Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pinakamahalaga sa Akin—Ang Pananatiling Matapat

Ang Pinakamahalaga sa Akin—Ang Pananatiling Matapat

Ang Pinakamahalaga sa Akin​—Ang Pananatiling Matapat

AYON SA SALAYSAY NI ALEXEI DAVIDJUK

Ang taon ay 1947; ang lugar, ilang kilometro ang layo sa aming nayon ng Laskiv, Ukraine, malapit sa hangganan ng Poland. Ang aking nakatatandang kaibigan na si Stepan ay naglingkod bilang isang mensahero na nagpupuslit ng literatura ng Bibliya mula sa Poland tungo sa Ukraine. Isang gabi ay nakita siya ng isang bantay sa hangganan, hinabol siya, at binaril. Pagkaraan ng labindalawang taon, ang kamatayan ni Stepan ay nagkaroon ng matinding epekto sa aking buhay, gaya ng ipaliliwanag ko mamaya.

NANG isilang ako sa Laskiv noong 1932, sampung pamilya sa aming nayon ang mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Kabilang sa kanila ang aking mga magulang, na nagpakita ng mainam na halimbawa ng pagkamatapat kay Jehova hanggang sa kanilang kamatayan noong kalagitnaan ng dekada ng 1970. Sa buong buhay ko, ang pagiging matapat sa Diyos ang pinakamahalaga sa akin.​—Awit 18:25.

Noong 1939, ang taon nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II, ang lugar na tinitirhan namin sa silangang Poland ay isinama sa Unyong Sobyet. Kami’y nasa ilalim ng pamamahalang Sobyet hanggang noong Hunyo ng 1941, nang salakayin at sakupin ng mga Aleman ang aming lugar.

Noong Digmaang Pandaigdig II, nagkaroon ako ng mga problema sa paaralan. Ang mga bata ay tinuruang umawit ng mga awiting makabayan at makibahagi sa mga pagsasanay sa militar. Sa katunayan, bahagi ng aming pagsasanay ang pag-aaral kung paano maghahagis ng mga granada. Subalit tumanggi akong umawit ng mga awiting makabayan at makibahagi sa anumang militar na pagsasanay. Ang pagkatuto mula sa pagkabata na manindigan sa aking mga paniniwalang salig sa Bibliya ay tumulong sa akin na manatiling matapat sa Diyos sa sumunod na mga taon.

Napakaraming tao na interesado sa katotohanan ng Bibliya sa teritoryo ng aming kongregasyon anupat dalawang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova, ang naatasan sa aming lugar upang tumulong sa pagtuturo sa kanila. Ang isa sa mga payunir, si Ilja Fedorovitsch, ang siya ring nagturo sa akin ng Bibliya at nagsanay sa akin sa ministeryo. Noong panahon ng pananakop ng Aleman, si Ilja ay ipinatapon at inilagay sa isa sa mga kampong piitan ng Nazi kung saan siya namatay.

Ang Pagpupunyagi ni Tatay na Manatiling Neutral

Noong 1941, sinikap ng mga awtoridad na Sobyet na si Tatay ay pumirma ng isang dokumento na nangangakong magbabayad siya ng salapi upang tumulong sa pagtustos sa digmaan. Sinabi niya sa kanila na hindi niya maaaring suportahan ang alinmang panig ng digmaan at na bilang isang lingkod ng tunay na Diyos, siya’y mananatiling neutral. Si Tatay ay binansagan na isang kaaway at hinatulan ng apat na taóng pagkabilanggo. Subalit apat na araw lamang siyang nakulong. Bakit? Sapagkat noong Linggo na kasunod ng kaniyang pagkabilanggo, sinakop ng hukbong Aleman ang lugar kung saan kami nakatira.

