Ang Kabigha-bighaning Kulay ng Koryo Celadon
Ang Kabigha-bighaning Kulay ng Koryo Celadon
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA KOREA
NOONG 1995, isang kayamanan ang natuklasan sa Truman Library sa Missouri, E.U.A. Ano iyon? Isang maliit na seramik na bote na lalagyan ng tubig, may disenyong bulaklak at matingkad na pakintab. Bagaman 23 sentimetro lamang ang taas nito, ang bote ay nagkakahalaga ng mga $3,000,000. Isa itong halimbawa ng seramik mula sa Korea na tinatawag na Koryo celadon, at ibinigay ito ng pamahalaan ng Korea noong 1946 sa dating presidente na si Harry Truman ng Estados Unidos.
Bakit mamahalin ang Koryo celadon? At paano ito naiiba sa ibang seramik?
Isang Kakaibang Pamamaraan
Ang katawagang “Koryo celadon” ay tumutukoy sa isang kakaibang uri ng seramik na unang ginawa noong bahagi ng kasaysayan ng Korea na kilala bilang ang panahon ng Koryo (918-1392 C.E.). * Ang Koreanong salita para sa celadon, ch’ongja, ay nangangahulugang kulay-asul na porselana. Bukod-tanging pinapurihan ng mga Tsino noong panahong iyon ang celadon, na ginagamit ang mga salitang tulad ng “ang pinakamainam sa silong ng langit.” Ang matingkad at makinang na mangasulngasul-berdeng pakintab ng Koryo celadon ang siyang dahilan kung bakit ito natatangi.
Ang nakaaakit na tulad-jade na pagkaberde nito ay resulta ng pinaghalong mga kulay ng luwad at ng isang pakintab. Ito ay napangyayari sa pamamagitan ng pagluluto sa bawat piraso nang dalawang ulit. Ang istoryador sa sining ng Korea na si Yang-Mo Chung ay nagpaliwanag na sa prosesong ito, ang sisidlan ay inanyuan mula sa luwad na may halong bakal. Una, niluluto ito sa 700 hanggang 800 digri Celsius. Sumunod, ang ibabaw ay pinapahiran ng pakintab na may halong calcium carbonate at sa pagitan ng 1 hanggang 3 porsiyentong bakal. Pagkatapos ay nilulutong muli ang sisidlan—sa pagkakataong ito, sa temperatura na 1,250 hanggang 1,300 digri Celsius at sa loob ng isang kalagayang pambawas (reducing atmosphere). *
Ang isang maingat na pagsusuri sa Koryo celadon ay nagpapakita na ang eleganteng mga linya at hugis nito ay waring likas na nagkakasuwato. Ang klasikong mga bote, takurí, plato, at mga banga na celadon ay kakikitaan ng katulad na artistikong mga linya at anyo na makikita sa tradisyunal
na mga damit at maging sa mga sayaw sa Korea. Makikita rin sa artistikong mga disenyo ng mga sisidlan ang mga tema mula sa kalikasan. Pinagsama ng mga magpapalayok ang mga disenyo ng mga bundok, puno, bulaklak, isda, ibon, insekto, at mga tao sa magagandang tanawing nakapinta sa celadon. Ang ilan sa mga hugis ng disenyong ginamit nila ay makikita pa rin sa makabagong mga disenyo ng palayok.Ngayon ay tingnan natin ang mga kulay na ginamit sa mga disenyo sa celadon. Ang karamihan sa mga disenyo ay naka-inley, na ginagamitan ng itim at puting mga pigmento. Sa pasimula, ginaya ng mga magpapalayok ng Koryo ang mga pamamaraan mula sa Tsina. Subalit di-nagtagal ay nagpasimula silang magpamalas ng sarili nilang pagkamalikhain. Ang isang namumukod-tanging halimbawa ay ang paraan ng pag-iinley na tinatawag na sanggam. Sa prosesong ito, ang napiling disenyo ay inuukit sa hindi pa natatapos na sisidlan, at ang mga ukit ay pinupunan ng puti o pulang luwad. Pagkatapos ay niluluto ang sisidlan. Sa pagkakataong ito, ang puting luwad ay nananatiling maputi na gaya ng niyebe, subalit ang pulang luwad ay umiitim.
