Hindi ba Mapakali ang mga Binti Mo?
Hindi ba Mapakali ang mga Binti Mo?
GABI na. Ikaw ay komportable at nagpapahingalay sa iyong kama. Pagkatapos ay nagsisimula iyon—ang pakiramdam na may gumagapang sa iyong mga binti. Hindi mo ito maipagwawalang-bahala. Ang tanging paraan upang maginhawahan ka ay ang bumangon at lumakad-lakad. Nakatutulong ang paglalakad, subalit kapag nahiga kang muli, bumabalik ang gayong pakiramdam. Gusto mong matulog, pero hindi mo ito magawa. Kung ganito ang nararanasan mo, hindi ka nag-iisa. Halimbawa, marahil ay kasindami ng 15 porsiyento ng populasyon sa E.U. ang nakararanas ng ganitong kalagayan.
Bagaman maraming doktor sa ngayon ang hindi makapagbigay ng diyagnosis o wastong paggamot sa sakit na ito, hindi ito bago. Noong 1685, isang doktor ang sumulat hinggil sa mga taong pagkahiga sa kama ay nakadaramang “labis na Di-Mapakali” ang kanilang mga braso at binti anupat “hindi [sila] makatulog, na para bang sila’y nasa isang Dako ng pinakamatinding Pagpapahirap.”
Bahagi ng suliranin sa pagkilala sa sakit na ito ay ang kawalan ng pagsusuri sa laboratoryo upang matiyak kung mayroon nito ang isang tao. Nakikilala ito sa pamamagitan ng mga sintomas na bunga nito. Ang isang doktor na nakaaalam nito ay maaaring magtanong: ‘Nararamdaman mo ba na parang may gumagapang sa isa lamang o parehong binti? Nararamdaman mo ba iyon sa iyong mga braso? Nawawala ba ang pakiramdam na iyon kapag bumabangon ka at naglalakad, naliligo, o kaya’y minamasahe mo ang iyong mga binti? Lumilitaw ba ang nakaiinis na pakiramdam kapag kailangan mong maupo nang matagal, gaya ng kapag ikaw ay nasa kotse o eroplano? Lalo ka bang pinahihirapan nito kung gabi? May iba pa bang miyembro ng iyong pamilya na dumaranas ng gayunding suliranin? Sinasabi ba ng iyong asawa na kung minsan ay umiigtad ang iyong mga binti kapag ikaw ay tulog?’ Kung ang sagot mo sa ilan sa mga tanong na ito ay oo, maaaring sabihin ng doktor na mayroon kang restless legs syndrome (RLS).
Yaong mga Mayroon Nito
Para sa ilan, ang RLS ay isang di-malubhang sakit na may manaka-nakang sintomas. Para sa iba, ito’y lalong malala, anupat lagi silang hindi makatulog kaya naman nagdudulot ito ng pagkapagod sa umaga na lubusang nakakaapekto sa pang-araw-araw na buhay. Sabi ng isang biktima: “Ang pakiramdam ko ay parang may mga bulati na gumagalaw at gumagapang sa mga binti ko. Kailangan kong ikawag ang aking mga binti upang mawala ang nararamdaman ko.”
Kapuwa mga babae at mga lalaki ang nagkakaroon ng RLS at mas pangkaraniwan ito at lalong malala sa mga may edad na. Kadalasan itong nasusumpungan sa mga taong nasa mga edad 50,
bagaman malimit na ang mga sintomas ay lumilitaw nang maraming taon bago pa nito. Minsan, ang mga sintomas ay nagmumula pa sa pagkabata. Gayunman, madalas na hindi nakikita ang RLS sa mga bata. Dahil sa hindi sila nauupo nang matino o kaya’y palagi silang di-mapakali, ang mga batang may RLS ay karaniwang tinatawag na “hyperactive.”Bagaman itinuturing ng mga eksperto ang RLS bilang isang sakit sa sistemang nerbiyos, ang dahilan nito ay mahirap tuntunin. Sa karamihan ng mayroon nito, ang dahilan ay hindi nalalaman. Gayunman, ang RLS ay iniugnay sa ilang mga dahilan. Halimbawa, ang RLS ay nasa lahi ng mga pamilya, na naipapasa ng mga magulang sa kanilang mga anak sa henetikong paraan. Ang ilang babaing nagdadalang-tao ay nakararanas ng mga sintomas ng RLS, lalo na sa huling mga buwan ng pagdadalang-tao. Pagkapanganak, kadalasang nawawala ang karamdaman. Kung minsan ang medikal na mga karamdaman, tulad ng mababang antas ng iron sa katawan o kakulangan ng ilang bitamina, ang sanhi ng RLS. Ang namamalaging sakit ay maaari ring maging sanhi ng mga sintomas ng RLS—lalo na ang sakit sa bato, diyabetis, rayuma, at peripheral neuropathy, na pagkapinsala sa mga nerbiyos ng kamay at paa.
