Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Sahig ng Karagatan—Isiniwalat ang mga Lihim Nito

Ang Sahig ng Karagatan—Isiniwalat ang mga Lihim Nito

Ang Sahig ng Karagatan​—Isiniwalat ang mga Lihim Nito

UPANG maintindihan ang kahulugan ng mga bagay na nakita ng mga mananaliksik na sakay ng Alvin, kailangan natin ang kaunting kaunawaan sa paraan ng pagkakagawa sa daigdig. Ang lupang tinatapakan natin ay pinaniniwalaang gawa sa isang matigas na suson (tinatawag na lithosphere) na nakapatong sa isang masa ng nagbabagang lusaw na bato na marahang umaagos. Maliwanag na ang matigas na panlabas na suson na ito ay may katamtamang lalim na mga 100 kilometro at bumubuo lamang ng halos 0.6 porsiyento ng laki ng planetang ito. Ang pinakapanlabas na bahagi nito, ang crust, ay hindi pantay-pantay, anupat mas makapal ang nasa ilalim ng mga kontinente at kasing-nipis ng 6 na kilometro naman sa ilalim ng mid-ocean ridge system.

Karagdagan pa, ang solidong panlabas na suson na ito ay hindi isang piraso, na gaya ng balat ng isang buong itlog. Sa halip, lumilitaw na ito’y nahahati sa ilang malalaki at matitigas na plate at marami pang mas maliliit na plate, na pawang tinatawag na mga tectonic plate. Ang mga ito ang bumubuo sa mga kontinente at mga lunas ng karagatan. Ang mga plate ay kumikilos may kaugnayan sa isa’t isa. Kung saan naghihiwalay ang mga ito, nagiging manipis ang mga ito at nagiging mga rift (guwang) sa mga mid-ocean ridge. Sa buong daigdig, ang mga plate ay may katamtamang paggalaw na mga tatlong sentimetro bawat taon.

Ayon sa plate tectonic theory, habang naghihiwalay ang mga plate sa kahabaan ng ridge system, pinahihintulutan nito na tumaas ang mainit na bato mula sa mantle, ang parte sa ilalim ng matigas na pang-ibabaw ng lupa. Ang mainit na bagay ay nagiging bagong matigas na pang-ibabaw ng lupa sa karagatan sa kahabaan ng rift zone (ang dulo ng dalawang plate na siyang pinaghihiwalayan ng mga ito), ngunit hindi nito napagdidikit ang mga plate. Sa halip, patuloy na naghihiwalay ang mga ito, anupat ang rift system ay parang isang malaking sugat na hindi naghihilom kailanman.

Bagaman nadagdagan ng bagong mga suson ang isang plate sa mga mid-ocean ridge, ang kabilang dulo nito ay unti-unting dumadausdos sa ilalim ng katabi nitong plate at bumababa sa mainit na mantle sa ilalim. Doon ay napapasama ito sa mantle. Ang rehiyon kung saan bumababa ang plate ay tinatawag na subduction zone. Ang mga subduction zone ang kinaroroonan ng ilan sa pinakamalalalim na trinsera sa daigdig. Halimbawa, ang Mariana Trench sa baybayin ng Guam sa Karagatan ng Pasipiko ay mahigit 11,000 metro ang lalim. Kung ilalagay ang Bundok Everest, ang pinakamataas na bundok sa lupa, sa trinsera na ito, ang tuktok nito ay lulubog pa rin ng 2,000 metro mula sa pantay-dagat!

Isang Oasis​—Ng mga Lason!

Dahil sa lubhang di-matatag at bulkanikong kalikasan nito, ang nakapalibot sa daigdig na mid-​ocean ridge system ay nakakalatan ng umaagos na lava at mga hydrothermal vent (pasingawan ng mainit na tubig). Ang mga pasingawan ay nagbubuga ng nakalalason at napakainit na halo ng tubig at lusaw na mga mineral mula sa loob ng lupa. Subalit kataka-taka na ang hindi maaaring tirahan na dakong ito, na may presyon na daang-daang ulit na mas matindi kaysa sa mga presyon sa pantay-dagat, ay hindi nagtataboy sa mga bagay na buháy kundi, sa halip, umaakit pa nga ng mga nilalang​—at pagkarami-rami pa! Kabilang sa daan-daang uri na nabubuhay doon ay ang mga baktirya, naglalakihang kabibe​—na maaaring isang piye ang haba​—at, nakapagtataka sa lahat, palumpungan ng mga crimson-​plumed tube worm (tulad-tubong mga uod na kulay krimson ang balahibo) na nakabaon sa sahig ng dagat at may taas na hanggang 1.8 metro.

