Ang Mahalagang Papel ng mga Nars
Ang Mahalagang Papel ng mga Nars
“Ang nars ay isang indibiduwal na nangangalaga, nagpapasigla, at kumakalinga—isang indibiduwal na handang mangalaga sa mga maysakit, napinsala, at matatanda na.”—Nursing in Today’s World—Challenges, Issues, and Trends.
ANG pagiging di-makasarili, bagaman mahalaga, ay hindi sapat upang ang isa ay maging isang may-kakayahang nars. Ang mahuhusay na nars ay nangangailangan din ng masusing pagsasanay at malawak na karanasan. Ang isang mahalagang kahilingan ay ang isa hanggang sa apat na taon o higit pa na pag-aaral at praktikal na pagsasanay. Subalit ano ang mga katangian na taglay ng isang mahusay na nars? Narito ang ilan sa mga sagot mula sa may-karanasang mga nars na kinapanayam ng Gumising!
“Ang doktor ang nagpapagaling, subalit ang nars ang nangangalaga sa pasyente. Ito’y kadalasang nangangahulugan ng pagpapalakas sa mga pasyenteng napinsala kapuwa sa emosyonal at pisikal na paraan kapag halimbawa ay ipinagbigay-alam sa kanila na mayroon silang malubhang sakit o na sila’y malapit nang mamatay. Kailangang ikaw ay maging isang ina sa maysakit.”—Carmen Gilmartín, Espanya.
“Mahalaga na nagagawa mong madama ang kirot at dalamhati na nararamdaman ng pasyente at na nais mong makatulong. Kailangan ang kabaitan at mahabang pagtitiis. Dapat na laging nais mong matuto pa nang higit tungkol sa pag-aaruga at sa medisina.”—Tadashi Hatano, Hapon.
“Nitong nakaraang mga taon, kinailangang magkaroon ng higit at higit na kaalamang propesyonal ang mga nars. Samakatuwid, ang pagnanais na mag-aral at ang kakayahang unawain ang pinag-aaralan ay mahalaga. Gayundin, kailangang gumawa ang mga nars ng madaliang pagpapasiya at mabilisang pagkilos kapag hinihiling ito ng situwasyon.”—Keiko Kawane, Hapon.
“Bilang isang nars, dapat kang magpamalas ng pagmamalasakit. Dapat na ikaw ay mapagpaubaya at nagpapamalas ng empatiya.”—Araceli García Padilla, Mexico.
“Ang isang mahusay na nars ay dapat na palaaral, mapagmasid, at lubhang propesyonal. Kung ang isang nars ay hindi mapagsakripisyo-sa-sarili—kung siya ay may bahid ng pagkamakasarili o kaya’y nagdaramdam kapag pinapayuhan ng ibang nakatataas sa kaniya sa medikal na propesyon—ang nars na iyon ay hindi magiging karapat-dapat kapuwa sa mga pasyente at sa mga
kamanggagawa.”—Rosângela Santos, Brazil.“Ang ilang mga katangian ay lubhang mahalaga: ang pakikibagay, pagkamatiisin, at pagiging matiyaga. Kailangan din na bukas ang iyong isipan, taglay ang kakayahan na makisama nang mahusay sa iyong mga kamanggagawa at sa ibang miyembro ng medikal na propesyon. Dapat na mabilis kang matuto ng bagong mga kasanayan upang manatili kang mabisa.”—Marc Koehler, Pransiya.
“Kailangang iniibig mo ang mga tao at nais mo talagang tumulong sa iba. Dapat ay kaya mong pakitunguhan ang kaigtingan sapagkat sa larangan ng pagnanars, kailangang puspusan ang iyong paggawa dahil kung hindi ay masama ang ibubunga nito. Dapat na magaling kang makibagay upang magawa mo ang parehong dami ng gawain kapag nagkataon na iilan lamang ang kasama mong kamanggagawa—nang hindi isinasaisang-tabi ang kalidad.”—Claudia Rijker-Baker, Netherlands.
