Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Mahalaga ba ang Ikalawang Opinyon?

“Pagdating sa pagkuha ng ikalawang opinyon sa pagpapagamot, napakarami sa atin ang lubhang mapagpakundangan. Subalit ang kawalan ng paninindigan ay mangangahulugan sa mga pasyente ng kanilang buhay,” ang sabi ng The News sa Lunsod ng Mexico. Ang mga pasyente ay kadalasang takot na mainsulto ang kanilang doktor kung kukuha sila ng ikalawang opinyon. Subalit “hindi pinapansin ng karamihan sa mga doktor ang paghingi ng mga pasyente ng ikalawang opinyon,” ang sabi ng pahayagan. “Kung pinapansin iyon ng iyong doktor, maaaring magkaproblema.” Sa ngayon, minamalas ng mga doktor at ng mga kompanya sa seguro ang ikalawang opinyon na isang mabuting paraan upang matiyak ang pinakamabuting paggamot sa mga pasyente. Sinabi ni Dr. Michael Andrews, presidente ng Georgia Society of Clinical Oncology, na hinihimok niya ang kaniyang mga pasyente na kumuha ng ikalawang opinyon dahil kadalasan nang nagbabalik sila na may higit na tiwala sa kaniyang mga rekomendasyon. Ganito ang sabi ng patnugot ng isang pangkat hinggil sa kalusugang-bayan: “Kailangang tandaan ng mga pasyente na ang kanilang mga katawan ang nanganganib.”

Mapanganib na mga Kaibigan

Mas malamang na mamatay sa aksidente ang mga nagmamanehong tin-edyer kung may mga pasahero sa kotse, ayon sa pag-aaral na iniulat sa The Journal of the American Medical Association. Natuklasan ng mga mananaliksik sa Johns Hopkins University, Maryland, E.U.A., na ang panganib na mamatay ang nagmamanehong 16-na-taóng gulang ay tumaas nang 39 porsiyento kapag may kasamang isang pasahero, 86 na porsiyento kapag may kasamang dalawang pasahero, at 282 porsiyento kapag may kasamang tatlo o higit pang pasahero. Ang mga pangunahing dahilan na binanggit sa pag-aaral ay “ang mapanganib na mga paggawi sa pagmamaneho . . . , na lubhang kaugnay sa pagkakaroon ng mga kasamang kaedad.” Kasama sa mapanganib na mga paggawi ang matuling pagpapatakbo, pagtutok sa sasakyang nasa unahan, paglampas sa pulang ilaw, pagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng droga o alak, at pagkagambala dahil sa mga pasaherong naghaharutan.

‘Mas Matanda at Mas Matalino’

Natuklasan na ng mga mananaliksik na ang mga bahagi ng utak ay nakagagawa ng bagong mga selula habang nagkakaedad ang tao, ulat ng The Times ng London. Dati-rati’y pinaniniwalaang ang mga selula sa utak ay hindi na dumarami sa pagtanda. “Ang susi upang maparami [ang selula] ay panatilihing aktibo ang isip,” sabi ng The Times. Nasumpungan ng isang pag-aaral kamakailan sa mga taong mahigit nang 65 anyos na ang pag-aaral at pakikihalubilo sa ibang tao ay waring nagpapasigla sa paggawa ng bagong mga selula sa utak at sa mga koneksiyon nito. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang pakikihalubilo ay nakabubuti sa “kalusugan, haba at kalidad ng buhay.” Ganito ang komento ng neuroscientist na si Susan Greenfield: “Mientras mas marami ang iyong karanasan, mas dumarami ang mga koneksiyon ng mga selula sa iyong utak. Kaya habang tumatanda ang tao, siya ay nagiging mas matalino.”

