Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Biktima ng Labis na Pagpapahirap Maraming-maraming salamat sa paglilimbag ng artikulong “Tulong sa mga Biktima ng Labis na Pagpapahirap.” (Enero 8, 2000) Ang lalim ng pagkaunawa at empatiya nito ay nakatulong sa akin na iugnay ang impormasyon sa akin mismong personal na mga problema.
B. R., Estados Unidos
Tumanggap ako ng isang mensahe mula sa aking kaibigan. Basta sinabi niya: ‘Ang artikulo ay tungkol sa akin. Pakibasa ito.’ Ang maikling liham na ito ay nagdulot ng kalungkutan sa akin, yamang siya ang nagturo sa akin ng Bibliya noong mga unang taon ng dekada ng 1970. Wala akong kaalam-alam. Naginhawahan ako na inilathala ninyo ang isang prangkang pagtalakay sa ligalig ng damdamin ng mga biktima sa buong daigdig na nagdusa sa mga kamay ng iba.
L. W., Estados Unidos
Di-malilimot na Awit Salamat sa maikling artikulong “Isang Awit na Tumimo sa Kaniya.” (Disyembre 22, 1999) Ang magandang awit na ito ay tunay ngang nagdadala ng papuri kay Jehova at nagpaluha sa akin. Si Franz Schubert ay hindi takot na gamitin ang dakilang pangalan ni Jehova.
K. C., Estados Unidos
Para sa kaalaman ng aming mga mambabasa, ang awit na “Die Allmacht” (Opus 79, No. 2), bagaman relihiyosong uri, ay hindi isinulat para gamitin sa simbahan. Iniulat na kinatha ito ni Schubert dahil sa naantig ang kaniyang damdamin ng marilag na kabundukan samantalang nasa Austria.—ED.
Disenyo sa Kalikasan Ako’y isang mambabasa ng Gumising! sa loob ng mahigit na 30 taon, subalit ako’y napakilos na ipahayag ang aking pasasalamat sa serye na “Buhay—Isang Produkto ng Disenyo.” (Enero 22, 2000) Hindi ako likas na mahilig sa mga paksang makasiyensiya, subalit nasumpungan ko ang aking sarili na naakit ng mga artikulong ito na madaling basahin.
T. E., Estados Unidos
Ang mga artikulo ay lalong nagpalaki ng aking pag-ibig at pagpapahalaga kay Jehova. Nauunawaan ko na ngayon na ang buhay na walang hanggan sa Paraiso ay hindi kailanman magiging nakababagot. Laging may kahanga-hangang mga bagay na tutuklasin tungkol sa ating Maylalang. Ang proseso ng pag-aaral ay magiging walang katapusan.
J.R.A., Brazil
Tila may isang pagkakamali sa pahina 7, na tumatalakay sa transmisyon ng langaw. Ibig ba ninyong sabihin na “ikinokonekta nito ang pakpak sa pakpak”?
P. S., Estados Unidos
Hindi, hindi ganiyan ang ibig naming sabihin. Ipagpaumanhin mo ang aming pagkakamali. Ang ibig naming sabihin, ikinokonekta nito ang “makina” sa mga pakpak—ang “makina” ay tumutukoy sa mga kalamnan na nasa gitnang bahagi ng katawan na nagpapakilos sa mga pakpak.—ED.
Nagtrabaho ako sa departamento ng pananaliksik ng isang malaking kompanya ng computer sa loob ng maraming taon, at interesado ako sa pagkakapit ng mga disenyong nasusumpungan sa kalikasan. Subalit hindi ko alam na mayroon na ngayong isang espesipikong sangay ng siyensiya na may kaugnayan dito, yaon ay, ang biomimetics. Nakalulungkot na marami na sangkot sa gayong maramihang pagkopya sa kalikasan ay malamang na hindi man lamang nagbibigay kredito sa orihinal na Disenyador.
P. G., Estados Unidos
Kahanga-hanga ang pagkakasulat ng artikulo. Ang ilan sa mga taong binigyan ko nito ay nagbigay ng lubhang positibong mga komento hinggil sa kung paano nagagawa ng Diyos ang lahat ng bagay na sakdal at walang polusyon. Salamat sa inyong akda, ginawa ninyong madaling basahin ang mahirap na paksa.
R.D.S., Italya
Mga Panganib sa Internet Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Maiiwasan ang mga Panganib sa Internet?” (Enero 22, 2000) ay nagharap ng ekselenteng pagkakatimbang sa mga kapakinabangan at mga panganib ng Internet. Bilang isa na gumagamit ng Internet araw-araw bilang isang bahagi ng aking trabaho, nasumpungan ko na palaging naroroon ang mga panganib. Anong pagkahala-halaga nga na iwasan ang mga panganib na iyon!
J. L., Estados Unidos