Ang Nars Bilang Isang Tagapangalaga
Binanggit ng Nursing in Today’s World na “ang pagnanars ay ang pangangalaga sa tao sa iba’t ibang kalagayan na may kinalaman sa kalusugan. Kaya naman, iniisip natin na ang medisina ay kaugnay sa paggamot sa pasyente at ang pagnanars ay sa pangangalaga ng pasyenteng iyon.”
Samakatuwid, ang isang nars ay isang tagapangalaga. Maliwanag kung gayon, dapat na nagmamalasakit ang nars. Minsan, 1,200 rehistradong nars ang tinanong, “Ano ang pinakamahalaga sa iyong gawain bilang isang nars?” Ang paglalaan ng mahusay na pangangalaga ang sagot na ibinigay ng 98 porsiyento.
Kung minsan, minamaliit ng mga nars ang kanilang halaga sa mga pasyente. Si Carmen Gilmartín, na sinipi sa itaas, isang nars na may 12 taon nang karanasan, ay nagsabi ng ganito sa Gumising!: “Sa isang pagkakataon, ipinagtapat ko sa isang kaibigan na nadarama kong limitado lamang ang aking nagagawang pangangalaga sa malulubhang pasyente. Waring isa lamang akong ‘panakip sa sugat.’ Ngunit tumugon ang aking kaibigan: ‘Isang napakahalagang “panakip sa sugat,” sapagkat kung ang isang tao ay may sakit, ikaw ang kailangan niya higit sa lahat—isang madamaying nars.’”
Sabihin pa, ang paglalaan ng gayong pangangalaga ay nakapagdudulot ng matinding kaigtingan sa isang nars na nagtatrabaho ng sampu o higit pang oras araw-araw! Ano ang nagpakilos sa mapagsakripisyo-sa-sarili na mga tagapangalagang ito na maging mga nars?
Bakit Sila Naging Nars?
Kinapanayam ng Gumising! ang mga nars mula sa palibot ng daigdig at tinanong sila, “Ano ang nagpakilos sa iyo na maging isang nars?” Narito ang ilan sa kanilang mga sagot.
Si Terry Weatherson ay 47 taon nang nars. Siya ngayon ay nagtatrabaho bilang isang espesyalistang klinikal na nars sa Urology Department ng isang ospital sa Manchester, Inglatera. “Ako’y pinalaking Katoliko at pumasok ako sa isang Katolikong boarding school,” ang sabi niya. “Noong ako’y bata pa, aking pinagpasiyahan na nais kong maging isang madre o kaya’y isang nars. Taglay ko ang pagnanais na maglingkod sa iba. Maaaring sabihin na ito’y tawag mula sa Diyos. Gaya ng inyong nakikita, pinili ko ang pagiging nars.”
Walong taon nang nagpapatakbo ng sarili niyang klinika si Chiwa Matsunaga mula sa Saitama, Hapon. Sinabi niya: “Sinunod ko ang paraan ng pag-iisip ng aking ama na ‘pinakamainam ang matuto ng isang kasanayan na magpapangyari sa iyong makapagtrabaho ng buong buhay mo.’ Kaya aking pinili ang karera ng pagnanars.”
Si Etsuko Kotani mula sa Tokyo, Hapon, isang pangulong nars na may 38 taon nang karanasan sa pagnanars, ay nagsabi: “Nang ako’y nag-aaral pa, nabuwal ang aking ama at nawalan ng maraming dugo. Habang binabantayan ko ang aking ama sa ospital, ipinasiya ko na nais kong maging isang nars upang sa hinaharap ay matulungan ko ang mga taong maysakit.”
Ang iba ay napakilos ng kanilang sariling mga karanasan nang sila’y maysakit. Sinabi ni Eneida Vieyra, isang nars sa Mexico: “Nang ako’y anim na taong gulang, naospital ako sa loob ng dalawang linggo dahil sa bronchitis, at noon ko ipinasiya na nais kong maging isang nars.”
