Mga Nars—Bakit Kailangan Natin Sila?
Mga Nars—Bakit Kailangan Natin Sila?
“Ang pagiging isang nars ay isa sa pinakamahirap na sining. Maaaring pakikiramay ang motibo, subalit ang kaalaman ang tanging lakas na nagpapakilos sa amin.”—Mary Adelaide Nutting, 1925, ang unang propesor sa pagnanars sa buong daigdig.
SA PINAKASIMPLENG anyo nito, ang pagnanars ay nagpasimula libu-libong taon na ang nakararaan—mula pa nang kapanahunan ng Bibliya. (1 Hari 1:2-4) Sa buong kasaysayan, maraming namumukod-tanging kababaihan ang nag-aruga sa mga maysakit. Halimbawa, isaalang-alang si Elizabeth ng Hungary (1207-31), anak ni Haring Andrew II. Isinaayos niya ang pamamahagi ng pagkain nang magkaroon ng taggutom noong 1226. Pagkatapos nito, isinaayos niya na makapagtayo ng mga ospital, at doon ay inalagaan niya ang mga ketongin. Namatay si Elizabeth sa edad na 24 na anyos lamang, matapos na gugulin ang kalakhang bahagi ng kaniyang maikling buhay sa pag-aalaga sa mga maysakit.
Imposibleng talakayin ang kasaysayan ng pagnanars nang hindi binabanggit si Florence Nightingale. Kasama ang isang grupo ng 38 nars, muling isinaayos ng matapang na babaing ito mula sa Inglatera ang ospital ng militar na nasa Scutari, isang maliit na komunidad sa may Constantinople, samantalang nagaganap ang Digmaan sa Crimea noong 1853-56. Nang dumating siya roon, halos 60 porsiyento ang bilang ng namamatay; nang umalis siya noong 1856, naging mababa pa iyon sa 2 porsiyento na lamang.—Tingnan ang kahon sa pahina 6.
Ang isa pang may malaking impluwensiya sa larangan ng pagnanars ay ang Institution of Protestant Deaconesses sa Kaiserswerth, Alemanya, na pinasukan ni Nightingale bago siya nagpunta sa Crimea. Nang maglaon, nabuo ang iba pang namumukod-tanging grupo sa pagnanars. Halimbawa, noong 1903, itinatag ni Agnes Karll ang Professional Organization for German Nurses.
Sa ngayon, ang mga nars ang bumubuo sa itinuturing na pinakamalaking grupo ng mga propesyonal sa bahagi ng ating sistema ng pangangalaga sa kalusugan. Iniuulat ng World Health Organization na sa kasalukuyan ay may mahigit sa 9,000,000 nars at komadrona na naglilingkod sa 141 bansa. At tunay ngang mahalaga ang
gawain na kanilang isinasagawa! Binabanggit ng The Atlantic Monthly na “inilalaan [ng mga nars] ang pinagsama-samang pangangalaga, kaalaman, at tiwala na lubhang mahalaga sa kaligtasan ng pasyente.” Kaya naman, angkop na maitatanong natin hinggil sa mga nars, Ano ang gagawin natin kung wala sila?Ang Papel ng Nars sa Paggaling
Binibigyang katuturan ng isang ensayklopidiya ang pagnanars bilang “ang proseso ng pagtulong ng isang nars sa isang pasyente upang ito ay gumaling mula sa isang karamdaman o pinsala sa katawan, o upang ito ay muling makapagsarili hangga’t maaari.”
Mangyari pa, maraming bagay ang sangkot sa prosesong iyon. Hindi lamang iyon basta pagsasagawa ng rutin na pagsusuri, tulad ng pagkuha sa pulso at sa presyon ng dugo. Ang nars ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa paggaling ng pasyente. Ayon sa The American Medical Association Encyclopedia of Medicine, “ang nars ay higit na nababahala sa pangkalahatang reaksiyon ng pasyente sa sakit kaysa sa sakit mismo, at nakatuon ang pansin niya sa pagsisikap na mabawasan ang pisikal na kirot, maibsan ang mental na paghihirap, at kung posible, maiwasan ang mga komplikasyon.” Karagdagan pa, inilalaan ng nars ang “maunawaing pangangalaga, na kasali rito ang matiyagang pakikinig sa mga kabalisahan at pangamba, at ang paglalaan ng suporta at kaginhawahan sa emosyon.” At kapag naghihingalo ang pasyente, ayon sa ulat ng akdang ito, ang papel ng nars ay ang “tumulong sa pasyente na harapin ang kamatayan nang may kakaunting pagkasiphayo at may higit na dignidad hangga’t maaari.”
Maraming nars ang gumagawa ng higit pa kaysa sa inaasahan sa kanila. Halimbawa, si Ellen D. Baer ay sumulat hinggil sa kaniyang karanasan sa Montefiore Medical Center sa New York City. Ayaw niyang madaliin ang kaniyang pang-umagang pagdalaw sa mga pasyente kasama ng grupo na nag-oopera. “Nais kong manatili kasama ng mga pasyente,” ang isinulat niya. “Nais ko silang tulungan sa kanilang paghinga, tulungan sila sa pagkilos, maayos na palitan ang gasa sa kanilang mga sugat, sagutin ang kanilang mga tanong, ipaliwanag ang mga bagay-bagay sa kanila, at mag-alok ng personal na kaaliwan. Gusto ko ang damdamin ng pagiging malapit dulot ng pakikipagkaibigan at pakikipag-ugnayan sa mga pasyente.”
Walang alinlangan na ang sinuman na gumugol ng panahon bilang isang pasyente sa isang ospital ay makakaalaala sa isang madamaying nars na nagpamalas ng gayong espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili. Ngunit ano ang kailangan para maging isang may-kakayahang nars?
[Larawan sa pahina 3]
Si Florence Nightingale
[Credit Line]
Courtesy National Library of Medicine