Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano Na ang Nangyari sa “Panghabang-Buhay na Trabaho”?

Ano Na ang Nangyari sa “Panghabang-Buhay na Trabaho”?

Ano Na ang Nangyari sa “Panghabang-Buhay na Trabaho”?

NAGTRABAHO si Graham * sa isang malaking kompanya sa Australia sa loob ng 37 taon. Nang malapit na siyang maging 60, biglang ipinagbigay-alam sa kaniya na ilang linggo na lamang at hindi na kailangan ang kaniyang mga serbisyo. Mauunawaan natin ang kaniyang kalituhan, na nagpapaaninag ng pagkabalisa at matinding pagkabahala sa kaniyang kinabukasan. ‘Ano na ang nangyari sa aking “panghabang-buhay na trabaho,” na akala ko’y mapanghahawakan hanggang sa umabot ako sa edad ng pagreretiro?’ tanong ni Graham.

Siyempre pa, pangkaraniwan na ang mawalan ng trabaho at matagal na itong nangyayari. Gayunman, ang kalakhang bahagi ng pagkawala ng trabaho sa pandaigdig na lawak ay bago sa kasalukuyang salinlahing ito ng mga empleado. Walang alinlangan, maraming dahilan sa pagkawala ng trabaho, pero ang malamang na isa sa mga pangunahin ay ang tinatawag na downsizing (pagbabawas ng manggagawa). Ano ba ang downsizing, at paano nangyari ito?

Ang Nagbabagong Dako ng Trabaho

Ang mga ekonomiya sa ngayon ay higit na nagiging pangglobo. Lalo na itong naunawaan sa Estados Unidos noong huling mga taon ng dekada 1970 nang napansin ng mga kompanya na dumarami ang bumibili ng mga kotse, kagamitang elektronik, at marami pang ibang produkto na ginawa sa ibang bansa.

Sa pagsisikap na makalamang sa iba at mapababa ang mga gastusin sa paggawa, ang mga kompanya sa Amerika ay nagsimulang magbawas ng bilang ng mga manggagawa at pagbutihin pa ang kanilang mga pamamaraan at kagamitan. Ang paraan na ginagamit upang magbawas ng mga manggagawa ay nakilala bilang downsizing. Inilalarawan ang prosesong ito bilang “pagbabawas sa bilang ng mga manggagawa sa isang organisasyon, karaniwang sa pamamagitan ng kombinasyon ng mga pagtatanggal sa trabaho, mga insentibo sa maagang pagreretiro, paglilipat, at likas na mga kadahilanan (tulad ng pagbibitiw, pagreretiro, o pagkamatay).”

Sa loob ng ilang taon, pangunahin nang naapektuhan ng downsizing ang mga karaniwang obrero. Ngunit noong huling mga taon ng dekada ng 1980 at maagang taon ng dekada ng 1990, isinama ng prosesong ito ang lumalaking bilang ng mga kawaning de-opisina, partikular na ang middle management. Di-nagtagal at naapektuhan ng mga kalakarang ito ang lahat ng mayayamang bansa. At habang nagpapatuloy ang panggigipit sa pinansiyal, naghanap ng paraan ang mga pamahalaan at ang iba pang nagpapatrabaho na mabawasan ang gastusin sa pamamagitan ng karagdagan pang downsizing.

Para sa karamihan ng manggagawa, hindi na umiiral ang mapanghahawakang trabaho. Sinabi ng isang opisyal ng unyon: “Nakita ng mga taong naglaan ng 10, 15, 20 taon ng tapat na paglilingkod na sinira ang kanilang maliwanag na kontrata at bigla silang inalis sa trabaho.” Sa kaniyang aklat na Healing the Downsized Organization, ipinaliwanag ni Delorese Ambrose na noong 1956, naimbento ang salitang “taong pang-organisasyon” upang ilarawan ang karaniwang empleado. Idinagdag pa niya: “Magtrabaho man siya bilang isang manggagawa ng unyon o bilang isang manedyer, ibinigay niya ang kaniyang kapakanang pangkabuhayan, buhay sa lipunan, at katapatan sa organisasyon kapalit ng kasiguruhan​—isang panghabang-buhay na trabaho. Maliwanag, nasisira ang kasunduang ito sa modernong korporasyon.”

