Ang Lupa—Ito ba’y “Naitatag” Nang Di-Sinasadya?
Ang Lupa—Ito ba’y “Naitatag” Nang Di-sinasadya?
UPANG maiwasan ang mga kalabisan sa temperatura, ang lupa ay kailangang uminog sa orbita nito sa tamang distansiya mula sa araw. Sa ibang mga sistema solar, natuklasan ang mga planeta na umiinog sa orbita ng mga tulad-araw na mga bituin at itinuturing na nasa ‘sona na mapaninirahan’—iyan ay, may kakayahan ang mga ito na magtustos ng likidong tubig. Ngunit maging ang mga naturingang mapaninirahang mga planetang ito ay baka hindi pa rin angkop para sa buhay ng tao. Ang mga ito ay kailangan ding umikot sa tamang bilis at kailangang nasa tamang sukat.
Kung ang lupa ay medyo mas maliit at mas magaan kaysa sa normal nito, ang puwersa ng grabidad ay magiging mas mahina at karamihan sa mahalagang atmospera ng lupa ay lalabas sa kalawakan. Makikita ito sa kaso ng buwan at sa dalawang planetang Mercury at Mars. Palibhasa’y mas maliit at mas magaan kaysa sa lupa, kakaunti lamang o walang pa ngang atmospera ang mga ito. Ngunit paano kung ang lupa ay medyo mas malaki at mas mabigat kaysa sa normal nito?
Kung magkagayon, ang grabitasyon ng lupa ay magiging mas malakas, at ang magagaang na gas, tulad ng hidroheno at helium, ay mas matagal na paiilanlang sa atmospera. “Higit sa lahat,” ang paliwanag ng aklat-aralin sa siyensiya na Environment of Life, “ang maselang balanse sa pagitan ng mga gas ng atmospera ay masisira.”
O isaalang-alang na lamang ang oksiheno, na nagsisilbing panggatong. Kung ang antas nito ay tataas ng 1 porsiyento, mas magiging madalas ang mga sunog sa kagubatan. Sa kabilang panig naman, kung ang gas ng greenhouse na carbon dioxide ay patuloy na tataas, daranasin natin ang mga bunga ng isang lupa na labis ang init.
Ang Orbita ng Lupa
Ang isa pang katangiang tamang-tama ay ang hugis ng orbita ng lupa. Kung ang orbita ay mas hugis itlog, daranas tayo ng di-matitiis at matitinding temperatura. Sa halip, ang lupa ay may orbita na halos pabilog. Sabihin pa, magbabago ang kalagayan kung ang isang higanteng planeta na tulad ng Jupiter ay daraan sa malapit. Nitong nakalipas na mga taon ay natuklasan ng mga siyentipiko ang mga patotoo na ang ilang bituin ay mayroong malalaking tulad-Jupiter na mga planetang umiinog nang napakalapit sa mga ito. Marami sa tulad-Jupiter na mga planetang ito ay may hugis itlog na mga orbita. Anumang tulad-lupang mga planeta sa gayong mga sistema ay magkakaroon ng problema.
Inihambing ng astronomong si Geoffrey Marcy ang panlabas na mga sistema ng planeta na ito sa apat na planetang Mercury, Venus, Lupa, at Mars, na bumubuo sa ating panloob na sistema solar. Sa isang panayam, bumulalas si Marcy: “Tingnan ninyo kung gaano kasakdal [ang kaayusang] ito. Ito’y
katulad ng isang hiyas. Mayroon kang pabilog na mga orbita. Lahat ng mga ito’y nasa iisang patag. Umiinog lahat ito sa iisang direksiyon. . . . Ito’y halos mahiwaga.” Talaga bang ito’y maipaliliwanag sa pamamagitan ng pagkakataon?May iba pang kamangha-manghang pitak ang ating sistema solar. Ang higanteng mga planeta na Jupiter, Saturn, Uranus, at Neptune ay umiinog sa palibot ng araw sa tamang-tamang distansiya mula sa atin. Sa halip na maging isang banta, ginagampanan ng mga planetang ito ang isang mahalagang papel. Inihambing sila ng mga astronomo sa ‘mga vacuum cleaner sa kalawakan’ sapagkat sinisipsip ng grabidad ng mga ito ang malalaking bulalakaw, na maaari sanang magsapanganib ng buhay sa lupa. Tunay, napakahusay ng ‘pagkakatatag’ ng lupa. (Job 38:4) Kapuwa ang sukat nito at ang posisyon nito sa ating sistema solar ay tamang-tama. Pero hindi pa diyan nagtatapos. Ang lupa ay mayroon pang ibang kakaibang mga pitak na mahalaga para sa buhay ng tao.