Maliwanag, ang pagnanars ay nangangahulugan ng malaking pagsasakripisyo sa sarili. Ating suriing mabuti kapuwa ang mga hamon at mga pagpapala ng marangal na propesyong ito.
Ang mga Kagalakan ng Pagiging Isang Nars
Ano ang mga kagalakan sa pagnanars? Ang sagot sa tanong na iyan ay depende sa kinabibilangang larangan ng pagnanars ng isa. Halimbawa, ang mga komadrona ay nakadarama ng kaligayahan sa bawat matagumpay na pagpapaanak. “Kahanga-hanga na makapagpaanak ng isang malusog na sanggol na nabantayan mo ang paglaki,” ang sabi ng
isang komadrona mula sa Netherlands. Sinabi ni Jolanda Gielen-Van Hooft, na mula rin sa Netherlands: “Ang pagpapaanak ay isa sa pinakamagandang bagay na maaaring maranasan ng isang mag-asawa—at ng isang manggagawang pangkalusugan. Iyon ay isang himala!”Si Rachid Assam mula sa Dreux, Pransiya, ay isang anesthetist na nars na lisensiyado ng Estado at mahigit nang 40 ang kaniyang edad. Bakit nasisiyahan siya sa pagnanars? Dahil sa “pagkadama ng kaluguran sa pagtulong na maging matagumpay ang isang operasyon at sa pagiging miyembro ng isang propesyon na kawili-wili at patuluyang sumusulong,” ang kaniyang sinabi. Si Isaac Bangili, na mula rin sa Pransiya, ay nagsabi: “Nababagbag ang aking damdamin sa mga kapahayagan ng pasasalamat na tinatanggap namin mula sa mga pasyente at sa kanilang mga pamilya, lalo na sa
mga gipit na kalagayan kung saan napabubuti namin ang lagay ng pasyente na akala nami’y wala nang pag-asa.”Ang isang kapahayagan ng gayong pasasalamat ay ipinaabot kay Terry Weatherson, na binanggit kanina. Isang balo ang sumulat: “Hindi ko mapalalampas ang pagkakataon nang hindi muling babanggitin ang hinggil sa kaginhawahan na aming natamo mula sa iyong mahinahon at maaasahang pagkanaroroon sa buong panahon na may sakit si Charles. Ang iyong pagkamadamayin ay nagsilbing liwanag, at naging katulad ito ng kanlungang bato na naglaan sa amin ng lakas.”
Pagharap sa mga Hamon
Ngunit kaakibat sa mga kagalakan ng pagnanars ang maraming hamon. Walang dako para sa mga pagkakamali! Iyon ma’y pagbibigay ng gamot o pagkuha ng dugo o pagtuturok ng kagamitan sa ugat o maging ang simpleng paglilipat ng pasyente, dapat na maging lubhang maingat ang isang nars. Hindi siya nararapat na magkamali—at ito’y lalo nang totoo sa mga lupaing pangkaraniwan ang paglilitis. Ngunit minsan ay nalalagay sa mahirap na situwasyon ang nars. Halimbawa, ipagpalagay na nadama ng isang nars na nagreseta ng maling gamot ang isang doktor sa isang pasyente o kaya’y nagbigay ng mga utos na hindi makabubuti para sa pasyente. Ano ang maaaring gawin ng nars? Tutulan ang doktor? Nangangailangan iyon ng katapangan, pagkamataktika, at diplomasya—at sangkot dito ang bagay na siya ay manganib. Nakalulungkot, may ilang doktor na hindi bukas ang isip sa mga mungkahi na galing sa mga itinuturing nilang nakabababa sa kanila.
