Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maingay na Niyebe

Maingay na Niyebe

Maingay na Niyebe

NATUKLASAN ng mga siyentipiko na kapag ang niyebe ay bumabagsak sa tubig, bawat snowflake ay lumilikha ng tunog, na hindi naririnig ng mga tao. Tulad ng sirena ng dumarating na trak ng bombero, ang tunog na ito ay umaabot sa pinakasukdulan at pagkatapos ay naglalaho, lahat sa loob ng halos isa sa ikasampung libong bahagi ng isang segundo.

Ang isang patak ng ulan o batong-graniso ay tumatagos sa pinakaibabaw ng tubig, subalit ang mas magaan na mga snowflake ay nananatili sa ibabaw. Subalit, di-magtatagal ito’y matutunaw, at saka nagaganap ang “paghiyaw,” na nabanggit sa itaas. Ito’y napansin halos 15 taon na ang nakaraan, subalit hindi ipinagpatuloy ang pagsusuri. Gayunman, nito lamang nakalipas na mga taon, ang ingay ay nakaligalig sa mga biyologo sa Alaska na gumagamit ng sonar upang tuntunin ang nandarayuhang salmon. Kapag natatabunan ng nasa paligid na ingay ng bumabagsak na niyebe ang mga hudyat na nagmumula sa isda, kinakailangang ihinto ang ginagawang pagtunton. Ano ang sanhi ng kakaibang pangyayaring ito?

Ipinaliliwanag ng magasing New Scientist na habang nakalutang ang flake sa tubig, may kaunting ingay sa ilalim. Subalit kapag nagsimula nang matunaw ang flake, ang tubig ay hinihigop sa pamamagitan ng capillary action (puwersa ng pagdirikit ng solido at likidong bagay). Sa pagkakataong ito, maaaring lumabas ang bulang hangin mula sa flake o makulong ng tumataas na tubig. Ang bawat bula ay nanginginig habang nagpupumiglas ito upang maabot ang pagiging timbang sa kapaligiran nito, at sa paggawa nito, naglalabas ito ng alingawngaw ng tunog, na parang katulad ng kumakalembang na kampana​—subalit sa mas matinis na tunog.

[Picture Credit Line sa pahina 31]

Mga Kristal ng Niyebe/Dover