Oksiheno at Potosintesis
Binubuo ng mga atomo ng oksiheno ang 63 porsiyento ng timbang ng nabubuhay na mga organismo sa lupa. Karagdagan pa, ipinagsasanggalang ng oksiheno sa itaas na bahagi ng atmospera ang mga halaman at mga hayop sa lupa mula sa ultraviolet na mga sinag ng araw. Ngunit mabilis ang reaksiyon ng oksiheno sa ibang mga elemento, tulad kapag ito’y nagkaroon ng kimikal na reaksiyon sa bakal at nagiging dahilan ng kalawang. Paano, kung gayon, napananatili ng atmospera ang taglay nitong 21-porsiyentong antas ng elementong ito na may napakabilis na reaksiyon?
Ang sagot ay potosintesis—isang kamangha-manghang proseso kung saan ginagamit ng mga pananim sa lupa ang sikat ng araw upang gumawa ng pagkain. Isang kakambal na produkto ng potosintesis ay oksiheno—na mahigit isang bilyong tonelada nito ang pinakakawalan sa atmospera bawat araw. “Kung walang potosintesis,” paliwanag ng The New Encyclopædia Britannica, “hindi lamang titigil ang pagdaragdag ng pangunahing suplay ng pagkain kundi mawawalan din sa kalaunan ang Lupa ng oksiheno.”
Gumagamit ang mga aklat-aralin sa siyensiya ng ilang pahina upang ipaliwanag ang sunud-sunod na proseso na tinatawag na potosintesis. Ang ilang proseso ay hindi pa rin lubusang nauunawaan. Hindi maipaliwanag ng mga ebolusyonista kung paanong lumitaw ang bawat proseso mula sa isang bagay na mas payak. Tunay naman, ang bawat proseso ay lumilitaw na imposibleng mabago ang
pagkamasalimuot. “Walang pangkalahatang opinyon hinggil sa pinagmulan ng potosintetikong proseso,” ang pag-amin ng The New Encyclopædia Britannica. Ipinagwalang-bahala ng isang ebolusyonista ang mahirap na isyu sa pagsasabing ang potosintesis ay “naimbento” ng “ilang nagpasimulang mga selula.”Ang pahayag na iyan, bagaman di-makasiyensiya, ay nagsisiwalat ng iba pang bagay na kamangha-mangha rin: Nangangailangan ang potosintesis ng mga cell wall kung saan ang proseso ay maaaring maganap nang ligtas, at ang pagpapatuloy ng proseso ay nangangailangan ng pagpaparami ng selula. Ang lahat ba ng iyan ay nagkataon lamang sa ilang “nagpasimulang mga selula”?
Mula sa Selulang Nagpaparami-sa-Sarili Tungo sa Tao
Ano ang mga tsansa ng mga atomo na magsama-sama upang mabuo ang pinakasimpleng selulang nagpaparami-sa-sarili? Sa kaniyang aklat na A Guided Tour of the Living Cell, ang siyentipikong nagwagi ng Nobel Prize na si Christian de Duve ay umamin: “Kung ipapareho mo ang probabilidad ng paglitaw ng isang selula ng baktirya sa nagkataong pagkakabuo ng maliliit na bahagi ng atomo nito, kahit ang kawalang-hanggan ay hindi sapat upang makabuo ng isa para sa iyo.”
Matapos talakayin ang paksang ito ng ganito kalawak, lumipat tayo kaagad mula sa selula ng baktirya tungo sa bilyun-bilyong natatanging mga selula ng nerbiyo na bumubuo sa utak ng tao. Inilalarawan ng mga siyentipiko ang utak ng tao bilang ang pinakamasalimuot na kayariang pisikal sa kilalang uniberso. Ito’y totoong kakaiba. Halimbawa, ang malalaking seksiyon ng utak ng tao ay tinatawag na association areas (dakong ginaganapan ng ugnayan sa utak). Ang mga dakong ito ang nag-aanalisa at nagbibigay kahulugan sa impormasyon na nagmumula sa bahaging pandamdam (sensory part) ng utak. Ang isa sa mga dakong ginaganapan ng ugnayan na nasa likod ng iyong noo ay nagpapangyaring madili-dili mo ang mga kahanga-hangang bagay sa uniberso. Talaga bang maipaliliwanag ng mga proseso ng pagkakataon ang pag-iral ng gayong mga dakong ginaganapan ng ugnayan? “Ang mga katumbas ng mahahalagang bahagi ng mga dakong ito ay hindi masusumpungan sa anumang ibang hayop,” ang pag-amin ng ebolusyonistang si Dr. Sherwin Nuland sa kaniyang aklat na The Wisdom of the Body.
