Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

May Kapansanang Mangangaral Hindi ko mapigilan ang pagtulo ng aking mga luha nang mabasa ko ang salaysay ni Konstantin Morozov sa artikulong “Isang Maaliwalas na Pananaw sa Kabila ng Kapansanan.” (Pebrero 22, 2000) Isa akong nagsosolong ina na may dalawang anak na pinalalaki. Hindi ito madali, at kung minsan ay parang walang katapusan ang aking mga problema. Ngunit, balewala ito kung ihahambing sa kinakaharap ni Konstantin!

I., Russia

Isa akong buong-panahong ebanghelisador. Unti-unting humihina ang aking retina at lubhang nahihirapan ako sa pagbasa. Dati akong isang masigasig na mambabasa, at paminsan-minsan, ako’y nasisiphayo at nanlulumo. Kapag naiisip ko si Konstantin, nadarama kong hindi ako dapat magreklamo. Napagtagumpayan niya ang tulad-bundok na mga hadlang at nakapaglilingkod siya bilang isang buong-panahong ebanghelisador. Anong kalakasan nga ang ibinibigay ni Jehova!

W. W., India

Sa edad na 16, naparalisa ako mula baywang pababa. Gaya ni Konstantin, dinaranas ko ang mga paghihirap araw-araw. Gayunman, ipinakita ng artikulo, na ang isang taong may kapansanan ay maaaring magkaroon ng papel sa lipunan at ng bahagi sa pagsamba sa Diyos. Bagaman mahina ang aking pandinig at paningin, madalas akong nangangaral na mag-isa sa lansangan habang nakaupo sa isang bangko at nakasandal sa isang pader. Binabati ko si Konstantin sa kaniyang sigasig at debosyon.

D. F., Côte d’Ivoire

Makabagong Pang-aalipin Sa nakaaantig na seryeng “Makabagong Pang-aalipin​—Malapit na ang Wakas Nito!” (Marso 8, 2000), binanggit ang pangungusap na: “Walang sinuman ang maaaring maging isang tunay na Kristiyano at kasabay nito’y makibahagi sa di-makataong pagsasamantala at paniniil sa sinuman sa kaniyang mga kapuwa-tao.” Hanggang saan maaaring kumilos ang isang Kristiyano upang makaiwas sa pagsuporta sa napakasamang gawain na ito? Sa mga Kanluraning lupain, halos imposible na makasumpong ng mga produkto na hindi ginawa sa ilalim ng nakapagdududang mga kalagayan.

K. H., Estados Unidos

Tinalakay ng artikulo ang direktang pagsasamantala sa mga tao ng mga gumagawa ng mga produkto at ng iba pa. Hindi namin ibig ipakahulugan na ang isang Kristiyano ay obligadong maglaan ng napakalaking panahon sa pagsasaliksik hinggil sa bawat produkto na kaniyang binibili. Ngunit kapag nalaman na ang isang bagay ay produkto ng pang-aalipin, dapat na ang isang Kristiyano ay personal na magpasiya kung bibilhin niya ito o hindi. Hinggil dito, tulad ng iba pang mga bagay, ninanais ng isang Kristiyano na magkaroon ng isang mabuting budhi sa harap ng Diyos. (1 Pedro 3:16)​—ED.

Isa po akong 16-na-taóng gulang na batang babae, at naantig po ako sa inyong artikulo. May kilala po akong ilang mga batang babae na nagdurusa mula sa makabagong pang-aalipin. Lubos silang nagtatrabaho sa mga pamilyang kumupkop sa kanila. Ngunit hindi po sila tumatanggap ng anumang edukasyon​—o ng pagmamahal. Lubos po akong naaliw na mabasa sa Bibliya na malapit nang palayain ni Jehova ang mga gayong inaapi.

A. O., Burkina Faso

Pananampalataya Nabasa ko ngayong araw na ito ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Tunay na Pananampalataya​—Ano ba Ito?” (Marso 8, 2000) Makatuwirang ipinakita nito na ang tunay na pananampalataya ay hindi paniniwala nang walang saligan. Maraming magasin ang punô ng mga pag-aanunsiyo at may kakaunting nakapagtuturo o nakapagpapatibay na mga artikulo. Hindi namin dapat ipagwalang-bahala ang inyong inilalathala para sa amin.

E. S., Italya

Video Tungkol kay Noe Nais ko lamang ipahayag ang aking pagpapahalaga sa artikulong “Noah​—He Walked With God​—Kung Paano Ginawa ang Video.” (Marso 8, 2000) Pinanonood na ng aming dalawa’t-kalahating-taóng gulang na anak na lalaki ang video bago pa siya makapaglakad. Pinanonood niya ito nang paulit-ulit at gusto niya na i-rewind ko ang ilang bahagi ng tape upang muli niyang mapanood ang mga ito. Tunay ngang kasiya-siya na magkaroon ng mga kagamitan na nagkikintal sa aming mga anak ng pag-ibig kay Jehova!

M.V.G., Estados Unidos