Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Matinding Paghihirap Tungo sa Anestisya

Mula sa Matinding Paghihirap Tungo sa Anestisya

Mula sa Matinding Paghihirap Tungo sa Anestisya

BAGO ang mga taon ng 1840, hindi nagtutungo sa mga silid na pinag-ooperahan ang mga pasyente nang balisa. Sila’y takot na takot! Bakit? Sapagkat noon ay walang anestisya. Sa kaniyang aklat na “We Have Conquered Pain,” sinabi ni Dennis Fradin: “Ang mga siruhano ay sinasabing pumapasok sa mga silid na pinag-ooperahan na may dalang bote ng alak sa magkabilang kamay​—isa para sa pasyente at ang isa para sa doktor upang matiis niya ang mga sigaw ng kaniyang pasyente.”

Ginagawang Lasing o “High” ang Pasyente!

Sinusubukan ng mga doktor, dentista, at mga pasyente ang halos kahit ano upang maibsan ang kirot ng operasyon. Ginamit ng mga doktor na Tsino at Indian ang marihuwana at hashish. Ang opyo, tulad ng inuming de-alkohol, ay malawakan ding ginamit sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Ang sinaunang Griegong manggagamot na si Dioscorides​—ang unang tao na nakilalang gumamit ng salitang “anestisya”​—ay nagsabing may bisang anestisya ang mga tinimplang inumin na mula sa mandragoras at alak. Sa paglipas ng panahon, ang ilang doktor ay nag-eksperimento pa nga sa hipnotismo.

Gayunman, bigo pa rin ang pagbibigay ng ginhawa sa kirot. Kaya, binibilisan hangga’t maaari ng mga siruhano at mga dentista ang kanilang trabaho; sa katunayan, sila’y inuuri ayon sa kanilang bilis. Ngunit ang pinakamabilis sa kanila ay nakapagdudulot pa rin ng matinding paghihirap. Bunga nito, karaniwan nang mas pinipili ng mga tao na tiisin ang lahat ng karamdaman, mula sa tumor hanggang sa bibig na punô ng mga bulok na ngipin, sa halip na danasin ang pagdurusa ng pagpapaopera o pagpapabunot ng ngipin.

Ang Sweet Vitriol at ang Laughing Gas

Noong 1275, samantalang nag-eeksperimento siya ng mga kimikal, ang Espanyol na manggagamot na si Raymond Lullus ay nakagawa ng isang likido na madaling sumingaw at magliyab, na kaniyang tinawag na sweet vitriol. Noong ika-16 na siglo, isang manggagamot na ipinanganak sa Switzerland, na karaniwan nang kilala bilang si Paracelsus ay nagpalanghap sa mga manok ng sweet vitriol at napansin niyang hindi lamang nakatulog ang mga ito kundi wala ring naramdamang kirot. Tulad ni Lullus na nauna sa kaniya, hindi siya nag-eksperimento sa mga tao. Noong 1730, ibinigay ng kimikong Aleman na si Frobenius sa likidong ito ang kasalukuyang pangalan nito na ether, na salitang Griego para sa “makalangit.” Ngunit 112 taon pa ang lilipas bago ang bisa ng ether bilang anestisya ay lubusang napahalagahan.

Samantala, noong 1772, natuklasan ng siyentipikong Ingles na si Joseph Priestley ang gas na nitrous oxide. Sa pasimula, inakala ng mga tao na ang gas na ito ay nakamamatay, kahit na katiting lamang. Gayunman, noong 1799, ipinasiya ng Britanong kimiko at imbentor na si Humphry Davy na tuklasin kung gayon nga ito sa pamamagitan ng pag-eeksperimento nito sa kaniyang sarili. Anong laking pagkabigla niya nang matuklasan niyang ang nitrous oxide ay nakapagpatawa sa kaniya, kaya binansagan niya itong laughing gas. Sumulat si Davy tungkol sa posibilidad na maging anestisya ang nitrous oxide, pero walang isa man noong panahong iyon ang nagpursigi sa bagay na ito.

Ether at Laughing-Gas na mga Parti

Ang mga katawa-tawang kilos ni Davy samantalang nasa ilalim siya ng impluwensiya ng laughing gas​—kung saan pansamantalang nalulong siya​—ay naging tanyag. Di-nagtagal, ang paglanghap nito para sa kasiyahan ay naging popular. Maging ang naglalakbay na mga nagtatanghal, bilang bahagi ng kanilang programa, ay nagpapaakyat sa entablado ng mga boluntaryo mula sa mga manonood upang isa-isang palanghapin ng nitrous oxide. Nawawala sila sa sarili dahil sa gas, at di-nagtatagal, ang mga natural na katawa-tawang kilos ng mga boluntaryo ay nagpapahagikgik sa mga manonood.

