Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagharap sa mga Pagsubok sa Pamamagitan ng Lakas ng Diyos

Pagharap sa mga Pagsubok sa Pamamagitan ng Lakas ng Diyos

Pagharap sa mga Pagsubok sa Pamamagitan ng Lakas ng Diyos

AYON SA SALAYSAY NI STEPAN KOZHEMBA

Isang gabi noong unang mga araw ng Abril 1951, ang mga trak na may sakay na mga tropang Sobyet ay dumating sa aming nayon ng Stenyatyn sa Ukraine. Pinalibutan ng mga armadong sundalo ang mga tahanang patiuna nang pinili at dinala ang pami-pamilyang mga Saksi ni Jehova at ibiniyahe sila patungong Siberia. Bilang isang sensitibong 12-taóng-gulang, nagtataka ako kung bakit sila pinakitunguhan nang gayon at kung paano sila makapagbabata sa gayong pagdurusa.

AKO ay ipinanganak sa nayon ng Stenyatyn noong Oktubre 1938. Namatay si Inay dalawang linggo pagkatapos akong maisilang, at si Itay ay napatay noong 1944 habang nakikipagdigma kasama ng hukbong Sobyet laban sa Alemanya. Ang mga kapatid na babae ng aking ama, sina tiya Olena at Anna, ang kumupkop at nagpalaki sa akin.

Noong ako’y bata pa, kilala ko ang ilan sa mga Saksi ni Jehova sa aming bayan. Ipinakikipag-usap nila sa akin at sa iba ang hinggil sa Mesiyanikong Kaharian basta may pagkakataon. Sa kalaunan, naging kaibigan ko ang ilan sa mga kabataang Saksi. Nang sila’y dalhin ng mga tropang Sobyet at ipinatapon sa Siberia, talagang gulat na gulat ako.

Ngunit hindi lahat ng mga Saksi ay ipinatapon. Si Stepan, isang Saksi na nakatira malapit sa aming bahay, ay pinahintulutang maiwan, yamang ang kaniyang pamilya ay hindi mga Saksi. Mas matanda siya sa akin nang anim na taon, at nang tumigil na ako sa pag-aaral, nagtrabaho ako kasama niya bilang karpintero. Inaralan niya ako ng Bibliya, na ginagamit ang anumang kopya ng The Watchtower na maaaring makuha. Tuwang-tuwa si Stepan, na naglilingkod ngayon sa tunay na Diyos na si Jehova, sa Estonia, nang ako ay mabautismuhan noong Hulyo 1956.

Kasama na sa buhay ng sinumang lingkod ni Jehova sa Ukraine ang pagsalansang. Naghahalughog ang mga awtoridad sa mga tahanan upang maghanap ng literatura sa Bibliya, kaya marami akong taguan ng literatura. Tutol ang aking tiya Olena at tiya Anna, na mga Griego Katoliko, sa aking pakikipag-ugnayan sa mga Saksi. Sinikap pa nga nilang impluwensiyahan ako na huwag nang makisama sa kanila. Kung minsan, katulad ni apostol Pablo, nadarama kong ako’y ‘nasa ilalim ng sukdulang panggigipit na higit sa aking lakas.’ Ngunit pinalakas ako ng aking kaugnayan sa Diyos na Jehova upang mabata ang bawat pagsubok.​—2 Corinto 1:8; Filipos 4:13.

Ang Aking Pagsisikap na Manatiling Neutral

Ang paglilingkod sa hukbong Sobyet ay sapilitan para sa mga kabataang lalaki na 18 taóng gulang. Dahilan sa aking kaalaman sa Bibliya, determinado akong manatiling neutral kung tungkol sa mga gawain ng sanlibutan, na nangangahulugang tumutol akong sumali sa hukbong Sobyet. (Isaias 2:4; Juan 17:14-16) Hinimok ako nina tiya Olena at Anna na magsundalo, kahit na ang kanilang sariling kapatid na lalaki, ang aking ama, ay napatay sa digmaan.