Kapag iniahon, ang mga nilalang na naninirahan sa pasingawan ay amoy bulok na mga itlog! Ang mabahong amoy ay nagmumula, hindi sa pagkabulok, kundi mula sa hydrogen sulfide​—isang masangsang na amoy at lubhang-nakalalasong kimikal na saganang matatagpuan sa mga hydrothermal vent. Ang tubig sa pasingawan ay lubhang maasido rin at naglalaman ng maraming metal, kabilang na ang tanso, magnesyum, bakal, at zinc. Ngunit hindi lamang basta nabubuhay ang mga ito sa ganitong kapaligiran​—na inihambing sa isang tambakan ng basurang nakalalason​—kundi dumarami pa nga rito ang mga tube worm at iba pang mga nilalang! Paano? Upang maunawaan, suriin natin nang mas malapitan ang tube worm.

Isang Nabubuhay na Palaisipan

Nang suriin ng mga siyentipiko ang mga tube worm, natuklasan nila na ang mga hayop na ito ay isang nabubuhay na palaisipan. Walang bibig at walang sistema sa panunaw ang mga ito. Bumangon ang katanungan, Paano kumakain at tumutunaw ng pagkain ang mga ito? Pagkatapos ay natuklasan ang nakagugulat na bagay: Ang mga uod na ito ay may pulang dugo​—hindi isang tulad-dugong likido kundi aktuwal na dugo na sagana sa hemoglobin​—na dumadaloy sa buong katawan at sa tulad-sa-ibon na balahibo ng mga ito.

Lalo pang lumalim ang mga misteryo nang hiwain ng mga biyologo ang malambot na balot ng katawan ng tube worm. Ang mga himaymay nito ay nagtataglay ng isang grupo ng mga baktirya na binubuo ng halos 10 bilyong baktirya sa bawat gramo ng himaymay! Noong 1980, isang estudyante sa biyologo ang gumawa ng teoriya na ang tube worm ay nabubuhay sa pamamagitan ng simbiyosis​—isang kaayusan kung saan ang dalawang uri ng buhay (specie) ay nagtutulungan para sa kapakinabangan ng bawat isa. Pinagtibay ng pananaliksik ang kaniyang palagay sa pamamagitan ng pagpapakita na ang tube worm, bilang host (ang hayop na tinitirahan ng parasito), ay nagpapakain sa mga baktirya, at ang mga baktirya ang nagpapakain sa uod.

Tulad ng mga hasang, ang mga plume ng tube worm ang nagtitipon sa mga sangkap, tulad ng oksiheno at karbon, na kailangan ng mga baktirya upang makagawa ng pagkain. Ang mga plume ay hindi nakatapat sa nakapapasong tubig sa pasingawan​—para na rin iyang pagpapatiwakal​—kundi malapit doon sa lugar kung saan naghahalo ang halos-magyeyelo na tubig-dagat at ang tubig sa pasingawan. Sabihin pa, ang prosesong ito ng paggawa ng pagkain ay nangangailangan ng enerhiya. Sa ibabaw ng lupa​—at bandang ibabaw na bahagi ng karagatan​—ang liwanag ng araw ang nagbibigay ng enerhiya sa paggawa ng pagkain sa pamamagitan ng pagpapalaki sa mga pananim. Ngunit ang liwanag ng araw ay hindi nakaaabot sa napakalalim na tahanan ng tube worm.

