Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mga Pader sa Paris na Walang mga Sulat?
“Kahanga-hanga ang task force,” ang sabi ng pahayagang Pranses na Le Figaro. May “17 nasasangkapang van, 7 minibus na dalubhasa sa paglaban sa mga sulat sa pader (graffiti), isang dosenang iskuter, at mga 130 manggagawa na tinutulungan ng 16 na tagapagmanman na ang trabaho ay hanapin ang mga sulat sa pader.” Ang misyon ng bagong brigada ng Paris laban sa mga sulat sa pader ay alisin ang 90 porsiyento ng mga sulat sa pader at sa mga persiyana sa Paris sa loob ng isang taon—tinatayang “200,000 metro kudrado [mga 2,000,000 piye kudrado] sa mga gusali ng gobyerno at ng publiko at 240,000 metro kudrado [mga 2,500,000 piye kudrado] sa mga pribadong pader.” Kung matugunan ang mga tunguhin ng lunsod, ang lahat maliban sa 24,000 metro kudrado ng mga sulat sa pader sa mga pribadong gusali ay mawawala sa Pebrero 2001, at “anumang bagong sulat sa pader ay dapat mawala sa loob ng 12 araw pagkatapos na makita ito.” Lahat-lahat, ang operasyon-linis ay inaasahang magkakahalaga ng 480 milyong franc ng Pransiya ($72 milyon).
Pantay Na Ngayon ang mga Taong Sobra sa Kain at Kulang sa Kain
“Ang bilang ngayon ng mga tao sa daigdig na sobra sa timbang ay katumbas na ng bilang ng mga taong nagugutom at kulang sa kain,” sabi ng The New York Times, na nagkokomento hinggil sa isang pag-aaral ng Worldwatch Institute. Mga 1.2 bilyon ang kulang sa kain at nagugutom, at isang katumbas na bilang o higit pa ngayon ang sobra sa kain. Sa buong daigdig, mas maraming tao higit kailanman ang dumaranas ng malnutrisyon, at ang bilang ng mga kulang sa kain at yaong sobra sa kain ay dumarami sa lahat ng lipunan. “Nakagawa tayo ng isang paraan ng pamumuhay kung saan ang ating antas ng pisikal na gawain ay lubhang nabawasan anupat mas marami tayong ipinapasok kaysa ginagamit na calorie, at ang sobra na iyon ay nagiging taba,” sabi ni Lester R. Brown, presidente ng Worldwatch, sa pagsasalita hinggil sa dumaraming bilang ng mga sobra ang timbang. “Sa [Estados Unidos] noong nakaraang taon, may 400,000 nagpa-liposuction. Ipinakikita nito kung paano lubhang di-timbang ang mga bagay-bagay.”
Ang mga Amerikano ang May-ari ng Pinakamaraming Alagang Hayop
Sa 500 milyong alagang hayop sa daigdig, mga 40 porsiyento ang nasa Estados Unidos. “Sa halos 60 porsiyento ng mga sambahayan sa bansa, kabilang ang hindi kukulangin sa 70 milyong pusa, 56 na milyong aso, 40 milyong ibon, 100 milyong isda, 13 milyong dagang costa at iba pang maliliit na mamalya, at 8 milyong reptilya,” ang ulat ng National Geographic. Pumapangalawa ang Britanya sa pagmamay-ari ng alagang hayop—karamihan ay mga pusa’t aso. “Subalit 21 milyong alagang isda ang laganap sa Pransiya, mas marami kaysa mga pusa at aso na pinagsama,” ang sabi ng magasin.