Ruta sa Dagat Hilaga

Ang mangangalakal ng rekado noong ikalabing-anim na siglo na si Robert Thorne ay minsang nangarap na makasumpong ng isang ruta sa dagat mula sa Europa tungo sa Dulong Silangan sa pamamagitan ng pagdaan sa Artiko. Sa ngayon, nagkatotoo na ang pangarap ni Thorne, dahil sa pag-init ng globo, ang ulat ng The Times ng London. Ang mga katubigan sa kahabaan ng mga baybayin sa Russia at Silangang Siberia ay halos wala nang yelo ngayon sa lahat ng buwan ng tag-init, anupat nakapaglalayag ang mga barkong pangkargamento mula sa Dagat Hilaga, palibot ng Arctic Circle, at patungo sa Pasipiko na nagdaraan sa Bering Strait. Kung ang ruta ay nagyelo, kailangang gamitin ng mga barko mula sa Europa ang Suez Canal, magtungo sa pinakadulo ng Aprika sa timog, o maglakbay sa Panama Canal upang marating ang Dulong Silangan. Malaki ang mga pakinabang sa ekonomiya sa paggamit ng ruta sa dagat hilaga. Halos hinahati nito ang distansiya sa pagitan ng Hamburg, Alemanya, at Yokohama, Hapón​—tungo sa wala pang 13,000 kilometro.

Mga Problema sa Pagsusuri sa Dugo

“Mahigit na kalahati ng mga bansa sa daigdig ang hindi lubusang nagsusuri sa ipinagkaloob na dugo, anupat pinalalaki ang panganib na kumalat ang AIDS at ang iba pang karamdaman,” ang sabi ng isang ulat ng Associated Press. Ang ulat na ito, batay sa impormasyon mula sa World Health Organization, ay nagsasabi rin na “5 hanggang 10 porsiyento ng mga taong may virus ng AIDS ay tinatayang nahawahan sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo.” Gayunman, ang AIDS ay isa lamang sa mga karamdaman na naililipat sa ganitong paraan. Taun-taon, 8 hanggang 16 na milyong impeksiyon sa hepatitis B at 2 hanggang 4 na milyong impeksiyon sa hepatitis C ang kumakalat sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo at di-ligtas na paraan ng pag-iiniksiyon. Ang isang dahilan na ibinigay para sa di-sapat na pagsusuri sa dugo ay na ito ay mahal. Nagkakahalaga sa pagitan ng $40 at $50 ang bawat yunit upang masuri ang mga nakahahawang bagay na ito. Magkagayon man, ang gayong mga pagsusuri ay “hindi laging maaasahan, lalo na kung ito’y isinagawa ng mga tauhang hindi sinanay nang husto o sa pamamagitan ng hindi sapat na kagamitan,” sabi ng ulat.

Pag-abuso sa Bata sa India

Isang bata ang dinudukot tuwing sampung minuto sa India para gamitin sa prostitusyon, ang ulat ng The New Indian Express. Nangangahulugan ito na mga 50,000 batang taga-India ang sapilitang kinakalakal para sa prostitusyon sa bawat taon. Sa estado ng Kerala, isang seminar hinggil sa seksuwal na pag-abuso sa bata ang nag-ulat ng isa pang nakagigitlang tuklas. Ang mga doktor doon ay “bantulot na magsuri ng mga kaso ng panghahalay yamang hindi sila bihasa rito, ni gusto man nilang masangkot,” sabi ng pahayagan. Sa ilang kaso, nakaragdag pa nga sa problema ang mga magulang. Ganito ang sabi ni Superintendente Sreelekha ng Central Vigilance: “Ang mga magulang ay bantulot na magsampa sa mga awtoridad ng kaso [ng panghahalay] dahil sa maaaring danasing kahihiyan at pagtatakwil.”

