Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Dapat Ko Bang Sabihin sa Iba na Ako’y Nanlulumo?

Dapat Ko Bang Sabihin sa Iba na Ako’y Nanlulumo?

“Kapag ako’y nanlulumo, noong una ay mas gusto kong huwag itong ipakipag-usap dahil baka isipin ng mga tao na ako’y isang batang mahirap pakitunguhan. Ngunit pagkatapos ay natatanto ko na kailangan ko ng kausap upang tumanggap ng tulong.”​—Alejandro, 13 taóng gulang.

“Kapag nakadarama ako ng panlulumo, hindi ako bumabaling sa aking mga kaibigan dahil sa tingin ko’y hindi nila ako matutulungan. Pagtatawanan lamang nila ako.”​—Arturo, 13 taóng gulang.

HALOS lahat tayo’y nalulumbay paminsan-minsan. * Gayunman, sa dahilang bata ka pa at wala pang gaanong karanasan, maaaring madali kang madaig ng mga panggigipit sa buhay. Ang mga kahilingan mula sa iyong mga magulang, kaibigan, at mga guro; ang pisikal at emosyonal na mga pagbabago ng pagbibinata o pagdadalaga; o ang pagkadama na ikaw ay bigo dahil sa isang maliit na pagkakamali​—ang lahat ng ito ay maaaring magdulot sa iyo ng kalumbayan at kalungkutan.

Kapag nangyari iyan, makabubuti na may isa kang mapagtatapatan. “Kapag wala akong mapagsabihan ng aking mga problema, para akong sasabog,” ang sabi ng 17-taóng-gulang na si Beatriz. Gayunman, nakalulungkot sabihin na sinasarili ng maraming kabataan ang kanilang mga problema​—at kadalasan na nasusumpungan nila ang kanilang sarili na palubog nang palubog sa kawalan ng pag-asa. Napansin ni María de Jesús Mardomingo, isang propesora sa Medical Faculty of Madrid, na ang mga kabataang humantong sa puntong magtangkang magpatiwakal ay madalas na lubhang nag-iisa. Sinabi ng maraming kabataang nakaligtas mula sa mga pagtatangkang magpatiwakal na wala silang masumpungan na adultong maaari nilang makausap at mapagtapatan.

Kumusta ka naman? Mayroon ka bang makakausap kapag nalulumbay ka? Kung wala, kanino ka puwedeng makipag-usap?

Makipag-usap sa Iyong mga Magulang

Inilalarawan ni Alejandro, na sinipi sa pasimula, kung ano ang ginagawa niya kapag nakadarama siya ng panlulumo: “Lumalapit ako sa aking nanay sapagkat mula pa noong ako’y ipanganak, inaalalayan niya ako at binibigyan niya ako ng kompiyansa. Lumalapit din ako sa aking tatay dahil mayroon siyang mga karanasang katulad ng sa akin. Kapag nalulungkot ako at hindi ito ipinakikipag-usap sa kaninuman, lalong sumasama ang pakiramdam ko.” Naalaala ni Rodolfo, isang 11-taóng-gulang na kabataan: “Kung minsan ay minamaliit at kinakagalitan ako ng aking guro, kaya lubos akong nalulungkot. Pumupunta ako sa palikuran at doon ako umiiyak. Pagkatapos, nang maglaon, nakipag-usap ako sa aking nanay, at tinulungan niya akong malutas ang aking suliranin. Kung hindi ako nakipag-usap sa kaniya, malamang na mas nalungkot ako.”

Napag-isipan mo na bang makipag-usap nang masinsinan sa iyong mga magulang? Marahil ay nadarama mo na hindi nila kailanman maaaring maunawaan ang iyong mga problema. Ngunit ganoon nga ba talaga? Maaaring hindi nila lubusang maunawaan ang lahat ng panggigipit na hinaharap ngayon ng mga kabataan sa sanlibutan; gayunman, hindi ba totoo na marahil ay higit na kilala ka nila kaysa sa kaninuman sa sanlibutan? Sinasabi ni Alejandro: “Kung minsan ay hindi madali para sa aking mga magulang na damayan ako at unawain kung ano ang aking nadarama.” Gayunpaman, inaamin niya: “Alam ko na maaari akong lumapit sa kanila.” Madalas ay nagugulat ang mga kabataan na malaman kung gaano talaga kalubos na nauunawaan ng kanilang mga magulang ang kanilang mga problema! Dahil sa sila’y mas matanda at may higit na karanasan, madalas na makapagbibigay sila ng nakatutulong na payo​—lalung-lalo nang totoo ito kung sila ay may karanasan sa pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya.

