Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Gustong Tumaba Dahil sa Takot

Sa takot na mapagkamalan silang mga biktima ng AIDS, “ang ilang babae sa hilaga ng Cameroon ay umiinom ng mga gamot na nakapagpapataba,” ang sabi ng isang ulat sa pahayagang Le Messager sa Douala, gaya ng inilathala sa Courrier International. “Napakabilis na kumalat ang balita kapag ang isang taong may sakit ay gumaan ang timbang, at sa opinyon ng publiko, ang pagbaba ng timbang ang pinakakilala pa ring sintomas ng sakit na ito.” Ito’y kilala rin sa Aprika bilang ang sakit na pamamayat. Ang mga gamot, na ipinagbibili sa ilegal na pamilihan, ay iniinom nang “walang anumang reseta ng doktor,” ang sabi ng pinagmulan ng balita sa Aprika. Gayunman, para sa payat na mga kabataang babae, ang mga sabi-sabi at ang takot na itakwil ng lipunan dahil sa ipinalalagay na impeksiyon ng HIV ay mas matindi kaysa sa posibleng panganib.

Patotoo ng Pagdalaw ni Pablo sa Cyprus?

“Ang mga arkeologong Italyano sa Paphos, sa mabato at maaraw na timog-kanlurang baybayin ng Cyprus, ay nagsasabing natuklasan na nila ang pinakauna at mahalagang ebidensiya ng pagpunta ni Pablo sa pulo,” ang sabi ng Biblical Archaeology Review. “Hanggang ngayon, ang pagdalaw ng apostol ay nalalaman lamang mula sa Bagong Tipan, na nagsasalaysay na si Pablo, sa kaniyang unang paglalakbay misyonero, ay ‘naglayag patungong Cyprus,’ kung saan tinawid niya ang ‘buong pulo hanggang sa Pafos’ (Gawa 13:4-6).” Ang ebidensiya ay binubuo ng isang piraso ng marmol na plake na kakikitaan ng dalawang linya ng salitang Griego. Sa itaas ay mababasa ang “LOY,” at sa ilalim naman ay “OSTO.” Ito ay binuong muli ng mga arkeologo upang mabasa na (PAU)LOY (AP)OSTO(LOY),” o “Pablo apostol,” at binigyan nila ito ng petsa na una o ikalawang siglo C.E. “Ang piraso sa Pafio [Paphos] ay nagbibigay sa amin ng pagkakataon na muling buuin ang mapa ng mga paglalakbay ni Pablo,” ang sabi ni Filippo Giudice, pinuno ng grupo ng mga arkeologo.

Pagpapangalan sa Bagong mga Uri Alinsunod sa Pangalan Mo

“Naghahanap ka ba ng higit na pantanging regalo para sa isang minamahal na waring nagtataglay na nang lahat?” ang tanong ng magasing Science. “May makukuhang tulong. Kapalit ng donasyon para sa pagsasaliksik sa biyodibersidad, maaari mong bigyan ng pangalan ang dating di-kilalang mga uri ng orkidya, o lamok, o lintang-dagat, alinsunod sa pangalan ng iyong mga minamahal at maitala sa makasiyensiyang literatura nang panghabang-panahon.” O maaari itong alinsunod sa pangalan mo. Ang kamakailang pananaliksik ay nagsasabi na ikasampung bahagi lamang o mas kakaunti pa ang umiiral na mga uri sa ngayon ang nailarawan na sa makasiyensiyang literatura. Libu-libong uri ng nakolekta ang itinalaga nang walang pangalan sa mga kahon ng museo, na naghihintay na mabigyan ng pangalan at mailarawan sa mga babasahing makasiyensiya. Maaari na ngayong tumingin ang mga tao sa isang Web site at tingnan ang mga retrato ng mga uri na walang pangalan na may paglalarawang nakahanda para sa paglalathala. Pagkatapos, sa donasyong $2,800 o higit pa, maaari nilang pagkalooban ng pangalang Latin ang mga uri na kanilang napili. Sa ganitong paraan, ang organisasyong tinatawag na BIOPAT ay umaasang makalilikom ng pondo kapuwa para sa taksonomiya at sa pangangalaga ng mga bagong uri.