Ano ang komento ng ilang nars hinggil dito? Si Barbara Reineke, mula sa Wisconsin, E.U.A., na isang rehistradong nars sa loob ng 34 na taon, ay nagsabi sa Gumising!: “Dapat na maging matapang ang isang nars. Una sa lahat, siya ay may legal na pananagutan sa mga gamot na kaniyang ibinibigay o sa mga paraan ng paggamot na kaniyang isinasagawa at sa anumang pinsala
na maaaring idulot ng mga ito. Dapat na kaya niyang tanggihan ang utos ng doktor kung nadarama niyang hindi na iyon bahagi ng kaniyang gawain o kung naniniwala siyang mali ang utos. Iba na ang pagnanars ngayon kumpara sa kung ano ito noong panahon ni Florence Nightingale o noong 50 taon na ang nakararaan. Ngayon, dapat na malaman ng nars kung kailan dapat tumanggi sa manggagamot at kung kailan dapat ipaggiitan na kailangang tingnan ng doktor ang pasyente, kahit na iyon ma’y sa hatinggabi. At kung ikaw ay mali, dapat na matibay ang iyong dibdib na tanggapin ang anumang paghamak sa iyo ng doktor.”Ang isa pang suliranin na kailangang harapin ng mga nars ay ang pandarahas sa trabaho. Isang ulat mula sa Timog Aprika ang nagsabi na “kinikilalang mas mataas ang personal na panganib na dumanas ng pang-aabuso at karahasan [ang mga nars] sa lugar ng trabaho. Sa katunayan, mas malaki ang posibilidad na salakayin ang mga nars sa trabaho kaysa sa mga guwardiya sa kulungan o mga pulis at 72% ng mga nars ang hindi nakadarama na sila’y ligtas mula sa pagsalakay.” Isang nakakatulad na situwasyon ang iniulat sa United Kingdom, kung saan 97 porsiyento ng mga nars na tumugon sa isang kamakailang surbey ang may isang kilalang nars na sinalakay noong nakaraang taon. Ano ang dahilan ng ganitong pandarahas? Kadalasan, ang suliranin ay nag-uugat sa mga pasyenteng nag-aabuso sa droga o naglalasing o nasa ilalim ng kaigtingan o naaapektuhan ng pagdadalamhati.
Kailangan ding pakitunguhan ng mga nars ang labis na pagkapagod na dulot ng kaigtingan. Ang kakulangan ng manggagawa ay isang salik. Kapag ang isang matapat na nars ay hindi makapagbigay ng sapat na pangangalaga sa pasyente dahil sa dami ng trabaho, di-katagalan ay naiipon ang kaigtingan. Ang pagsisikap na maiayos ang situwasyon sa pamamagitan ng pagliban sa oras ng pamamahinga at ng pagtatrabaho ng doble oras ay waring aakay lamang sa higit pang pagkasiphayo.
Sa buong daigdig, maraming ospital ang kulang sa mga manggagawa. “Kulang ang mga nars sa aming mga ospital,” ang sabi ng isang ulat sa Mundo Sanitario ng Madrid. “Ang sinuman na nangailangan ng pangangalaga sa kalusugan ay nakakakilala sa kahalagahan ng mga nars.” Ano ang ibinigay na dahilan ng may ganitong kakulangan? Ang pangangailangang magtipid ng pera! Ang ulat ding iyon ay nagsabi na kulang ng 13,000 propesyonal na mga nars ang mga ospital sa Madrid!