“Kapag nakikipag-usap ako sa aking mga magulang, nakatatanggap ako ng pampatibay-loob at praktikal na mga solusyon sa aking mga problema,” sabi ni Beatriz, na sinipi kanina. Kung gayon, may mabuting dahilan ang Bibliya sa pagbibigay ng ganitong payo para sa mga kabataan: “O anak ko, tuparin mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong iiwan ang kautusan ng iyong ina. Makinig ka sa iyong ama na nagpangyari ng iyong kapanganakan, at huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa tumanda na siya.”​—Kawikaan 6:20; 23:22.

Siyempre pa, mahirap magtapat sa iyong mga magulang kung hindi maganda ang ugnayan mo sa kanila. Ayon kay Dr. Catalina González Forteza, isang pagsusuri na isinagawa sa mga estudyante sa haiskul ang nagsiwalat na yaong mga nagsabing nagtangka silang magpatiwakal ay may mababang pagtingin-sa-sarili at hindi maganda ang ugnayan sa kanilang mga magulang. Sa kabaligtaran naman, ang mga kabataang umiiwas sa gayong nakapipinsala-sa-sariling pag-iisip ay sa pangkalahatan “nagtatamasa ng isang mabuting ugnayan sa kanilang ina at ama.”

Samakatuwid, may katalinuhang pagsikapan na malinang ang isang mabuting ugnayan sa iyong mga magulang. Gawing kaugalian na makipag-usap sa kanila nang regular. Sabihin sa kanila kung ano ang nangyayari sa buhay mo. Magtanong sa kanila. Ang gayong masasayang usapan ay maaaring magpadali na malapitan sila kapag may mabigat kang suliranin.

Pakikipag-usap sa Isang Kaibigan

Ngunit hindi ba mas madali na lumapit sa isang kaedad tungkol sa iyong mga suliranin? Buweno, mabuti na magkaroon ng mga kaibigan na maaari mong mapagkatiwalaan. Sinasabi ng Kawikaan 18:24 na “may kaibigang mas malapit pa kaysa sa isang kapatid.” Ngunit bagaman makapagbibigay sa iyo ng simpatiya at alalay ang mga kaedad mo, maaaring hindi nila laging maibigay ang pinakamahusay na payo. Kung sa bagay, karaniwan nang sila’y walang gaanong karanasan sa buhay na kagaya mo. Natatandaan mo ba si Rehoboam? Isa siyang hari noong panahon ng Bibliya. Sa halip na tanggapin ang payo ng makaranasan at maygulang na mga lalaki, nakinig siya sa kaniyang mga kaedad. Ang kinalabasan? Kapahamakan! Naiwala ni Rehoboam kapuwa ang suporta ng kalakhan ng kaniyang bayan at ang pagsang-ayon ng Diyos.​—1 Hari 12:8-19.

Ang isa pang problema sa pagtatapat sa iyong mga kaedad ay ang pagiging mapagkakatiwalaan. Napansin ni Arturo, na sinipi sa pasimula: “Ang karamihan sa mga kabataang lalaking kakilala ko ay nakikipag-usap sa kanilang mga kaibigan kapag nalulungkot sila. Ngunit nang maglaon, isinisiwalat ng mga kaibigan nila ang lahat sa ibang tao at pinagtatawanan sila.” Ang labintatlong-taóng gulang na si Gabriela ay may katulad na karanasan. Sabi niya: “Isang araw, nalaman kong ikinukuwento ng aking kaibigan ang mga bagay tungkol sa akin sa isa pang kaibigan niya, kaya hindi na ako muling nagtapat sa kaniya. Oo, nakikipag-usap ako sa aking mga kaedad, pero hindi ko sinasabi sa kanila ang mga bagay na may masamang epekto sa akin kapag sinabi nila ito sa iba.” Kaya kapag naghahanap ka ng tulong, mahalaga na makasumpong ng isa na ‘hindi nagsisiwalat ng lihim na pakikipag-usap ng iba.’ (Kawikaan 25:9) Ang taong iyon ay malamang na mas matanda sa iyo.