Nang mabalitaan ng mga bantay sa bilangguan na malapit na ang mga Aleman, binuksan nila ang mga pintuan ng bilangguan at tumakas. Sa labas, karamihan ng mga bilanggo ay binaril ng mga sundalong Sobyet. Hindi kaagad umalis si Tatay kundi tumakas siya nang dakong huli tungo sa bahay ng mga kaibigan. Mula roon ay nagpasabi siya kay Nanay na dalhin ang kaniyang mga dokumento, na nagpapatunay na siya’y nabilanggo dahil sa pagtangging sumuporta sa mga Sobyet sa digmaan. Nang ipakita ni Tatay ang mga ito sa mga awtoridad na Aleman, iniligtas nila ang kaniyang buhay.

Gustong malaman ng mga Aleman ang mga pangalan ng lahat ng taong nakipagtulungan sa mga Sobyet. Ginipit nila si Tatay na isuplong ang mga ito, subalit tumanggi siya. Ipinaliwanag niya ang kaniyang neutral na katayuan. Kung ibinigay niya ang pangalan ng sinuman, malamang na ito ay nabaril. Kaya, iniligtas din ng pagiging neutral ni Tatay ang buhay ng ibang tao, na labis na nagpapasalamat sa kaniya.

Gumagawa Nang Palihim

Ang mga Sobyet ay nagbalik sa Ukraine noong Agosto 1944, at noong Mayo 1945 natapos ang Digmaang Pandaigdig II sa Europa. Pagkatapos, kami na nasa Unyong Sobyet ay pinanatiling hiwalay sa iba pang bahagi ng daigdig dahil sa tinatawag na Kurtinang Bakal. Mahirap kahit na ang pakikipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa kabila ng hangganan ng Poland. Ang malalakas-loob na Saksi ay palihim na nakapapasok at nakalalabas sa hangganan taglay ang ilang mahahalagang magasin na Bantayan. Yamang ang hangganan ay walong kilometro lamang mula sa aming bahay sa Laskiv, nabalitaan ko ang mga panganib na naranasan ng mga mensaherong ito.

Halimbawa, isang Saksi na tinatawag na Silvester ang dalawang ulit na nakalabas at nakapasok sa hangganan nang walang anumang nangyari. Subalit sa ikatlong paglalakbay, namataan siya ng patrolya sa hangganan at ng kanilang mga asong bantay. Sinigawan siya ng mga sundalo na huminto, subalit kumaripas ng takbo si Silvester upang iligtas ang kaniyang buhay. Ang tanging pagkakataon na maiwasan niya ang mga aso ay ang lumakad nang painut-inot sa kalapit na lawa. Pinalipas niya ang buong magdamag sa tubig na hanggang leeg niya, na nagtatago sa matataas na damo. Sa wakas, nang huminto na sa paghahanap ang patrolya, si Silvester ay susuray-suray na umuwi ng bahay, na pagod na pagod.

Gaya ng nabanggit kanina, ang pamangkin ni Silvester na si Stepan ay napatay habang sinisikap na tumawid sa hangganan. Gayunman, mahalaga na kami’y patuloy na makipag-ugnayan sa bayan ni Jehova. Sa mga pagsisikap ng malalakas-loob na mensaherong ito, kami’y tumanggap ng espirituwal na pagkain at kapaki-pakinabang na tagubilin.

Nang sumunod na taon, noong 1948, nabautismuhan ako noong gabi sa isang maliit na lawa na malapit sa aming bahay. Yaong mga babautismuhan ay nagtipon sa aming bahay, subalit hindi ko sila nakilala, yamang madilim at ang lahat ng bagay ay nangyari nang tahimik at lihim. Kaming mga kandidato sa bautismo ay hindi nag-uusap sa isa’t isa. Hindi ko alam kung sino ang nagbigay ng pahayag sa bautismo, sino ang nagtanong sa akin ng mga tanong para sa bautismo habang nakatayo kami malapit sa lawa, o kung sino ang nagbautismo sa akin. Pagkaraan ng mga taon, nang magkakuwentuhan kami ng isang matalik na kaibigan, natuklasan namin na kabilang kami sa mga nabautismuhan nang gabing iyon!