Pagkatanggap ko ng mga papeles sa pangangalap ng mga sundalo, nagpunta ako sa punong-himpilan ng militar sa aming lugar at ipinaliwanag ang aking paninindigan. Kaagad akong inaresto at pagkatapos ay ikinulong habang inihahanda ang mga demanda laban sa akin. Ang paglilitis ay hindi ipinagbigay-alam sa publiko; kahit sa mga tiyahin ko ay hindi ipinaalam ang petsa nito. Lubusan akong nagpatotoo sa hukom, sa tagausig, at sa dalawang lalaking hurado. Pagkalipas ng 20 minuto, natapos itong lahat. Ang aking sentensiya​—limang taóng pagkabilanggo at karagdagang limang taon kung saan mawawalan ako ng ilang karapatan bilang isang mamamayan.

Pagsisilbi sa Aking Sentensiya

Pagkatapos ng paglilitis ay ibinilanggo ako sa Lviv. Sa loob ng tatlong buwan mula nang maaresto ako hanggang sa paglipat ko sa isang kampo ng sapilitang pagtatrabaho, wala akong pakikipagsamahan sa mga Kristiyano, walang Bibliya, at walang literatura sa Bibliya. Gayunman, nanatili akong aktibo sa espirituwal sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa mga kapuwa bilanggo, na nahihirapang makaunawa sa aking pagtangging maglingkod sa hukbo. Sa loob ng mga buwang iyon, umasa ako sa personal na pag-aaral na ginawa ko noon bago ako mabilanggo. Tinuruan ako ng karanasang iyon ng isang mahalagang aral: Ang personal na pag-aaral ng Bibliya ay tumutulong sa atin na magtipon ng espirituwal na reserba na magpapalakas sa atin kapag bumangon ang mga pagsubok.​—Juan 14:26.

Noong Abril 1958, inilipat ako sa kampo ng sapilitang pagtatrabaho bilang 21, na malapit sa Dnepropetrovsk, mahigit 700 kilometro mula sa aming tahanan, upang tapusin ang natitirang bahagi ng aking sentensiya. Doon ay gumigising kami ng 6:00 n.u., at pagkatapos mag-almusal ay isinasakay kami sa mga trak at dinadala sa aming pinagtatrabahuhan mga 50 kilometro sa labas ng kampo. Nagtatrabaho kami nang walong oras sa isang lugar ng pagtatayo, at pagkatapos ay ibinabalik kami sa kampo sa gabi para magpahinga.

Ang aming mga silid tulugan ay mga kuwartel na may nakatirang halos isang daang bilanggo bawat isa. Masama ang pagkain at hindi sapat, at napakahirap ng kalagayan sa buhay; ngunit kahit paano ay kasama ko ang dalawang kapuwa Saksi sa aking kuwartel. Talagang pinagsisikapan ng bawat isa sa amin na patibayin ang dalawang iba pa. Ito’y isang karagdagang paraan ng pagpapalakas ni Jehova sa kaniyang mga lingkod na nasa kabagabagan​—sa pamamagitan ng pakikipagsamahan sa mga kapananampalataya.​—2 Corinto 7:6.

Lahat-lahat, may 12 Saksi sa kampo. Ang ilan sa mga ito ay may mga kamag-anak sa labas ng bilangguan na nagpupuslit sa amin ng mga pahina ng The Watchtower na nakatago sa mga balutan ng pagkain. Karamihan sa mga balutan ay binubuksan ng mga guwardiya, na naghahalughog sa mga laman nito bago ito ipasa sa amin. Ngunit upang hindi mapuna, ang mga pahina ng The Watchtower ay binabalot ng plastik at inilalagay sa mga lata ng minatamis, na hindi na pinagkakaabalahan pang buksan ng mga guwardiya. Kapag natanggap na namin ang mga artikulo, kinokopya namin ang mga ito sa pamamagitan ng kamay at ibinabahagi namin ang mga ito sa isa’t isa.

