Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpapanatili ng Pananampalataya sa Ilalim ng Totalitaryong Paniniil

Pagpapanatili ng Pananampalataya sa Ilalim ng Totalitaryong Paniniil

Pagpapanatili ng Pananampalataya sa Ilalim ng Totalitaryong Paniniil

AYON SA SALAYSAY NI MICHAEL DASEVICH

“Doon sa amin sa Alemanya binabaril namin ang mga Saksi ni Jehova. Nakikita mo ba ang baril na iyan?” tanong ng opisyal ng Gestapo habang itinuturo niya ang riple sa sulok. “Puwede kitang saksakin ng bayoneta nang hindi ako makokonsiyensiya.”

Ako ay 15 taon pa lamang nang mapaharap sa ganitong pagbabanta nang sakupin ng Nazi ang aking tinubuang bayan noong 1942.

AKO ay isinilang noong Nobyembre 1926 sa isang maliit na nayon malapit sa Stanislav (tinatawag ngayon na Ivano-Frankivs’k), na bahagi noon ng Poland. Noong Digmaang Pandaigdig II, mula Setyembre 1939 hanggang Mayo 1945, ang aming lugar ay sinakop muna ng Unyong Sobyet, pagkatapos ay sinakop ng Alemanya sa loob ng sandaling panahon, at sa wakas ng mga Sobyet muli. Pagkatapos ng digmaan ay naging bahagi ito ng Republika ng Sosyalistang Sobyet ng Ukraine, at nang ang Unyong Sobyet ay huminto na sa pag-iral noong 1991, naging bahagi ito ng Ukraine.

Ang aking ama na taga-Poland at ina na taga-Belorussia ay mga miyembro ng Griegong Simbahang Katoliko. Subalit, noong 1939, dalawang babae na kabilang sa isang kongregasyon ng 30 Saksi ni Jehova sa kalapit na nayon ng Horyhliady ang nakapagpasakamay sa amin ng buklet na Universal War Near. Inilarawan nito ang mga pangyayari na aking nasasaksihan. Kaya, nang itanong ng buklet, “Ano ang tunay na dahilan kung bakit ang mga bansa ay nagmamadaling makipagdigma?” tiningnan kong mabuti ang salig-sa-Bibliyang paliwanag na ibinigay nito.

Hindi lamang digmaan ang problema namin sa Ukraine. Mayroon ding matinding taggutom. Ang mga patakaran ni Premier Joseph Stalin ng Sobyet ang naglunsad ng mga sapilitang pagpapatapon sa Russia. Ang nasaksihan kong paghihirap ay nagpakilos sa akin na suriing mabuti ang Bibliya. Hiniling ko sa isang Saksi sa Horyhliady na ipakipag-aral ang Bibliya sa akin.

Ang aming nayon ng Odajiv ay nasa kabilang ibayo ng Ilog Dniester mula Horyhliady, at ilang beses sa bawat linggo, sumasakay ako sa isang maliit na bangka upang makatawid sa ilog na iyon para sa aking mga pag-aaral ng Bibliya. Noong Agosto 1941, ako at ang aking ate na si Anna ay nabautismuhan sa ilog na iyon kasama ang dalawang iba pa.

Pinagtatanong ng mga Gestapo

Nagsimula ang pananakop ng mga Aleman noong 1941, at sa kabila ng patuloy na pagbabanta na maparusahan, hindi kami huminto sa aming gawaing Kristiyano. Nang sumunod na taon ay nagsimula akong magpayunir, na naglalakbay sa pamamagitan ng isang bisikleta. Di-nagtagal pagkatapos ay nakaengkuwentro ko ang Gestapong Aleman na binanggit sa pambungad. Ganito ang nangyari.

Isang araw nang papauwi na ako galing sa ministeryo, dinalaw ko ang mag-inang kapuwa mga Kristiyano. Ang asawa ng anak na babae ay salansang sa aming pananampalataya at gustung-gustong malaman kung saan nakuha ng babae ang kaniyang literatura sa Bibliya. Nang araw na iyon ay dala ko hindi lamang ang ilang literatura kundi mga ulat din tungkol sa ministeryo ng mga kapuwa Kristiyano. Nakita ako ng asawang lalaki habang paalis ng bahay.

“Tigil!” hiyaw niya. Sinunggaban ko ang aking bag at tumakbo.