Napatunayan na ng mga siyentipiko na nagagawang iproseso ng utak ng tao ang impormasyon sa mas mabilis na antas kaysa sa pinakamalakas na computer. Isaisip na ang makabagong teknolohiya sa computer ay bunga ng maraming dekada ng pagsisikap ng tao. Kumusta naman ang nakahihigit na utak ng tao? Inamin ng dalawang siyentipiko, sina John Barrow at Frank Tipler, ang sumusunod sa kanilang aklat na The Anthropic Cosmological Principle: “Nagkaroon ng pangkalahatang pasiya sa gitna ng mga ebolusyonista na ang ebolusyon ng matalinong buhay, na maihahambing sa kakayahang mag-proseso ng impormasyon ng Homo sapiens, ay napakaimposibleng mangyari anupat ito’y malayong maganap sa iba pang planeta sa buong nakikitang uniberso.” Ang ating pag-iral, ang konklusyon ng mga siyentipikong ito, ay “isang lubus-lubusang nagkataong aksidente.”
Nagkataon ba Lamang ang Lahat ng Ito?
Ano ang iyong konklusyon? Ang uniberso ba lakip na ang lahat ng mga kababalaghan nito ay talagang nagkataon lamang? Hindi ka ba sasang-ayon na bawat piyesa ng napakahusay na musika ay dapat na may isang kompositor at na ang mga instrumento ay dapat na mahusay ang pagkakaayos upang maging kasiya-siya ang tunog nito? Kumusta naman ang ating kagila-gilalas na uniberso? “Nabubuhay tayo sa isang uniberso na napakahusay ang pagkakaayos,” ang sabi ng matematiko at astronomo na si David Block. Ang kaniyang konklusyon? “Ang ating uniberso ay isang tahanan. Dinisenyo, sa paniwala ko, ng kamay ng Diyos.”
Kung iyan ang iyong konklusyon, tiyak kung gayon na sasang-ayon ka sa paglalarawan ng Bibliya sa Maylalang, si Jehova: “Siya ang Maylikha ng lupa sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, ang Isa na matibay na nagtatatag ng mabungang lupain sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, at ang Isa na sa pamamagitan ng kaniyang unawa ay nag-unat ng langit.”—Jeremias 51:15.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
ISANG NATATANGING PLANETA
“Ang natatanging mga kalagayan sa lupa na bunga ng katamtamang laki, komposisyon ng elemento, at halos pabilog na orbita nito na nasa tamang-tamang distansiya mula sa isang matagal nang umiiral na bituin, ang araw, ay nagpangyaring magkaroon ng tubig sa ibabaw ng lupa. Mahirap kahit man lamang gunigunihin ang pinagmulan ng buhay kung walang tubig.”—Integrated Principles of Zoology, Ikaanim na Edisyon.
[Credit Line]
Larawan ng NASA
[Kahon/Mga larawan sa pahina 10]
ANG BUHAY—NAGKATAON BA LAMANG ITO?
Noong 1988, isang aklat na nagtatangkang ipaliwanag kung paano maaaring nagsimula ang buhay sa pamamagitan ng pagkakataon ay sinuri sa babasahing Search, na inilathala ng Australian and New Zealand Association for the Advancement of Science. Sa isang pahina lamang ng aklat, nakasumpong ang manunulat ng siyensiya na si L. A. Bennett ng “16 na pananalitang lubhang pala-palagay lamang, na ang bawat isa ay nakadepende sa naunang haka-haka para sa kredibilidad.” Ano ang naging konklusyon ni Bennett matapos mabasa ang buong aklat? “Mas madali pang tanggapin,” isinulat niya, “ang isang maibiging Maylalang na biglaang lumalang ng buhay at inaakay ito sa teleohikal [makabuluhan] na mga landas . . . kaysa sa tanggapin ang laksa-laksang ‘bulag na mga pagkakataon’ na kailangan upang suportahan ang mga tesis ng awtor.”
[Mga larawan]
Mahalaga ang potosintesis sa paggawa ng pagkain at sa siklo ng oksiheno
Ano ang nagpapangyari sa tamang-tamang mga kayarian at katangian ng lupa na kailangan upang matustusan ang buhay?
Inilalarawan ng mga siyentipiko ang utak ng tao bilang ang pinakamasalimuot na kayariang pisikal sa uniberso. Paano kaya ito maaaring nabuo nang nagkataon lamang?
[Credit Lines]
Larawan: Zoo de la Casa de Campo, Madrid
Monte Costa, Sea Life Park Hawaii
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Laki ng planeta ayon sa sukat
Araw
Mercury
Venus
Lupa
Mars
Jupiter
Saturn
Uranus
Neptune
Pluto
[Credit Lines]
Araw: National Optical Astronomy Observatories; Mercury, Jupiter, at Saturn: Sa kagandahang-loob ng NASA/JPL/Caltech/USGS; Venus at Uranus: Sa kagandahang-loob ng NASA/JPL/Caltech; Lupa: larawan ng NASA; Mars: NASA/JPL; Neptune: JPL; Pluto: A. Stern (SwRI), M. Buie (Lowell Obs.), NASA, ESA