Inayunan ng Korte Suprema ng Hapón ang Saksi
Ipinasiya ng Korte Suprema ng Hapón na “nilabag ng mga siruhano ang karapatan ng isang babae na magpasiya para sa kaniyang sarili nang ito’y salinan nila ng dugo sa panahon ng operasyon, anupat sinisira ang kanilang pangako na hindi nila gagawin iyon kahit na ito’y ikamatay niya,” ang sabi ng pahayagang Daily Yomiuri. “Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang Korte Suprema ay nagpasiya na ang karapatan ng isang pasyenteng magpasiya may kinalaman sa paggamot sa kaniya ay isang karapatang pantao.” Si Misae Takeda, isa sa mga Saksi ni Jehova, ay sinalinan ng dugo noong 1992, samantalang siya’y tulog kasunod ng isang operasyon upang alisin ang isang malubhang tumor sa atay. Nagkaisa ang pasiya ng apat na mga hukom ng Korte Suprema na ang mga doktor ay may kasalanan sapagkat hindi nila ipinaliwanag na siya’y maaari nilang salinan ng dugo kung ito’y kinakailangan sa panahon ng operasyon, sa gayo’y pinagkakaitan siya ng karapatang magpasiya kung tatanggapin niya ang operasyon o hindi. Ang pasiya noong Pebrero 29, 2000, ay nagsasabi: “Kapag tumanggi ang pasyente na magpasalin ng dugo dahil sa kaniyang relihiyosong paniniwala, dapat igalang ang kahilingang iyon.” Ipinagpatuloy ng mga kamag-anak ang demanda pagkamatay ni Misae noong 1997.—Para sa mga detalye, pakisuyong tingnan Ang Bantayan ng Disyembre 15, 1998, pahina 26-9.
Pagliligtas sa mga Uri ng Buhay sa Lupa
“Ang paglilgtas sa maraming uri ng buhay (species) sa daigdig mula sa pagkalipol ay hindi napakalaki,” sabi ng pahayagang Daily News ng Lunsod ng New York. “Narating ng mga siyentipiko na nag-imbentaryo sa umuunting iláng ng Lupa ang isang nakagugulat na konklusyon: Mahigit na sangkatlo ng mga uring halaman at hayop sa planeta ay umiiral lamang sa maliit na 1.4% ng ibabaw ng lupa nito.” Iminumungkahi ng mga mananaliksik na pagtuunan pa ng higit na pansin ang pangangalaga sa 25 dako-na-sagana sa uri ng buhay sa mga lugar na gaya ng Brazil, Madagascar, Borneo, Sumatra, ang tropikal na Andes, at ang Caribbean. Ang karamihan ay maulan na kagubatan sa tropiko. “Sa halaga na ilang daang milyong dolyar sa isang taon, na nakatutok
sa mga dakong ito na nangangailangan ng pansin, malaki ang maitutulong nito sa paggarantiya sa pangangalaga sa buong hanay ng sari-saring buhay sa Lupa,” ang sabi ni Russell Mittermeier, presidente ng Conservation International. Bagaman mga 38 porsiyento sa mga lugar na ito ay protektado na ng batas, karaniwan nang ito’y sa papel lamang, yamang nagpapatuloy ang pagmimina, panginginain ng damo, at pagtotroso.Lumalaganap ang Kakulangan ng mga Klero
Isang “kakulangan ng mga klero” ang lumalaganap mula sa mga lalawigan sa Estados Unidos hanggang sa malalaking lunsod, ang sabi ng The New York Times. Binabanggit ang halimbawa ng isang 110-taóng-gulang na sinagoga na sa loob ng mahigit na tatlong taon ay nagsikap na makaakit ng isang rabbi subalit bigo, ang artikulo ay nagsasabi: “Karaniwan na ang suliranin ng templo. Hindi lamang ang mga sinagoga ang nahihirapang umupa ng mga miyembro ng klero, gayundin ang mga simbahang Romano Katoliko at Protestante.” Ang mga kura paroko ay umunti nang 12 porsiyento mula noong 1992 hanggang 1997. Tinatawag ng isang tagapagsalita para sa Simbahang Episcopal ang kanilang kalagayan na malubha, na wala pang 300 sa 15,000 miyembro ng klero ang isinilang pagkatapos ng 1964. Mahigit na 22 porsiyento ng mga kongregasyon ng Reform Judaism ang walang buong-panahong rabbi. Limang taon lamang ang nakalipas, mas maraming rabbi kaysa mga sinagoga. Sinisi ng ilang klerigo ang kakulangan dahil sa “malakas na ekonomiya” kung saan ang mga tao ay “naaakit sa larangang mas malaki ang kita.” Sinasabi naman ng iba na ito’y dahilan sa “humihinang pang-akit” ng ministeryo. Si Rabbi Sheldon Zimmerman, presidente ng Hebrew Union College, ay nagbababala: “Malibang paramihin natin sa paano man ang bilang niyaong pumipili sa propesyon ng relihiyosong buhay, ito sa wakas ay magiging isang malaking kasakunaan para sa organisadong relihiyosong buhay.”