“Tigil! Magnanakaw!” sigaw niya. Ang mga manggagawa sa parang ay nag-akalang may ninakaw ako, kaya pinuwersa nila akong huminto. Dinala ako ng asawang lalaki sa himpilan ng pulisya, kung saan nandoon ang isang opisyal ng Gestapo.

Pagkakita sa literatura na nasa aking bag, sumigaw ang opisyal sa wikang Aleman: “Rutherford! Rutherford!” Hindi ko na kailangan pa ng tagasalin upang malaman kung ano ang ikinagagalit niya. Ang pangalan ni Joseph F. Rutherford, na presidente noon ng Watch Tower Bible and Tract Society, ay lumilitaw sa pamagat na pahina ng mga aklat na inilathala noon ng mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ay pinaratangan ako ng asawang lalaki na kalaguyo raw ako ng kaniyang asawa. Nakikita ng pulis at ng opisyal ng Gestapo na imposible ito, yamang ang kaniyang asawa ay nasa edad na upang maging aking ina. Pagkatapos ay nagsimula na silang magtanong sa akin.

Gusto nilang malaman kung sino ako at saan ako galing at, lalung-lalo na, kung saan ko nakuha ang mga aklat. Pero hindi ko sinabi sa kanila. Hinampas nila ako nang ilang beses at pinagtawanan nila ako, pagkatapos ay ikinulong nila ako sa isang bodega. Tinanong nila ako sa loob nang sumunod na tatlong araw. Pagkatapos ay dinala ako sa opisina ng opisyal ng Gestapo, kung saan nagbanta siya na sasaksakin daw niya ako ng kaniyang bayoneta. Ilang sandaling hindi ko alam kung tototohanin niya ang kaniyang banta o hindi. Yumuko ako, at sumunod ang isang tila napakahabang katahimikan. Pagkatapos ay bigla niyang sinabi: “Maaari ka nang umalis.”

Gaya ng nakikita mo, tunay na isang hamon ang pangangaral para sa amin noon, pero, gayundin sa pagdaraos ng aming mga pagpupulong. Ipinagdiwang namin ang taunang Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong Abril 19, 1943, na ginagamit ang dalawang kuwarto ng isang bahay sa Horyhliady. (Lucas 22:19) Nang magsisimula na ang aming pulong, may sumigaw na paparating na ang mga pulis sa bahay. Ang ilan sa amin ay nagtago sa hardin, ngunit ang kapatid kong si Anna at ang tatlong iba pa na mga babae ay nagpunta sa silong. Nakita sila ng mga pulis doon at kinaladkad silang isa-isa palabas para tanungin. Dumanas sila ng maraming oras ng malupit na pagtrato, at malubhang nasaktan ang isa sa kanila.

Nagbago ang Tanawin sa Daigdig

Noong tag-init ng 1944, umurong ang mga Aleman at ang mga Sobyet naman ay bumalik sa aming lugar. Bilang mga lingkod ni Jehova, namalagi kami sa simulain ng Bibliya na amin ding itinaguyod habang nasa ilalim ng pananakop ng Nazi. Tumanggi kami na makibahagi sa militar o anumang gawain sa pulitika. Di-nagtagal ay sinubok ang aming pagkamatapat sa gayong mga simulain ng Bibliya.​—Isaias 2:4; Mateo 26:52; Juan 17:14.

Sa loob ng ilang araw, nagsimulang mangalap ng mga kabataang lalaki ang mga Sobyet para sa pagsusundalo. Ang mahirap pa diyan, hindi lamang ang mga Sobyet ang naghahanap ng mga tauhan. Sinuyod ng mga makapartidong Ukraine ang lugar para sa mga kabataang lalaki, anupat dinala sila sa gubat upang sanayin na makipaglaban. Sa gayon, kaming mga Saksi ay napaharap sa isang mahirap na kalagayan para patunayan ang aming neutralidad sa dalawang magkalabang pangkat​—ang mga Sobyet at ang mga makapartido.

Naglaban ang dalawang grupong ito sa mismong nayon namin, anupat nag-iwan ng dalawang patay na makapartido sa kalye sa labas ng aming bahay. Nagpunta ang mga awtoridad ng Sobyet sa aming bahay upang alamin kung kilala namin ang mga namatay. Ipinasiya ng mga dumating na opisyal na isama ako at gawing sundalo ng kanilang hukbo, na bumubuo ng isang pangkat ng mga sundalong taga-Poland. Sa dahilang ako’y may dugong Polako, ililista ako sa pangkat na iyon.

