Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Iyong Pinipiling Paraan ng Paggamot

Ang Iyong Pinipiling Paraan ng Paggamot

Ang Iyong Pinipiling Paraan ng Paggamot

SA KANIYANG aklat tungkol sa alternatibong paggamot, idiniin ni Dr. Isadore Rosenfeld ang bagay na ito: “Ang anumang pamamaraang pangkalusugan o pantulong na paggamot na inilapat sa pasumalang pinili na grupo ng mga indibiduwal na binigyang katiyakan na iyon ay magiging ‘mabisa’ ay kadalasang makapagpapabuti ng kalagayan ng kalahati sa mga kaso.”

Ito ang tinatawag na epekto ng placebo, na nangangahulugan na maging ang pildoras ng asukal ay maaaring maging mabisa kung maniniwala ang tao na magiging mabisa nga ito. Ang epekto ng placebo ay makapagpapaginhawa sa mga sintomas na nasa isip lamang, kasali na ang kirot, pagduduwal, pagkahapo, pagkahilo, pagkabalisa, at panlulumo. Ano ang isinisiwalat ng bagay na ito?

Una, ipinakikita nito na ang pagkakaroon ng tiwala sa anumang uri ng paggamot na tinatanggap ng isa ay isang mahalagang salik sa paggaling. Kasabay nito, isang katalinuhan na magsuri upang makita kung natutukoy ng isang anyo ng paggamot ang pinakaugat ng problema at hindi lamang ang mga sintomas. Ito’y magagawa sa pagtaya sa mga epekto ng paggamot sa pamamagitan ng makatuwirang pamamaraan, gaya ng mga pagsusuri sa laboratoryo at mga X ray.

Subalit, higit pa ang maaaring gawin ng isang tao kapag pumipili ng isang uri ng paggamot.

Mahahalagang Hakbang na Dapat Gawin

Isang katalinuhan na magsaliksik bago magpasiya. Magtanong. Anong mga resulta ang maaasahan? Ano ang mga kapakinabangan, disbentaha, at ang inaasahang gastos at haba ng pagpapagamot? Makipag-usap sa mga tao na tumanggap na o sumailalim na sa paraan ng paggamot na iyong pinag-iisipan. Itanong sa kanila kung ito’y nakatulong. Ngunit tandaan na ang basta sabi-sabing pagpapatunay ay maaaring makalinlang.

Ang isang anyo ng paggamot na hindi pangkaraniwan ay maaaring hindi makabubuti kung pinangyayari nito na ipagpaliban ang isang paraan ng paggamot na kilalang naging matagumpay, bagaman hindi gayon karami ang bilang ng tagumpay ng pangkaraniwang paraan ng paggamot na iyon. Ang katibayan sa panganib na maaaring ibunga ay lumabas sa isang ulat sa The New England Journal of Medicine. Inilarawan ng magasin ang paglala ng kanser ng dalawang kabataang pasyente na tumanggi sa pangkaraniwang paraan ng paggamot samantalang gumagamit ng mga alternatibong panlunas. Isa sa mga pasyenteng ito ang namatay.

Dapat na may katalinuhan na manatiling gising sa katotohanan ang mga taong may malulubha o nagsasapanganib ng buhay na mga sakit na sila’y maaaring maging walang kamuwang-muwang na puntirya ng mga taong nagdudunung-dunungan na nagrerekomenda ng huwad na mga paggamot. Mag-ingat sa anumang produkto na nangangakong makagagamot sa iba’t ibang uri ng sakit. Ang pinakahuling halimbawa ay nagsasangkot sa isang bagong bitamina na diumano’y “nakatutulong sa pag-aalis ng lahat ng sakit mula sa problema sa paghinga at panghihina hanggang sa mga sakit na nagsasapanganib ng buhay.” Natuklasan sa pagsusuri sa “bitamina” na ito pala’y tubig-alat lamang.

Walang alinlangan na ang ilang anyo ng alternatibong panggagamot ay maaaring kapaki-pakinabang sa pagpapabuti ng kalusugan. Gayunman, maging makatotohanan sa iyong mga inaasahan. Isang katalinuhan na magtuon ng pansin sa pagkain ng masusustansiyang pagkain, pagkakaroon ng sapat na tulog, tamang pag-eehersisyo, at pagiging maingat kapag pumipili ng paraan ng paggamot.

Ang Wakas ng Paghahanap

Maliwanag, walang panggagamot ng tao ang makapagwawakas sa lahat ng sakit at kamatayan na maaaring idulot nito. Ito’y sa dahilang minana ang mga ito mula sa ating orihinal na magulang, ang unang tao, si Adan. (Job 14:4; Awit 51:5; Roma 5:12) Ang maraming paraan ng paggamot​—anuman ang uri nito​—ay maaari ngang makatulong, ngunit ang mga ito’y pansamantalang pamamaraan lamang na maaaring makapagpahaba ng buhay at gawin itong higit na kasiya-siya sa limitadong panahon. Gayunman, may isang tiyak na lunas sa suliranin ng di-mabuting kalusugan, at natuklasan na ito ng milyun-milyon.

Ang lunas na iyan ay inilaan ng ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, ang Dakilang Manggagamot. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pananampalataya sa kaniya at pagsasamantala sa pakinabang mula sa halaga ng pambayad-sala ng haing pantubos ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, matatamasa mo ang sakdal na kalusugan at buhay na walang hanggan sa isang daigdig na wala nang sakit! (Mateo 20:28) Ang Bibliya ay nangangako na sa bagong sanlibutang iyan, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ”​—Isaias 33:24.

[Blurb sa pahina 12]

Nasumpungan ng milyun-milyon ang tanging pag-asa para sa sakdal na kalusugan