Ginawa rin namin ang aming buong makakaya upang mangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos, at pinagpala ni Jehova ang aming mga pagsisikap. Halimbawa, nakilala ko ang isang bilanggo na nagngangalang Sergei, na nagtrabaho bilang isang accountant sa isang negosyo na pag-aari ng estado sa silangang bahagi ng Ukraine. Nang matuklasan ang pandaraya sa kaniyang pinagtatrabahuhan, siya ang pinanagot at sinentensiyahan ng sampung taóng pagkabilanggo. Inaralan siya ng ilang Saksi sa bilangguan, na ginagamit ang anumang mga magasin na makukuha. Tumugon si Sergei at sa wakas ay sinabi niya sa akin: “Kapag napalaya na ako sa kampo, gusto kong mabautismuhan bilang isang Saksi ni Jehova!” Totoo sa kaniyang salita, si Sergei ay nabautismuhan di-nagtagal matapos siyang mapalaya at siya ay matapat na naglingkod kay Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan.

Pagkalito Hinggil sa Roma Kabanata 13

Pinalaya ako sa bilangguan noong Enero 1963 at umuwi ako sa aking nayong tinubuan, sa Stenyatyn. Kaagad kong napansin na may problema sa lokal na kongregasyon sa Sokal. May pagkabalisa sa kapaligiran sa gitna ng mga kapatid. Ano kaya ang problema? Ano ang umakay sa kalagayang ito ng pag-aalinlangan?

Sa loob ng maraming taon ay sinisikap ng mga awtoridad ng Sobyet na maghasik ng di-pagkakasundo sa gitna ng bayan ni Jehova sa pamamagitan ng pagdakip sa mga kapatid na lalaki upang pagtatanungin at pahiwatigan sila na ang mga Saksi ay ginagamit upang itaguyod ang mga kapakanan ng Estados Unidos ng Amerika. Nagmungkahi ang mga opisyal na bumuo ang mga Saksi na nasa loob ng Unyong Sobyet ng kanilang sariling hiwalay na organisasyon, na sinasabi pa na pagkatapos nito ay makapagtatamasa na sila ng mapayapang ugnayan sa Estado at hahayaan na silang isagawa ang kanilang relihiyon nang walang pag-uusig. Ginawang nakalulugod pakingggan ng mga opisyal ang lahat ng ito.

Pagkatapos sa The Watchtower ng Nobyembre 15, 1962, na lumitaw nang dakong huli sa edisyong Ukrainyano ng Hulyo 1, 1964, isang bagong pagkaunawa sa Roma kabanatang 13 ang iniharap. Hanggang noong panahong iyon, nauunawaan namin na “ang nakatataas na mga awtoridad” na binanggit sa Roma 13 talatang 1 ay ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo, ngunit sinabi ng The Watchtower na “ang nakatataas na awtoridad” sa katunayan ay kumakatawan sa makalupang mga pamahalaan at na ang mga ito ay “inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon.”​—Roma 13:1.

Nahirapang paniwalaan ng ilang Saksi ang binagong pangmalas na ito, yamang ang mga pinuno ng makalupang pamahalaan sa Unyong Sobyet ay naging napakalupit sa mga pagsisikap nito na burahin ang tunay na pagsamba sa Diyos. Kaya naman, inakala ng mga Saksing ito na ang The Watchtower na naglalaman ng bagong unawa ay hindi nagmula sa opisyal na organisasyon ng mga Saksi ni Jehova. Sa halip, inakala nila na ang impormasyon ay gawa-gawa lamang ng mga nakipagkompromiso sa mga awtoridad upang gawing higit na masunurin ang mga Saksi sa Estado ng Sobyet.