Milyun-milyong manggagawa sa buong daigdig ang nawalan ng trabaho dahil sa downsizing, at naapektuhan ang lahat ng grupo ng mga empleado. Sa Estados Unidos lamang, kapuna-puna ang bilang ng mga empleado na naapektuhan, anupat milyun-milyon ang nawawalan ng permanenteng trabaho. Nagaganap ang nakakatulad na downsizing sa maraming iba pang bansa. Ngunit ang walang kinikilingang mga estadistikang ito ay hindi sapat upang mabatid ang paghihirap na dulot nito sa mga tao.

Ang Masasamang Epekto

Sinabi ni Graham, na binanggit sa pasimula ng artikulong ito: “Daranas ka ng ilang tunay na pinsala sa pag-iisip.” Itinulad niya ang kaniyang pagkaalis sa trabaho sa “isang sakit o isang engkuwentrong nakasusugat sa pisikal.”

Kapag hindi ginagantimpalaan ang katapatan, nararamdaman ng mga tao na sila’y nilinlang sapagkat ang mga sakripisyong kanilang ginawa para sa kompanya ay hindi pinahahalagahan. Nawawala ang tiwala, lalung-lalo na kapag ang maraming punong ehekutibo ng mga kompanya ay tumatanggap ng malalaking kita sa pag-downsize ng kompanya. Karagdagan pa, ang kakayahan ng taong walang trabaho upang pangasiwaan ang mga bayaring hinuhulugan, iba pang mga utang, pangangalaga sa kalusugan ng mga miyembro ng pamilya, at mga bayarin sa paaralan at upang suportahan ang kaniyang istilo ng pamumuhay, mga libangan, at mga personal na pag-aari ay nanganganib dahil sa biglang pagkawala ng regular na kinikita. Nagdudulot ito ng pagkasiphayo at pagkadama ng kawalang halaga.

Yamang ang matatag at makabuluhang trabaho ay may malaking nagagawa sa pagkadama ng personal na kahalagahan, gunigunihin ang mapangwasak na epekto ng kawalan ng trabaho sa mga may kapansanan, walang kasanayan, o matanda na sa edad. Isiniwalat ng isang pagsusuri sa Australia na ang mga taong ang edad ay nasa pagitan ng 45 at 59 ang malamang na tudlaan sa pagpapaalis sa trabaho. Gayunman, ito ang grupo ng edad na lubhang nahihirapang makibagay sa pagbabago.

Mayroon bang mapagpipilian? Ang trabahong part-time o trabahong may mas mababang suweldo ay maliwanag na mas pipiliin kaysa sa walang trabaho. Gayunman, maaari itong magresulta ng mas mababang uri ng pamumuhay. At natuklasan na ang humigit-kumulang ikatlong bahagi ng mga nawalan ng trabaho ay nang maglaon nakakuha ng hanapbuhay na ang suweldo ay katulad ng dati nilang trabaho. Nagdaragdag ito ng kaigtingan sa buhay pampamilya.

Maging ang kasalukuyang trabaho ay hindi nakapagdudulot ng kapayapaan ng isip. Ito ay sapagkat ang posibilidad na mawalan ng trabaho sa hinaharap ay mayroong di-halata ngunit mapangwasak na epekto. Sabi ng aklat na Parting Company: “Ang pag-iisip sa pagkawala ng trabaho ay kagaya ng pagpili ng pinakamahusay na paraan na mabundol ng isang trak. Bihira mong masubukan kahit ang pinakamapamaraang mga ideya, dahil hindi mo kadalasang nakikita ang trak​—o ang pag-aalis sa iyo sa trabaho​—bago ka sagasaan nito.”

Paano naaapektuhan ang mga kabataan ng kawalan ng trabaho? Pagkatapos gawin ang isang pagsusuri ng isang departamento ng edukasyon at siyensiya, napansin ang ganito: “Isa sa mga pangunahin at nakikitang patotoo na naabot na ng isa ang pagkaadulto ay ang pagkakamit ng buong-panahong trabaho, na naghuhudyat sa pasimula ng ‘tunay’ na buhay bilang adulto, sa isang daigdig ng adulto at sa pamantayan ng adulto, na kasama ang pagkadi-umaasa sa iba sa pinansiyal.” Kaya kung nadarama na ang pagkakaroon ng trabaho ay naghuhudyat sa pasimula ng isang tunay na buhay bilang adulto, ang kawalan ng trabaho ay maaaring maging mapangwasak sa mga kabataan.

