Ang mga Piramide sa Mexico
Ang mga Piramide sa Mexico
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA MEXICO
BATID ng karamihan sa mga tao sa ngayon ang tungkol sa mga piramide sa Ehipto. Gayundin sa Amerika, natuklasan ng mga arkeologo ang maraming tulad-piramideng mga istraktura, lalo na sa Mexico. Gaya ng mga kaparis nito sa Ehipto, ang mga piramide sa Mexico ay maraming siglo na ang tanda at nababalutan ng misteryo.
Ang piramide sa Ehipto ay isang puntod na ikinahon sa isang malaking hugis-burol ng mga bato. Ang mga lagusan sa loob ay humahantong sa puntod, ang pinakamahalagang bahagi ng piramide. Gayunman, ang piramide sa Mexico ay isang malaking bunton ng lupa na may templo sa pinakatuktok nito at may hagdan sa labas na maaakyatan patungo sa taluktok. Sa ilang eksepsiyon, ang mga natuklasang piramide sa Amerika ay hindi mga puntod.
Teotihuacán—“Ang Lunsod ng mga Diyos”
Ang isa sa pinakabantog na mga lugar ng piramide sa Mexico ay ang Teotihuacán. Matatagpuan na may layong mga 50 kilometro sa hilaga-silangan ng Lunsod ng Mexico, ang Teotihuacán ay isang misteryo pa rin sa mga antropologo at mga arkeologo. Ang sinaunang punong-lunsod na ito ay iniwanan ng mga nagtayo nito mahigit na 500 taon bago lumitaw ang kultura ng mga Aztec. Ang pangalang Teotihuacán, mula sa wikang Nahuatl, ay nangangahulugang “Ang Lunsod ng mga Diyos” o “Kung Saan Nagiging mga Diyos ang mga Tao.” Ipinapalagay na ang mga Aztec ang nagbigay ng pangalan sa lunsod nang sila’y mapadpad dito.
Ipinaliliwanag ng isa sa mga patnugot para sa magasing National Geographic, na si George Stuart, na ang “Teotihuacán ay ang kauna-unahang totoong sentrong lunsod sa Kanlurang Hemispero . . . Lumitaw ito halos sa pagpapasimula ng panahong Kristiyano, umiral sa loob ng mga pitong siglo, at pagkatapos ay naging isang alamat na lamang. Sa karurukan ng kaunlaran nito, mga A.D. 500, tinataya na may populasyon ito na mga 125,000 hanggang 200,000 katao.”
Halos sa sentro ng lunsod nakapuwesto ang malaking Piramide ng Araw. Ito’y may sukat na halos 220 metro por 225 metro sa pinakapundasyon at ang limang hagdan-hagdang bahagi nito ay may taas na halos 63 metro sa kasalukuyan. Upang marating ang tuktok ng piramide, kailangang akyatin ng isa ang mahigit sa 240 baitang. Nasa gawing hilaga ng sinaunang lunsod ang Piramide ng Buwan, na may taas na 40 metro hanggang sa taluktok nito. Noon ay may mga templo sa tuktok ng dalawang pangunahing mga piramideng ito.
Nito lamang nakaraang mga dekada, marami ang natuklasan tungkol sa mga piramideng ito. Gayunman, gaya ng sabi ni Stuart, “wala pa rin tayong kaalam-alam tungkol sa mga pinagmulan ng mga Teotihuacano, kung anong wika ang kanilang sinalita, kung paano nabuo ang kanilang lipunan, at kung ano ang naging dahilan ng kanilang pagbagsak.”
Ang Iba Pang mga Lugar ng Piramide
Maaaring puntahan ng isa ang Pangunahing Templo ng mga Aztec na nasa pinakapusod mismo ng Lunsod ng Mexico. Bagaman walang makikitang piramide, makikita pa rin ang mga labí ng istraktura ng piramide na siyang pundasyon ng Pangunahing Templo. Natuklasan ng mga arkeologo ang dalawang dambana kung saan ginawa ang paghahandog ng mga tao.
