Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mas Mabuting Kalusugan—Isang Bagong Kalakaran?

Mas Mabuting Kalusugan—Isang Bagong Kalakaran?

Mas Mabuting Kalusugan​—Isang Bagong Kalakaran?

Kakaunting paksa ang mas mahalaga para sa mga tao kaysa sa kalusugan. Kung minsan, waring kasindami ng mga manggagamot ang mga opinyon. Sa halip na may panigan, sinisikap ng Gumising! sa pamamagitan ng serye ng mga artikulong ito na mag-ulat tungkol sa lumalaganap na panggagamot na karaniwang tinatawag na alternatibo. Hindi namin inirerekomenda ang anumang paraan ng paggamot na aming tatalakayin o ang anumang iba pang bagay. Maraming uri ng paraan ng paggamot ang hindi binanggit​—ang ilan ay popular at ang iba naman ay kontrobersiyal. Naniniwala kami na sa pangkalahatan, kapaki-pakinabang ang edukasyon hinggil sa mga usaping pangkalusugan; ang mga pagpapasiya hinggil sa mga usaping pangkalusugan ay lubusang personal na bagay.

LAHAT ng tao ay nagnanais na maging malusog. Subalit ang mabuting kalusugan ay maaaring mahirap matamo, gaya ng makikita sa maraming tao na may mga karamdaman. Ipinapalagay ng ilan na waring mas maraming tao ang nagkakasakit sa ngayon kaysa noon.

Upang malabanan ang sakit, maraming doktor ang labis na umaasa sa pagrereseta ng mga gamot na ginawa at labis-labis na iniaanunsiyo ng mga kompanya ng gamot. Kapansin-pansin, lumaki nang husto ang pagbebenta sa daigdig ng gayong mga gamot nitong nakalipas na mga dekada, mula sa ilang bilyong dolyar lamang sa isang taon tungo sa daan-daang bilyong dolyar taun-taon. Ano ang kinahinatnan nito?

Ang mga gamot na inirereseta ay nakatulong sa maraming tao. Subalit, ang pisikal na kalagayan ng ilang umiinom ng mga gamot ay di-nagbago o kaya’y lalong lumala. Kaya marami ang bumaling kamakailan sa paggamit ng ibang paraan ng paggamot.

Kung Saan Bumabaling ang Marami

Sa mga lugar kung saan ang makabago at pangkaraniwang paraan ng paggamot ang siyang naging pamantayan ng pangangalaga, marami sa ngayon ang bumabaling sa tinatawag na alternatibo, o pantulong (complementary), na paraan ng paggamot. “Ang tulad Pader ng Berlin na matagal nang naghihiwalay sa alternatibong panggagamot at sa pangkaraniwang paraan ng paggamot ay waring gumuguho na,” ang sabi ng Consumer Reports ng Mayo 2000.

Ang The Journal of the American Medical Association (JAMA), ng Nobyembre 11, 1998, ay nagsabi: “Ang alternatibong mga paraan ng paggamot, salig sa nagagawa ng mga ito ay binigyang kahulugan bilang mga intervention [nakapagpapabago sa proseso ng paglaganap ng sakit], na hindi itinuturo nang malawakan sa mga paaralan sa medisina ni pangkaraniwan man itong makukuha sa mga ospital sa Estados Unidos, ay masidhing nakaakit sa pansin ng bansa mula sa media, mga manggagamot, mga ahensiya ng pamahalaan, at sa publiko.”

Gayunman, sa pagmamasid sa kasalukuyang kalakaran, ang Journal of Managed Care Pharmacy ay nagpaliwanag noong 1997: “Noon, ang tradisyunal na mga manggagamot ay nag-aalinlangan sa mga paraan ng alternatibong panggagamot, subalit 27 paaralan sa medisina sa Estados Unidos [sinasabi ng mas bagong ulat na ito’y 75] ang nag-aalok sa kasalukuyan ng alternatibong panggagamot bilang isang kurso na mapagpipilian, kasali na rito ang Harvard, Stanford, University of Arizona, at Yale.”

Sinabi ng JAMA kung ano ang ginagawa ng maraming pasyente sa pagsisikap na pabutihin ang kanilang kalusugan. Nag-ulat ito: “Noong 1990, tinatayang 1 (19.9%) sa 5 indibiduwal na nagpapatingin sa isang doktor dahil sa malubhang sakit ay gumagamit din ng alternatibong paraan ng paggamot. Tumaas ang porsiyentong ito sa halos 1 (31.8%) sa 3 noong 1997.” Sinabi rin ng artikulo: “Ang pambansang mga surbey na isinagawa sa labas ng Estados Unidos ay nagpapahiwatig na ang alternatibong panggagamot ay popular sa kabuuan ng industriyalisadong mga bansa.”

Ayon sa JAMA, ang proporsiyon ng populasyon na gumagamit ng alternatibong mga panggagamot sa nakalipas lamang na 12 buwan ay 15 porsiyento sa Canada, 33 porsiyento sa Finland, at 49 porsiyento sa Australia. “Ang dami ng humihiling para sa alternatibong panggagamot ay kapansin-pansin,” ang pag-amin ng JAMA. Ito’y lalong totoo kung isasaalang-alang ang bagay na ang alternatibong mga panggagamot ay bihirang isama sa mga benepisyo sa seguro. Kaya ganito ang pangwakas na sinabi ng artikulo sa JAMA: “Malamang na kulang ang paglalarawan sa interes na ipinakikita sa paggamit nito sa ngayon maliban na lamang kung isama sa seguro ang alternatibong panggagamot sa hinaharap.”

Ang kalakaran na pagsamahin ang alternatibo at pangkaraniwang paraan ng paggamot ay matagal nang isinasagawa sa maraming bansa. Si Dr. Peter Fisher, ng Royal London Homeopathic Hospital, ay nagsabi na ang pangunahing anyo ng pantulong na paraan ng paggamot ay “halos [naging] pangkaraniwan sa maraming lugar. Hindi na dalawa ang uri ng panggagamot, ang pangkaraniwan at pantulong na paraan ng paggamot,” ang sabi niya. “Mayroon na lamang mabuti at masamang panggagamot.”

Kaya naman kinikilala sa ngayon ng maraming manggagamot ang kahalagahan ng kapuwa pangkaraniwan at alternatibong panggagamot. Sa halip na ipagpilitan sa pasyente na tanggapin ang alinman sa isang anyo ng paggamot o ang iba pa, inirerekomenda nila na samantalahin ang anumang napatunayang makapagpapabuti sa pasyente na kinuha sa iba’t ibang anyo ng paggamot na nakapagpapagaling.

Ano ang ilang paraan ng pagpapagaling na kabilang sa tinatawag na alternatibo, o pantulong, na panggagamot? Kailan at saan nagmula ang ilan sa mga ito? At bakit napakarami ang gumagamit sa mga ito?