Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Giraffe—Matatangkad, Mahahaba ang Binti, at Elegante

Mga Giraffe—Matatangkad, Mahahaba ang Binti, at Elegante

Mga Giraffe​—Matatangkad, Mahahaba ang Binti, at Elegante

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA KENYA

ANG kulay-abo na malalaking batong granito ay mamasa-masa at malamig sa pagbubukang-liwayway. Sa malalaking batong ito kami nagpahingalay habang hawak ang aluminyong tasa ng mainit na tsa at nakatutok ang aming mga mata sa ibaba sa damuhan ng Aprika. * Ginantimpalaan din ang aming pagtitiyaga. Sa malamlam na liwanag ng sinag sa umaga, isang pangkat ng mga giraffe​—matatangkad, mahahaba ang binti, at elegante​—ang palakad-lakad sa kapatagan. Sa mahinay na pagkilos, inihahakbang nila ang sa wari’y tayakád na mga binti, habang ang kanilang mahahaba’t nakabaluktot na leeg ay umiindayog na parang mga palo ng naglalayag na barko sa hanginan. Halos hindi kami makahinga. Napakaganda ng tanawin!

Palibhasa’y di-nabubulabog sa aming pagkanaroroon, parang iisang bumaling sila sa palumpong ng mayayabong na punong akasya at inabot ang matataas at matitinik na sanga. Sa dahan-dahan at maingat na paraan, ang malulumanay na higante ay namitas ng maliliit na berdeng dahon sa pamamagitan ng kanilang mahahabang dila. Doon, may kataasan mula sa lupa, isiniksik nila ang kanilang ulo sa gitna ng isang grupo ng mga pugad ng weaverbird at tumingin-tingin na hindi man lamang nababahala. Maingay na pinagalitan ng mga ibon ang mahahabang-leeg na pakialamero. Nang magulat dahil sa maingay na pagtutol, ang pangkat ay tahimik at magalang na lumipat sa ibang puno.

Matulin at Mahinhin

Sinumang nakakita na sa mga kinapal na ito habang ang kanilang mga leeg ay nakasungaw sa isang kulungan sa zoo ay mahihirapang mapagmasdan ang tunay nilang kagandahan at kahinhinan habang sila’y nananakbo sa kagubatan ng Aprika. Ang mga giraffe ay mahinhin at banayad kung kumilos. Habang sila’y nananakbo sa malawak na damuhan, ang kanilang maselan, halos mabuway na hitsura ay nagpapangyari na waring sila’y matitisod kahit sa pinakamaliit na umbok at sa gayo’y madarapa. Sa kabaligtaran, ang isang malaking giraffe na tumitimbang ng hanggang 1,300 kilo ay isang matatag at maliksing mananakbo at nakaaabot sa tulin na halos 60 kilometro sa isang oras.

Ang kahanga-hangang kinapal na ito ay matatagpuan lamang sa Aprika. Ang likas na pagiging banayad at tahimik nito ay nakasisiyang panoorin. Ang mukha ng giraffe ay mailalarawan bilang naiiba at kaakit-akit pa nga, na may mahahaba at makikitid na tainga at dalawang maliliit na sungay na may parang pelus na borlas ng maitim na buhok sa tuktok. Napakalalaki at madilim ang mga mata nito, na protektado ng mahahaba at malalantik na pilikmata. Kapag ang giraffe ay tumititig sa malayo mula sa kinatatayuan nito, ang mukha nito’y parang walang muwang na nag-uusisa.

Noong sinaunang panahon, ang giraffe ay hinahangaan at pinahahalagahan dahil sa kaakit-akit na hitsura nito at sa pagkilos na mahiyain, tahimik, at di-agresibo. Ang mga batang giraffe ay ibinibigay sa mga tagapamahala at mga hari bilang regalo na sumasagisag sa kapayapaan at kabutihang-loob sa pagitan ng mga bansa. Sa ngayon ay makikita pa rin ang kupás na mga larawan ng mga giraffe sa sinaunang mga guhit sa bato sa Aprika.

Matangkad

Ang giraffe ang pinakamatangkad sa lahat ng hayop. Mula paa hanggang sungay, ang husto-sa-gulang na lalaking giraffe ay umaabot sa mahigit na 5.5 metro ang taas. Sa sinaunang hieroglyph na pagsulat ng mga Ehipsiyo, kinakatawan ng giraffe ang pandiwang “humula” o “patiunang sabihin,” na nagpapahiwatig ng kahanga-hangang tangkad at kakayahang makakita sa malayo.

Kapag nakatayong kasama ng iba’t ibang grupo ng mga zebra, ostrich, impala, at iba pang hayop sa kapatagan ng Aprika, ang giraffe ay nagmimistulang isang toreng bantayan. Ang kataasan at ang napakalinaw na mata nito ay tumutulong upang matanaw ang napakalayong lugar at mapansin agad ang anumang panganib na dumarating. Kaya naman, ang pagkanaroroon nito na parang tore ay walang-alinlangang nagdudulot ng isang antas ng seguridad para sa ibang mga hayop.