Pamumuhay sa Kabila ng Kawalan ng Trabaho

Itinulad ang pakikitungo sa kawalan ng trabaho sa paglalakad sa lupa na may nakatanim na bomba. Kinilala ng aklat na Parting Company ang pinakamadalas na mga emosyong nararanasan tulad ng galit, kahihiyan, takot, kalungkutan, at awa-sa-sarili. Mahirap pakitunguhan ang mga ito. Napansin ng awtor: “Binigyan ka ng isang mahirap na atas​—ang pagpapasiya sa iyong kinabukasan. Hindi mo hiniling ang atas na ito, marahil hindi mo alam kung ano ang gagawin, at bigla mo na lamang naramdamang lubos kang nag-iisa.” At ang pagpapaliwanag ng biglaang pagpapaalis sa kanila sa trabaho sa kanilang pamilya ay isa sa mga pinakamahirap na suliraning nakakaharap ng mga nawalan ng trabaho.

Gayunman, may mga ilang praktikal na paraan upang pakitunguhan ang epekto ng downsizing. Ang unang hakbang ay pababain agad ang iyong paraan ng pamumuhay sa pamamagitan ng pagpaplano at pamumuhay ng isang istilo na mas simple kaysa sa dati mong kinasanayan.

Narito ang ilan sa mga mungkahi na maaaring makatulong sa iyo na harapin ang situwasyon, kahit na hindi nito malulutas sa kabuuan ang iyong problema. Una, kilalanin na ang di-inaasahang pagkawala ng trabaho ay isang katotohanan sa mga panahong ito. Kaya anuman ang edad mo at karanasan, patiunang magplano para sa posibilidad na iyan sa iyong paraan ng pamumuhay.

Ikalawa, maging maingat sa pagkakaroon ng anumang malaking utang para sa mga bagay na hindi naman kailangan upang masapatan ang pagkain at pananamit. Mamuhay ayon sa iyong kakayahan, at huwag ipalagay na mababayaran mo ang mga utang sa pamamagitan ng inaasahang kita mula sa mga pag-asenso o regular na pagtataas ng suweldo. Ipinakikita ng ekonomiya sa ngayon na maaaring wala nang maaasahang matatag na kinabukasan.

Ikatlo, gumawa ng mga paraan upang maging simple ang iyong buhay at mabawasan ang mga kasalukuyang obligasyon sa pinansiyal. Kasama rito ang pag-aalis ng mga utang para sa mga bagay na hindi naman kailangan sa isang istilo ng pamumuhay na makatuwiran, simple at kapaki-pakinabang.

Ikaapat, repasuhin ang iyong mga espirituwal at sekular na tunguhin sa buhay at iangkop ang mga ito sa panahon. Pagkatapos ay maaari mo nang pagtimbang-timbangin ang lahat ng desisyon sa iyong mga tunguhin at tayahin kung paano ito makaaapekto sa iyong buhay.

Kahuli-hulihan, huwag mong hangarin ang istilo ng pamumuhay ng iba sa iyong komunidad na namumuhay nang magastos, kung hindi magsisimula kang magnasa sa mga bagay na taglay nila at matukso sa kanilang paraan ng pamumuhay.

Ilan ito sa mga mungkahi na maaaring makatulong sa iyo at sa iyong pamilya na makaiwas sa bitag ng pagtitiwala sa di-maaasahang mga kayamanan sa isang napakabuway na sanlibutan at manatiling malaya mula sa mga pagkabalisa na dulot ng mga istilo ng pamumuhay sa ngayon.

Sinipi si Felix Rohatyn, isang dating bangkero sa pamumuhunan, na nagsasabi: “May malaking pagkakamali sa ating lipunan kapag ang kawalan ng trabaho ng isang tao ay lalong nagpapayaman naman sa iba.” Napakalaki ng pagkakamali ng sistemang ito anupat malapit nang palitan ito ng isang daigdig na kung saan ang pananalitang “panghabang-buhay na trabaho” ay magtataglay ng kahulugang higit pa sa ating naiisip sa ngayon.​—Isaias 65:17-​24; 2 Pedro 3:13.

[Talababa]

^ par. 2 Binago ang pangalan.

[Blurb sa pahina 14]

‘May malaking pagkakamali sa ating lipunan kapag ang kawalan ng trabaho ng isang tao ay lalong nagpapayaman naman sa iba’

[Larawan sa pahina 15]

Gumawa ng mga paraan upang maging simple ang iyong buhay