Ang Pagsasalu-salo Bilang Pamilya ay Higit na Nakapagpapalusog

Isa sa pinakamabuting paraan upang matiyak ng mga magulang ang mabuting kalusugan para sa kanilang mga anak ay ang kumain na kasama nila, ang sabi ng pahayagang Globe and Mail. Ayon kay Dr. Matthew Gillman ng Harvard Medical School, “ang mga salu-salo ng pamilya ay may mga pagkain na mas masustansiya kaysa sa ibang maaaring kainin ng mga bata at mga nagbibinata’t nagdadalaga.” Ang mga bata na kumakain ng mga pagkaing inihanda para sa pamilya ay mas malamang na kumain ng iminumungkahing dami ng prutas at mga gulay, nakakukuha ng mga bitamina at mineral na kailangan nila, at umuubos ng mas kakaunting asukal at taba. Natuklasan din ng mga mananaliksik na ang pagkain nang salu-salo bilang pamilya ay pinagmumulan ng mga pag-uusap tungkol sa masustansiyang pagkain at ikinikintal nito sa mga bata ang mas mahusay na kaugalian sa pagkain​—mga kaugalian na tataglayin nila kapag kumain sila sa labas ng bahay. Natuklasan sa bagong pag-aaral, na kinuha mula sa isang patuloy na proyekto sa pananaliksik na ginagamit na sampol ang halos 16,000 mga bata na nasa pagitan ng edad 9 at 14, na “dalawa lamang sa limang bata na nasa edad na nag-aaral ang aktuwal na kumakain ng hapunan kasama ang kanilang mga magulang sa karamihan ng mga araw, at isa sa lima ang hindi kailanman nakagagawa nito,” ang sabi ng Globe.

Dalubhasang mga Manghahabi

“Ang seda ng gagamba ang isa sa pinakamatibay na materyales sa Lupa,” sabi ng magasing New Scientist. Ang bawat hibla ay maaaring mabanat nang dalawa hanggang apat na ulit ng haba nito bago malagot at gayon na lamang ito katibay anupat sinasabing ang isang hibla ng seda na kasingkapal ng isang lapis ay makapagpapahinto sa isang lumilipad na jumbo jet. Sinisikap ng mga mananaliksik na alamin ang mga sekreto ng gagamba sa paghahabi para gamitin sa iba’t ibang industriya. Halimbawa, ang kasalukuyang napiling tela para sa tsalekong di-tinatablan ng bala ay Kevlar, isang artipisyal na telang gawa mula sa “matapang na sulphuric acid na ininit hanggang sa temperatura ng kumukulong likido,” sabi ng magasin. Subalit bagaman ang kakambal na produkto sa paggawa ng Kevlar ay nakalalason at mahirap itapon, ang gagamba ay naghahabi ng seda mula sa “protina at karaniwang tubig, sa pH na antas at temperatura na katulad niyaong masusumpungan sa bibig ng tao.” Isa pa, ang halong ito ng tubig at protina ay hinahabi tungo sa isang tela na hindi natatangay ng ulan. Kaya, ganito ang sabi ng New Scientist: “Sa kabila ng mga taon ng pag-aaral, ang seda ng gagamba ay isa pa ring palaisipan.”

Polusyon sa Loob ng Bahay

“Sampung ulit na mas malamang ang polusyon sa loob ng inyong bahay kaysa sa inyong hardin sa harapan,” ang sabi ng The Times ng London. Ipinakita ng isang pag-aaral sa 174 na tahanan ng mga Britano na isinagawa ng Building Research Establishment na ang mga antas ng singaw ng formaldehyde, mula sa muwebles na naglalaman ng chipboard at iba pang sintetikong mga sangkap, ay sampung ulit na mas mataas sa loob ng bahay kaysa sa labas ng bahay. Labindalawa sa mga bahay na sinuri ang hindi nakatugon sa antas ng kalidad ng hangin ng World Health Organization. Ang sintetikong mga muwebles, sahig na yari sa vinyl, mga materyales sa pagtatayo at pandekorasyon, mga kimikal na panlinis, o mga kasangkapan sa pagpapainit at pagluluto ay makalilikha ng carbon monoxide, nitrogen dioxide, singaw ng benzene, o sumisingaw na organikong mga halo. Ang singaw ng benzene, isang kilalang carcinogen (sangkap na pinagmumulan ng kanser), ay isang sangkap sa mga isprey na panlinis at gayundin sa usok ng tabako, na isa pang pangunahing pinagmumulan ng polusyon sa loob ng bahay. Si Charlotte Gann, patnugot ng magasing Health Which?, ay nagsasabi na maraming tao ang gumugugol ng 80 hanggang 90 porsiyento ng kanilang panahon sa loob ng bahay. Siya’y nagpapayo na “bawasan ang ilang kimikal na produkto, buksan ang ilang bintana at tingnan ang mga kagamitang de-gas” upang mapabuti ang kalidad ng hangin sa loob ng bahay.