Isang Kahanga-hangang Disenyo

Ang giraffe ay buong-kagalingang dinisenyo para sa pagtingin-tingin sa pinakadulong mga sanga ng matataas na punungkahoy, anupat lampas na lampas pa sa naaabot ng lahat ng iba pang mga hayop maliban sa elepante. Ang pambihirang disenyo ng naipupulupot na nguso nito at malambot na dila ay tumutulong dito upang dahan-dahang mapitas ang mga dahon mula sa mga sanga na punung-punô ng mga simà at tinik na kasintatalas ng karayom.

Ang mga giraffe ay maaaring makaubos hanggang 34 na kilo ng pananim sa isang araw. Bagaman nakakakain ang mga ito ng maraming iba’t ibang uri ng berdeng halaman, mas gusto nila ang matinik na mga punong akasya na nakakalat sa kapatagan ng Aprika. Napahahaba ng isang lalaking giraffe ang dila nito hanggang 42 centimetro sa paghahanap ng makakain. Pambihira ang kalambutan ng leeg ng giraffe. Dahil dito’y naililingon at naitatagilid ng giraffe ang mahabang ulo nito sa kagulat-gulat na mga anggulo habang mapamaraan at maingat na namimitas mula sa matataas na sanga ng punungkahoy.

Madali sa mga giraffe na maabot ang itaas, subalit ang pag-inom ng tubig ay ibang bagay naman. Kapag lumapit ito sa isang hukay na may tubig, kailangang dahan-dahang ibuka ng giraffe ang unahang mga binti nito at saka iluluhod ang dalawang tuhod upang maabot ang tubig. Sa asiwang posisyong ito, binabanat ng giraffe ang mahabang leeg nito nang sagad-sagaran bago ito makainom ng tubig. Mabuti na lamang, ang giraffe ay hindi kailangang uminom nang madalas, yamang palagi itong nakakakuha ng sapat na patak ng tubig mula sa makakatas na dahon na pinakapagkain nito.

Ang leeg at tagiliran ng giraffe ay napipintahan ng magagandang kawing ng makikitid na puting linya na gumagawa ng isang sala-sala na tulad-dahong mga dibuho. Ang kulay ay iba-iba rin mula sa ginintuang kayumanggi hanggang sa matingkad na kulay-kastanyas na kape at itim pa nga. Habang nagkakaedad ang giraffe, ang kulay nito ay tumitingkad.

Buhay Pamilya

Ang mga giraffe ay palakaibigang kinapal, na naglalakad-lakad nang magkakaagwat sa pangkat nila na may bilang na mula 2 hanggang 50 hayop. Dadalhin ng isang buntis na babaing giraffe ang kaniyang guya sa kaniyang sinapupunan mula 420 hanggang 468 araw bago ipanganak ang isang 2-metrong supling. Kapag ipinanganganak, ang guyang giraffe ay bumabagsak sa lupa mula sa taas na mahigit sa 2 metro, una ang ulo! Subalit sa loob ng 15 minuto, ang supling na hindi nasaktan, ay pauga-ugang tatayo at handa nang sumuso. Pagkalipas ng dalawa o tatlong linggo, ang guyang giraffe ay kusa nang manginginain sa malalambot na talbos ng mga sanga ng akasya at di-magtatagal ay lalakas na upang makaalinsabay sa malalayong hakbang ng ina nito.

Ang batang giraffe ay isang napakagandang maliit na kopya ng kaniyang ina. Bagaman kulang kung sa giraffe ibabatay, ito’y mas mataas naman kaysa sa karamihan ng kalalakihang tao. Habang nakatayo na waring nag-uusisa at di-natatakot dahil sa mapagbantay na mga mata ng parang toreng ina nito, ang guyang giraffe ay isang napakagandang pánoorín.

Sa panahon ng pagkapanganak, ang mga batang giraffe ay tinitipon sa isang lugar na pagpapalakihan sa kanila, na doo’y pinalilipas nila ang araw sa pamamahinga, paglalaro, at pagmamasid sa nangyayari sa paligid nila. Ang bagong-panganak na guyang giraffe ay pagkabilis-bilis lumaki. Sa loob ng anim na buwan, ang isang guyang giraffe ay lumalaki nang hanggang 1 metro, at nadodoble ang taas nito sa loob ng isang taon. Sa loob lamang ng isang linggo, ang isang guyang giraffe ay maaaring lumaki nang hanggang 23 centimetro! Napakahigpit ng isang inang giraffe, at bagaman pinapayagan niyang maglakad-lakad ang kaniyang guya nang malayo, ang kaniyang napakalilinaw na mata ay tumutulong upang palagi niyang makita ang kaniyang anak.

Dahil sa pambihira nitong sukat, liksi, at tulin at sa napakalinaw na mata, iilan lamang ang kalaban ng mga giraffe sa kagubatan bukod sa mga leon. Subalit, ang mga tao ang nanghuhuli at pumapatay sa magandang kinapal na ito sa napakalaking bilang. Yamang walang-tigil na tinutugis dahil sa magandang balat, malinamnam na karne, at maitim na mahabang buhok ng buntot nito​—na ayon sa ilan ay nagtataglay raw ng mahiwagang kapangyarihan​—ang tahimik na hayop na ito’y napapaharap ngayon sa isang walang-katiyakang kinabukasan. Bagaman noon ay sagana sa maraming bahagi ng Aprika, ang giraffe ay medyo ligtas na lamang ngayon sa loob ng hangganan ng mga game park at mga kanlungan kung saan ito’y iniingatan.

