Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Isinulat Ninyo ang Tungkol sa Aking Buhay!”

“Isinulat Ninyo ang Tungkol sa Aking Buhay!”

“Isinulat Ninyo ang Tungkol sa Aking Buhay!”

Sa nakalipas na mga taon, ang Gumising! ay naglathala ng mga artikulo may kinalaman sa iba’t ibang karamdaman. Sabihin pa, ang Gumising! ay hindi isang babasahing pangkalusugan, at hindi ito nagtataguyod ng isang lunas na higit sa iba. Gayunman, sa pagtalakay sa isang karamdaman, sinisikap ilarawan ng magasing ito ang problema, kinikilala ang mga sanhi nito, at nagbibigay ng maka-Kasulatan at praktikal na payo para sa kapakinabangan ng mga pinahihirapan ng sakit at ng mga nag-aalaga sa kanila.

Halimbawa, ang artikulong “Ang Pag-unawa at Pagharap sa Fibromyalgia” ay inilathala sa labas ng Hunyo 8, 1998, at tumanggap ito ng pagtugon sa buong daigdig. Oo, mga liham ng pasasalamat ang tinanggap kahit na pagkalipas ng maraming buwan pagkatapos na mailathala ang artikulo. “Para akong nabunutan ng tinik,” ang sulat ng isang babae. “Para bang isinulat ninyo ang tungkol sa aking buhay!” ang sulat naman ng isa, na isinusog pa, “alam ko na kung paano haharapin ang karamdamang ito ngayon.”

Pinahalagahan din ng mga propesyonal ang artikulong ito. Ang nakatataas na bise presidente ng medical affairs para sa Arthritis Foundation sa Estados Unidos ay sumulat: “Sa palagay ko ang artikulo tungkol sa fibromyalgia ay timbang, kumpleto, at napakahusay. Pinapupurihan ko rin ang paglakip ng mga sinipi mula sa Bibliya at ang kahalagahan ng pananampalataya sa kalagayang ito at sa lahat ng iba pang medikal na mga kalagayan.”

Marami pang ibang liham ang tinanggap. Ang sumusunod ay ilang halaw.

“Hinimok ako ng aking doktor na magbasa ng lahat ng mababasa ko tungkol sa paksang ito. Ang inyong artikulo ang pinakamagaling na nabasa ko.”​—L. R.

‘Marami ang nagtanong sa akin tungkol sa aking karamdaman. Karaniwang ibinibigay ko sa kanila ang isang pamplet. Inaakay ko sila ngayon sa labas na ito ng Gumising! Talagang wala nang nakaaaliw pa na gaya nito!’​—K. K.

‘Muling tiniyak sa akin ng artikulo na hindi ako bigo at na itinuturing pa rin ako ni Jehova na mahalaga.’​—D. C.

“Sa kauna-unahang pagkakataon, nadama kong may nakauunawa sa nararanasan ko.”​—C. H.

‘Nakaaaliw malaman na hindi kami nag-iisa sa aming nararanasan.’​—C. A.

‘Nakalulungkot na hindi ko na magawa ang dating nagagawa ko. Itatago ko ang artikulong ito na malapit sa aking kama upang paulit-ulit ko itong mabasa kung kailangan ko ng pampatibay-loob.’​—K. B.

‘Hanggang sa ngayon, hindi ko pinapansin ang kirot hangga’t maaari, ginawa ko ang lahat ng magagawa ko, at pagkatapos ay mabubuwal na lamang. Ang inyong mungkahi ay waring mas mabuting paraan upang harapin ang aking kalagayan.’​—M. C.

“Ako po’y 14 anyos, at ako po’y nasuri na may fibromyalgia nang ako’y 12. Napaluha ako na malaman na si Jehova ay nagmamalasakit sa amin. Pakisuyong patuloy po kayong sumulat ng nakapagpapatibay na mga artikulong gaya nito!”​—K.A.M.