Ang Ating Kagila-gilalas na Uniberso—Isa Bang Produkto ng Pagkakataon?
Ang Ating Kagila-gilalas na Uniberso—Isa Bang Produkto ng Pagkakataon?
SINASABI ng ilang tao: ‘Oo, ang ating uniberso ay basta nagkataon lamang.’ Ang iba, lalo na yaong mga relihiyoso, ay tutol. Ang iba naman ay basta hindi nakatitiyak. Ano ang paniniwala mo?
Anuman ang iyong pananaw, walang alinlangang sasang-ayon ka na ang ating uniberso ay kamangha-mangha. Isaalang-alang ang mga galaksi. Tinatayang mayroong halos 100 bilyon sa mga ito sa nakikitang uniberso. Bawat galaksi ay isang grupo ng mga bituin na mula sa wala pang isang bilyon hanggang sa mahigit na isang trilyon.
Karamihan sa mga galaksi ay nakagrupo sa mga kumpol (cluster) ng mula sa ilang dosenang galaksi hanggang sa libu-libo ng mga ito. Halimbawa, ang ating kalapit-galaksi na Andromeda ay inilarawan bilang ang kakambal ng ating galaksing Milky Way. Ang dalawang malalaking sistemang ito ng bituin ay hindi naghihiwalay dahil sa grabidad. Kasama ang maliit na bilang ng iba pang mga kalapit-galaksi, binubuo ng mga ito ang bahagi ng isang kumpol.
Ang uniberso ay binubuo ng pagkarami-raming mga kumpol ng mga galaksi. Ang ilang kumpol ay hindi nahihiwalay sa iba pang mga kumpol dahil sa grabidad, na bumubuo naman ng mga pagkalálakíng kumpol (supercluster). Ngunit mula sa laki at lawak na ito hanggang sa susunod na iba pa, nawawala na ang kapit ng grabidad. Natuklasan ng mga siyentipiko na ang mga pagkalalaking kumpol ay kumikilos papalayo sa isa’t isa. Sa ibang pananalita, ang uniberso ay lumalawak. Ang kamangha-manghang pagkatuklas na ito ay nagpapahiwatig na may isang pasimula nang ang uniberso ay nasa mas maliit at mas siksik na kalagayan. Ang pasimula ng uniberso ay kadalasang tinutukoy bilang ang malaking pagsabog (big bang).
Labis na pinag-aalinlanganan ng ilang siyentipiko kung matutuklasan pa kaya kailanman ng tao kung paano nagsimula ang uniberso. Naghihinuha naman ang iba hinggil sa mga paraan kung paano maaaring umiral ang ating uniberso nang walang matalinong sanhi. Ang babasahing Scientific American, sa isyu nito ng Enero 1999, ay tumalakay sa paksang “Paano Nagsimula ang Uniberso?” Ang ilan sa mga teoriya ng mga siyentipiko ay nasumpungang di-sapat ang impormasyon. “Kaya lamang,” ang sabi ng magasin, “maaaring napakahirap . . . para sa mga astronomo na subukin ang anuman sa mga ideyang ito.”
Ang ideya na ang uniberso ay isang produkto ng pagkakataon ay humihiling ng paniniwala sa inilalarawan ng mga siyentipiko bilang maraming “masuwerteng mga aksidente” o “mga pagkakataon.” Halimbawa, ang uniberso ay binubuo ng saganang bilang ng pinakasimpleng
mga atomo—ang hidroheno at helium. Gayunman, ang buhay ay hindi lamang nangangailangan ng hidroheno kundi ng saganang bilang din ng higit na masalimuot na mga atomo, lalo na ang karbon at oksiheno. Nagtataka noon ang mga siyentipiko kung saan nanggaling ang gayong mahahalagang atomo.Nagkataon ba lamang na ang masasalimuot na atomo na mahalaga sa pagtustos ng buhay ay nabubuo sa loob ng partikular na higanteng mga bituin? At nagkataon ba lamang na ang ilan sa higanteng mga bituin na ito ay sumabog bilang mga supernova (ang pagsabog ng malalaking bituin na nagdudulot ng lubhang napakatinding liwanag), anupat ibinubuga ang kabang-yaman ng mga ito ng pambihirang mga atomo? Si Sir Fred Hoyle, na kasangkot sa ginagawang mga pagtuklas na ito, ay nagsabi: “Hindi ako naniniwala na sinumang siyentipiko na sumuri sa ebidensiya ay hindi makagagawa ng konklusyon na ang mga batas ng nuklear na pisika ay sadyang dinisenyo.”
Kung gayon, suriin natin nang higit ang bagay na mula doo’y ginawa ang ating uniberso.
[Kahon/Larawan sa pahina 4]
ANG TEORIYA NG PAGLAWAK
Naniniwala ang ilang siyentipiko na ang espesipikong mga katangian ng sinaunang uniberso, tulad ng eksaktong bilis ng paglawak nito, ay maipaliliwanag kahit walang matalinong sanhi. Ginagamit nilang saligan ang isang teoriya o mga teoriya na tinatawag na inflation (paglawak). Gayunman, hindi sinasagot ng teoriya hinggil sa paglawak ng uniberso ang katanungan tungkol sa mga pinagmulan. Nangangailangan ito ng paniniwala sa isang bagay na dati nang umiiral na mula dito ay bigla na lamang lumitaw ang ating uniberso.
Ayon sa teoriya ng paglawak (inflation theory), ang uniberso ay lumaki mula sa sukat na mas maliit pa sa isang atomo tungo sa sukat na mas malaki pa sa ating galaksi sa loob ng wala pang isang segundo. Sinasabing mula sa puntong iyan, ang uniberso ay patuloy na lumawak sa isang mas mabagal at normal na antas. Sa ngayon, ang nakikitang bahagi ng ating uniberso ay itinuturing na maliit na bahagi ng isang mas malaking uniberso. Sinasabi ng mga teorista ng inflation na nagkataon lamang na may gayunding maaayos na anyo sa lahat ng direksiyon ang nakikitang uniberso. Ang mas malawak na di-nakikitang bahagi, ang sabi nila, ay maaaring naiiba at magulo pa nga. “Hindi kailanman magkakaroon ng nakikitang pagsusuri sa paglawak,” sabi ng astropisiko na si Geoffrey Burbidge. Sa katunayan, ang teoriya ng paglawak ay salungat sa bagong mga kaisipan ng nakikitang ebidensiya. Mauunawaan na kung totoo ang teoriya, nangangailangan ngayon ito ng isang haka-hakang ideya tungkol sa bagong puwersa na anti-grabidad. Isang siyentipiko, si Howard Georgi ng Harvard University, ang naglarawan sa inflation bilang “isang kamangha-manghang uri ng makasiyensiyang alamat, na halos kasing-husay ng anumang iba pang alamat sa paglalang na kailanma’y narinig ko.”
[Larawan sa pahina 3]
Halos bawat bagay sa larawan ng Hubble Space Telescope na ito ay isang galaksi
[Credit Line]
Pahina 3 at 4 (malabo): Robert Williams at ang Hubble Deep Field Team (STScI) at NASA
[Mga larawan sa pahina 4]
“Ang mga batas ng nuklear na pisika ay sadyang dinisenyo.”—Si Sir Fred Hoyle, makikita kasama ng supernova 1987A
[Credit Lines]
Dr. Christopher Burrows, ESA/STScI at NASA
Larawan sa kagandahang-loob ni N. C. Wickramasinghe