Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Kami Iniwan ni Itay?

Bakit Kami Iniwan ni Itay?

“Hindi ko talaga maintindihan kung bakit umalis ang aking ama. Ang alam ko lamang ay kung ano ang sinabi sa akin ng aking ina.”​—James. *

KAPAG nag-impake ang isang ama at umalis ito sa tahanan, kadalasan ay nag-iiwan siya ng nakaliligalig na sakit ng damdamin at kapaitan. “Totoong balisa ako nang maghiwalay ang aking ina at ama,” ang sabi ng 14-na-taóng-gulang na si James, na sinipi sa itaas. At kapag umalis ang isang ama nang walang anumang paliwanag at pagkatapos ay hindi na ito nakikipag-ugnayan, ang kaniyang mga anak ay maaaring makipagpunyagi sa damdamin ng pagka-maysala, pagkatakwil, at paghihinanakit sa loob ng maraming taon pagkatapos ng paghihiwalay. *

Kung ang iyo mismong ama ay umalis, maaaring alam mo ang masakit na dahilan kung bakit. “Umalis si Itay dahil sa ibang babae,” ang sabi ng isang kabataan na nagngangalang Michael. “Minsan ay nakita ko siya kasama ang kaniyang babae, at ikinagalit ko iyon. Nadama kong pinagtaksilan kami ni Itay.” Gayunman, sa ilang kaso, ang pag-alis ay maaaring nakagiginhawa. Si Melissa, na ang ama ay isang alkoholiko, ay nagsabi: “Magiging mas mahirap para sa amin kung nanatili siya sa bahay.”

Gayunman, sa maraming kaso, walang ideya ang mga bata kung bakit umalis ang kanilang ama, at maaaring pinatitindi nito ang sakit ng pagkawala niya. Totoo, maaaring alam mo na may mga suliranin ang iyong mga magulang, ngunit baka hindi mo kailanman inakala na sila’y maghihiwalay. Naalala ni Robert: “Nang umalis si Itay, hindi ko talaga naiintindihan ang lahat ng nangyayari. Ang tanging alam ko ay malubha na ang mga bagay-bagay sapagkat palaging nag-aaway ang aking mga magulang.”

Bakit iniiwan ng ilang ama ang kanilang tahanan? Kung umalis ang iyo mismong ama, dapat mo bang isipin na ikaw ay personal na itinakwil? At bakit kaya nag-atubili ang iyong mga magulang na sabihin sa iyo ang higit tungkol dito? Hindi ba’t dapat lamang na ipaliwanag nila ito sa iyo?

Kung Bakit Hindi Nila Sinasabi

Ang mga dahilan kung bakit umalis ang isang ama ay hindi kailanman nakatutuwa. Kadalasan, ang dahilan ay ang pangangalunya​—isang maling paggawi na malimit ay inililihim sa pamilya. Kapag natuklasan ng asawang babae ang gayong kamalian, maaari siyang magpasiya na diborsiyuhin ang kaniyang asawa. Maaari pa ngang hilingan niya ito na umalis nang tahimik bago maging legal ang mga papeles sa diborsiyo. Maaaring walang kaalam-alam ang mga bata kung bakit ito nangyayari.

Subalit sikapin mong unawain kung bakit maaaring atubili ang iyong ina na ihayag kung ano talaga ang nangyayari. Ang isang dahilan ay baka nadarama niyang ang pagbubunyag ng maling paggawi ng iyong ama ay magdudulot lamang ng kalungkutan. Unawain din kung gaano kasakit para sa isang babae na matuklasang nagtaksil ang kaniyang asawa. (Malakias 2:13, 14) Kaya kung pangangalunya ang dahilan ng paghihiwalay ng iyong mga magulang, huwag mong pagtakhan kung bakit napakasakit para sa iyong ina na ipakipag-usap ito.

Kumusta naman ang iyong ama? Mauunawaan na kung siya ay nagtaksil sa iyong ina, malamang na hindi niya ito ipakipag-usap sa iyo. Ang ilang lalaki ay nakadarama ng matinding pagkakasala sa kanilang maling paggawi anupat hindi man lamang nila kayang harapin ang kanilang mga anak! Gayunman, sa kabila ng kanilang nakahihiyang pagkilos, maraming ama ang patuloy na nagmamahal sa kanilang mga anak at maaaring magsikap na makipag-ugnayang muli sa kanila.