Tumanggi ako, kasama ang apat na iba pang Saksi, na magsundalo, kaya isinakay kami sa tren patungong Dnipropetrovs’k, isang lunsod mga 700 kilometro pasilangan. Doon, pagkatapos ipaliwanag na hindi kami puwedeng magsundalo dahil sa aming salig-sa-Bibliyang mga paninindigan, ikinulong kami habang inihahanda ang mga paratang sa amin. Nang kami’y humarap sa hukuman, napag-alaman namin na ang imbestigador na pansibilyan ay isa palang Judio. Bilang pagtatanggol sa aming sarili, na pinakinggan namang mabuti ng imbestigador, ipinaliwanag namin ang aming mga paniniwala. Binanggit namin ang mga bagay na alam namin na magiging interesado siya, kasama dito ang paniniil sa mga Israelita at ang kanilang paglaya mula sa Ehipto sa pamamagitan ni Moises.

Sa mga buwan na lumipas habang pinag-iisipan ng hukuman ang ilalapat na sentensiya sa amin, inilagay kami sa isang bilangguan na may iba pang 25 preso. Nang nalaman nilang tumanggi kaming magsundalo, bumulalas sila: “Mga kapatid namin kayo!” Gayunman, di-nagtagal, nalaman namin na hindi pala sila mga Saksi kundi mga Baptist. Pumayag sila na magsundalo, pero inaresto sila nang tumanggi silang humawak ng armas.

Noong Mayo 1945, habang nakabilanggo pa sa Dnipropetrovs’k, isang hatinggabi ay ginising kami ng mga sigawan at putok ng baril mula sa mga kuwartel at sa mga kalye sa labas. Nag-isip kami kung ito ba ay gulo, labanan, o pagdiriwang. Kinaumagahan sa panahon ng almusal, narinig namin ang balita mula sa barberya: Natapos na ang digmaan! Di-nagtagal pagkatapos, inihayag ng hukuman ang aming mga sentensiya. Pareho ang sentensiya na ibinigay sa amin at sa mga Baptist​—sampung taon sa mga kampong piitan.

Kampong Piitan sa Russia

Kaming limang Saksi ay dinala sa isang kampong piitan sa Russia. Pagkatapos ng dalawang-linggong paglalakbay sa tren, sa wakas ay bumaba kami sa Sukhobezvodnoje, mga 400 kilometro sa silangan ng Moscow. Ang Sukhobezvodnoje ay ang sentro ng pangasiwaan sa 32 kampo ng sapilitang pagtatrabaho na nasa tabi ng kahabaan ng riles ng tren. Tinitirhan ang bawat kampo ng libu-libong preso. Pagkatapos ng anim na buwan sa Sukhobezvodnoje, dinala ako sa Kampo Blg. 18. Ang karamihan sa mga preso roon ay mga kriminal o mga manlalabag sa pulitika.

Ipinatrabaho sa amin ng mga awtoridad ang pagputol ng mga puno, na napakahirap gawin. May mga panahon na dapat naming suungin ang niyebe na pantay-baywang, putulin ang mga puno na ginagamit ang isang lagari, at pagkatapos ay hilahin ang mga katawan ng puno sa niyebe. Tuwing Linggo, pagkatapos nang almusal, may pagkakataon ako na ipakipag-usap ang tungkol sa Bibliya sa iba pang apat na Saksi sa loob ng kampo. Ito ang aming mga pagpupulong. May taon na nagdiwang din kami ng Memoryal, na ginanap namin sa loob ng paliguan. Gumamit kami ng katas ng duhat bilang emblema ng dugo ni Jesus yamang wala kaming magamit na alak.

Talagang nakapanlulumo ang mapabukod. Idinulog ko ang aking puso kay Jehova, na siyang nagpalakas sa akin kung paanong pinalakas niya si Elias nang ang propeta ay napabigatan nang gayong mga damdamin. (1 Hari 19:14, 18) Tinulungan ako ng Diyos na makitang hindi kami nag-iisa. Talagang isa siyang matibay at matatag na haligi sa buhay ko, kahit sa ilalim ng gayong mahihirap na kalagayan.

