Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mga Britano at ang Paglilibang
Noong 1999, sa kauna-unahang pagkakataon, ang karaniwang Britano ay gumastos nang higit sa mga bagay at paglilingkod na may kinalaman sa paglilibang kaysa sa “pagkain, pagpapabahay o anumang iba pang gamit para sa lingguhang badyet ng pamilya,” ang ulat ng pahayagang Times sa London. Noong 1968, 9 na porsiyento lamang ng kabuuang gastusin ng pamilya ang nauwi sa paglilibang, kung ihahambing sa 17 porsiyento sa ngayon. Ang tagapayo sa mámimilí na si Martin Hayward ay nagsabi: “Dahil tayong lahat sa ngayon ay mas nakaririwasa kaysa, sabihin natin, sa nakalipas na 30 taon, maraming bilihin para sa paglilibang na dati’y itinuturing na luho ay itinuturing na ngayon ng karamihan sa mga tao bilang pangunahing pangangailangan. Ang pagbabakasyon ay minamalas sa ngayon ng karamihan sa mga tao bilang ‘pangangailangan’ sa halip na ‘bagay na gusto.’ Itinuturing pa nga ng ilang tao na isang mahalagang pangangailangan ang pagbabakasyon nang tatlong beses sa loob ng isang taon.” Ang mga sambahayan sa ngayon ay gumagastos nang apat na ulit ang kahigitan sa mga video at kagamitang pang-audio, mga TV, at computer kaysa ginastos nila noong 1968. Sa katunayan, 1 sa 10 sambahayan ang nakakonekta sa Internet, at 1 sa 3 ang may computer.
Pag-idlip na Nakapagpapasigla
Ang kaugalian na umasa sa caffeine upang hindi mag-antok sa unang mga oras sa bandang hapon ay hindi magbubunga ng mabuti, ayon sa The New York Times. “Ang pag-inom ng caffeine ay susundan ng pakiramdam ng pananamlay,” sabi ng dalubhasa sa pagtulog na si Dr. James Maas mula sa Cornell University. “Ang kakulangan sa haba ng iyong tulog ay hindi nababawasan ng artipisyal na mga pampasigla.” Sa halip na magkape sa oras ng pamamahinga, inirerekomenda ni Maas ang pag-idlip, na sabi niya ay “labis na nagpapahusay sa kakayahang magtuon ng pansin sa mga detalye at gumawa ng mahahalagang pagpapasiya.” Ang pag-idlip sa tanghali, na wala pang 30 minuto ang haba, ay makapagpapanumbalik sa lakas ng isang tao nang hindi ginagawang mahirap ang paggising at hindi nakasasagabal sa mahimbing na pagtulog sa gabi, ang sabi ng Times. “Ang pag-idlip ay hindi dapat tutulan,” ang sabi ni Maas. “Dapat na ito’y ituring na gaya ng ehersisyo sa araw-araw.”
Tumutubo ang Bulak sa mga Tupa?
Ayon sa pinakahuling surbey na isinagawa ng European Council of Young Farmers, “50 porsiyento ng mga bata sa EU [European Union] ay hindi nakaaalam kung saan galing ang asukal, hindi alam ng sangkatlo . . . kung saan galing ang bulak, na mahigit sa sangkapat ang naniniwala na ito’y tumutubo sa mga tupa.” Karagdagan pa, 25 porsiyento ng mga batang siyam at sampung taon ang edad sa Britanya at Netherlands ay naniniwala na tumutubo ang mga kahel at olibo sa kanilang mga bansa. Pangunahin nang nakikita ng mga bata ang mga bunga ng pananim sa supermarket, hindi sa bukid, at sa paaralan lamang nila natututuhan ang tungkol sa agrikultura. Marahil ang mga ito ay isa sa mga dahilan kung bakit hindi nakaaakit sa maraming bata sa Europa sa ngayon ang pagsasaka bilang isang propesyon. “Sa katamtaman,” ang sabi ng konseho, “10 porsiyento lamang ng mga bata sa EU ang ‘labis na magkakagusto’ na maging isang magsasaka sa hinaharap.”