Ang isa pang nabanggit na dahilan ng kaigtingan ay ang mahahabang oras ng pagtatrabaho at ang mabababang pasuweldo. Sinabi ng The Scotsman: “Mahigit sa isa sa limang nars sa Britanya at
sangkapat ng mga katulong ng nars ang may ikalawang trabaho upang masapatan ang kanilang pangangailangan, ayon sa unyon ukol sa pampublikong pagseserbisyo, ang Unison.” Tatlo sa bawat 4 na nars ang nakadarama na kulang ang kanilang sahod. Bunga nito, marami ang nag-isip na iwanan ang propesyong iyon.May ilan pang salik na nakadaragdag sa kaigtingan ng mga nars. Salig sa mga komento na nakuha ng Gumising! galing sa mga nars mula sa buong daigdig, ang pagkamatay ng mga pasyente ay nakapanlulumo. Si Magda Souang, na lumaki sa Ehipto, ay nagtatrabaho sa Brooklyn, New York. Nang tanungin kung ano ang nagpapaging-mahirap sa kaniyang trabaho, tumugon siya: “Ang mapagmasdang unti-unting namamatay ang di-kukulangin sa 30 malulubhang pasyente na lubusan kong inalagaan sa loob ng sampung taon. Nakapanlulupaypay iyon.” Hindi kataka-taka na isang akda ang bumanggit: “Ang patuloy na pagbubuhos ng sarili sa mga pasyenteng namamatay ay labis na nakababawas sa pisikal at emosyonal na kalakasan ng isa.”
Ang Kinabukasan ng mga Nars
Ang pagsulong at impluwensiya ng teknolohiya ay patuloy na nagpapatindi sa mga panggigipit sa larangan ng pagnanars. Ang hamon ay ang pagsamahin ang teknolohiya at ang pagiging makatao, ang madamaying paraan ng pakikitungo sa mga pasyente. Walang makina ang makahahalili sa haplos at pagkamadamayin ng isang nars.
Isang babasahin ang nagsabi: “Ang pagiging isang nars ay isang walang-hanggang propesyon. . . . Hangga’t umiiral ang sangkatauhan, laging may pangangailangan para sa pagmamalasakit, pagkamadamayin, at pagkamaunawain.” Pinupunan ng pagiging isang nars ang gayong pangangailangan. Ngunit may higit na dahilan para magkaroon ng isang magandang pananaw tungkol sa pangangalagang pangkalusugan. Ipinakikita ng Bibliya na darating ang panahon na walang isa man ang magsasabi, “Ako ay may sakit.” (Isaias 33:24) Ang mga doktor, nars, at mga ospital ay hindi na kakailanganin sa bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos.—Isaias 65:17; 2 Pedro 3:13.
Ipinangangako rin ng Bibliya na “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:3, 4) Subalit pansamantala, dapat tayong magpasalamat sa lahat ng atensiyon na ibinibigay at sa sakripisyong ginagawa ng milyun-milyong nars sa buong daigdig, na kung hindi dahil sa kanila’y magiging hindi kanais-nais o lubhang kasuklam-suklam pa nga ang pagpapagamot sa ospital! Angkop na angkop nga, kung gayon, ang tanong na, “Mga nars—ano ang gagawin natin kung wala sila?”
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
Si Florence Nightingale—Isang Tagapagpasimula ng Makabagong-Panahong Pagnanars
Ipinanganak noong 1820 sa Italya ng mayayamang magulang na taga-Britanya, si Florence Nightingale ay pinalaki sa kaginhawahan. Tinanggihan ng kabataang si Florence ang mga alok sa pag-aasawa at itinaguyod ang pag-aaral hinggil sa kalusugan at pangangalaga sa mahihirap. Sa kabila ng pagsalansang ng kaniyang mga magulang, pumasok si Florence sa isang paaralan na nagsasanay sa mga nars sa Kaiserswerth, Alemanya. Nang maglaon, nag-aral siya sa Paris, at sa edad na 33, naging tagapamahala siya ng isang ospital para sa mga kababaihan sa London.