Sa ilang kaso, ang ama ay umaalis dahil sa maling paggawi sa bahagi ng asawang babae, at gumagawa siya ng lahat ng pagsisikap na manatiling malapit sa kaniyang mga anak. Subalit sa ibang kaso, ang paghihiwalay ay hindi naman dahil sa pangangalunya, kundi ang sukdulan ng maraming taon ng pag-aaway ng mag-asawa. * (Kawikaan 18:24) Yamang kadalasan ay nagaganap ito nang tagô, maaaring wala kang ideya kung tungkol sa ano ang pag-aaway.

Sinasabi ng Bibliya sa Kawikaan 25:9: “Ipangatuwiran mo ang iyong sariling usapin sa iyong kapuwa, at huwag mong isiwalat ang lihim na usapan ng iba.” Minsan, ang pag-aaway ng mag-asawa ay hinggil sa pribado at personal na mga bagay. Maniwala ka man o hindi, malamang na mas makabubuti para sa iyo na huwag malaman ang gayong mga bagay. Isa pa, ang pagsisiwalat ng “lihim na usapan” ay kadalasang nagpapasama sa isang malalang situwasyon. Maaaring gusto mong kumampi sa isa sa iyong mga magulang​—anupat lalo lamang pinalálakí ang hidwaan sa iyong pamilya. Kaya matapos isaalang-alang ang lahat, mas makabubuti para sa iyo kung itatago ng iyong mga magulang sa kanilang sarili ang mga detalye ng kanilang mga pag-aaway.

Daigin ang Paghihinanakit sa Pamamagitan ng Pagtatamo ng Kaunawaan

Ngunit, mahirap pa rin na hindi magalit at maghinanakit kapag iniwan ng iyong ama ang tahanan at hindi mo masagot ang tanong na, Bakit? Gayunman, sa Kawikaan 19:11, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal [hindi man mag-alis] ng kaniyang galit.” At hindi mo kailangang malaman ang lahat ng detalye upang magkaroon ng kaunawaan.

Halimbawa, ang Bibliya ay tumutulong sa atin na maintindihan na ang ating mga magulang ay di-sakdal. Sinasabi nito: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Ang pagtanggap sa masakit na katotohanang ito ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng wastong pangmalas sa mga pagkakamali ng iyong mga magulang. Kung halimbawang hindi pinarangalan ng iyong ama ang kaniyang mga panata sa pag-aasawa, iyon ay isang malubhang pagkakasala​—isa na pananagutan niya sa harap ng Diyos. (Hebreo 13:4) Ngunit hindi ito laging nangangahulugan na itinakwil ka niya o na hindi ka niya mahal.

Ang lahat ng mag-asawa ay dumaranas ng “kapighatian sa kanilang laman.” (1 Corinto 7:28) At bagaman wala silang maidadahilan para gawin ang gayon, ang ilang lalaki at babae ay nakagagawa ng mali dahil sila’y napadadala sa mga kagipitan sa buhay sa magulong sanlibutang ito. Naalala ni Robert: “Hangad ni Itay ang pinakamagaling para sa amin. Inilipat niya ang pamilya sa isang lugar na iniisip niyang kikita siya ng mas malaki upang magkaroon kami ng isang magandang tirahan at masiyahan ang pamilya.” Ngunit hindi nagtagal, ang pagsisikap ng kaniyang ama, na udyok ng mabuting hangarin, na makapagbigay ng isang mas magandang buhay para sa kaniyang pamilya ay nabigo. Ipinaliwanag ni Robert: “Unti-unting napabayaan ni Itay ang pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Pagkatapos ay nawalan siya ng trabaho. Nang maglaon, naging mapang-abuso siya sa aking ina at kapatid na babae.” Di-nagtagal ay lumala ang mga bagay-bagay hanggang sa punto na magdiborsiyo ang kaniyang ama at ina.

Maaari sanang lubos na naapektuhan si Robert sa pagkadama ng kapaitan dahil sa mga kabiguan ng kaniyang ama. Ngunit ang pagkakaroon ng kaunawaan sa situwasyon ng kaniyang ama ang nagpahupa sa kaniyang galit. Bagaman masaklap ang paghihiwalay ng kaniyang mga magulang, itinuro nito kay Robert ang isang mahalagang bagay. Sinabi ni Robert: “Kapag nagkapamilya ako, ang espirituwal na mga bagay ang dapat mauna.”