Noong 1949, ang mga Saksi sa Ukraine ay tumanggap ng pasabi mula sa Brooklyn na humihimok sa kanila na gumawa ng petisyon sa Moscow na gawing legal ang gawaing pangangaral sa Unyong Sobyet. Bilang pagsunod sa utos na iyon, isang petisyon ang ipinadala sa pamamagitan ng ministro ng mga kaugnayang panloob tungo sa Presidium ng Supreme Soviet ng U.S.S.R. Pagkatapos, sina Mykola Pyatokha at Ilya Babijchuk ay hinilingang magtungo sa Moscow upang kunin ang sagot ng pamahalaan sa aming petisyon. Sila’y sumang-ayon at naglakbay patungong Moscow nang tag-init na iyon.

Ang opisyal na tumanggap sa delegasyong ito ay nakinig habang ibinibigay nila ang salig-Bibliyang dahilan ng ating gawain. Ipinaliwanag nila na ang ating gawain ay ginagawa bilang katuparan ng hula ni Jesus na “ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:14) Gayunman, sinabi ng opisyal na ang ating gawain ay hindi kailanman gagawing legal ng Estado.

Ang mga Saksi ay umuwi at nagtungo sa Kiev na kabisera ng Ukraine upang kumuha ng legal na pagkilala para sa aming gawain dito sa Ukraine. Muling ipinagkait ng mga awtoridad ang kahilingan. Sinabi nila na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi guguluhin tangi lamang kung susuportahan nila ang Estado. Sinabi nila na ang mga Saksi ay kailangang maglingkod sa hukbong sandatahan at makilahok sa mga eleksiyon. Muling ipinaliwanag ang ating neutral na katayuan, yaon ay, na bilang pagtulad sa ating Panginoon, si Jesu-Kristo, tayo ay hindi bahagi ng sanlibutan.​—Juan 17:14-16.

Di-nagtagal pagkatapos niyan, sina Brother Pyatokha at Babijchuk ay inaresto, pinaratangan, at hinatulan ng 25 taon sa bilangguan. Nang mga panahon ding iyon, noong 1950, maraming Saksi, kasama na ang aking tatay, ay dinala ng mga awtoridad. Siya’y nahatulan ng 25-taóng pagkabilanggo at ipinadala sa Khabarovsk sa dulong silangan ng Unyong Sobyet na halos 7,000 kilometro ang layo!

Ipinatapon sa Siberia

Pagkatapos noong Abril 1951, ang Estadong Sobyet ay nagpasapit ng sunud-sunod na dagok laban sa mga Saksi sa mga republika nito sa kanluran na ngayo’y kilala bilang Latvia, Estonia, Lithuania, Moldova, Belarus, at Ukraine. Noong buwan na iyon mga 7,000 sa amin, kasama na kami ni Nanay, ang ipinatapon sa Siberia. Ang mga sundalo ay basta dumating sa aming bahay sa gabi at dinala kami sa istasyon ng tren. Doon ay ikinulong kami sa mga bagon ng tren na pinagkakargahan ng mga baka​—mga 50 sa isang bagon​—at pagkaraan ng mahigit sa dalawang linggo, kami’y ibinaba sa isang lugar na tinatawag na Zalari, na malapit sa Lawa ng Baikal sa distrito ng Irkutsk.

