Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ito’y Nakatulong sa Pagligtas ng Kaniyang Buhay

Ito’y Nakatulong sa Pagligtas ng Kaniyang Buhay

Ito’y Nakatulong sa Pagligtas ng Kaniyang Buhay

Ang Disyembre 22, 1999, na isyu ng “Gumising!” ay nagtampok ng paksa sa pabalat na “Pagkidnap​—Kung Bakit Isang Pangglobong Panganib.” Sinabi ni William Louis Terrell na ang isyung ito ng “Gumising!” ay nakatulong sa pagligtas ng kaniyang buhay.

HINDI pa natatagalan makalipas ang alas-10 ng umaga noong Biyernes, Marso 10, 2000, si Terrell ay kinidnap mula sa kaniyang tahanan habang tinututukan siya ng baril ni Joseph C. Palczynski, Jr. Ang mga artikulo ng Gumising!, na ayon kay Terrell ay paulit-ulit niyang inaalaala sa panahon ng kaniyang matinding karanasan, ay naglalaman ng sumusunod na payo mula sa mga eksperto kung ano ang dapat gawin kung makidnap ang isa:

“Makipagtulungan; iwasan ang paggawing matigas ang ulo. Ang nagagalit na mga bihag na panagot ay mas madalas na dumaranas ng malupit na pagtrato, at mas nanganganib na mapatay o mapag-initan para parusahan.

“Huwag mataranta. Isaisip na karamihan ng mga biktima ay nakaligtas sa pagkidnap.”

“Makipag-usap kung maaari at sikaping makipagtalastasan. Kung ituturing ka ng mga kidnaper bilang isang indibiduwal, malamang na hindi ka nila saktan o patayin.

“Ipabatid mo sa kanila [ang mga kidnaper] ang iyong mga pangangailangan sa magalang na paraan.”

‘Ang pakikipagtulungan ay nagsisilbing isang proteksiyon sa mga kinidnap, gaya ng paliwanag ng aklat na Criminal Behavior: “Habang lalong nagkakakilala ang biktima at ang bumihag, mas malamang na maging palagay sila sa isa’t isa. Ipinakikita ng pangyayaring ito na pagkatapos ng isang yugto ng panahon ay malamang na hindi saktan ng salarin ang bihag na panagot.”’

Ginawa ni William Terrell, na 53 taóng gulang at isa sa mga Saksi ni Jehova, ang kaniyang buong makakaya upang sundin ang gayong payo sa panahon ng kaniyang halos 14 na oras na pagiging bihag na panagot, na halos sa lahat ng panahong ito ay tinututukan siya ng baril. Ang mahirap na karanasang ito ay nagsimula di-nagtagal matapos kumatok si Palczynski sa pintuan ni Terrell sa isang kabukiran malapit sa Interstate Highway 95, kung saan naubusan ng gasolina ang kotse na ninakaw ni Palczynski.

Pagkatapos pakinggan ang nangyari sa estranghero, pumayag si Terrell na tulungan siya. Humingi si Palczynski ng isang basong tubig at nakiusap na isakay siya patungong Baltimore, Maryland, E.U.A. Sinabi ni Terrell na magsasaayos siya ng isa na magmamaneho upang ihatid siya sa lunsod ng Fredericksburg, Virginia, at doo’y makasasakay siya ng bus patungo sa kaniyang pupuntahan. Nang abutan ni Terrell ang estranghero ng isang basong tubig, tinutukan siya nito ng baril. Inutusan ni Palczynski si Terrell na ipagmaneho siya sa kaniyang pupuntahan.

Pagsunod sa Payo

Habang nagmamaneho sa kahabaan ng I-95, sinunod ni Terrell ang tagubilin ni Palczynski na panatilihin ang itinakdang bilis at huwag magmamaneho sa anumang paraan na makaaakit ng atensiyon sa kanila. Samantalang nananatiling kalmado, nakipag-usap si Terrell sa 31-taóng-gulang na si Palczynski, anupat nagpapakita siya ng tunay na interes dito bilang isang tao at sa mga kalagayang umakay sa kanilang pagkikita. Ikinuwento ni Palczynski na tatlong araw bago nito ay dinalaw niya ang kaniyang kasintahang si Tracy, na nakipaghiwalay sa kaniya. Doon ay binaril niya at napatay ang dalawa sa mga kaibigan nito at isang kapitbahay na nagtangkang makialam sa pagkuha niya kay Tracy. Nang maglaon ay nakatakas si Tracy.