Kung maingat na susuriin ang isang celadon, makikita ang maliliit na bitak-bitak dito. Ito ba’y isang depekto? Bakit ito lumilitaw? Habang mas masalimuot ang naka-inley na disenyo, dapat na mas manipis ang pakintab upang maging litaw-na-litaw ang disenyo. Dahil napakanipis at napakarupok nito, hindi maiiwasan na magkaroon ng maliliit na bitak-bitak sa kabuuan nito—isang resulta ng pagsisikap na lumikha ng tunay na malasalaming anyo. Kaya, kinikilala na ang mga bitak-bitak ay likas na katangian ng Koryo celadon at hindi ito isang depekto. Sa katunayan, sadyang gumagamit ang ilang
makabagong-panahong magpapalayok ng mga pakintab na nagbibitak-bitak.Mga Pagsisikap na Panumbalikin ang Koryo Celadon
Pagkaraang salakayin ng mga Mongol ang Korea, maaga noong ika-13 siglo, biglang humina ang paggawa ng Koryo celadon. Sa wakas, huminto ang mga magpapalayok sa paggawa ng magagandang sisidlang iyon, at ang kanilang mga pamamaraan sa paggawa ay naglaho na. Sa ngayon, dahil sa maipagbibili sa mataas na presyo ang Koryo celadon at kakaunti na lamang ang mga ito, pinagsisikapan ng makabagong-panahong mga magpapalayok na ibalik ang pamamaraan ng paggawa nito. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga labí ng sinaunang celadon, nakagawa sila ng mga kapareho ang laki at anyo sa mga orihinal, at sinasabi ng ilang magpapalayok na nagtagumpay sila sa pagtitimpla ng kulay na katumbas ng kabigha-bighaning kulay ng matatandang Koryo celadon. Gayunman, mahirap na magawa muli ang eksaktong kayarian ng sinaunang pakintab—isang pakintab na ginamitan tangi lamang ng likas na mga sangkap.
Isang hamon din para sa makabagong-panahong mga magpapalayok na tularan ang iba pang detalye, gaya ng kung paano iniluluto ang seramik sa hurno at kung gaano katagal ito gagawin. Ang mga mananaliksik sa Celadon Research Institutes sa Korea ay nag-eksperimento ng iba’t ibang materyales at pamamaraan upang mapanumbalik ang kabigha-bighaning kulay ng Koryo celadon.
Nitong nakaraang mga taon, ang matagal nang nawawalang mga kayamanang Koryo celadon ay natuklasan. Halimbawa, noong 1995 isang mangingisda ang nagpasiyang kumilos kaugnay ng mga sabi-sabi na kaniyang narinig hinggil sa mga labí ng seramik na nasasabit sa mga lambat na pangisda. Kasama ang ibang mangingisda, nagpasimula siyang maghanap ng mga seramik. Nang maglaon, nakakuha siya ng 129 na piraso ng celadon. Pagkaraan ng tagumpay ng mga mangingisdang ito, ang Korean Cultural Property Preservation Bureau ay bumuo ng isang pangkat upang mag-imbestiga. Natuklasan nila ang isang barkong lumubog na may lulang celadon, at sa loob ng ilang buwan, nakakuha ang pangkat ng 463 piraso! Siyempre pa, ang lahat ng ito ay lubhang kapana-panabik para sa mga mananaliksik ng celadon at mga istoryador sa sining.
Nasisiyahan sa Koryo Celadon sa Ngayon
Paano ka masisiyahan sa kagandahan ng Koryo celadon sa ngayon? Marahil ay makadadalaw ka sa ilang tanyag na mga museo sa daigdig, tulad ng British Museum o ng Metropolitan Museum of Art sa New York, na pinagtatanghalan ng mga sining mula sa Korea. Ang mas mabuti pa, kung ikaw ay pupunta sa Korea, maaari mong dalawin ang bayan ng Kangjin, kung saan masusumpungan ang pinakamaraming sinaunang hurno na ginagamit para sa celadon. O kaya’y maaari kang dumalo sa isa sa ilang taunang pagdiriwang ng seramiks na ginaganap sa Probinsiya ng Kyŏnggi. Doon ay makikita mo ang paggawa ng celadon. Maaari mo pa ngang subukan na ikaw mismo ang gumawa ng seramik na celadon. Naguguniguni mo bang iyo mismong inaanyuan ang sisidlan, nilalagyan ito ng mga salita o mga disenyo, iniluluto ito sa hurno, at sa wakas ay hinahawakan ang nayaring produkto sa iyong mga kamay?
Siyempre pa, maaari ka ring makakuha ng makabagong-panahon na celadon sa mga department store o tindahan ng mga subenir. Doon nakadispley ang mga plorera, set ng mga tasa ng tsa, at iba pang mga uri ng lalagyan—ang mga iyon ay alinman sa gawang-kamay ng lokal na mga magpapalayok o gawa sa isang pagawaan. Marahil, maaari mong silbihan ang iyong mga bisita ng tsa mula sa Korea na nasa tasang celadon samantalang isa namang plorerang celadon na puno ng bulaklak ang palamuti sa iyong mesa.
[Mga talababa]
^ par. 6 Ang modernong pangalang Korea ay mula sa pangalang Koryo.
^ par. 7 Sa isang kalagayang pambawas, ang hangin na pumapasok sa hurno ay limitado, anupat nagkakaroon ng carbon monoxide.
[Larawan sa pahina 17]
Isang orihinal na ika-12-siglong plorera
[Credit Line]
The Collection of National Museum of Korea
[Larawan sa pahina 18]
Detalye ng isang Koryo celadon na kakikitaan ng kakaibang inley