad ng mga pampasaherong eroplano ay tunay na mga dalubhasa​—dahil na rin ito sa mga flight simulator. Sa susunod na sumakay ka ng eroplano, makapagtitiwala ka na ikaw at ang kapuwa mo pasahero ay nasa kamay ng mga dalubhasa.​—Isinalaysay.

[Talababa]

^ par. 11 Ginagamit ang letrang g upang sukatin ang mga puwersa na nakaaapekto sa mga tao na nasa loob ng anumang sasakyan. Ang puwersa ng grabidad ng lupa ay may pamantayang puwersa na 1 g. Kapag sinikap ng piloto na pigilin ang pagbulusok ng eroplano, nakadarama siya ng karagdagang puwersa anupat isinasalya siya sa kaniyang upuan. Kapag ang puwersa nito’y doble ang kahigitan sa grabidad, ang sukat nito’y 2 g.

[Mga larawan sa pahina 26]

Ang simulated na paglipad mula sa San Francisco at ang paglipad sa New York City

[Larawan sa pahina 26]

Ang flight simulator, Denver, Colorado