Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Pagsusuri sa Alternatibong mga Paraan ng Paggamot

Isang Pagsusuri sa Alternatibong mga Paraan ng Paggamot

Isang Pagsusuri sa Alternatibong mga Paraan ng Paggamot

“Ang pagpapasimula ng isang propesyonal na usapan sa pagitan ng mga manggagamot at mga nagsasagawa ng alternatibong panggagamot ay mahalaga upang magkaroon ng mas mabuting pangangalagang pangkalusugan ang mga maysakit na pumipili sa alternatibong panggagamot.”

ANG pananalitang iyan ay nailathala sa The Journal of the American Medical Association (JAMA) sa labas nito ng Nobyembre 11, 1998. Sinabi ng artikulo: “Inaasahan na lálakí ang pangangailangan [para sa usapan] na ito hinggil sa paggamit ng mga alternatibong paraan ng paggamot, lalo na’t pinaplano ng mga seguro sa kalusugan na isama ang gayong mga panggagamot sa mga benepisyo na kanilang iniaalok.”

Parami nang paraming pasyente ang gumagamit ng alternatibong panggagamot samantalang ginagamit mismo nila ang mas pangkaraniwang mga anyo ng paggamot. Subalit, hindi ipinagbibigay-alam ng ilan sa kanilang doktor kung ano ang kanilang ginagawa. Kaya naman, ganito ang paghimok ng Tufts University Health & Nutrition Letter ng Abril 2000: “Dapat mong gawin ang pinakamabuti para sa iyong kapakanan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iyong doktor sa halip na sarilinin ito.” Sinabi pa nito: “Sumang-ayon man siya o hindi sa iyong pamamaraan, nakinabang ka pa rin sa pagbabahagi mo ng impormasyon.”

Nasabi ito dahil sa may posibleng mga panganib sa kalusugan kapag pinagsama ang ilang halamang-gamot sa pangkaraniwang paggamot. Dahil sa kinikilala nila na pinipili ng ilan sa kanilang mga pasyente ang alternatibong panggagamot, sinisikap ng maraming manggagamot na huwag silang mahadlangan ng kanilang sariling mga opinyon tungkol sa pangangalaga sa kalusugan na makipagtulungan sa mga nagsasagawa ng alternatibong paggamot para sa kapakanan ng pasyente.

Upang mabigyan ng ideya ang aming mga mambabasa tungkol sa alternatibong panggagamot na ginagamit sa ngayon ng dumaraming mga tao sa maraming bansa, naglaan kami ng maikling paglalarawan sa ilan sa mga ito. Gayunman, pakisuyong pansinin na hindi itinataguyod ng Gumising! ang anuman sa mga ito o iba pang uri ng paggamot.

Mga Panlunas na Halamang-Gamot

Marahil ang mga panlunas na ito ang pinakakaraniwang anyo ng alternatibong panggagamot. Sa kabila ng paggamit ng halamang-gamot sa medisina sa loob ng mga siglo, kaunting-kaunti lamang na mga uri ng halaman ang masusing pinag-aralan ng mga siyentipiko. Mas kakaunting bilang pa nga ng mga halaman at mga katas nito ang lubus-lubusang napag-aralan para makakuha ng impormasyon hinggil sa pagiging ligtas at mabisa ng mga ito. Ang karamihan sa impormasyon hinggil sa halamang-gamot ay salig sa karanasan mula sa sinaunang paggamit sa mga ito.

Gayunman, nitong nakalipas na mga taon, napakaraming makasiyensiyang pag-aaral ang nagpapakita sa kapakinabangan ng ilang halamang-gamot sa paglunas sa mga sakit na gaya ng di-malubhang panlulumo, pagkamalilimutin na nauugnay sa edad, at mga sintomas ng di-malalang paglaki ng prostate. Ang isang halamang-gamot na pinag-aralan ay ang black cohosh, na kung minsan ay kilala bilang black snakeroot, bugbane, o rattleroot. Pinakukuluan ng mga Amerikanong Indian ang ugat at ginagamit ito may kaugnayan sa mga problema sa pagreregla at panganganak. Ayon sa Harvard Women’s Health Watch ng Abril 2000, ipinahihiwatig ng pinakahuling mga pagsusuri na ang katas ng pangkaraniwan na itinitindang black cohosh sa Alemanya ay mabisa “sa pagpapabawa sa mga sintomas ng menopos.”