Ang bawat iba pang kampo na malapit sa Sukhobezvodnoje ay tinitirhan ng ilang Saksi, at sa pana-panahon ay nagagawa naming makipag-ugnayan sa kanila sa pamamagitan ng isang Saksi na may trabahong nagpapahintulot sa kaniya na makadalaw sa lahat ng kampo. Nagsilbi siyang tagapamagitan, na nagpupuslit ng literatura papasók at papalabas ng mga kampo. Ito ang nagpangyaring maibahagi namin ang anumang kaunting literaturang taglay namin. Tunay ngang isang pampatibay-loob iyan sa amin!

Balik sa Ukraine

Sa pamamagitan ng isang amnestiya na inihayag ng Estado, binawasan ang aking sentensiya mula sampung taon tungo sa lima. Kaya, noong Abril 1950, bumalik ako sa kongregasyon na aking kinauugnayan sa Horyhliady. Ang aming gawain sa Ukraine ay ipinagbabawal pa rin, at napakalaki ng panganib sa pakikibahagi sa ministeryo. Ngunit napakalaki rin naman ng mga gantimpala.

Di-nagtagal pagbalik ko, nakipag-usap ako sa isang lalaki na nagngangalang Kozak, na naninirahan sa Zhabokruky, isang nayon na mga 20 kilometro mula sa aking tirahan. Kinumusta ko siya at ang kaniyang pamilya. Alam ko na ang mga manggagawa sa mga bukid na pinangangasiwaan ng pamahalaan ay nababalisa kung paano matutustusan ang mga pangangailangan sa araw-araw, kaya alam ko na epektibo ang tanong na iyon upang makapagpasimula ng isang pag-uusap. Ipinaliwanag ko na inihula ng Bibliya ang mga taggutom at mga digmaan sa panahon natin. (Mateo 24:3-14) Gusto pa niyang makaalam nang higit. Kaya dinalaw ko siyang muli. Linggu-linggo ay naglalakad ako nang mga 40 kilometro papunta at pabalik mula sa Zhabokruky para makipag-aral ng Bibliya sa pamilyang Kozak. Ang mga panganib, kasama na ang maraming oras na ginugol, ay nalimutan nang ang mga Kozak ay mabautismuhan noong Agosto 1950.

Di-nagtagal pagkatapos ng bautismo ng mga Kozak, ipinatapon sila kasama ang iba pang libu-libong Saksi. Noong maaga ng Abril 1951, bigla silang tinipon ng mga sundalong may armas at​—wala man lamang paglilitis o pagdinig​—ipinatapon sila sa Siberia. Dito napilitang manirahan ang mga Kozak at ang iba pa sa mga kaibigan ko. *

Sa 15 pamilya ng mga Saksi sa Horyhliady, 4 lamang ang ipinatapon. Gayunman, sa ibang mga kongregasyon, mas malaki ang bilang ng mga Saksing ipinatapon. Paano kaya naisaayos ang maramihang pagtapong ito? Buweno, ang mga awtoridad ay may listahan ng mga Saksi at sa gayon ay tinipon ang malalaking bilang ng mga Saksi ayon sa kanilang gusto. Malamang na nagawa ang listahan noong 1950, nang ako ay nasa bilangguan pa sa Russia, kaya wala ang aking pangalan doon. Sa naunang buwan, noong Marso 1951, pinakasalan ko si Fenia, isang matapat na lingkod ni Jehova. Ang lahat ng miyembro ng pamilya ni Fenia ay ipinatapon, ngunit natakasan niya ang gayong parusa dahil pinakasalan na niya ako at ngayon taglay na niya ang apelyido ko, na wala sa listahan.

Mahihirap na Pagsubok sa Pananampalataya

Kasunod ng mga pagtapon, kaming mga nanatili sa tahanan ay dapat na muling mag-organisa ng gawain. Hinilingan akong pangalagaan ang mga kongregasyong malapit sa lugar ng Ivano-Frankivs’k, kung saan, kahit pagkatapos ng mga pagkatapon, may natira pa ring mga 30 Saksi sa bawat isa sa 15 kongregasyon. Bilang isang karpintero na walang amo, may iskedyul akong madaling ibagay, kaya palihim akong nakikipagpulong sa mga kapatid mula sa bawat kongregasyon minsan sa isang buwan.