Nang sumunod na gabi, habang sinisikap na agawin ni Palczynski ang isang sasakyan, isang dalawang-taóng-gulang na bata ang tinamaan ng isa sa kaniyang mga bala, na dumurog sa panga ng bata. Ang kotseng minamaneho ni Jennifer Lyn McDonel ay tinamaan din. Nakalulungkot, isang bala ang pumatay sa kaniya, at ang bakanteng upuan ng kanilang isang-taóng-gulang na anak sa kotse ay tinamaan ng isa pang bala. Si Jennifer at ang kaniyang asawa, si Thomas, ay papunta sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, kung saan kapuwa sila may ihaharap na atas na bahagi sa pulong nang gabing iyon. Si Sarah Francis, ina ni Jennifer, ay nagsabi: “Noong gabi lamang na iyon na hindi nila isinama ang sanggol na iyon sa Kingdom Hall. [Kung hindi gayon] dalawa sana silang ipinagluksa namin.”

Habang patuloy na nakikipag-usap nang malumanay si Terrell sa bumihag sa kaniya, sinabi ni Palczynski na hindi niya gustong manakit ng sinuman at na talagang mahal niya si Tracy at nais niyang makasama ito. Nagpaliwanag si Terrell: “Sinabi ko sa kaniya na hindi niya mababago ang nakalipas pero puwede niyang baguhin ang hinaharap, at hinimok ko siyang sumuko. Sinabi ko sa kaniya na dadalawin ko siya sa bilangguan at mag-aaral kami ng Bibliya.” Nang maglaon ay naiulat na mula nang magtapos siya sa high school noong 1987, maliban sa sampung buwan, ginugol ni Palczynski ang buong buhay niya sa bilangguan o sa mga institusyon para sa kalusugan ng isip o sa pagiging nasa subok na paglaya (probation).

Sa paggamit ng kaniyang karanasan bilang isang matagal nang Kristiyanong matanda, patuloy na namanhik si Terrell sa nagugulumihanang kabataang lalaki sa pamamagitan ng paggamit ng totoong-buhay na mga halimbawa mula sa Bibliya. Halimbawa, ikinuwento niya ang karanasan ng isang mabuting tao, si Haring David ng Israel, na nahumaling sa asawa ni Uria, isa sa mga sundalo sa hukbo ni David. Nang magdalang-tao ang babae dahil kay David, isinaayos niya na mapatay si Uria sa digmaan. Nang mataktikang iniharap kay David ang kaniyang mga kasalanan, siya ay taimtim na nagsisi at muli niyang natamo ang pagsang-ayon ng Diyos.​—2 Samuel 11:2–​12:14.

Nakapagtatag si Terrell ng mabuting kaugnayan sa takas, anupat tinatawag niya ito sa palayaw nitong Joby. Nang huminto sila sa isang tindahan at inutusan si Terrell na bumili ng pagkain at ng isang nabibitbit na telebisyon, sinabi ni Palczynski na papatay siya ng marami pang tao kung tatangkain nitong babalaan ang sinuman. Palibhasa’y batid ang pabagu-bagong isip ng takas, sumunod si Terrell. Sa dakong huli, matapos mapanood ang isang pagsasahimpapawid sa balitang alas-11 hinggil sa mga krimeng ginawa ni Palczynski, niyakap ni Palczynski si Terrell at tahimik na umalis tungo sa isang karatig na pook ng Baltimore.

Pagkalipas ng mga isang linggo, nasukol si Palczynski sa isang bahay kung saan may mga bihag panagot siya. Si Terrell, na nabanggit ng takas, ay ipinatawag upang tumulong sa mga negosasyon. Sa kasawiang palad, naging bigo ang mga ito, at noong Marso 22, si Palczynski ay nabaril at napatay ng isang pulis na lumusob sa bahay. Walang ibang nasaktan.

Pagkatapos nito ay kumuha si Terrell ng halos 600 kopya ng isyu ng Gumising! na sinasabi niyang nakatulong sa pagligtas ng kaniyang buhay. Ibinahagi niya sa iba ang daan-daang kopya nito. Nagpapasalamat si Terrell na nakaugalian niyang basahin ang mahahalagang impormasyon sa Gumising!, at alam namin na gayundin ang inyong madarama.

[Larawan sa pahina 26]

William Terrell