Nakatayo sa niyebe sa napakatinding lamig ng hangin at napalilibutan ng mga sundalong nasasandatahan, nag-isip ako kung ano ang naghihintay sa amin. Paano kaya kami makapananatili ritong matapat kay Jehova? Nagsimula kaming umawit ng mga awiting pang-Kaharian upang alisin sa aming isipan ang lamig. Pagkatapos ay dumating ang mga manedyer ng lokal na mga negosyo na pag-aari ng estado. Ang ilan ay nangangailangan ng mga lalaki para sa mabibigat na pisikal na trabaho, samantalang ang iba naman ay nangangailangan ng mga babae para sa mga gawaing gaya ng pag-aalaga sa mga hayop. Kami ni Nanay ay dinala sa isang dako ng konstruksiyon kung saan itinatayo ang Tagninskaya Hydroelectric Power Station.

Pagdating namin, nakita namin ang mga hanay ng mga baraks na yari sa kahoy, na tirahan ng mga tapon. Ako’y naatasan na magtrabaho bilang isang drayber ng traktora at isang elektrisista, at si Nanay ay naatasang magtrabaho sa isang bukirin. Kami’y opisyal na inuri bilang mga taong ipinatapon, hindi bilang mga bilanggo. Kaya malaya kaming nakakakilos sa loob ng planta ng kuryente, bagaman kami’y pinagbabawalang dumalaw sa katabing pamayanan na mga 50 kilometro ang layo. Ginipit kami ng mga awtoridad na pumirma sa isang deklarasyon na nagsasabing kami’y maninirahan doon magpakailanman. Iyan ay parang isang napakahabang panahon para sa akin, isang 19-anyos, kaya hindi ako pumirma. Gayunman, nanatili nga kami sa lugar na iyon sa loob ng 15 taon.

Doon sa Siberia, ang hangganan ng Poland ay hindi lamang kukulangin sa 8 kilometro ang layo mula sa amin kundi mahigit na 6,000 kilometro! Ginawa naming mga Saksi ang lahat ng aming magagawa upang organisahing muli ang aming mga sarili sa mga kongregasyon, na inaatasan ang mga lalaki na manguna. Sa simula, wala kaming literatura sa Bibliya maliban sa ilang bagay na nadala ng ilang mga Saksi mula sa Ukraine. Ang mga ito’y kinopya sa pamamagitan ng kamay, at ipinasa namin ang mga ito sa bawat isa sa amin.

Di-nagtagal ay nagsimula kaming magdaos ng mga pulong. Yamang marami sa amin ay nakatira sa mga baraks, kadalasang nagtitipun-tipon kami sa gabi. Ang aming kongregasyon ay binubuo ng mga 50 katao, at ako’y naatasang mangasiwa sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Iilan lamang ang mga lalaki sa aming kongregasyon, kaya ang mga babae ay nagbibigay rin ng mga pahayag ng estudyante, na isang pamamaraang sinimulan sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa ibang lugar noong mga 1958. Seryosong ginampanan ng lahat ang kanilang mga atas, na minamalas ang paaralan bilang isang paraan upang purihin si Jehova at patibayin ang iba sa kongregasyon.

Pinagpala ang Aming Ministeryo

Yamang kasama namin sa mga baraks ang mga hindi Saksi, hindi lumilipas ang isang araw na hindi kami nakikipag-usap sa iba tungkol sa aming pananampalataya, bagaman ito ay mahigpit na ipinagbabawal. Pagkatapos mamatay si Joseph Stalin, ang punong ministro ng Sobyet, noong 1953, bumuti ang mga kalagayan. Kami’y pinahintulutan na malayang magsalita sa iba tungkol sa aming mga paniniwalang salig sa Bibliya. Sa pamamagitan ng pakikipagsulatan sa mga kaibigan sa Ukraine, nalaman namin kung saan makikita ang iba pang mga Saksi sa aming lugar at nakipag-ugnayan sa kanila. Ito ang nagpangyari na maisaayos namin ang aming mga kongregasyon sa mga sirkito.

Noong 1954, napangasawa ko si Olga, isa ring tapon mula sa Ukraine. Sa nakalipas na mga taon, siya’y naging malaking tulong sa aking paglilingkod kay Jehova. Ang kapatid ni Olga, si Stepan, ang napatay sa hangganan ng Ukraine at ng Poland noong 1947. Nang maglaon ay nagkaroon kami ng anak na babae, si Valentina.