Madalas kaming nagpupulong sa gabi sa isang sementeryo kung saan siguradong kami lamang ang nandoon. Ang isang mahalagang paksa na aming pinag-uusapan ay kung paano sisiguraduhin na lahat ng mga kongregasyon ay may ilang literatura sa Bibliya. Paminsan-minsan ay nakatatanggap kami ng isang bagong magasin na Bantayan sa wikang Polako o Romaniano at isasalin ito sa Ukrainiano. Gayunman, lagi kaming minamanmanan ng mga awtoridad, anupat sinisikap hanapin at wasakin ang aming mga sinaunang makinang pangkopya.

Subalit ang pinakamalaki naming problema ay ang pagiging bukod namin mula sa aming mga Kristiyanong kapatid sa ibang bansa, kasama na yaong mga nasa Brooklyn, New York, na siyang nangunguna sa aming Kristiyanong gawain. Dahil dito, madalas na ginugulo ng pagkakabaha-bahagi, mga bulung-bulungan, at intriga ang aming mga kongregasyon. Umalis ang ilang mga Saksi sa organisasyon at bumuo ng mga grupong sumasalansang. Kumalat pa nga ang mga bulaan at negatibong kuwento tungkol sa mga nangunguna sa Brooklyn.

Kaya, natanto ng marami sa amin na ang pinakamahirap na mga pagsubok sa pananampalataya ay bunga hindi ng pag-uusig ng mga mananalansang kundi ng mga alitan sa loob ng kongregasyon. Bagaman pinili ng ilan na huwag nang sumamba kasama namin, nalaman namin na mahalagang manatili sa organisasyon at maghintay kay Jehova na ayusin ang mga bagay-bagay. Nakatutuwa, ganiyan ang ginawa ng karamihan ng mga Saksi sa aming lugar. Natutuwa rin akong sabihin na nakilala ng marami sa mga umalis sa organisasyon ang kanilang pagkakamali at nang maglaon ay nagbalik sila upang maglingkod kay Jehova kasama namin.

Kahit noong mahihirap na panahon ng pagiging bukod, nanatili kaming abala sa pangmadlang ministeryo at kami’y lubos na pinagpala. At kay laki ngang mga gantimpala ang nakita namin! Sa bawat pagdalo ko ngayon sa aming Pag-aaral sa Aklat ng Kongregasyon, napaalalahanan ako ng mga pagpapala ni Jehova. Bawat isa sa 20 o higit pa sa aming grupo ng pag-aaral ay natulungan ng mga miyembro ng aking pamilya na matutuhan ang katotohanan.

Namatay na ang aking mga magulang at ang ate ko na si Anna, na nanatiling tapat kay Jehova. Kami ni Fenia ay nananatiling aktibo sa paglilingkod kay Jehova hangga’t maaari. Talagang mabilis lumipas ang panahon. Sa nakaraang 30 taon, ang mga Saksi ni Jehova sa Ukraine ay nakaranas ng mga nakapupukaw-damdaming mga pangyayari na imposibleng ilahad sa maikling salaysay na ito. Ngunit nasisiyahan na ako na alalahanin ang aking nakaraang mga taon ng paglilingkuran kay Jehova, anupat nagtitiwala na mananatili siyang aking matatag na haligi at suporta, sapagkat siya mismo ang nagsabi: “Ako ay si Jehova; hindi ako nagbabago.”​—Malakias 3:6.

[Talababa]

^ par. 32 Tingnan ang mga artikulong “Mahigit na 40 Taóng Ipinagbawal ng Komunista,” sa Marso 1, 1999, isyu ng Ang Bantayan, pahina 24-9, at “Ipinatapon sa Siberia!,” sa Abril 22, 1999, isyu ng Gumising!, pahina 20-5.

[Blurb sa pahina 21]

Gusto nilang malaman kung sino ako at saan ako galing at, lalung-lalo na, kung saan ko nakuha ang mga aklat. Pero hindi ko sinabi sa kanila

[Blurb sa pahina 22]

Talagang nakapanlulumo ang mapabukod. Idinulog ko ang aking puso kay Jehova, na siyang nagpalakas sa akin

[Larawan sa pahina 20]

Si Fenia at ako noong 1952

[Larawan sa pahina 23]

Kasama si Fenia sa ngayon