Kaya ang bawat lingkod ni Jehova sa Ukraine ay napaharap sa tanong na, Aling grupo ang tama, at alin ang mali? Inobserbahan ko ang mga Saksi na sumusuporta sa magkabilang panig ng argumento at tinanong ko ang aking sarili, ‘Ano ang kanilang mga motibo?’ Di-nagtagal ay nakita ko ang maliwanag na pagkakaiba sa pagitan ng dalawang panig.

Nais ng karamihan sa mga Saksi ni Jehova, na ilan sa mga ito ay hindi pa lubusang nakauunawa sa bagong paliwanag ng Roma kabanata 13, na manatiling tapat kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. Gayunman, nagsimulang mag-alinlangan ang iba kung ang pinakahuling mga publikasyon ng Watch Tower Bible and Tract Society ay nagmumula pa rin sa opisyal na organisasyon ng mga Saksi ni Jehova. May hilig din ang mga ito na magkaroon ng labis-labis na mga pananaw sa ilang mga bagay. Halimbawa, sa palagay nila ay mali para sa isang kasintahang babae na magsuot ng puting damit sa kaniyang kasal at mali para sa mag-asawa na magsuot ng singsing sa kasal. Marami ang umalis sa organisasyon. Gayunman, marami sa mga ito ang nakatanto sa kanilang pagkakamali at bumalik sa paglilingkod kay Jehova nang dakong huli.

Palihim na Paggawa

Bagaman ipinagbabawal ang aming mga gawaing Kristiyano, kailanma’t posible ay nagdaraos kami ng aming lingguhang mga pulong nang may 10 hanggang 15 katao sa bawat grupo. Mula sa mga pulong ay nakakakuha kami ng espirituwal na lakas, kapuwa mula sa aming pag-aaral ng Bibliya at sa aming pagsasama-sama pagkatapos ng pag-aaral. Nagpapalitan kami ng aming mga karanasan, at ito ang tumulong sa amin na makitang ang bawat isa sa amin ay may magkakatulad na pagsisikap. Isinapuso namin ang isinulat ni apostol Pedro: “Ang gayunding mga bagay sa paraan ng mga pagdurusa ay nagaganap sa buong samahan ng inyong mga kapatid sa sanlibutan.”​—1 Pedro 5:9.

Ang mga artikulo sa The Watchtower ang naging saligan ng aming mga talakayan. Paano nakaaabot sa amin ang mga magasin? Ang mga Saksi na nagsisilbing mga tagapaghatid ay nagdadala ng mga kopya ng microfilm patawid sa hangganan patungo sa Ukraine. Ang mga film na ito ay ipinapasa mula sa isang Saksi patungo sa susunod sa isang ruta na patiunang isinaayos. Pagkatapos ang bawat isa sa mga ito ay gumagawa ng sapat na kopya para sa kaniyang kongregasyon. Kung minsan ay kasama ako sa paggawa ng gayong mga kopya. Nagtatrabaho ako sa buong maghapon at abala naman sa paglilingkod kay Jehova sa gabi, na gumagawa ng mga magasin at ng iba pang mga bagay. Isang hamon ang umalinsabay sa iskedyul, ngunit natutuhan naming mga pumapasan ng responsibilidad sa organisasyon na si Jehova “ay nagbibigay ng lakas sa pagod.”​—Isaias 40:29.

Gumagawa kami ng mga pagkakataon upang ipakipag-usap ang Bibliya sa mga taong nakikilala namin. Marami sa amin ang gumagawa nito habang nakasakay sa pampublikong transportasyon. Isang karaniwang paraan ng pagpapasimula ng usapan ay ang basta pagbabasa ng pang-araw-araw na diyaryo at pagkatapos ay banggitin lamang ang pinakabagong balita sa isang kapuwa pasahero. Minsang mapasimulan ang isang pag-uusap, ibinabaling namin ito sa isang paksa sa Bibliya. Sa ganitong paraan ay napalalaganap namin ang mabuting balita sa aming lugar.