Kailangang Mag-ingat Kapag Nagsisipilyo ng Ngipin
“Maaaring sobra ang pagsisipilyo mo sa iyong ngipin,” ang sabi ng isang ulat sa The Wall Street Journal. “Ang problema ay karaniwang tinatawag na ‘gasgas sa pagsisipilyo,’ at maaaring humantong ito sa madaling masirang ngipin, umurong na gilagid at pagkasira sa palibot ng pinaka-ugat ng ngipin.” Tinatayang 10 hanggang 20 porsiyento ng populasyon sa Estados Unidos ang “nakasira ng kanilang ngipin o gilagid dahil sa sobrang pagsisipilyo.” Ang mariing magsipilyo at yaong gumagamit ng matitigas na sipilyo ang lubhang nanganganib. “Aktuwal na nakagagawa sila ng higit na panganib kaysa kabutihan dahil sa kagustuhang maging malinis,” ang sabi ng dentistang si Milan SeGall. Ang ilang tao ay henetikong mas malamang na magkaproblema dahil sa sila’y ipinanganak na may kaunting buto sa palibot ng kanilang ngipin. Mas malamang ding magkaproblema ang mga taong pinatuwid o inayos ang kanilang ngipin sa pamamagitan ng mga brace at yaong pinagngangalit o nagtitiim ng kanilang ngipin. Upang maiwasan ang pinsala, inirerekomenda ng mga dalubhasa ang sumusunod: Gumamit ng malambot na sipilyo. Sipilyuhin muna ang mga ngipin sa likuran, yamang sa simula kahit ang malalambot na sipilyo ay medyo matigas at ang toothpaste ay mas maligasgas. Hawakang mahigpit ang sipilyo sa pamamagitan ng ilang daliri sa halip na sa pamamagitan ng kamao. Ipuwesto ang sipilyo sa anggulong 45 digri sa guhit ng gilagid, at marahang magsipilyo nang paikot sa halip na paroo’t parito na parang naglalagari.
Itinutuwid ang Nakahilig na Tore ng Pisa
Ang pagtutuwid sa Nakahilig na Tore ng Pisa ay nagbunga ng dalawang-pulgadang pagsulong sa loob lamang ng unang tatlong buwan ng taon, ang sabi ng isang pahatid balita ng The Associated Press. Naniniwala ang mga inhinyero na sa Hunyo 2001, ito ay magiging sapat na matatag na upang muling buksan sa publiko. Ang ika-12 siglong tore ay huling inakyat ng mga turista mahigit nang sampung taon ang nakalipas, nang ang paghilig nito ay ipinalalagay na mapanganib at nagsimula ang mga pagsisikap na ituwid ito. Ang trabaho ay nasa huling bahagi na, at inaasahang kapag natapos na ito, ang pagkahilig ng tore ay mababawasan nang mga 50 centimetro. Bago ito muling buksan, ang 800 tonelada ng tinggang kontra-pabigat na inilagay sa pinakapundasyon ng tore noong proseso ng pagtutuwid at ang sampung anilyong bakal na inilagay sa palibot nito na pinaka-suporta ay aalisin.
Karagdagang Pakinabang ng Pagsuso sa Ina
“Bukod pa sa pagbibigay sa inyong bagong silang na sanggol ng nagsasanggalang na mga antibody laban sa diarrhea, impeksiyon sa tainga, at mga alerdyi, maaari ring hadlangan ng gatas ng ina ang kanser,” ang sabi ng magasing Parents. Natuklasan ng isang pag-aaral sa University of Minnesota Cancer Center na ang mga sanggol na pinasuso sa ina ay malamang na hindi magkaroon ng leukemia—ang pinakakaraniwang anyo ng kanser sa mga bata—kaysa mga sanggol na pinasuso ng itinimplang gatas sa bote. Yaong mga pinasuso sa ina sa loob ng di-kukulanging isang buwan ay nagpakita ng 21-porsiyentong mas mababang panganib, na tumaas tungo sa 30 porsiyento para sa mga pinasuso sa ina sa loob ng anim na buwan o higit pa.