Kilalanin ang mga Pukyutan na Walang Tibo sa Australia
Kilalanin ang mga Pukyutan na Walang Tibo sa Australia
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA
NARANASAN mo na bang maaliw ng nakapagpapaginhawang hugong ng mga abalang pukyutan habang nagpapalipat-lipat ang mga ito sa mga bulaklak sa napakaliwanag na sikat ng araw sa pasimula ng tagsibol? Tunay na napakaganda nga ng mga insektong ito. Kung hindi nga lamang sana nakatitibo ang mga ito!
Baka magulat ka na malaman na may mga pukyutan na hindi nakatitibo. Kilala ang mga ito bilang mga pukyutan na walang tibo ng Australia, at matatagpuan ang mga ito sa maraming bahagi ng silangan ng Australia. Ang mga pukyutan na walang tibo ay halos apat na milimetro lamang ang haba. Kulay itim ang mga ito, na may makakapal na puting balahibo sa kanilang mga mukha at mga tagiliran. Marami sa mga ito ang may maliliit na dilaw na tuldok sa mga tagiliran nito sa likod ng kanilang panggitnang mga bahagi ng katawan. Di-kukulangin sa sampung uri ng mga walang-tibong pukyutan ang matatagpuan sa kahabaan ng baybayin mula sa malayong kahilagaan ng Queensland hanggang sa katimugan ng New South Wales. Ang ilan ay matatagpuan din sa tropikal na lugar ng kontinente sa Northern Territory.
Isip-isipin ang mga kapakinabangan para sa mga kumukuha ng pulot-pukyutan mula sa mga bahay-pukyutan. Sinabi ng isang tagapangalaga ng pukyutan: “Samantalang kailangan kong magsuot ng pampukyutang lambong at sweter na may kuwelyong mataas at nakalupi upang makapagtrabaho [sa iba pang uri ng pukyutan], wala akong kailangang isuot upang ingatan ang aking sarili mula sa [mga pukyutan na walang tibo]. Limang minuto pagkatapos kong buksan ang kahon, nagtatrabaho pa rin ang mga pukyutan na para bang wala ako roon.”
Ang mga bahay-pukyutan ng mga pukyutan na walang tibo ay ibang-iba sa iba pang pukyutan. Sa katunayan, ang mga ito ay kadalasang tinatawag na mga pugad. Sa halip na imbakin ang kanilang pulot-pukyutan at polen sa pangkaraniwang bahay-pukyutan na hugis heksagono, gumagawa ang mga pukyutan na walang tibo ng kumpul-kumpol na habilog na lalagyan. Isinasara ang mga lalagyan pagkatapos na ito’y mapuno, at pagkatapos ang iba pang mga lalagyan ay ginagawa sa ibabaw nito o sa palibot nito.
Sa Loob ng Pugad
Gunigunihin nating naglilibot tayo sa loob ng pugad, na tinatahanan ng mga 15,000 pukyutan na walang tibo. Subalit mag-ingat, dahil bagaman ang mga pukyutang ito ay hindi nakatitibo, maaari ka nilang kagating bigla sa pamamagitan ng mga sihang, o mga panga nito.
Sa pagdaan sa pasilyo ng pugad, tatambad sa atin ang isang magawaing daigdig. May tunay na pagtutulungan sa gitna ng mga pukyutang ito. Alam na alam ng bawat isa kung ano ang gagawin at kung saan ito kailangang gawin. Makikita natin ang isang munting pukyutan na naghuhulma at nagpapakinis ng isang bagong lalagyan ng pulot-pukyutan, na para bang may pagkametikulosong sinusundan ang isang napakahusay na blueprint. Nasa tabi natin ang apat pang pukyutan, na nagsasara ng isang lalagyan na kapupunô pa lamang ng pulot-pukyutan. Isang malaking tatluhang-sukat (three dimensional) na balag ang naglalaan ng balangkas kung saan ginagawa ang mga lalagyan ng pulot-pukyutan. Ang obramaestrang ito ng inhinyeriya ang tumutulong upang suportahan ang bigat ng pulot-pukyutan.
Papasok tayo ngayon sa susunod na silid at mapapansin natin ang isang pukyutan na mas malaki kaysa sa iba. Ito ang maringal na reyna! Napakaganda niya, na nadaramtan ng matingkad na itim at ginintuang pabilog na guhit at napalilibutan ng pulutong ng iba pang abalang mga pukyutan! Nagsisimula na ngayong mangitlog ang reyna sa 60 silid na inihanda para sa kaniya. Gayon na lamang siya kaingat at kaselan, anupat ipinaaalaala sa atin ang isang ina na naglalagay ng kaniyang sanggol sa isang kuna! Pansinin din kung gaano kabilis na isinasara ng mga manggagawa ang mga silid pagkatapos mangitlog sa mga ito ang reyna. Sa loob ng ilang minuto, tapos ang trabaho.