Enerhiya Mula sa Pusod ng Lupa

May-karunungan na isinaayos ng Maylalang ang pusod ng lupa upang maglaan ito ng kinakailangang enerhiya sa pamamagitan ng mga hydrothermal vent at ng di-kanais-nais ang amoy na halo ng hydrogen sulfide. Yamang nagsisilbing “liwanag ng araw” sa palibot ng komunidad ng pasingawan, ang hydrogen sulfide ay naglalaan ng enerhiya na kailangan ng mga baktirya upang makagawa ang mga ito ng pagkain. Samantala, ang mga baktirya ay nagsisilbing “mga halaman” ng komunidad ng pasingawan sapagkat ang mga ito ang nasa pinakaibaba sa kawing ng pagkain sa pasingawan. *

Upang mapagsama-sama ang lahat ng mga kimikal na kailangan ng mga baktirya, ang dugo ng tube worm ay binubuo ng mga molekula ng hemoglobin na 30 ulit na mas malaki kaysa sa mga molekula ng hemoglobin ng mga tao. Dinadala ng dugo ang mga kimikal na ito sa gutom na mga baktirya, at ang mga baktirya naman ang gumagawa ng pagkain para sa tube worm.

Ang Buhay sa May Pasingawan​—Isang Zoo ng mga Organismo!

Tunay, walang nilalang sa may pasingawan ang dapat na magutom, sapagkat nalalatagan ng mga baktirya ang halos lahat ng bagay​—kung minsan ay ilang sentimetro pa nga ang kapal! Maging sa mainit na alimpuyo sa itaas ng mga pasingawan, ang mga baktirya kung minsan ay natitipong tulad ng malalaking bunton ng niyebe, anupat nagiging, sa wari, buháy na sopas. Tulad ng mga tube worm, ang ilang hayop ay nakikinabang sa simbiyotikong ugnayan sa mga baktirya, samantalang kinakain mismo ng ibang nilalang ang mga mikroorganismong ito. Tunay, napakabunga at napakasigla ng mga komunidad ng pasingawan anupat inihambing ang mga ito sa maalat na mga latian, maulang kagubatan sa tropiko, at mga bahura ng korales sa mababaw na tubig.

Sa katunayan, mga 300 bagong uri ng buhay malapit sa mga pasingawan ang nakilala. Kabilang dito ang mga higanteng puting kabibe at mga tahong (hindi kailangan ang kulay sa daigdig ng walang-hanggang kadiliman), mga pugita, at matatakaw na puting alimango na nasasarapan sa pinong mga balahibo ng mga tube worm. Bilang pananggalang, ang mga uod ay mabilis na nakakakilos anupat kagyat na naipapasok nila nang ligtas ang mga balahibo sa loob ng tubo.

Kabilang sa ibang mga nilalang sa may pasingawan ang mga gagambang-dagat, susô, dancing shrimp, limpet, copepods, tulad-igat na isda na gumagapang sa mga lugar na nalalatagan ng mga baktirya at asupre, mas maliliit na uri ng tube worm, at iba pang mga uod. Kabilang sa huling nabanggit ang mga spaghetti worm at mga Pompeii worm. Angkop ang pagkakapangalan dahil sa katulad na katulad ng mga spaghetti worm ang sandakot na puting spaghetti na nakalaylay sa mga bato. Ang Pompeii worm ay kakaiba dahil sa kakayahan nitong makatagal sa mga temperatura na hanggang 80 digri Celsius! Sabihin pa, nakakayanan din ng mga baktirya sa may pasingawan, na bumabalot sa Pompeii worm, ang maiinit na temperatura. *

Isang Kakatwang Liwanag!

Noong 1985, nagulat ang mga siyentipiko nang malapit sa mga pasingawan ay nakatagpo sila ng mga hipon na may dalawang tulad-matang mga sangkap na may mga kimikal na sensitibo sa liwanag ngunit wala namang mga lente. Sabihin pa, ang unang katanungan na sumaisip ay, Ano ang makikita ng mga hayop na ito sa isang daigdig ng pusikit na kadiliman? Upang matuklasan iyon, gumamit ang mga mananaliksik ng lubhang sensitibong digital na kamera, na siyang ginagamit upang kunan ng larawan ang malalabong bituin. Kanilang itinutok ang kamera sa isang pasingawan, pinatay ang lahat ng ilaw, at kumuha sila ng larawan.

Kagulat-gulat ang resulta. Isiniwalat ng larawan ang “isang maliwanag na maliwanag at kitang-kitang sinag na may matingkad na gilid” kung saan lumalabas ang sirit ng mainit na tubig sa tsiminea, ang sabi ng siyentipiko na si Cindy Lee Van Dover. Napakikinabangan ba ng mga hipon ang kakatwang liwanag na ito, na hindi nakikita ng mata lamang ng tao? Anuman ang kalagayan, ang pagkatuklas na nagbabaga ang mga hydrothermal vent ay “nagbubukas ng isang bagong larangan na sasaliksikin,” ang sabi ni Van Dover.