Ngunit napaharap siya sa kaniyang pinakamalaking hamon nang magboluntaryo siyang alagaan ang mga sugatang sundalo sa Crimea. Doon, kinailangang linisin niya at ng kaniyang grupo ng 38 nars ang isang ospital na puno ng mga daga. Mabigat ang gawain, yamang sa una ay walang sabon, walang mga lababo o tuwalya, at walang sapat na mga higaan, kutson, o mga benda sa sugat. Hinarap ni Florence at ng kaniyang grupo ang hamon, at sa pagtatapos ng digmaan, napangyari niya ang pambuong daigdig na mga reporma sa pagnanars at pangangasiwa ng isang ospital. Noong 1860, itinatag niya ang Nightingale Training School for Nurses sa St. Thomas’ Hospital sa London—ang unang paaralan sa pagnanars na walang kaugnayan sa relihiyon. Bago ang kaniyang kamatayan noong 1910, siya ay naratay sa kama sa loob ng maraming taon. Gayunpaman, patuloy siyang sumulat ng mga aklat at mga pulyeto sa pagsisikap na pabutihin ang pamantayan ng pangangalagang pangkalusugan.
Ang ilan ay tumututol sa matayog na pagkakalarawan kay Florence Nightingale, anupat nangangatuwiran na ang iba ay karapat-dapat din sa gayon kalaking karangalan para sa kanilang nagawa ukol sa larangan ng pagnanars. Karagdagan pa, ang kaniyang reputasyon ay pinagtatalunan. Ayon sa aklat na A History of Nursing, ang ilan ay nag-aangkin na siya’y “pabagu-bago, mapagmataas, matigas ang ulo, magagalitin, at dominante,” samantalang ang iba ay hangang-hanga sa kaniyang “karunungan at panghalina, sa kaniyang nakamamanghang katatagan, at ang mismong pagkakasalungatan sa kaniyang personalidad.” Anuman ang tunay niyang pagkatao, isang bagay ang tiyak: Ang kaniyang mga pamamaraan sa pagnanars at pangangasiwa ng isang ospital ay lumaganap sa maraming bansa. Siya ay itinuturing bilang ang tagapagpasimula sa propesyon ng pagnanars gaya ng pagkakilala natin dito ngayon.
[Larawan]
Ang St. Thomas’ Hospital pagkatapos na maitatag ang Nightingale Training School for Nurses
[Credit Line]
Courtesy National Library of Medicine
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
Mga Kuwalipikasyon ng Isang Nars
Nars: “Isang persona na sinanay lalo na sa makasiyensiyang saligan ng pag-aaruga at nakaaabot sa itinakdang pamantayan ng edukasyon at kasanayan sa klinika.”
Rehistradong nars: “Isang nagtapos na nars na awtorisado (rehistrado) ayon sa batas na maglingkuran matapos na bigyan ng pagsusulit para sa mga nars ng isang pangkat ng tagapagsuri na pinili ng estado . . . at may karapatan ayon sa batas na gamitin ang katawagang R.N.”
Espesyalistang klinikal na nars: “Isang rehistradong nars na may mataas na antas ng kaalaman, kasanayan, at kakayahan sa isang espesyalisasyon sa larangan ng pagnanars.”
Komadrona na nars: “Isang indibiduwal na edukado sa larangan ng kapuwa pagnanars at pagiging komadrona.”
Praktikal na nars: “Isang nars na may praktikal na karanasan sa pag-aaruga subalit hindi nagtapos mula sa anumang uri ng paaralan sa pagnanars.”
Lisensiyadong praktikal na nars: “Isa na nagtapos sa isang paaralan ng praktikal na pagnanars . . . na awtorisado ayon sa batas na maglingkuran bilang isang lisensiyadong praktikal o bokasyonal na nars.”
[Credit Lines]
Mula sa publikasyon sa E.U. na Dorland’s Illustrated Medical Dictionary
UN/J. Isaac
[Kahon/Mga larawan sa pahina 9]
‘Ang Pundasyon ng Pangangalagang Pangkalusugan’
Sa International Council of Nurses Centennial Conference noong Hunyo 1999, sinabi ni Dr. Gro Harlem Brundtland, pangkalahatang direktor ng World Health Organization:
“Ang mga nars, bilang ang mahahalagang propesyonal sa kalusugan, ay nasa natatanging posisyon upang kumilos bilang maimpluwensiyang mga tagapagtaguyod ng isang ligtas na planeta. . . . Yamang ang mga nars at komadrona ang bumubuo ng hanggang sa 80% ng kuwalipikadong manggagawa sa kalusugan sa karamihan ng pambansang kaayusan para sa kalusugan, kinakatawanan nila ang isang potensiyal na malakas na puwersang magpapangyari sa kinakailangang mga pagbabago upang masapatan ang pangangailangan ng Kalusugan Para sa Lahat sa ika-21 siglo. Tunay na ang kanilang tulong sa serbisyong pangkalusugan ay sumasaklaw sa kabuuan ng pangangalagang pangkalusugan . . . Maliwanag na ang mga nars ang pundasyon ng karamihan sa mga grupo ng pangangalagang pangkalusugan.”