Kapag Napisa ang mga Itlog
Kapag napisa ang mga itlog, ang bawat lumabas na maliit na uod (o, larva) ay kumakain ng pagkain na inilagay sa silid na pinaghandaan para dito. Pagkatapos nitong mapagkalakhan ang madulas na silid, nag-iikid ang uod ng bahay-uod na seda para sa sarili nito. Sa loob ng bahay-uod na ito, nagiging isang pukyutan ang isang uod (na dumaraan sa yugto ng pagiging isang pupa). Sa dakong huli, lumalabas ito sa bahay-uod at nagsisimulang magtrabaho—iyon ay, pagkatapos itong mapalayaw nang kaunti ng ilang pukyutang tagapag-alaga. Ano ang nangyayari sa madudulas na silid? Agad na kinokolekta ang mga ito, at ginagamit muli ang materyal. Kapag lumabas na ang mga pukyutan mula sa kanilang mga bahay-uod, hindi na kinakailangan ang mga bahay-uod na ito. Kung iiwanan doon ang mga ito, magiging kalat lamang ito sa pugad. Kaya inaalis ng pagkarami-raming tagalinis na pukyutan ang mga tirá-tirahan na ito.
Maraming uri ng pukyutan na walang tibo ang gumagawa ng isang materyal para sa pagtatayo na tinatawag na cerumen. Ito’y ginagawa mula sa pagkit na nagmumula sa mismong katawan ng mga pukyutan na inihalo sa resina at sa pagkit na kanilang tinitipon mula sa mga halaman at mga punungkahoy. Ginagamit ang cerumen upang makapagtayo ng balangkas ng mga poste at biga at mga pahalang na barakilan, anupat pinatitibay ang lahat ng hugpungan. Habang hinuhulma ng mga ito ang mga lalagyan ng pulot-pukyutan at polen sa balangkas na ito, pabalik-balik ang mga pukyutan sa loob ng mga lalagyan, anupat inihuhugis at pinipikpik ang cerumen. Pagkatapos ang mga lalagyan ay pinupuno at isinasara para imbakin. Palibhasa’y likas sa kanila, parang alam ng mga pukyutan ang kahalagahan ng mga halaman ayon sa panahon at ang mga panganib ng lagay ng panahon. Waring lubos na nababatid ng mga ito na ang pag-iipon at pag-iimbak ng pagkain ay isang mahalagang pangangailangan para mabuhay.
Iniiwan ng mga pukyutan ang pugad at naghahanap ng materyal para sa pagtatayo gayundin ng nektar at polen. Kapag nasa labas na ng pugad, nagiging kuwalipikadong piloto at nabigante ang pukyutan. Alam na alam din ng pukyutan kung ano ang titipunin at kung saan ito masusumpungan.
Pagpapasimula ng Isang Bagong Tahanan
Habang lumalaki ang kolonya, nagiging masikip na ang pugad. Ano na ngayon ang mangyayari? “Kailangang magtayo tayo ng isa pang bahay” ang waring mensaheng inihahatid sa pamilya. Paminsan-minsan, isang tagahanap ang magsusuri ng isang butas na maaaring maging angkop na lugar ng pugad. Kasunod nito ang pagbisita ng “mga inhinyero.” Karaniwan nang 30 hanggang 50 sa mga ekspertong ito ang nagsusuri sa panloob na dingding ng butas na ito sa loob ng ilang oras, na para bang minamarkahan ito ng mga linya at mga tulos. Pagkatapos, kapag natiyak na mahusay ang pundasyon, umuuwi sila, malamang para mag-ulat. Kasunod nito, karaniwan nang sa loob ng 48 oras, dumarating ang talagang “mga tagapagtayo.” Maaaring mahigit sa isang libong pukyutan ang kabilang dito—subalit walang reyna. Agad na nagtatrabaho ang mga ito, na nagdadala ng materyal sa pagtatayo at pagkain mula sa naunang pugad.
Bilang paghahanda sa pagdating ng reyna ng bagong pugad na ito, ang pugad na pangingitlugan ay dapat na itayo upang mapanatili ang tamang temperatura—mga 28 digri Celcius. Upang magawa ito, pinalilibutan ng mga trabahador na pukyutan ang pugad ng dingding na gawa sa cerumen, na para bang binabalutan ng kumot ang pugad. Para bang alam ng matatalinong pukyutan na ito na dapat panatilihing mainit ang mga itlog. Handa na ngayon ang lahat, at sa halos ikasiyam na araw, ang bagong reyna, na lumaki sa naunang pugad, ay ipinapasok. Agad-agad, magsisimula itong mangitlog na siyang maglalabas ng mas maraming pukyutan para sa kaniyang palasyo.
Unti-unti, ang mga pukyutan na lumipat mula sa dating pugad ay mamamatay at papalitan ng bago at mas batang mga pukyutan sa bagong tahanang ito. Pagdating ng panahon, masusumpungan ng mga pukyutan na nanggaling sa pugad na ito na kailangang magtayo ng isa na namang bahay. At magpapatuloy ang isa na namang kahanga-hangang siklo na dinisenyo ng isang di-mapapantayang Maylalang!
[Larawan sa pahina 13]
Sa halip na gumawa ng mga bahay-pukyutan na hugis heksagono, gumagawa ang mga pukyutan na walang tibo ng mga lalagyang habilog ang hugis
[Larawan sa pahina 14]
Humigit-kumulang sa sampung uri ng mga pukyutan na walang tibo ang masusumpungan sa Australia