Kaya kung may dahilan kang hindi makasumpong ng pag-alalay sa tahanan, tama lamang na maghanap ng isang kaibigang mapagtatapatan, ngunit tiyakin mo na siya ay may karanasan na sa buhay o may kaalaman sa mga simulain ng Bibliya. Sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, walang alinlangan na may mga indibiduwal na kasuwato ng gayong paglalarawan. Sinasabi ng labing-anim-na-taóng gulang na si Liliana: “Nakapagtapat ako sa ilan sa aking mga Kristiyanong kapatid na babae, at ito’y naging lubos na kapaki-pakinabang. Yamang mas matanda sila sa akin, mahusay ang kanilang payo. Naging mga kaibigan ko sila.”

Paano kung naapektuhan din pati ang iyong espirituwalidad? Marahil ay naging napakalungkot mo anupat nakaligtaan mo nang manalangin o magbasa ng Bibliya. Sa Santiago 5:14, 15, nagbibigay ang Bibliya ng ganitong payo: “Mayroon bang sinumang may-sakit sa inyo? Tawagin niya ang mga nakatatandang lalaki ng kongregasyon sa kaniya, at ipanalangin nila siya, na nilalangisan siya ng langis sa pangalan ni Jehova. At ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa isa na may dinaramdam, at ibabangon siya ni Jehova.” Ang lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay may nakatatandang mga lalaki na may karanasan sa pagtulong sa mga tao na nasisiraan ng loob o maysakit sa espirituwal. Malayang makipag-usap sa kanila. Sinasabi ng Bibliya na ang gayong mga lalaki ay maaaring maging “gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan.”​—Isaias 32:2.

“Ipaalam ang Inyong mga Pakiusap sa Diyos”

Gayunman, ang pinakamagaling na pinagmumulan ng tulong ay “ang Diyos ng buong kaaliwan.” (2 Corinto 1:3) Kapag ikaw ay malungkot at nanlulumo, sundin ang payo ng Filipos 4:6, 7: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pagpapasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” Si Jehova ay laging handang makinig sa iyo. (Awit 46:1; 77:1) At kung minsan ay panalangin lamang ang tanging kailangan mo upang maibsan ang gumugulo sa iyong isipan.

Kung nalulungkot ka o nanlulumo sa pana-panahon, huwag mong kalilimutan na maraming ibang kabataan ang nagkaroon din ng katulad na mga damdamin. Sa kalaunan, karaniwan nang naglalaho ang gayong mga damdamin. Ngunit pansamantala, huwag mong sarilinin ang panlulumo. Ipaalam sa iba na ikaw ay nasasaktan. Binabanggit ng Kawikaan 12:25: “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito, ngunit ang mabuting salita ang siyang nagpapasaya nito.” Paano mo makukuha yaong “mabuting salita” na nakapagpapalakas ng loob? Sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba​—sa isa na may karanasan, kaalaman, at makadiyos na karunungan na makapagbibigay sa iyo ng kaaliwan at tulong na kailangan mo.

[Talababa]

^ par. 5 Kapag nagpatuloy ang pagkadama ng kalungkutan, maaari itong magpahiwatig ng isang malubhang emosyonal o pisikal na karamdaman. Iminumungkahi ang maagap na pagpapatingin sa doktor. Tingnan ang artikulong “Pagtatagumpay Laban sa Panlulumo,” sa Marso 1, 1990, isyu ng aming kasamang babasahin, na Ang Bantayan.

[Blurb sa pahina 14]

“Kapag nakikipag-usap ako sa aking mga magulang, nakatatanggap ako ng pampatibay-loob at praktikal na mga solusyon”

[Larawan sa pahina 15]

Kadalasan na ang mga magulang na may takot sa Diyos, sa halip na sa mga kaedad mo, ang nasa pinakamagaling na kalagayan na magbigay sa iyo ng payo