Nanganganib na Pagkakaibigan
Ang mahahabang araw ng pagtatrabaho, madalas na paglalakbay dahil sa negosyo, at libangang elektroniko “na nagpapaging abala sa atin sa halos lahat ng bagay maliban sa pakikisalamuha sa mga tao” ay labis na sumisira sa personal na pakikipagkaibigan, ang ulat ng The Wall Street Journal. “Ang paggugol ng panahon sa mga kaibigan ay ipinagwawalang-bahala na anupat itinuturing ito na di-kinakailangan at isang kalabisan na nagnanakaw ng mahahalagang oras sa punung-puno nang iskedyul,” ang sabi ng pahayagan. Subalit baka masumpungan ng mga nagwawalang-bahala sa pakikipagkaibigan na kapag dumating ang mga trahedya sa pamilya, “walang sinuman ang dumaramay sa kanila,” ang sabi ng sosyologo na si Jan Yager. Sa kabilang dako naman, waring ipinahihiwatig ng mga pagsusuri na yaong may mabubuting kaibigan ay karaniwang hindi gaanong dumaranas ng kaigtingan at sakit at malamang na mabuhay nang mas mahaba. “Ang susi,” sabi ng Journal, “ay ang pagkatanto na ang pagpapanatili ng pagkakaibigan ay nangangailangan ng karagdagang pagsisikap, gaya ng pagtitimbang-timbang sa trabaho at pamilya.”
Mga Batang Sobra ang Katabaan
“Ang sobrang katabaan ay isa sa pinakamalubhang mga suliranin sa kalusugan na napapaharap sa kabataan sa Asia,” ang babala ni Dr. Chwang Leh-chii, pinuno ng samahan ng mga dietitian sa Taipei, Taiwan. Ang dami ng kaso ng sobrang katabaan sa mga bata sa maraming lugar sa Asia ay mataas, lalo na sa mga batang lalaki at sa mga nasa lunsod, ang ulat ng Asiaweek. Isiniwalat ng kamakailang pagsusuri sa Beijing na mahigit sa 20 porsiyento ng mga estudyante roon na nasa primarya at sekundaryang paaralan ay sobra ang katabaan. Waring ang mga kabataan sa Asia ay gumugugol ng parami nang paraming
oras sa panonood ng TV at paglalaro ng mga laro sa video, ang sabi ng ulat. Ano ang dapat gawin? Ayon sa Asiaweek, ang solusyon ay hindi gaano sa pagbabawas sa dami ng kinakain ng mga bata kundi, sa halip, sa pinagsamang regular na pag-eehersisyo at masustansiyang pagkain—isang bagay na nagbibigay-diin sa mga prutas at gulay sa halip na sa mga meryendang mayaman sa taba. Sinabi pa ni Dr. Chwang na ang susi ng tagumpay ay gawing kasiya-siya ang pisikal na gawain. Subalit kung walang pagbabago sa mga kaugalian, sabi ng ulat, mapapaharap ang mga batang sobra ang katabaan sa mataas na presyon ng dugo, sakit sa atay, diyabetis, at mga suliranin sa isip.Mga Pelikula Laban sa Simbahan
“Para sa mga tin-edyer, ang mga pelikulang gaya ng Terminator 2, Titanic at Star Wars ay mayroong mas malalim na relihiyosong kaganapan kaysa tradisyunal na mga simbahan,” ang ulat ng pahayagang The Independent ng London. Tinanong ni Dr. Lynn Clark, mula sa sentro para sa pananaliksik sa mass media ng University of Colorado, ang 200 kabataan kung aling pelikula ang katulad na katulad ng kanilang relihiyosong mga paniniwala. Marami ang bumanggit sa Terminator 2, na naglalarawan sa labanan ng mabuti at masama, kung saan ang bida ay nagbabalik sa nagdaang panahon upang iligtas ang isang bata na tulad ng Mesiyas. Sa pagpapahayag sa isang komperensiya sa Edinburgh, Scotland, nagtapos si Dr. Clark: “Ang mga kabataan sa ngayon ay umaasa kay Darth Vader at sa X Files bilang pinagmumulan ng kasagutan upang tumulong sa kanila sa paglutas sa mga tanong tungkol sa kahulugan ng buhay. Nagiging kaakit-akit ang X Files dahil sa sinusuri nito ang buong konsepto ng di-kilalang puwersa na kumukontrol sa uniberso. Ibinabangon nito ang usapin hinggil sa mga bagay na hindi maipaliwanag ng siyensiya. Iyan ay isang relihiyosong usapin, subalit isang isyu na hindi tinutugong mabuti ng relihiyon.”
