Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kababalaghan at mga Hiwaga ng Kalaliman

Mga Kababalaghan at mga Hiwaga ng Kalaliman

Mga Kababalaghan at mga Hiwaga ng Kalaliman

SAKAY ng kanilang maliit na submarino na pinanganlang Alvin, dalawang siyentipiko at ang kanilang piloto ang lumusong sa Karagatan ng Pasipiko sa baybayin ng Ecuador. Ang kanilang patutunguhan? Isang lugar na tinatawag na Galápagos Rift. Nasasangkapan ng mga searchlight (malalakas na ilaw na pantanglaw), kamera, at napakaraming instrumentong makasiyensiya, sumisid ang Alvin sa 2,800 metro ng karagatan patungo sa isang daigdig ng walang hanggang kadiliman na hindi pa kailanman nakita ng mga mata ng tao.

Napag-isip-isip mo na ba kung ano ang nakatago sa mga bundok, canyon (malalim at makitid na libis), at mga rift (guwang) sa ilalim ng madilim na kalaliman ng mga karagatan sa daigdig? Kung gayon, masisiyahan ka sa pagbabasa tungkol sa mga natuklasan na nagsimula noong 1977 sa unang pagsisid ng Alvin na nabanggit sa itaas. Maaaring makagulat sa iyo ang nakita ng mga tripulante; maging sa dalubhasang mga siyentipiko, ito’y tulad ng pagtuklas ng buhay sa ibang planeta.

Ang tunguhin ng misyon ng Alvin ay maghanap ng mga bukal na hydrothermal​—mga geyser sa ilalim ng dagat na bumubuga ng mainit na tubig sa karagatan. Ang Galápagos Rift ay isang magandang lugar sapagkat bahagi ito ng isang rift sa ilalim ng dagat na lubhang bulkaniko at napalilibutan ng isang masalimuot na kawing ng mga hanay ng bundok na nakapalibot sa daigdig, na tinatawag na mid-​ocean ridge system (sistema ng mga hanay ng bundok sa gitnang-karagatan). Ang dambuhalang sistemang ito, na mahigit na 65,000 kilometro ang haba, ay paliku-likong bumabagtas sa palibot ng buong planeta gaya ng dugtungan sa isang bola ng tenis. Kung hindi ito nakalubog sa karagatan, ito na “ang pinakakitang-kitang bahagi sa balat ng planeta, na sumasaklaw sa isang lugar na mas malawak pa sa sinasaklaw ng lahat ng pinagsama-samang pangunahing mga hanay ng bundok sa lupa,” ang isinulat ni Jon Erickson sa kaniyang aklat na Marine Geology.

Ang isang totoong kapansin-pansing bahagi ng mid-​ocean ridge system ay na ito’y sadyang dalawahang sistema​—dalawang hanay ng bundok na bumabagtas nang magkatabi at may taas na 3,000 metro mula sa sahig ng karagatan. Sa pagitan ng mga hanay ng bundok ay makikita ang pinakamalalalim na agwat sa lupa​—mga canyon na hanggang 20 kilometro ang lapad at 6 na kilometro ang lalim​—apat na ulit na mas malalim kaysa sa Grand Canyon ng Hilagang Amerika! Sa paanan ng mga agwat na ito ay makikita ang mga rift zone (lugar na kinaroroonan ng mga guwang) na may napakaraming bulkan. Noong unang pag-aralan ng mga siyentipiko ang isang bahagi ng sistema ng hanay ng bundok sa gawing Atlantiko, na tinatawag na Mid-Atlantic Ridge, isiniwalat ng kanilang mga instrumento ang gayon na lamang katinding bulkanikong pagkilos “anupat waring lumuluwa ang laman-loob ng Lupa,” ang sabi ni Erickson.

Pagkatapos lumusong sa loob ng 90 minuto, ang Alvin ay umandar sa pinakaibabaw lamang ng sahig ng dagat, at pinailaw ng mga lalaki ang mga searchlight ng Alvin. Mauunawaan naman kung bakit inakala ng mga siyentipiko na nasa ibang planeta sila. Isiniwalat ng kanilang mga ilaw ang ilang kumikinang-kinang na mga pasingawan (vent) ng mainit na tubig sa sahig ng dagat, kung saan ang tubig ay karaniwan nang halos magyelo. Malapit sa mga pasingawan, lumitaw ang isang bagay na lalong pambihira​—buu-buong komunidad ng dating di-kilalang nabubuhay na mga nilalang. Pagkalipas ng dalawang taon, natuklasan ng mga mananaliksik na sakay ng Alvin ang mga pasingawan na lubhang napakainit na tinatawag na mga smoker sa East Pacific Rise sa baybayin ng Mexico. Ang ilan sa mga pasingawan na ito ay nagmistulang nakatatakot na mga tsiminea, na ang ilan ay hanggang 9 na metro ang taas. Marami sa mga hayop na makikita sa Galápagos Rift ay nasumpungan sa lugar na ito. Sa susunod na artikulo, susuriin natin nang malapitan ang kagila-gilalas na mga anyo ng buhay na ito at ang daigdig ng di-lubos maisip na mga kalabisan na siyang tahanan ng mga ito.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

COVER and page 3: OAR/National Undersea Research Program