Ang Pinakamalaki at ang Pinakamaliit

Kamakailan, natuklasan ang isang bahagi ng sahig ng karagatan na mayaman sa methane na pinaninirahan ng pinakamalalaking baktirya na nakilala sa siyensiya. Ang mga higanteng ito, na natuklasan noong 1997, ay nakakatulad ng isang pisi ng mga bead at mas mahaba nang 100 hanggang 200 beses kaysa sa katamtamang bacterium. Malakas ding kumain ang mga ito, anupat kaunting-kaunting bakas na lamang ng nakalalasong mga sulfide sa tumining na lupa ang iniiwan nito, sa gayo’y ginagawa nitong ligtas ang lugar para sa iba pang mga nilalang sa dagat.

Ang malamang na pinakamaliit na nabubuhay na organismo sa lupa ay natuklasan din kamakailan sa ilalim ng dagat, bagaman sa kasong ito ay limang kilometro sa ilalim ng sahig ng karagatan! Inilarawan ng isang ulat sa The New York Times ang pagkatuklas, na nangyari sa baybayin ng Kanlurang Australia, na “lubhang kakatwa anupat nagpasiklab ito ng madamdaming mga debate sa buong daigdig.” Ang pangunahing punto na pinagtatalunan ay kung ang mga organismo bang ito​—na tinatawag na mga nanobe, sapagkat ang laki ng mga ito ay sinusukat sa nanometro, o ika-isang bilyong bahagi ng isang metro​—ay buháy na mga organismo o hindi. Ang mga ito ay nakakatulad ng fungi, halos kasinlaki ng mga virus, may DNA, at waring mabilis magparami, anupat nagiging mga kolonya na punung-puno ng ganitong organismo.

Napakaraming buhay ang natutuklasan na ngayon anupat naniniwala ang mga siyentipiko na baka mahihigitan pa ng kabuuang dami ng nabubuhay na mikrobyo na natatago sa loob ng itaas na bahagi ng matigas na pang-ibabaw ng lupa ang lahat ng buhay sa ibabaw ng lupa! Ang mga natuklasang ito ay pumupukaw ng lubusang pagbabago sa makasiyensiyang pag-iisip. Sinabi ng isang siyentipiko: “Ang dogma sa mikrobiyolohiya ay pinawalang-halaga sa nakalipas na mga taon. Dahil sa mga bagong tuklas, muling pinag-aaralan ang larangang ito. Ito’y talagang isang bagong siyensiya.”

Karagdagan pa, ang tunay na malalalim na natuklasang ito ay nagtuturo sa atin ng bagay na nakahihigit pa sa siyensiya. Inilalarawan ng Bibliya ang pinakadiwa ng kaunawaang ito: ‘Ang di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula sa paglalang sa sanlibutan patuloy, sapagkat napag-uunawa ang mga iyon sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa.’ (Roma 1:20) Halimbawa, labis na nababahala ang Diyos hinggil sa kalinisan. Makikita ito sa mga baktirya at iba pang mga nilalang sa dagat na tumutulong upang mag-alis ng lason sa maraming bagay na maaaring makalason na nagmumula sa loob ng lupa at mula sa nabubulok na bagay na lumulubog mula sa itaas ng karagatan. Maliwanag, nababahala ang Diyos hinggil sa kalagayan ng planeta at ng lahat ng mga bagay na nabubuhay rito. Gaya ng ating makikita sa susunod na artikulo, ang katangiang ito sa personalidad ng Maylalang ay gumagarantiya ng isang maluwalhating hinaharap para sa lahat ng buhay sa lupa.

[Mga talababa]

^ par. 14 Ang kimikal na proseso na ginagamit ng mga baktirya sa pasingawan ay tinatawag na chemosynthesis. Ang terminong ito ay maihahambing sa photosynthesis, ang prosesong pinagagana sa pamamagitan ng enerhiyang buhat sa liwanag at isinasagawa ng mga pananim sa lupa at ng phytoplankton. Ang huling nabanggit ay kinabibilangan ng mga halaman o tulad-halamang mga organismo na matatagpuan sa bandang itaas na bahagi ng karagatan na nasisikatan ng liwanag.

