Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Lupa—Isang Daigdig ng Walang-hanggang Buhay

Ang Lupa—Isang Daigdig ng Walang-hanggang Buhay

Ang Lupa​—Isang Daigdig ng Walang-hanggang Buhay

ANG napakalaking suplay ng buhay sa lupa ay nagpapaalaala sa mga salita ng Awit 104:24, 25: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha. Kung tungkol sa dagat na ito na napakalaki at napakaluwang, doon ay may mga bagay na gumagala na walang bilang, mga nilalang na buháy, maliliit at malalaki”​—at maaari nating idagdag, maging doon sa pinakamapanganib na mga lugar!

Gayunman, nakalulungkot na ang kawalang-alam at kasakiman ng tao ay naging dahilan upang sapilitang malipol ang ilang anyo ng buhay at mailagay pa ang iba sa bingit ng pagkalipol. Isang pangunahing salik ang polusyon. Kaya, pinag-aaralan ng ilang siyentipiko ang ilang mga organismo na matibay sa lason at init​—gaya niyaong mga nasa malapit sa mga pasingawan sa ilalim ng karagatan at nasa maiinit na bukal tulad ng mga matatagpuan sa Yellowstone National Park​—taglay ang pangarap na gamitin ang mga lihim ng mga ito upang linisin ang mga polusyon. Pansamantala, nagsisikap ang ibang siyentipiko na maunawaan nang higit kung paano gumagana ang mga sistemang panustos-buhay ng lupa at kung paano kumikilos ang mga tao kaugnay sa mga sistemang iyan.

Isang Eksperimentong Sistemang Panustos-Buhay

Upang mapasulong nila ang kanilang unawa sa mga sistemang panustos-buhay ng lupa, nag-eksperimento ang mga siyentipiko noong mga taon ng 1990 sa isang lubusang kulong na sistemang panustos-buhay sa Arizona, E.U.A. Sa pag-asang ito ay makatutustos sa ganang sarili, tinawag nila itong Biosphere 2 (yamang ang lupa ang “Biosphere 1”). Naglaman ito ng mahigit sa 3,000 uri ng nabubuhay na bagay, kabilang na ang walong katao. Ang lahat ay nanatiling hiwalay mula sa daigdig sa labas sa loob ng dalawang taon. Gayunman, nagkaroon ng malulubhang suliranin ang Biosphere 2. “Halos lahat ng mga ibon at mga hayop at mga insekto na dapat sanang dumami sa loob ay namatay​—maliban lamang sa mga ipis at mga ‘crazy ant,’” ang sabi ng isang ulat, anupat idinagdag pa nito na “ang matayog na konsepto na siyang Biosphere 2 ay naging isang katatawanan.” Talaga ngang idiniin ng nabigong eksperimentong ito ang talino na makikita sa “Biosphere 1”!

Sasaklolohan ng Maylalang ang Lupa!

Habang nadaragdagan ang ating nalalaman tungkol sa lupa at sa kamangha-manghang mga nilalang nito, lalong higit tayong dapat magkaroon ng malalim na paggalang para sa tunay na dinamikong planetang ito at sa Maylalang nito na walang hangganan ang talino. Sabihin pa, maraming tao ang nagpapamalas ng kanilang pag-ibig para sa lupa, marahil sa pamamagitan ng pagiging lubusang nasasangkot sa mga usaping pangkapaligiran. Gayunman, nakalulungkot na ang mga taong ito ay napapaharap sa gabundok na mga balakid, kabilang na ang kasakiman at kawalang-alam ng tao, na hindi maaalis ng pinakamabuti man sa mga hangarin.

Magkagayunman, ang mga taong taimtim na nababahala ay maaaliw sa pangako ng Bibliya na ang Diyos mismo ay malapit nang kumilos sa pamamagitan ng pag-aalis sa lahat ng sakim, di-makadiyos na mga indibiduwal na “sumisira sa lupa.” (Apocalipsis 11:18; 2 Timoteo 3:1-15) Pagkatapos nito, ang Maylalang, na ang pangalan ay Jehova, ay magtatatag ng isang programa ng rehabilitasyon na lubusang lilinis sa lupa at magbabago nito tungo sa isang malaparaisong bukal ng buhay.​—Awit 83:18; Isaias 35:1, 2.

Ang pagsasauling ito ay magaganap sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos​—isang makalangit na pamahalaan sa mga kamay ni Kristo Jesus. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Sa ilalim ng pamamahalang ito, ang planetang Lupa ay lalago, sapagkat ito ay pangangalagaan ng mga taong may takot sa Diyos na nasisiyahan sa soberanya ni Jehova at nagtataglay ng pinakamalalim na paggalang sa lahat ng kaniyang mga gawa. (Awit 37:10, 11; Apocalipsis 21:3, 4) Bakit tayo makatitiyak sa katuparan ng mga pangakong ito? Sapagkat ang “di-nakikitang mga katangian” ng Diyos, gaya ng isinisiwalat kapuwa sa paglalang at sa Bibliya, ay nagpapatotoo na “sa Diyos ay walang kapahayagan ang magiging imposible.”​—Roma 1:20; Lucas 1:37.

[Larawan sa pahina 12]

Ang ating lupa ay malapit nang maging isang paraiso