Ang dating presidente ng Mexico na si Ernesto Zedillo Ponce de León ay nagbigay ng pantanging papuri sa mga nars ng Mexico sa isang talumpati kung saan kaniyang sinabi: “Sa bawat araw lahat kayo . . . ay nag-uukol ng inyong pinakamahusay pagdating sa kaalaman, pagkakaisa, at paglilingkuran upang mapanatili at mapanumbalik ang kalusugan ng mga Mexicano. Bawat araw ay inilalaan ninyo sa mga nangangailangan hindi lamang ang inyong propesyonal na tulong kundi maging ang kaaliwan na nagmumula sa inyong mabait, dibdiban, at lubhang makataong pakikitungo. . . . Kayo ang pinakamalaking bahagi ng ating mga institusyong pangkalusugan . . . Sa bawat buhay na naililigtas, sa bawat batang nababakunahan, sa bawat inaalalayan na panganganak, sa bawat usapang pangkalusugan, sa bawat paggamot, sa bawat pasyente na tumatanggap ng atensiyon at lubos na pag-alalay, naroroon ang gawain ng aming mga nars.”
[Credit Lines]
UN/DPI Photo by Greg Kinch
UN/DPI Photo by Evan Schneider
[Kahon/Larawan sa pahina 11]
Isang Mapagpasalamat na Doktor
Kinilala ni Dr. Sandeep Jauhar ng New York Presbyterian Hospital ang kaniyang pagkakautang sa mahuhusay na nars. Isang nars ang mataktikang kumumbinsi sa kaniya na ang isang naghihingalong pasyente ay nangangailangan ng higit pang morpina. Kaniyang isinulat: “Ang mahuhusay na nars ay nagtuturo rin sa mga doktor. Ang mga nars na nasa pantanging mga ward tulad ng intensive care unit ay ilan sa mga propesyonal sa ospital na tumanggap ng pinakamahusay na kasanayan. Nang ako’y isang intern, tinuruan nila ako kung paano ilagay ang mga catheter at isaayos ang mga ventilator. Sinabi nila sa akin kung anong mga gamot ang dapat iwasan.”
Kaniyang ipinagpatuloy: “Ang mga nars ay naglalaan ng mahalagang pangkaisipan at emosyonal na suporta sa mga pasyente, sapagkat sila ang higit na nakakasama ng mga ito. . . . Bihirang-bihira na hindi ako dagling tumutugon kapag ang isang nars na aking pinagtitiwalaan ay nagsabi sa akin na kailangan kong tingnan karaka-raka ang isang pasyente.”
[Larawan sa pahina 7]
“Taglay ko ang pagnanais na maglingkod sa iba.”—Terry Weatherson, Inglatera.
[Larawan sa pahina 7]
“Habang binabantayan ko ang aking ama sa ospital, ipinasiya ko na nais kong maging isang nars.”—Etsuko Kotani, Hapon.
[Larawan sa pahina 7]
‘Ang pagpapaanak ay isa sa pinakamagandang bagay na maaaring maranasan ng isang komadrona.’—Jolanda Gielen-Van Hooft, Netherlands.
[Larawan sa pahina 8]
Ang mga komadrona ay nagtatamo ng kagalakan at kasiyahan sa pagpapaanak