^ par. 19 Noong mga taon ng 1960, sinimulang pag-aralan ng mga siyentipiko ang mga baktiryang gustung-gusto sa mainit na dako na matatagpuan sa maiinit na bukal sa Yellowstone National Park sa Estados Unidos. Dahilan sa kamangha-manghang “mga borderland ecosystem” na ito, ang sabi ng aklat na The Deep Hot Biosphere, “unang napahalagahan ng mga siyentipiko ang di-pangkaraniwang mga kakayahan ng waring pinakapayak na mga anyo ng buhay sa lupa.”

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Ano ang mga Hydrothermal Vent?

Sa kahabaan ng bulkanikong mid-​ocean ridge system, ang tubig-dagat ay pumapasok sa mga bitak sa matigas na pang-ibabaw ng lupa patungo sa mga dako na napakainit. Nagiging labis-labis ang init ng tubig, nagkakaroon ito ng reaksiyon sa bato, at sinisipsip nito ang ilang kimikal. Ito rin ay nagiging higit na magaan, anupat pumapaitaas sa sahig ng karagatan, at bumubuo ng mga hydrothermal vent​—mga bukal o mga geyser na hydrothermal. Ang mga ito ay “tiyak na kasinlakas at kasing-gandang panoorin tulad ng mga geyser sa lupa,” ang sabi ng isang reperensiya.

Karagdagan pa, ang temperatura ng mga bukal na ito sa sahig ng karagatan ay maaaring umaabot ng 400 digri Celsius, na mas mainit pa kaysa sa nagbabagang lusaw na tingga! Ngunit dahil sa presyon na dulot ng kilu-kilometrong karagatan sa ibabaw, ang sobrang-init na likido ay hindi nagiging singaw. Nakapagtataka naman dahil sa ilang milimetro mula sa hot jet, ang temperatura ng karagatan sa palibot ay karaniwan nang mas mataas lamang ng ilang digri sa pagyeyelo. Ang mga mineral na nagiging latak mula sa mga bukal na mabilis lumamig ay lumulubog sa sahig ng karagatan, kung saan nagiging mga bunton at mga tsiminea ang mga ito. Ang huling nabanggit ay maaaring tumaas ng hanggang 9 na metro. Sa katunayan, isang tsiminea ang natagpuang may taas na 45 metro at may diyametrong halos 10 metro, at ito ay patuloy pang lumalaki!

Ang pagbukas at pagsara ng mga hydrothermal vent ay maaaring pabugsu-bugso, anupat napakapanganib ang mabuhay sa palibot ng mga pasingawan. Gayunman, ang ilang nilalang ay maaaring makaligtas sa pamamagitan ng paglipat sa ibang mga pasingawan.

[Credit Line]

P. Rona/OAR/National Undersea Research Program

[Kahon/Larawan sa pahina 10]

Yelo na Madaling Magningas!

Pasimula noong mga taon ng 1970, ang mga siyentipiko na nagtatrabaho sa baybayin ng Hilagang Amerika ay nakatuklas ng mga deposito ng isang kakaibang sangkap na tinatawag na methane hydrate​—isang kombinasyon ng nagyelong tubig at ng madaling-magningas na gas na methane. Ang methane ay inilalabas ng mga mikrobyong nasa putik. Ang mga mikrobyong ito ay kumakain ng organikong bagay na lumubog sa karagatan. Pagkatapos ay humahalo ang methane sa halos magyeyelong tubig upang bumuo ng mga kristal ng methane hydrate. Ang mga kristal na ito ay tulad ng maliliit na kulungang yelo na nakapag-iimbak ng methane sa loob. Upang mabuo ang mga kristal, ang tubig ay kailangang mataas lamang nang kaunti sa temperatura ng pagyeyelo at ang lalim ng pinakasahig ng karagatan ay hindi kukulangin sa 500 metro ng tubig. Kapag naabot ang mga kalagayang ito, lumalaki ang mga kristal ng methane hydrate, anupat bumubuo ng isang sangkap na mabula at parang niyebe. Kapag iniahon ang isang limpak nito at sinindihan, nasusunog ito at naglalabas ng mapulang apoy. Pagkatapos, ang tanging natitira ay kaunting tubig.