Waring ang karamihan sa kahilingan para sa gayong likas na mga panlunas ay nakasalig sa pagkaunawa na ang mga ito’y mas ligtas kaysa sa sintetikong mga gamot. Bagaman maaaring malimit na ito’y totoo, ang ilang halamang-gamot ay nagdudulot ng masasamang epekto, lalo na kung ang mga ito’y ginamit kasama ng iba pang gamot. Halimbawa, ang kilalang halamang-gamot na inirerekomenda bilang likas na decongestant (pang-alis ng bara dahil sa sipon) at produktong pampabawas ng timbang ay maaaring makapagpataas ng presyon ng dugo at makapagpabilis ng pintig ng puso.

May mga halamang-gamot din na nakapagpapabilis sa pagdurugo ng maysakit. Kung ang mga halamang-gamot na ito ay gagamitin kasama ng mga gamot na “nagpapalabnaw ng dugo,” maaaring magdulot ito ng malulubhang suliranin. Ang mga taong may malulubhang sakit, gaya ng diyabetis o mataas na presyon ng dugo, o yaong mga umiinom ng ibang gamot ay dapat na mag-ingat tungkol sa paggamit ng halamang-gamot.​—Tingnan ang kasamang kahon.

Ang isa pang ikinababahala hinggil sa mga halamang-gamot ay ang kawalan ng katiyakan sa di-nagbabagong kalidad ng gamot kapag ginagawa ang mga ito. Nitong nakaraang mga taon, nagkaroon ng mga ulat tungkol sa mga produktong nabahiran ng mabibigat na metal at iba pang dumi. Karagdagan pa, ang ilang produktong gawa sa halamang-gamot ay natuklasang naglalaman ng kaunti lamang o wala pa nga ng mga sangkap na nasa etiketa. Ang mga halimbawang ito ay nagdiriin sa pangangailangan na bumili ng mga produktong gawa sa halamang-gamot, gayundin ng iba pang mga produktong pangkalusugan, mula sa kilala at mapagkakatiwalaang mga tindahan.

Mga Suplemento sa Pagkain

Ang mga suplemento sa pagkain, gaya ng mga bitamina at mga mineral, ay iniulat na nakatutulong sa paghadlang at paggamot sa maraming sakit, kasali na ang kakulangan ng dugo at osteoporosis​—at maging sa paghadlang sa ilang depekto sa pagsilang. Ang dosis ng pang-araw-araw na bitamina at mga mineral na inirerekomenda ng pamahalaan ay itinuturing na ligtas at nakabubuti.

Sa kabilang banda, ang matataas na dosis na inirerekomenda sa paggamot ng ilang sakit ay maaaring mapanganib sa kalusugan. Posibleng makahadlang ang mga ito sa pagtanggap o gawain ng ibang sustansiya sa katawan at maaaring maging sanhi rin ng malulubha at masasamang epekto. Ang posibilidad na ito, gayundin ang kawalan ng matitibay na katibayan na sumusuhay sa pag-inom ng mga bitaminang may matataas na dosis, ay hindi dapat ipagwalang-bahala.

Homeopathy

Ang homeopathy ay nabuo noong dekada ng 1700 bilang isang uri ng paggamot na mas magaan at banayad kaysa sa popular na paggamot na ginagamit noong panahong iyon. Ang homeopathy ay nakasalig sa prinsipyong “pinagagaling ng isang bagay ang kauri nito” at sa teoriya ng kaunting dosis. Ang homeopathy na mga panlunas ay ginagawa sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagbabanto sa isang nakapagpapagaling na sangkap​—kung minsan, labis na binabantuan ito anupat wala nang natitira maging ang isang molekula ng orihinal na sangkap.