Nagpapaikli ng Buhay ang Paninigarilyo
“Binabawasan ng bawat sigarilyong hinihitit ng isang tao ang kaniyang buhay ng 11 minuto,” ang ulat ng University of California Berkeley Wellness Letter. Sa gayon, ang paghitit ng isang karton ng sigarilyo ay makapagpapaikli sa kaniyang buhay ng isang araw at kalahati, at sa bawat taon na siya’y humihitit ng isang pakete sa isang araw, ang kaniyang buhay ay maaaring umikli nang halos dalawang buwan, ayon sa mga mananaliksik sa University of Bristol, Inglatera. Narating ng mga siyentipiko ang ganitong mga pagtaya sa pamamagitan ng paghahambing sa haba ng buhay ng mga taong naninigarilyo at ng mga hindi naninigarilyo. Nagkomento ang mga mananaliksik: “Ipinakikita nito ang laki ng kabayaran ng paninigarilyo sa paraan na mauunawaan ng lahat.”
“Mga Pintor” na Elepante
Sa Ottapalam, India, ang mga batang elepante ay tinuturuang magpinta ng mga larawan sa pamamagitan ng paghawak ng pinsel sa kanilang nguso. Itinatag ng mga tagapangalaga ng kalikasan ang Asian Elephant Art and Conservation Project upang mangilak ng salapi para maingatan ang mga elepante sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga ipininta ng mga elepante, ang ulat ng The Indian Express. Isang anim-na-taóng gulang na lalaking elepante na may dalawang pangil na pinanganlang Ganesan ay waring wiling-wili sa kaniyang mga ginagawang “sining.” Kapag siya’y ginaganahang magpinta, kinakawag niya ang kaniyang mga tainga at tinatanggap ang mga pinsel mula sa kaniyang tagapagsanay. Kapag nagpipinta si Ganesan, ayaw niyang nagagambala, maging ng pagkanaroroon ng mga ibon o mga ardilya (squirrel). Pagkatapos na makagawa ng ilang makukulay na guhit, humihinto si Ganesan at waring sinusuri ang kaniyang gawa. Gayunman, hindi lahat ng batang elepante ay tumutugon sa mga pagsisikap na gawin silang mga “pintor” na hayop. Ipinakikita ng ilan ang kanilang pagkayamot sa pamamagitan ng pagbali sa pinsel.
Ipinoprogramang Pagsilang
“Natutuhan na ng mga bata na sila’y isisilang sa panahong ibig ng ospital,” ang sabi ng pahayagan sa Italya na Corriere della Sera. Sa isang komperensiya tungkol sa panganganak na ginanap kamakailan sa Florence, Italya, sinabi ng gynecologist na Swiso na si Fred Paccaud: “Sapol noong ika-19 na siglo, sa Kanluraning mga bansa, nagkaroon ng 95-porsiyentong pag-unti sa mga pagsilang kung mga araw ng Sabado at Linggo. Subalit hindi lamang iyan: Masasabi namin na ang karamihan sa mga pagsilang ay nagaganap sa mga oras sa loob ng araw na pinagkasunduan ng mga unyon ng manggagawa, iyon ay, sa panahon ng mga rilyebo sa trabaho kapag nagtatrabaho ang karamihan sa mga doktor at nars.” Ang panganganak ay pinasisigla alinman sa pamamagitan ng gamot o isinasagawa sa pamamagitan ng cesarean section. “Napapaharap kami sa pagpapaanak na ginagamitan ng gamot at pag-oopera,” ang sabi ng gynecologist sa Florence na si Angelo Scuderi. “Nakikita namin ang mabilis na pagdami ng nagpapa-cesarean, na sa ngayon ay sumasaklaw sa mahigit na 20 porsiyento [ng mga panganganak].” Gayunman, sinasabi ni Propesor Carlo Romanini, presidente ng Italian Society of Gynecology and Obstetrics, na “ang ‘nakaprogramang’ mga pagsilang ay hindi pinili dahil sa kombinyente ito” kundi ito’y pag-iingat para sa mga ina at sa kanilang mga sanggol laban sa di-inaasahang mga problema. “Higit na makabubuti na maganap [ang panganganak] kapag ang ospital ay punung-puno ng mga tauhan at makatitiyak sa pinakamabuti at posibleng pangangalaga,” ang sabi niya.