Nagtamasa kami ni Olga ng maraming pagpapala sa aming ministeryong Kristiyano sa Siberia. Halimbawa, nakilala namin si George, na siyang lider ng isang pangkat ng mga Baptist. Regular kaming dumadalaw sa kaniya at nakikipag-aral ng anumang magagamit na magasing Bantayan. Di-nagtagal ay napahalagahan ni George na ang ipinangangaral ng mga lingkod ni Jehova mula sa Bibliya ang siyang katotohanan. Sinimulan din naming makipag-aral sa ilan sa kaniyang mga kaibigang Baptist. Tuwang-tuwa kami nang si George at ang marami sa kaniyang mga kaibigan ay nabautismuhan at naging ating espirituwal na mga kapatid!

Noong 1956, ako’y nahirang bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa, na humihiling na ako’y dumalaw sa isang kongregasyon sa aming lugar sa bawat linggo. Nagtatrabaho ako nang maghapon at sa gabi’y naglalakbay ako upang makipagpulong sa kongregasyon sakay ng aking motorsiklo. Maaga kinabukasan, bumabalik ako at nagtatrabaho. Si Mykhailo Serdinsky, na naatasang tumulong sa akin sa naglalakbay na gawaing ito, ay namatay sa isang aksidente sa daan noong 1958. Namatay siya nang Miyerkules, subalit inantala namin ang kaniyang libing hanggang Linggo upang mabigyan ng pagkakataon ang hangga’t maaari’y maraming Saksi na makadalo.

Nang isang malaking grupo namin ang nagsimulang lumakad patungo sa sementeryo, sumunod ang mga miyembro ng Seguridad ng Estado. Ang pagbibigay ng pahayag na tumatalakay sa ating salig-Bibliyang pag-asa ng pagkabuhay-muli ay nangangahulugan ng panganib na maaresto. Subalit ako’y naudyukang magsalita tungkol kay Mykhailo at sa kaniyang kahanga-hangang mga pag-asa sa hinaharap. Bagaman gumamit ako ng Bibliya, hindi ako inaresto ng Seguridad ng Estado. Maliwanag na inaakala nilang wala silang mapapala, at ako nama’y kilalang-kilala nila, palibhasa’y madalas akong maging “panauhin” sa kanilang mga punong-tanggapan para tanungin.

Ipinagkanulo ng Isang Impormante

Inaresto ng Seguridad ng Estado noong 1959 ang 12 Saksi na nangunguna sa gawaing pangangaral. Ang ilan pa ay ipinatawag upang tanungin, at kasali na ako. Nang ako na ang tatanungin, nanghilakbot ako na marinig sa mga opisyal ang pagsasabi ng kompidensiyal na mga detalye tungkol sa aming gawain. Paano nila nalaman ang mga bagay na ito? Maliwanag na may isang impormante, isa na maraming nalalaman tungkol sa amin at isa na nagtatrabaho sa Estado sa loob ng ilang panahon.

Ang 12 na nadakip ay nasa magkakatabing selda, at sila’y sumang-ayon na hindi sila magsasabi ng kahit isang salita sa mga awtoridad. Sa ganiyang paraan ay lalabas mismo ang impormante sa paglilitis upang magpatotoo laban sa kanila. Bagaman hindi ako pinaratangan, nagtungo ako sa korte upang makita kung ano ang mangyayari. Nagtanong ang hukom, at hindi sumagot ang 12. Pagkatapos isang Saksing nagngangalang Konstantyn Polishchuk, na mga ilang taon ko nang kilala, ang tumestigo laban sa 12. Ang paglilitis ay natapos at ang ilang Saksi ay tumanggap ng mga hatol na pagkabilanggo. Sa lansangan sa labas ng gusali ng hukuman, nakatagpo ko si Polishchuk.