Si Michael, na sinipi kanina, ay kinailangan ding makipagpunyagi sa mapapait na damdamin. “Gusto kong saktan ang aking ama dahil sa ginawa niya sa amin,” ang kaniyang inamin. Ngunit pinanatili niya ang ugnayan nilang mag-ama. Sa paglipas ng panahon, nagawa ni Michael na palipasin ang kaniyang galit at magpatuloy sa kaniyang buhay.

Maaaring nais mo ring subukan na mapanatiling normal ang ugnayan mo sa iyong ama hanggang ipinahihintulot ng situwasyon. Totoo, nasaktan niya kayong mag-ina. Ngunit malamang na hindi mo alam ang buong katotohanan. At kahit pa alam mong siya ay nagkasala dahil sa maling paggawi, siya pa rin ang iyong ama. May obligasyon kang pagpakitaan pa rin siya ng paggalang. (Efeso 6:1-3) Iwasan ang “galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita” kapag nakikipag-ugnayan sa kaniya. (Efeso 4:31) Hangga’t maaari, manatiling neutral may kinalaman sa personal at pag-aaway na pangmag-asawa ng iyong mga magulang. Sa pamamagitan ng pagbibigay-katiyakan pareho sa iyong mga magulang na mahal mo sila, maaari mong matamasa ang mabuting ugnayan kapuwa sa kanilang dalawa.

Hindi Mo Kasalanan Iyon

Ang pag-alis ng iyong ama sa tahanan ay malamang na isa sa mga pinakamasakit na bagay na iyong mararanasan. Ngunit kahit na hindi mo matuklasan ang lahat ng dahilan kung bakit siya umalis, hindi mo dapat madama na kasalanan mo iyon. Totoo, baka maramdaman mong personal kang itinakwil. Subalit bihirang maghiwalay ang mag-asawa dahil sa mga anak. Ang iyong mga magulang ay nanata sa harap ng Diyos na sila’y mananatiling magkasama. Sila ang may pananagutan​—hindi ikaw​—na gampanan iyon.​—Eclesiastes 5:4-6.

Ngunit, kung patuloy ka pa ring nalilito, nakadarama na ikaw ang may kasalanan, o may pananagutan sa paghihiwalay, bakit hindi mo subukang sabihin iyon sa iyong mga magulang? Maaaring magtapat sila sa iyo at bigyan ka ng kinakailangang katiyakan. Si James, na sinipi sa pasimula, ay umamin: “Dati ay iniisip ko na ako ang dapat sisihin, hanggang sa pinaglaanan ako ng panahon ng aking ina at ng aking ama at nakipag-usap sila sa akin.” Ang kabataang si Nancy ay nakadama rin na siya ang may kasalanan nang maghiwalay ang kaniyang ama at ina. Pagkaraan ng ilang pakikipag-usap sa kaniyang ina, nasabi ni Nancy: “Hindi dapat sisihin ng mga bata ang kanilang mga sarili sa ginagawa ng kanilang mga magulang.” Oo, kung hahayaan mo ang iyong mga magulang na ‘dalhin ang kanilang sariling pasan’ ng pananagutan, maiiwasan mong labis na mabigatan sa emosyonal na paraan. (Galacia 6:5) Ngunit paano mo makakayanan ang situwasyon ngayong nakatira ka na sa isang tahanan na walang ama? Ang susunod na artikulo sa seryeng ito ang maglalaan ng ilang kasagutan.

[Mga talababa]

^ par. 3 Binago ang ilan sa mga pangalan.

^ par. 4 Tingnan ang pabalat na seryeng “Mga Pamilyang Walang Ama​—Pagpapahinto sa Siklo,” sa Pebrero 8, 2000, na isyu ng Gumising!

^ par. 12 Gayunman, maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na ang tanging maka-Kasulatang saligan para wakasan ang pag-aasawa na nagpapahintulot sa kapuwa panig na muling mag-asawa ay ang pakikiapid.​—Mateo 19:9.

[Larawan sa pahina 15]

Huwag mong sisihin ang iyong sarili sa mga problemang pangmag-asawa ng iyong mga magulang