Ang Paghahanap ng Kaginhawahan
Nakalulungkot, ang RLS ay walang lunas, at ang mga sintomas ay kadalasang lumalala sa paglipas ng mga taon. Gayunman, ang mabuting balita ay na maaaring matagumpay na gamutin ang RLS, kadalasan nang walang drogang ginagamit. Walang iisang solusyon; kung anong mabisa para sa isang tao ay maaaring hindi naman mabisa para sa iba. Dapat tuklasin niyaong mayroon nito kung anong mga kinagawian, gawain, o panggagamot ang nakapagpapalala o nakapagpapaginhawa sa mga sintomas.
Ang unang hakbang sa panggagamot ay ang pagtiyak kung may medikal na suliranin na maaaring gamutin na siyang dahilan ng mga sintomas ng RLS. Para sa mga may kakulangan sa iron o bitamina, ang pagdaragdag ng iron o bitamina B12 sa pagkain ay maaaring siya lamang kailangan upang maibsan ang mga sintomas ng RLS. Gayunman, ang pag-inom ng maraming bitamina at mineral ay maaaring magsapanganib sa kalusugan ng isa. Kaya ang isang tagapaglaan ng pangangalagang pangkalusugan ay dapat na kasama kapag nagpapasiya kung ang isang tao ay dapat na uminom ng karagdagang iron o bitamina.
Sa ilang tao, ang caffeine ang nagpapalala sa mga sintomas ng RLS. Ang kape, tsa, tsokolate, at maraming soft drink ay may caffeine. Ang pagbabawas ng caffeine o ang pag-aalis nito ay maaaring makatulong upang gumaan o mawala ang mga sintomas ng RLS. Ang pag-inom din ng inuming de-alkohol ay kadalasan na lalong nagpapatagal o nagpapatindi sa mga sintomas. Sa pamamagitan ng pagbabawas ng inuming de-alkohol o pag-aalis nito sa pagkain, ang ilan ay nagiginhawahan.
Ang Pamumuhay Nang May RLS
Kung mayroon kang RLS, ang pagbabago sa paraan ng pamumuhay ay maaaring makatulong sa iyo. Yamang kadalasan na ang pagkapagod at pagkaantok ay nagpapalala sa mga sintomas, ang isang di-nagbabagong rutin sa pagtulog ay totoong makatutulong. Kung maaari, mas mainam na matulog sa isang kalagayang tahimik, malamig, at komportable. Ang pagtulog sa gayunding oras bawat gabi at ang paggising sa gayunding oras bawat umaga ay nakatutulong din.
Ang isang regular na programa sa pag-eehersisyo ay makatutulong sa iyo na makatulog nang mahimbing. Subalit ang nakapapagod na ehersisyo sa loob ng anim na oras bago ka matulog ay baka magbunga ng kabaligtaran. Nasumpungan ng ilang may RLS na ang katamtamang ehersisyo bago matulog mismo ay nakatutulong sa kanila na makatulog. Subukan ang iba’t ibang ehersisyo upang matuklasan kung ano ang pinakamainam para sa iyo.
Huwag pigilin ang pagnanais na gumalaw. Kung sisikapin mong pigilin ang paggalaw, karaniwan nang lumalala ang mga sintomas. Kadalasan, ang pinakamainam na solusyon ay ang bumangon sa kama at gumalaw-galaw. Ang ilan ay medyo nagiginhawahan sa paglalakad, pag-iinat, paliligo ng mainit o malamig na tubig, o pagmamasahe sa kanilang mga binti. Kung kailangan mong maupo nang matagal, tulad ng kapag naglalakbay, makatutulong kung itutuon mo nang husto ang iyong isip sa pagbabasa.
Kumusta naman ang mga gamot? Ang Restless Legs Syndrome Foundation, na nasa Raleigh, North Carolina, E.U.A., ay nagsabi na “ang paghatol ng isang paraan ng panggagamot na parmakologo [may droga] ay maaaring kailanganin.” Yamang walang isang gamot na epektibo para sa lahat ng may RLS, maaaring ang iyong tagapaglaan ng pangangalagang pangkalusugan ay kailangang maghanap ng isa na pinakamainam para sa iyo. Nasumpungan ng ilan na pinakaepektibo ang kombinasyon ng mga gamot. Kung minsan, ang isang gamot na mabisa sa ilang panahon ay nawawalan ng bisa. Yamang ang pag-inom ng droga at lalo na ng kombinasyon ng mga droga ay may kaakibat na mga panganib sa kalusugan, mahalaga na lubusang makipagtulungan sa iyong tagapaglaan ng pangangalagang pangkalusugan upang malaman kung ano ang pinakamainam para sa iyo.