“Bakit mo kami ipinagkakanulo?” ang tanong ko.

“Sapagkat hindi na ako naniniwala,” ang sagot niya.

“Ano ang hindi mo na pinaniniwalaan?” ang tanong ko.

“Hindi ko na mapaniwalaan ang Bibliya,” ang sagot niya.

Maaari sana akong ipagkanulo ni Polishchuk, subalit hindi niya binanggit ang aking pangalan sa kaniyang testimonyo. Kaya tinanong ko siya kung bakit hindi niya binanggit ang aking pangalan.

“Ayaw kong mabilanggo ka,” ang paliwanag niya. “Nakokonsensiya pa rin ako tungkol sa bayaw mo, si Stepan. Ako ang nagsugo sa kaniya sa ibayo ng hangganan noong gabi na siya’y patayin. Talagang ikinalulungkot ko iyon.”

Naguluhan ako sa mga sinabi niya. Paano nga sumamâ nang gayon ang kaniyang budhi! Pinagsisisihan niya ang pagkamatay ni Stepan, subalit ipinagkakanulo niya ngayon ang mga lingkod ni Jehova. Hindi ko na kailanman nakita pang muli si Polishchuk. Namatay siya pagkaraan ng ilang buwan. Para sa akin, ang makita ang isa na mga ilang taon ko nang pinagkatiwalaan na nagkanulo sa ating mga kapatid ay nag-iwan ng malalalim na sugat ng damdamin. Subalit ang karanasan ay nagturo sa akin ng isang mahalagang aral: Si Polishchuk ay hindi nakapanatiling matapat sapagkat inihinto niya ang pagbabasa at paniniwala sa Bibliya.

Tiyak na dapat nating ingatan sa isipan ang aral na ito: Kung nais nating manatiling matapat kay Jehova, kailangang palagian tayong mag-aral ng Banal na Kasulatan. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.” Isa pa, sinabihan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na mag-ingat. Bakit? “Baka sa paanuman ay tubuan ang sinuman sa inyo ng isang pusong balakyot na walang pananampalataya sa pamamagitan ng paglayo mula sa Diyos na buháy.”​—Kawikaan 4:23; Hebreo 3:12.

Balik sa Ukraine

Nang matapos ang aming pagiging tapon sa Siberia noong 1966, kami ni Olga ay bumalik sa Ukraine, sa isang bayan na tinatawag na Sokal, mga 80 kilometro mula sa L’viv. Marami pa kaming gagawin, yamang mayroon lamang 34 na mga Saksi sa Sokal at sa kalapit na mga bayan ng Cervonograd at Sosnivka. Sa lugar na ito ngayon, mayroong 11 kongregasyon!

Si Olga ay namatay na tapat noong 1993. Pagkalipas ng tatlong taon ay napangasawa ko si Lidiya, at mula noon ay naging isang malaking tulong siya sa akin. Bukod pa riyan, ang aking anak, si Valentina, at ang kaniyang pamilya ay masisigasig na lingkod ni Jehova at pinagmumulan din ng pampatibay-loob. Gayunman, ang patuloy na nagdudulot sa akin ng pinakamalaking kagalakan ay na nakapanatili akong matapat kay Jehova, isang Diyos na kumikilos nang may pagkamatapat.​—2 Samuel 22:26.

Si Alexei Davidjuk ay namatay na matapat kay Jehova noong Pebrero 18, 2000, habang isinusulat ang artikulong ito para sa paglalathala.

[Larawan sa pahina 20]

Ang aming kongregasyon na nagtitipon sa mga baraks noong 1952 sa silangan ng Siberia

[Larawan sa pahina 23]

Ang aming Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro noong 1953

[Larawan sa pahina 23]

Ang libing ni Mykhailo Serdinsky noong 1958

[Larawan sa pahina 24]

Kasama ng aking asawang si Lidiya