Ang methane hydrate ay isang mayamang pinagmumulan ng enerhiya. Tinataya ng mga siyentipiko na ang kabuuan ng mga deposito nito ay halos doble ng pinagsama-samang reserba ng lahat ng iba pang mga fossil fuel (gatong na nabubuo sa lupa)! (Kabilang sa mga fossil fuel ang karbon, langis, at likas na gas​—na ang isang pangunahing sangkap nito ay ang methane.) Gayunman, sa kasalukuyan, ang napakalaking pinagmumulang ito ay hindi pa rin nagagamit sapagkat ang methane hydrate ay madaling natutunaw kapag inaalis sa kapaligiran kung saan ito nabubuo.

Ang mga suson ng methane hydrate ay mayroon ding mga pasingawan at mga tsiminea, ngunit ang likido na sumisirit mula sa mga ito ay malamig, di-tulad ng maiinit na bukal ng mid-​ocean ridge system. Gayunman, dahil sa ang mga pasingawan ay naglalabas ng nakalalasong mga haligi ng methane, hydrogen sulfide, at amonya, napakakain ng mga ito ang mga komunidad ng mga tube worm, kabibe, baktirya na kumakain ng kimikal, at napakaraming iba pang nilalang. Nabubuo ang batong-apog mula sa kimikal na basura na galing sa mga baktiryang ito na kumakain ng methane​—ang siya ring di-nakapipinsalang sangkap na kung saan gawa ang korales. *

[Talababa]

^ par. 42 Kapag binabago ng mga baktirya ang kimikal na kayarian ng methane, nabubuo nila ang isang pinaghalong sangkap na tinatawag na bicarbonate. Ito’y humahalo sa mga ion ng kalsiyum sa tubig-dagat upang bumuo ng calcium carbonate, na karaniwang kilala bilang batong-apog. Ang batong-apog ay matatagpuan sa palibot ng malalamig na pasingawan at gayundin sa pasingawan na mga tsiminea.

[Dayagram/Larawan sa pahina 4, 5]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang crust ng Lupa

Mantle (nagbabaga at lusaw ang isang bahagi nito)

Trinsera

Subduction zone

Tectonic plate

Rift

Kapag naghihiwalay ang mga plate, nabubuo ang mga rift

[Larawan]

Ang mid-ocean ridge system ay paliku-likong bumabagtas sa palibot ng lupa gaya ng dugtungan sa isang bola ng tenis

[Credit Line]

NOAA/Department of Commerce

[Mapa sa pahina 7]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mga Pangunahing Ocean Rift at mga Trinsera

1. Mariana Trench

2. East Pacific Rise

3. Galápagos Rift

4. Mid-Atlantic Ridge

[Credit Line]

NOAA/Department of Commerce

[Larawan sa pahina 8]

Mga tahong

Matatagpuan ang mga tahong sa lalim na kalahating milya sa Green Canyon, sa Gulpo ng Mexico

[Credit Line]

J. Brooks/OAR/National Undersea Research Program

[Larawan sa pahina 8, 9]

Mga tube worm

Ang kanilang pinong mga plume ay naglalaman ng dugo na mayaman sa hemoglobin

[Credit Line]

OAR/National Undersea Research Program

[Larawan sa pahina 9]

Mga alimango

Ang mga nilalang na ito ay kadalasang nagpapakasasa sa mga tube worm

[Credit Line]

I. MacDonald/OAR/National Undersea Research Program

[Larawan sa pahina 9]

Mga higanteng kabibe

Marahil isang piye ang haba, matatagpuan ang mga ito sa lalim na 3 kilometro

[Credit Line]

A. Malahoff/OAR/National Undersea Research Program

[Larawan sa pahina 9]

Iniahon ang ilang kabibe

[Credit Line]

Photograph by William R. Normark, USGS

[Larawan sa pahina 9]

Mga hipon

Ang ilan ay may dalawang tulad-matang mga sangkap. Ngunit ano ang makikita ng mga ito sa pusikit na kadiliman?

[Credit Line]

EMORY KRISTOF/NGS Image Collection

[Larawan sa pahina 11]

Mga nanobe

Ang mga ito ba ang pinakamaliliit na anyo ng buhay sa lupa?

[Credit Line]

Dr. Philippa J. R. Uwins/University of Queensland