Mga Batang Biktima

“Sa bawat araw, . . . 30,500 batang lalaki at mga babae na wala pang limang taóng gulang ang namamatay dahil sa maraming maiiwasang dahilan,” ang sabi ng United Nations Children’s Fund sa ulat nito sa The State of the World’s Children 2000. Iniulat ng pahayagang Indian Express na “tinatayang dalawang milyong bata ang napatay at anim na milyon ang napinsala o nabalda sa mga armadong labanan sa nakalipas na dekada at milyun-milyon pa ang biktima ng mga pang-aabuso sa mga karapatang pantao.” Mahigit na 15 milyong bata ay mga lumikas, at mahigit sa isang milyon ang napahiwalay sa kanilang mga magulang o naulila. Karagdagan pa, binanggit ng ulat ang mga pag-aaral ng International Labor Organization na nagpapakitang di-kukulangin sa 250 milyong bata na nasa pagitan ng edad 5 at 14 ang nagtatrabaho bilang sapilitang mga manggagawa at 20 porsiyento sa kanila ay nasa lubhang mapanganib na mga kalagayan. Mga isang milyong bata sa buong daigdig ang sapilitang pinagtatrabaho bilang mga patutot, at 250,000 bata ang nahahawahan ng virus ng HIV sa bawat buwan. At 130 milyong bata​—dalawang-katlo sa kanila ay mga batang babae​—ang hindi nag-aaral.

Isang Makabagong Bibliya na Sulat-Kamay

Nagsimula na ang paggawa sa isang sulat-kamay na Bibliya na may kumikinang na kulay at mapalamuti, na tatapusin sa loob ng anim na taon, sa tinatayang halaga na $3 milyon. Ito ay iniutos ng mga mongheng Benedictine sa St. John’s University sa Minnesota, E.U.A. Sa kaniyang pagawaan sa Wales, pinangangasiwaan ng kaligrapo na si Donald Jackson ang isang maliit na grupo ng mga kaligrapo na kasama niyang gumagawa sa proyekto. Sila ay sumusulat sa katad (vellum), na ginagamit ang mga balahibo ng buntot ng gansa bilang panulat at ang antigong patpat ng tinta ng Tsino na gawa sa dinalisay at pinaghalong pinong abo at dagta ng halaman. Isang manuskritong kaligrapo na pantanging dinisenyo para sa gawain ang iimprentahin mula sa isang computer at pagkatapos ay kokopyahin sa pamamagitan ng kamay at ang mga ilustrasyon at mga letrang may palamuti ay idaragdag sa dakong huli. Ang matatapos na gawain ay may pitong tomo at magkakaroon nang mahigit sa 1,150 pahina, anupat ang bawat tomo ay may sukat na mga 60 sentimetro ang haba at 40 sentimetro ang lapad. Ang Bibliyang napili para sa napakalaking gawaing ito, ang kauna-unahan sa ganitong uri sa loob ng 500 taon, ay ang Ingles na New Revised Standard Version. Gayunman, ang pagkakasunud-sunod ng mga aklat ng Bibliya ay binago, at ang unang tomo ay magsisimula sa mga Ebanghelyo. Sa dakong huli, 100 kopya ng edisyong pangkolektor ang pinaplano, na ipagbibili sa halagang nasa pagitan ng $60,000 at $80,000 bawat set.

Nagsisigarilyo man o Hindi, ang Polusyon ay Hindi Maiiwasan

Karamihan sa mga batang naninigarilyo sa India ay nagsimulang manigarilyo sa napakabatang edad, ayon sa isang ulat ng Tata Institute of Fundamental Research, sa Mumbai. Sa katamtaman, ang mga batang kalye na walang patnubay ng magulang ay nagsisimula sa edad na 8, samantalang ang mga batang nag-aaral sa paaralan na may mga tagapag-alaga ay nagsisimula sa edad 11. Gayunman, ipinakita ng isa pang surbey sa Mumbai na ang mga anak na may mabuting pangangalaga ng mga magulang at na hindi kailanman nanigarilyo ay nakasasagap ng polusyon na katumbas ng paninigarilyo ng dalawang kaha ng sigarilyo bawat araw! Gaya ng iniulat sa pahayagang The Asian Age, ang Mumbai at Delhi ay kabilang sa limang nangungunang lunsod sa daigdig na pinakamalubha ang polusyon. Palibhasa’y may halos 900,000 sasakyan na regular na dumaraan sa mga lansangan ng Mumbai at may karagdagan pang 300,000 na labas-pasok sa lunsod bawat araw, ang antas ng polusyon sa hangin, na iniulat, ay 600 hanggang 800 porsiyentong mas mataas kaysa sa pinahihintulutang limitasyon ng usok na itinakda ng World Health Organization.