Magkagayon man, kapag inihambing sa paggamit ng placebo (paggamot na nagpapaginhawa sa kaisipan ng maysakit subalit walang nakapagpapagaling na bisa), natuklasan na ang mga homeopathy na panlunas ay may epekto sa paanuman sa paggamot sa mga sakit na gaya ng hika, mga alerdyi, at pagtatae ng bata. Ang mga produkto ng homeopathy ay itinuturing na ligtas naman, yamang ito’y binabantuan nang husto. Isang artikulo na inilathala noong Marso 4, 1998, sa isyu ng JAMA ay nagsabi: “Para sa maraming maysakit na pinahihirapan ng malulubhang karamdaman na walang espesipikong resulta ng pagsusuri, ang homeopathy ay maaaring isang mahalaga at kapaki-pakinabang na mapagpipiliang paraan ng paggamot. Kung hindi pasosobrahan ang gamit nito, makatutulong ang homeopathy sa makabagong paggamot na magsisilbing ‘isang karagdagang kasangkapang magagamit.’” Gayunman, sa posibleng agaw-buhay na mga kalagayan, higit na may-katalinuhan ang paggamit sa pangkaraniwang mga paraan ng paggamot.

Chiropractic

May ilang alternatibong panggagamot ang nagsasagawa ng pag-aayos sa kayarian ng katawan. Ang chiropractic ay kabilang sa pinakakaraniwang ginagamit na alternatibong panggagamot, lalo na sa Estados Unidos. Ito’y nakasalig sa ideya na mapasisigla ang pagpapagaling kapag naiwasto ang pagkabaluktot ng gulugod. Iyan ang dahilan kung bakit nagpapakadalubhasa ang mga chiropractor sa pag-aayos ng gulugod upang iayos ang buto sa gulugod ng kanilang mga pasyente.

Ang pangkaraniwang paggamot ay hindi laging nakapagpapaginhawa sa pananakit ng sasapnan. Sa kabilang panig, ang mga maysakit na ginagamot sa pamamagitan ng chiropractic ay nag-uulat na sila’y lubusang nasisiyahan dito. Bihira ang katibayan upang suhayan ang paggamit ng pamamaraang chiropractic para sa ibang mga sakit maliban sa kirot.

Kapansin-pansin naman, kakaunti ang nangyayaring masamang epekto sa paraang chiropractic na ginagawa ng isang bihasa rito. Subalit, dapat ding mabatid ng isang tao na ang paghilot sa leeg ay nauugnay sa mapanganib at malulubhang komplikasyon, kasali na rito ang istrok at paralisis. Upang mabawasan ang panganib na magkakomplikasyon, inirerekomenda ng ilang dalubhasa na ang isang tao ay dapat na lubos na magpasuri upang makita kung anong espesipikong istilo ng paghilot ang tama para sa kaniya.

Masahe

Matagal nang kinikilala ng halos lahat ng kultura ang mga kapakinabangan ng masahe. Ang paggamit dito ay napaulat pa nga sa Bibliya. (Esther 2:12) “Malaking bahagi ang ginagampanan ng mga pamamaraan sa masahe sa tradisyunal na pangangalagang medikal ng mga Tsino at Indian,” ang sabi ng British Medical Journal (BMJ) ng Nobyembre 6, 1999. “Ginawang sistematiko ang pagmamasahe sa Europa noong unang bahagi ng ika-19 na siglo ni Per Henrik Ling, na siyang nagpasinaya sa kilala ngayon na Swedish massage.”

Ang masahe ay sinasabing nagpaparelaks sa mga kalamnan, nagpapabuti sa sirkulasyon ng dugo, at nag-aalis ng mga lason na naipon sa mga himaymay sa katawan. Inirerekomenda sa ngayon ng mga doktor ang pagmamasahe para sa mga sakit na gaya ng kirot sa likod, pananakit ng ulo, at mga sakit sa pantunaw. Sinasabi ng karamihan sa mga tao na nagpapamasahe kung gaano kabuti ang epekto nito sa kanilang pakiramdam. Ayon kay Dr. Sandra McLanahan, “walumpung porsiyento ng mga sakit ay nauugnay sa kaigtingan, at nakababawas ng kaigtingan ang masahe.”