Sa ngayon, ang mga bisita sa isang safari sa Aprika ay maaari pa ring masiyahan sa panonood sa mga giraffe na may mahahabang leeg habang malayang nananakbo sa malawak at madamong kapatagan. Doon ay mapapanood sila habang tumitingin-tingin sa kataasan ng matitinik na mga punong akasya o basta nakatitig lamang sa malayo ayon sa karaniwang porma ng isang giraffe. Ang napakagandang kinapal na ito, taglay ang magandang hugis na kakatwa at pagiging likas na malumanay nito, ay tunay na isang kahanga-hangang disenyo​—isa na namang katibayan ng mapanlikhang kakayahan at pambihirang personalidad ng Diyos na makapangyarihan sa lahat, si Jehova.​—Awit 104:24.

[Talababa]

^ par. 3 Ang kalat-kalat na maliliit at mababatong burol sa malawak na kapatagan ng Aprika ay tinatawag na kopjes.

[Kahon/Larawan sa pahina 18]

ISANG MAHABANG-LEEG NA HIMALA

Ang kakatwang hugis ng katawan at napakalaking sukat ng giraffe ay malamang na naghaharap ng mga problema​—baka isipin ng ilan. Dahil sa labis na kataasan at kahabaan ng leeg ng giraffe, waring magiging imposible na makontrol ang daloy ng dugo sa lahat ng bahagi ng katawan nito. Halimbawa, kapag ibinababa ng giraffe ang ulo nito sa lupa, ang biglang bugso ng dugo ay dadaloy sa ulo dahil sa paghatak ng grabidad, anupat lulunurin nito ang utak. Kapag itinaas naman ng giraffe ang ulo nito, ang dugo ay biglang dadaloy pabalik sa puso, anupat hihimatayin naman ang hayop. Subalit, hindi ito nangyayari. Bakit hindi?

Ang sistema ng sirkulasyon ng dugo ng giraffe ay tunay na isang makahimalang disenyo, sadyang ginawa taglay ang katalinuhan upang bumagay sa pambihirang hugis at sukat ng katawan ng giraffe. Ang puso mismo ay pagkalaki-laki at kailangang bumomba nang husto upang mapadaloy ang dugo sa utak, na umaabot sa layong tatlo at kalahating metro sa itaas nito. Sa pagtibok nito hanggang 170 ulit sa isang minuto, ang 7-centimetrong makapal na sapin ng kalamnan ng puso ay nakagagawa ng systolic pressure na halos tatlong beses niyaong sa tao. Upang mapangalagaang ligtas ang gayong puwersa, kapuwa ang ugat na carotid, na nagdadala ng dugo tungo sa utak, at ang ugat na jugular, na nagbabalik naman ng dugo tungo sa puso, ay dapat na maging malalaki. Sa katunayan, ang mga daluyang ito ng dugo ay mahigit sa 2.5 centimetro ang diyametro at pinatitibay pa ng makukunat na tisyu, na nagiging dahilan upang ang mga ito’y maging sunud-sunuran at matibay.

Kapag ibinababa ng giraffe ang ulo nito, may mga pantanging balbula na kumokontrol sa daloy ng dugo na patungong utak. Sa gawing ibaba ng utak, ang malaking ugat na carotid ay tumutungo sa isa pang sangkap na kahanga-hanga ang pagkakadisenyo na tinatawag na pambihirang lambat. Dito, ang malakas na daloy ng dugo ay pinababagal sa pamamagitan ng pagpapadaloy nito sa isang pantanging kawing ng maliliit na daluyan ng dugo na kumokontrol sa presyon ng dugo at nagsasanggalang sa utak mula sa malakas na bugso ng dugo. Ang pambihirang lambat ay lumalaki kapag ibinababa ang ulo at lumiliit naman kapag itinataas ng giraffe ang ulo nito, na kumokontrol sa epekto ng grabidad, na kung hindi ay magdudulot ng panganib na pagbaba ng presyon ng dugo, na maaaring maging sanhi ng pagkawala ng malay.

Ang leeg ng giraffe ay isa ring kahanga-hangang disenyo. Nagulat ang mga siyentipiko nang matuklasan nilang ang pambihirang leeg ng giraffe ay naglalaman pala ng kaparehong bilang ng buto ng gulugod ng isang daga o ng karamihan sa ibang mamal! Gayunman, di-gaya ng karamihan sa mga mamal, ang giraffe ay may pahabang buto ng gulugod na dinisenyo sa isang pantanging bola-at-saket na pagkakayari, na naglalaan ng pambihirang kalambutan. Kaya naman, naiyuyuko at naibabaluktot ng giraffe ang leeg nito upang ayusin ang lahat ng bahagi ng kaniyang katawan o maingat na naiaabot sa matataas na sanga ng isang puno para manginain.