Masasarap na Pagkain sa Tsina na Mula sa Buhay-Iláng

Ang buhay-iláng sa Tsina ay nanganganib bunga ng “nagbabagong mga istilo-ng-buhay at mga hilig sa pagkain,” ang sabi ng magasing Down to Earth. Ang lumalaganap na paniniwala na ang ilang uri ng buhay-iláng ay mas masustansiyang kainin kaysa sa ibang mga pagkain ang naging dahilan sa malaking kahilingan para sa di-pangkaraniwang masasarap na pagkain. Nangunguna sa listahan ang ahas, anupat ang makamandag na mga ahas ay dobleng beses na mas mahal kaysa sa mga walang kamandag. Ang mga baboy-ramo, musang, palakang-lupa, palaka, sawa, pangolin, Tibetan antelope, at mga di-pangkaraniwang ibon ay nangungunang lahat sa mga paborito at makikita sa mga menu ng mga restawran sa buong Tsina. Marami sa mga nilalang na ito ay nasa listahan ng papaubos na uri, na karapat-dapat pangalagaan ng gobyerno. Gayunman, ang ilang may-ari ng restawran ay naglalagay ng mga karatulang nagbibigay-katiyakan sa mga parokyano na ang inihahain na buhay-iláng ay talagang galing sa iláng at hindi alaga o pinalaki sa artipisyal na paraan. Ang gobyerno ng Tsina ay naglunsad ng isang kampanya upang ipagsanggalang ang buhay-iláng mula sa mga sariling-bansag na dalubhasa sa panlasa at ginagamit nila ang islogan na, “Tumanggi sa pagkain ng buhay-iláng.”

Mapanganib sa mga Ibon

“Ang mga gusaling tanggapan at mga tore ng komunikasyon sa Hilagang Amerika ay tahimik na mga mamamatay,” ang sabi ng The Globe and Mail ng Toronto, Canada. “Ang mga pagbangga sa mga istraktura, kabilang na ang mga bintana sa mga tahanan, ay pinaniniwalaang pumapatay ng 100 milyong ibon taun-taon sa kontinente.” Ang mga ilaw sa tanggapan na iniiwang bukas sa gabi ay di-maipaliwanag na lumilito sa kakayahan sa nabigasyon ng nandarayuhang mga ibon. Sinasabi ng mga dalubhasa na laganap ang suliranin. “Wala akong alam na anumang lugar sa bansa, sa kontinente, na walang ganitong nangyayari,” ang sabi ng ornitologo na si David Willard. Ang mga grupo na tulad ng Toronto’s Fatal Light Awareness Program ay nagsisikap na turuan ang mga manggagawa sa tanggapan na patayin ang kanilang mga ilaw sa gabi.

Isa pa, “ang mga pansinag sa himpapawid”​—mga sinag ng mga spotlight na sumusuyod sa himpapawid upang akitin ang mga tao sa mga disco o sa iba pang mga lugar ng paglilibang​—ay nakagagambala sa panggabing mga hayop, ang ulat ng Alemang pahayagan na Frankfurter Allgemeine Zeitung. Ginagambala ng mga ilaw ang sensitibong sistema sa nabigasyon ng mga ibon at mga paniki. Kapag nalilito, alam na alam na nagugulo ang ayos sa paglipad ng mga ibon na nandarayuhan, nababago ang direksiyon, nag-iingay dahil sa pagkabalisa, at tuluyang natitigil pa nga ang kanilang pandarayuhan. Kung minsan ang mga ibon, na nalilito, ay dumadapo nang pagod na pagod pagkatapos ng ilang oras na pag-ikut-ikot, at ang mahihina na ay namamatay pa nga. Ang Institute for the Protection of Birds sa Frankfurt ay nanawagan para sa pagbabawal sa mga “pansinag sa himpapawid.”