Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagkidnap Sumulat ako upang ihatid ang aking pantanging pasasalamat sa seryeng “Pagkidnap—Kung Bakit Isang Pangglobong Panganib.” (Disyembre 22, 1999) Noong nakaraang buwan ay nilooban ang supermarket na pinagtatrabahuhan ko. Pumasok ang dalawang lalaki na nakamaskara, ang isa’y nanutok ng baril. Dahil sa ipinakita ng artikulo na dapat gawin ng mga biktima ng pagkidnap ang anumang sabihin sa kanila, hindi ako pumalag habang kanilang nilalagyan ng tape ang aking mga kamay, paa, at mata at pinaupo ako sa sahig. Ninakaw nila ang halagang 9,500,000 yen (halos $90,000 U.S.). Subalit nanatili akong kalmado at hindi ako nasaktan. Dumating ang artikulo sa tamang panahon!
S. H., Hapon
Nasisiyahan sa Gumising! Hindi nakapigil sa akin ang pagiging miyembro ko sa simbahan ng Assembly of God para magbasa ng Gumising! Wala pa akong nabasa na anumang magasin na may gayong kataas na kalidad at may gayong karaming paksa. Wala akong telebisyon sa bahay, pero malimit kong naipakikipag-usap sa aking mga kaibigan ang kasalukuyang mga paksa dahil sa nabasa ko ang mga ito sa inyong magasin.
A.B.A., Brazil
Sagad-sa-Balat na Pag-aahit Ang artikulong “Sagad-sa-Balat na Pag-ahit” (Enero 22, 2000) ay dumating nang nasa panahon para sa akin. Kailangan na ngayon ng aking asawang lalaki ang patuloy na pangangalaga at hindi na siya makapag-ahit sa kaniyang sarili. Ang apat na tip sa pag-ahit ay nakatulong nang malaki. Ngayon ay gusto na niyang ahitan ko siya araw-araw!
L. D., Alemanya
Pagsisinungaling Napag-isip ako nang malalim ng artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Pagsisinungaling—Ito ba’y Nabigyang-Matuwid Kailanman?” (Pebrero 8, 2000). Subalit sa anumang makatuwirang pagpapakahulugan, hindi ba’t hinahatulan ng Bibliya ang lahat ng panlilinlang?
D. S., Estados Unidos
Sa Bibliya, karaniwan nang kasangkot sa pagsisinungaling ang pagsasabi ng isang maling bagay sa isang tao na may karapatang makaalam sa katotohanan at ginagawa ito na may layon na manlinlang o manakit sa kaniya o sa ibang tao. Ang mga indibiduwal na may takot sa Diyos gaya nina Abraham, Isaac, Rahab, at David ay nasangkot nga sa mga anyo ng panlilinlang subalit hindi sila hinatulang mga sinungaling. Mangyari pa, nagawa nila ang mga ito sa ilalim ng di-pangkaraniwang mga kalagayan. Kung gayon, ang mga ginawa nila ay hindi dapat gawing dahilan para sa di-kinakailangang panlilinlang. Halimbawa, kung ang isang Kristiyano ay nanumpang magsabi ng katotohanan sa hukuman, alinman sa siya’y magsasabi ng katotohanan o mananatili siyang tahimik.—ED.
Mga Pamilyang Walang Ama Tinatalakay ng labas ng Pebrero 8, 2000 ang tungkol sa siklo ng mga batang walang ama. (“Mga Pamilyang Walang Ama—Pagpapahinto sa Siklo”) Hindi ko maipahayag sa salita ang pagkabigo at pagkagalit na nadama ko pagkatapos ko itong mabasa. Sumang-ayon kayo sa paggawi ng mga nawawalang ama sa pamamagitan ng pagtalakay sa kanilang iba’t ibang problema gaya ng mga karapatan sa pagdalaw o sa kanilang mahirap na kalagayan sa kabuhayan. Nasaan ang pangaral? Nasaan ang paghimok sa kalalakihan na ituwid ang kanilang mga pagkakamali?
S. L., Estados Unidos
Nauunawaan namin kung gaano kasakit para sa ilan na isaalang-alang ang ganitong materyal, lalo na kung sila mismo ang nakaranas na iwanan. Subalit ang artikulo ay hindi nilayon upang mahigpit na pangaralan ang kalalakihan. Sa halip, sinikap naming mapaunlad ang pag-unawa ng parehong panig tungkol sa masalimuot na mga usaping nasasangkot. Nagbigay rin kami ng praktikal na payo sa mga biktimang pinabayaan. Kapansin-pansin naman, ang panghuling artikulo, “Mga Pamilyang Walang Ama—Pagpapahinto sa Siklo,’’ ay nagsabi ng ganito: “Ang mga kalakaran ngayon sa pamilya ay mapahihinto lamang kung ang mga tao’y handang gumawa ng lubusang mga pagbabago sa kanilang pag-iisip, sa kanilang mga saloobin, sa kanilang paggawi, sa kanilang kaasalan.”—ED.
Nang makita ko ang pabalat na may larawan ng batang babae na kasama ng kaniyang ama, napaluha ako. Malaon ko nang gustong magkaroon ng ugnayang tulad niyan sa aking ama. Natulungan ako ng artikulo na maunawaan kung bakit nangyayari ang mga bagay na gaya ng nangyari sa aking pamilya. Tulad iyon ng silahis ng araw na lumalagos sa aking nakaraan at nagbibigay ng liwanag sa nakalulungkot na mga katanungan na naroroon sa loob ng maraming taon.
M. M., Estados Unidos