“Karamihan sa mga paraan ng pagmamasahe ay may kakaunting panganib na magdulot ng masasamang epekto,” ang ulat ng BMJ. “Ang mga bagay na nakasasama sa masahe ay pangunahin nang nakasalig sa sentido kumon (halimbawa, pag-iwas na mahawakan ang mga pasò o pagmamasahe sa binti na may namumuong dugo sa ugat) . . . Walang katibayan na mabilis na naikakalat ng masahe ang kanser sa mga maysakit nito.”

“Habang lalong lumalaganap ang masahe, higit na ikinababahala ng mga nagpapamasahe ang hinggil sa kakayahang magmasahe ng mga terapist, at dapat nga na sila’y mabahala,” ang sabi ni E. Houston LeBrun, dating presidente ng American Massage Therapy Association. Ipinayo ng BMJ na upang maiwasan ang di-propesyonal na paggawi, “dapat na tiyakin ng mga pasyente na nakarehistro ang mga terapist sa isang angkop na organisasyon.” Sinabi ng isang ulat noong nakaraang taon na may lisensiya ang mga terapist sa 28 estado sa Estados Unidos.

Acupuncture

Ang acupuncture ay isang paraan ng pagpapagaling na naging kilala sa buong mundo. Bagaman ang katagang “acupuncture” ay sumasaklaw sa iba’t ibang pamamaraan, pinakakaraniwang tumutukoy ito sa paggamit ng napakaninipis na karayom na itinutusok sa espesipikong bahagi ng katawan upang matamo ang nagpapagaling na resulta. Ipinakikita ng pananaliksik noong nakalipas na mga dekada na ang acupuncture ay maaaring maging mabisa sa ilang sakit dahil sa pinalalabas nito ang mga neurochemical, gaya ng mga endorphin, na makatutulong sa pagpapahupa ng kirot at pamamaga.

Sinasabi ng ilang pananaliksik na ang acupuncture ay maaaring maging mabisa sa paggamot ng maraming sakit at na ito’y ligtas na panghalili sa paggamit ng mga pampamanhid. Kinikilala ng World Health Organization ang kahalagahan ng acupuncture sa paggamot ng 104 na sakit. At binanggit ng isang komite na pinili ng U.S. National Institute of Health ang katibayan na ang acupuncture ay isang tinatanggap na paraan ng paggamot para lunasan ang mga kirot pagkatapos ng operasyon, pananakit ng kalamnan, pananakit ng puson dahil sa pagreregla, at pagduduwal at pagsusuka dahil sa chemotherapy o pagdadalang-tao.

Bagaman bihira ang malulubha at masasamang epekto na kaakibat ng acupuncture, maaaring makaramdam ang mga indibiduwal ng kirot, pamamanhid, o pangingilig. Ang wastong pagpapakulo sa mga karayom o paggamit ng itinatapong mga karayom ay makababawas sa panganib ng impeksiyon. Marami sa mga nagsasagawa ng acupuncture ang kulang sa kinakailangang medikal na kadalubhasaan upang makapagbigay ng wastong diyagnosis o makapagrekomenda ng iba pa at mas angkop na mga paggamot. Hindi katalinuhan na ipagwalang-bahala ang ganitong kawalan ng kadalubhasaan sa pagbibigay ng diyagnosis, lalo na kung pinili ang acupuncture upang mapaginhawa ang mga sintomas ng malulubhang sakit.

Napakarami ang Mapagpipilian

Ang mga nabanggit na ay ilan lamang sa maraming paraan ng paggamot na pangkaraniwang tinatawag sa ngayon na alternatibo sa ilang lugar. Sa hinaharap ang ilan sa mga ito, gayundin ang iba pang hindi tinalakay rito, ay maituturing na pangkaraniwang paggamot, kahit na ang mga ito’y itinuturing nang gayon sa ilang bahagi ng daigdig. Mangyari pa, ang iba ay maaaring hindi na gamitin sa kalaunan o magkaroon pa nga ng negatibong pagkakilala.