Ang Chichén Itzá ay isa sa pinakadinadayong lugar ng mga piramide sa Mexico. Napakaraming sinaunang mga guho sa lugar ng mga Maya, subalit ang mga ito ang pinakamadaling marating dahil sa ang mga ito’y malapit sa lunsod ng Mérida sa Yucatán. Bagaman itinayo sa teritoryo ng mga Maya, ipinakikita ng mga istraktura na ang mga lugar na ito ay minsang naimpluwensiyahan ng mga Toltec. Ipinahihiwatig ng ilang gusali ang maunlad na karunungan sa matematika at astronomiya ng mga nagtayo.
Sa Palenque, masusumpungan ng mga bisita ang kahanga-hangang grupo ng mga piramide ng Maya na napalilibutan ng kagubatan sa Chiapas. Ang Palasyo at ang Templo ng mga Inukit ay kabilang sa maraming piramide at mga gusali. Ang Templo ng mga Inukit “ay isa sa pinakabantog na mga templo sa buong Mesoamerika sapagkat hindi lamang ito ang saligan ng isang templo na gaya ng iba pa, kundi isa itong monumentong libingan,” ang paliwanag ng aklat na The Mayas—3000 Years of Civilization. “Sa loob nito, ang hagdan na may nakaarkong bubungan ay pababa patungo sa pinakamaringal na silid libingan na masusumpungan kailanman sa lugar ng mga Maya.” Ang libingan ay ginawa para sa isang gobernador na nabuhay noong ikapitong siglo—si Pacal, o Uoxoc Ahau.
Ilan lamang ito sa mga piramide sa Mexico. Ang iba pang mga guho at mga piramide ay matatagpuan sa maraming lugar sa buong bansa. Mayroon ding malalaking piramide sa Guatemala at Honduras. Ang lahat ng sinaunang mga istrakturang ito ay nagpapakita na hinangad ng mga naninirahan sa Mesoamerika ang mas matataas na lugar na pagtatayuan ng kanilang mga dako ng pagsamba. Si Walter Krickeberg, ang awtor ng aklat na Las Antiguas Culturas Mexicanas, ay sumulat: “Ang kaugalian ng pagtatayo ng mga templo na may bai-baitang na pundasyon ay matutunton sa sinaunang pagsamba sa mga kaitaasan.” Ang sabi pa niya: “Bagaman itinuturing natin ang kalangitan na gaya ng isang ‘arko,’ para sa ibang mga tao, ito’y kumakatawan sa bundok na siyang sinisikatan ng araw sa umaga at nilulubugan ng araw sa gabi; sa gayon, ang mga dalisdis nito ay may mga baitang na gaya sa isang pagkalaki-lakíng gusali. Kaya naman, ang ‘artipisyal na bundok’ . . . ay naging isang piramide na may mga baitang at, gaya ng pagkahalaw mula sa mga alamat at mga kaugalian, ginawang sagisag ng langit kung para sa maraming tao sa Mesoamerika.”
Ang ideyang ito ay magpapaalaala sa mga estudyante ng Bibliya ng ulat ng Bibliya tungkol sa Tore ng Babel, na matatagpuan sa isang lunsod na nakilala nang dakong huli bilang Babilonya. Ang Genesis 11:4 ay nagsasabi tungkol sa mga nagtayo ng toreng ito: “Sila ngayon ay nagsabi: ‘Halikayo! Ipagtayo natin ang ating sarili ng isang lunsod at gayundin ng isang tore na ang taluktok nito ay nasa langit, at gumawa tayo ng bantog na pangalan para sa ating sarili.’” Hindi kalayuan mula sa mga guho ng Babilonya, natuklasan ng mga arkeologo ang mga istraktura ng piramide na kilala bilang mga ziggurat.
Ang anyo ng pagsamba na nagmula sa Babilonya ay kumalat sa maraming bahagi ng daigdig, malamang na nakaabot ito sa lugar na naging kilala bilang Mexico. Hindi kataka-taka kung ang mga ziggurat ng Babilonya, gayundin ang relihiyong isinagawa roon, ay naging mga huwaran para sa misteryoso at pagkalálakíng piramide sa Mexico.
[Larawan sa pahina 16]
Teotihuacán
[Credit Line]
CNCA.-INAH.-MEX Reproducción Autorizada por el Instituto Nacional de Antropología e Historía
[Larawan sa pahina 17]
Palenque