Isang May-Kakayahang Asawang Babae

Noong 1965, pinakasalan ko si Tamara, na pinalaki bilang isang lingkod ng tunay na Diyos at nakaaalam kung ano ang kahulugan ng paninindigan para sa kaniyang pananampalataya sa ilalim ng pagsubok. Ang kaniyang kapatid na lalaki na si Sergei ay inaresto at nilitis na nang tatlong beses dahil sa kaniyang mga gawain bilang isang Saksi. Sa huling pagkakataon, natuklasan na nasa kaniyang pag-iingat ang mga kopya ng The Watchtower at siya ay sinentensiyahan ng sampung taóng pagkabilanggo. Si Tamara mismo ay dinala ng mga awtoridad sa kanilang punong-himpilan para pagtatanungin at pinagbantaan na ibibilanggo.

Mahirap maghanap ng matitirhan pagkatapos ng aming kasal, ngunit isang pamilya na nakatira sa Sokal na palakaibigan sa mga Saksi ang nag-alok sa amin ng isang maliit na kuwarto sa kanilang tahanan sa mababang halaga. Tiniyak sa amin ng pamilyang ito na maaaring patuloy na tumira si Tamara sa kuwartong iyon sakaling muli akong maaresto at mabilanggo. Laking pasasalamat naming mag-asawa kay Jehova dahil sa kaniyang pagpapala at sa pamilya dahil sa kanilang kabaitan. Nang maglaon, noong dumanas ang pamilya ng pangungulila, sinamantala ni Tamara ang pagkakataon upang ipaliwanag ang pag-asa ng pagkabuhay-muli sa anak na babae, si Galina. Ang mga binhi ng katotohanan sa Bibliya ay nagbunga, at si Galina ay lumaki na may pag-ibig sa ating Maylalang. Siya ay nabautismuhan at naglilingkod ngayon kay Jehova kasama ang kaniyang asawa.

Sa karamihan ng mga dulong sanlinggo noong dekada ng 1970 ay naglakbay ako sa iba’t ibang panig ng Ukraine maging sa Moldavia (Moldova) at sa Carpathian Mountains, na nakikipagpulong at nagpapatibay sa mga nangunguna sa organisasyon ni Jehova. Kadalasan ay umaalis ako ng Biyernes ng gabi at umuuwi ng bahay sa kalaliman ng gabi ng Linggo. Madalang malaman ni Tamara kung saan ako nagpupunta at kung minsan ay hindi pa nga siya nakatitiyak kung makababalik pa ako. Ang kalagayang ito ay tumagal nang maraming taon. Mapatutunayan ko lamang ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa isang may-kakayahang asawang babae: “Ang kaniyang halaga ay malayong higit kaysa sa mga korales.”​—Kawikaan 31:10.

Noong mga panahong iyon, anumang gawain bilang isang Saksi ni Jehova ay may kaakibat na panganib. Nakapagpatuloy lamang kami dahil sa lakas na inilalaan ni Jehova. Di-mabilang ang mga pagkakataon na napaharap ako sa mahihirap na situwasyon at hindi ko alam kung ano ang gagawin. Kaya mananalangin ako nang tahimik at aasa kay Jehova para sa lakas. Naging kaugalian namin sa buhay ang paggawa ng gayon.​—Gawa 4:29.

Nito Lamang Kamakailan

Sa paglipas ng panahon, naging mas maalwan ang buhay para sa mga lingkod ni Jehova sa Ukraine. Humupa ang pag-uusig, at ang mga sentensiya sa bilangguan ay nahalinhan na ng mga multa. Noong dekada ng 1980, natanto ng mga awtoridad na ang mga Saksi ni Jehova ay tunay ngang isang internasyonal na organisasyon. Kaya, sa pagbibilanggo sa mga Saksi sa Ukraine at sa iba pang dako sa Unyong Sobyet, sinisira ng Estado ang reputasyon nito sa ibang bansa. Naaalaala ko na tinanong ako ng isang opisyal na nagsabi sa akin: “Alam na namin ngayon na ang relihiyon ay hindi naman kailangang maging mapaminsala. Ang pangunahing alalahanin namin ay na hindi makapinsala sa Estado ang isang relihiyosong grupo.”