Nakalulungkot, ang kirot at sakit ay talagang bahagi ng nararanasan ng tao, anupat maging ang Bibliya ay may katumpakang nagsasabi: “Alam natin na ang buong paglalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.” (Roma 8:22) Maaasahan lamang na maghahanap ang mga tao ng kaginhawahan. Subalit saan tayo maaaring bumaling? Pakisuyong isaalang-alang ang ilang pagsusuri na maaaring makatulong sa iyo sa pagpili mo ng paraan ng paggamot.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

Pag-inom ng mga Halamang-gamot Kasabay ng Pangkaraniwang mga Gamot​—ANO ANG MGA PANGANIB?

Malimit na binababalaan ang publiko laban sa pag-inom ng ilang inireresetang gamot na kasabay o kasama ng inuming de-alkohol. Mayroon din bang panganib sa pag-inom ng partikular na mga halamang-gamot kasabay ng inireresetang mga gamot? Gaano kapangkaraniwan ang gawaing ito?

Sinabi ng isang artikulo sa The Journal of the American Medical Association ang tungkol sa “sabay-sabay na pag-inom ng mga inireresetang gamot kasama ang mga halamang-gamot.” Sinabi nito: “Mula sa 44% ng mga nasa hustong gulang na nagsasabing sila’y regular na umiinom ng inireresetang mga gamot, halos 1 (18.4%) sa 5 ang iniulat na sabay na umiinom ng kahit 1 produktong halamang-gamot, isang bitamina na mataas ang dosis, o pareho nito.” Mahalaga na magkaroon ng kaalaman tungkol sa posibleng mga panganib ng gayong mga gawain.

Ang mga umiinom ng mga produktong halamang-gamot ay dapat ding mabahala kapag sila’y sumasailalim sa paraan ng paggamot na nangangailangan ng anestisya. Si Dr. John Neeld, presidente ng American Society of Anesthesiologists, ay nagpaliwanag: “May mga sabi-sabi na ang ilang kilalang halamang-gamot, kasali na ang ginseng at St. John’s wort, ay maaaring lubhang makapagpabago sa presyon ng dugo. Napakapanganib niyan kapag may anestisya ang isa.”

Sinabi pa ng doktor na ito: “Ang iba pa, gaya ng ginkgo biloba, luya at feverfew, ay maaaring makahadlang sa pamumuo ng dugo, na lalong mapanganib sa panahong tinurukan ang isa ng epidural anesthesia (anestisya na itinuturok sa matitibay na himaymay na bumabalot sa utak at gulugod)​kapag may pagdurugo malapit sa gulugod, maaaring maging sanhi ito ng paralisis. Maaari ring palalain ng St. John’s wort ang masasamang epekto ng narkotiko o mga gamot na pampamanhid.”

Maliwanag, mahalaga na malaman ang tungkol sa posibleng panganib ng pinagsamang pag-inom ng partikular na mga halamang-gamot at pangkaraniwang mga gamot. Ang mga babaing nagdadalang-tao at nagpapasuso ay lalo nang dapat na may kabatiran tungkol sa posibleng panganib na maaaring danasin ng kanilang mga supling dahil sa pinagsabay na pag-inom ng ilang halamang-gamot at pangkaraniwang mga gamot. Kaya, ang mga maysakit ay hinihimok na makipag-usap sa mga nangangalaga sa kanilang kalusugan hinggil sa kung ano ang mga gamot na kanilang iniinom, ang mga ito man ay alternatibo o iba pa.

[Mga larawan sa pahina 7]

Ang ilang halamang-gamot ay naging kapaki-pakinabang sa paglunas ng mga sakit

Black cohosh

Saint-John’s-wort

[Credit Line]

© Bill Johnson/Visuals Unlimited

[Larawan sa pahina 7]

Para sa pinakamabuting resulta, kailangang magtulungan ang mga pasyente at ang mga propesyonal na nangangalaga sa kalusugan