Sa Silangang Europa, nagsimulang mabuksan ang Bakal na Kurtina sa pagtatapos ng dekada ng 1980, at mula noon ay tinamasa na namin ang higit na kalayaan sa Ukraine. Noong 1991 ay ginawang legal ang aming gawaing pangangaral. Pagkatapos, noong Setyembre 1998, ang Samahang Watch Tower ay nagtatag ng isang tanggapang pansangay sa Lviv. Noong unang mga buwan ng 1999 ay pinasimulan ang konstruksiyon ng isang bagong pasilidad ng sangay na titirhan ng 170 manggagawa. Ngayon ay mayroon na kaming mahigit sa 112,000 na nakikibahagi sa gawaing pangangaral sa Ukraine, at mahigit na 250,000 ang dumalo sa Memoryal nitong taóng 2000. Ang pinakakapansin-pansin ay ang bilang ng mga kabataan sa aming mga hanay. Sa isang kombensiyon sa Kiev noong 1991, isang reporter ng pahayagan ang nagtanong sa akin:

“Saan nanggaling ang lahat ng mga taong ito? Akala ko’y walang mga Saksi ni Jehova sa Unyong Sobyet, at ngayo’y biglang libu-libo na!”

“Hindi kami lumitaw nang bigla-bigla na lamang, sa magdamag,” ang sabi ko sa kaniya. “Naglilingkod na kami kay Jehova dito sa loob ng maraming taon.”

“Paano ninyo naaakit ang napakaraming mga kabataan sa inyong relihiyon?” ang gusto niyang malaman.

“Ang mas mabuti pa ay tanungin ninyo mismo ang mga kabataan. Hayaan ninyong ikuwento nila sa inyo kung bakit gusto nilang paglingkuran si Jehova.”

“Tinanong ko na sila,” ang sabi ng reporter. “Sinabi nila sa akin na nasisiyahan sila dito.”

“E di iyan ang dahilan,” ang dagdag ko. “Kung iyan ang sinasabi ng aming mga kabataan, e di iyan ang paliwanag.”

Hindi lamang ang mga kabataan ang nasisiyahan sa paglilingkod kay Jehova. Kami ni Tamara ay naglilingkod na sa kaniya sa loob ng pinagsamang kabuuan na mahigit sa 80 taon at walang balak na ipagpalit ang aming pananampalataya sa anumang bagay. Bagaman kami ay mga Saksi ni Jehova, may mga problema pa rin kami. Nababatid namin na habang nananatili ang lumang sistemang ito, patuloy na mapapaharap ang lahat sa mga kahirapan. Ngunit higit kaming nasasangkapan na humarap sa mga pagsubok kaysa sa iba pang grupo ng tao sa lupa. Nananatili kaming determinado na harapin ang mga pagsubok na ito gaya ng ginawa namin noong nakalipas, sa pamamagitan ng lakas ng aming Diyos na makapangyarihan sa lahat, si Jehova. Nadarama namin ang gaya ng nadama ni Moises nang kaniyang awitin ang awit ng tagumpay: “Ang aking lakas at ang aking kalakasan ay si Jah, sapagkat siya ang naging aking kaligtasan.”​—Exodo 15:2.

[Larawan sa pahina 22]

Kasama ang mga kapuwa Saksi sa kampo ng sapilitang paggawa bilang 21

[Larawan sa pahina 22]

Microfilm ng isang “Watchtower” sa Ukrainyano (aktuwal na sukat)

[Larawan sa pahina 23]

Kasama ang aking asawa, si Tamara

[Larawan sa pahina 24, 25]

Ang pagkaguhit ng isang pintor sa bagong mga gusali ng sangay na itinatayo sa Lviv

[Mga larawan sa pahina 25]

Bakit napakaraming mga kabataan sa Ukraine ang naglilingkod kay Jehova?