Sa mga panahon ding iyon, ang paggamit sa ether para sa libangan ay naging popular din. Gayunman, isang araw, isang kabataang manggagamot na Amerikano na nagngangalang Crawford W. Long ang nakapansin na ang kaniyang mga kaibigan ay hindi nakadarama ng kirot kapag napipinsala sila samantalang sila’y pasuray-suray sa ilalim ng impluwensiya ng ether. Kaagad niyang naisip ang posibleng gamit nito sa pag-oopera. Tamang-tama, ang isa sa nakilahok sa “mga ether na parti” na iyon, isang estudyanteng nagngangalang James Venable, ay may dalawang maliit na tumor na gusto niyang ipatanggal. Pero dahil natatakot siya sa kirot ng operasyon, ipinagpapaliban ni Venable ang pagpapa-opera. Kaya, iminungkahi ni Long na magpa-opera ito habang nasa ilalim ng impluwensiya ng ether. Pumayag si Venable, at noong Marso 30, 1842, inoperahan siya nang walang nararamdamang kirot. Gayunman, hindi inihayag ni Long ang kaniyang natuklasan hanggang noong 1849.

Natuklasan Din ng mga Dentista ang Anestisya

Noong Disyembre 1844, isang dentista sa E.U. na nagngangalang Horace Wells ang nanood sa isang naglalakbay na pagtatanghal, at doon itinanghal ng isang Gardner Colton ang nitrous oxide. Nagboluntaryo si Wells na subukan ang gas subalit may sapat pa rin siyang malay upang mapansin na ang isa pa na sumubok ay hindi nakadama ng kirot kahit pa nagdurugo na ito dahil sa nabunggo ang kaniyang mga binti sa isang matigas na bangko. Nang gabing iyon ay nagpasiya si Wells na subukan ang nitrous oxide sa kaniyang pagdedentista​—subalit matapos munang subukan niya ito sa kaniyang sarili. Nagsaayos siya na maglaan si Colton ng gas at bunutin ng isang kapuwa dentista na si John Riggs ang isa niyang sumasakit na wisdom tooth. Naging matagumpay ang pagbunot.

Ipinasiya ni Wells na ihayag sa publiko ang kaniyang natuklasan sa pamamagitan ng pagtatanghal nito sa kaniyang mga kasamahan. Gayunman, kinabahan siya nang husto at hindi sapat ang naibigay niyang gas, kung kaya’t sumigaw ang pasyente nang bunutin ang ngipin. Kaagad na tinuya si Wells ng kaniyang mga manonood. Pero dapat sana’y tinanong nila ang pasyente, sapagkat nang maglaon, nagtapat siya kay Wells na bagaman siya’y sumigaw, kakaunti lamang ang naramdaman niyang kirot.

Noong Setyembre 30, 1846, ang kapuwa niya Amerikanong dentista na si William Morton ay nagsagawa ng walang-kirot na pagbunot sa ngipin ng isang pasyente na binigyan ng ether​—ang gayunding sangkap na ginamit ni Long noong 1842. Ginawa ni Morton ang kaniyang ether sa tulong ng kilalang kimiko na si Charles Thomas Jackson. Di-tulad ni Long, isinaayos ni Morton na maitanghal sa publiko ang bisa ng ether bilang anestisya sa isang pasyenteng inooperahan. Noong Oktubre 16, 1846 sa Boston, Massachusetts, binigyan ni Morton ng anestisya ang pasyente. Pagkatapos ay isang siruhano, si Dr. Warren, ang nagsagawa ng operasyon​—ang pagtatanggal ng laman na tumubo sa ilalim ng panga ng pasyente. Ang operasyon ay isang namumukod-tanging tagumpay. Mabilis na kumalat ang balitang ito sa Estados Unidos at Europa.

Higit Pang mga Pagtuklas

Bunga ng kapana-panabik na mga natuklasang ito, nagpatuloy ang pag-eeksperimento sa iba’t ibang gas. Ang chloroform, na natuklasan noong 1831, ay matagumpay na ginamit noong 1847. Sa ilang lugar, agad na mas pinili ang anestisyang ito. Di-nagtagal, ang chloroform ay ibinigay sa mga babaing nanganganak, kasali na rito si Reyna Victoria ng England, noong Abril 1853.

Nakalulungkot, ang kasaysayan ng general anesthesia ay medyo nadungisan. Nagkaroon ng isang mainit na pagtatalo hinggil sa kung sino​—si Long ba, si Wells, si Morton, o si Jackson, ang kilalang kimiko na tumulong kay Morton​—​ang dapat na tumanggap ng unang parangal sa pagkakatuklas ng anestisya (siyempre pa, hindi ng mismong mga sangkap na kimikal). Walang pasiya ang napagkaisahan, ngunit taglay ang pagkamahinahon dahil sa kaunawaan, marami ang kumikilala sa bahaging ginampanan ng apat na lalaking ito.

Samantala, nagkaroon ng mga pagsulong sa larangan ng lokal na anestisya, na madalas na tinatawag na regional anesthesia. Ginagamit ang mga anestisya na nagpapangyaring manatiling may malay ang mga pasyente samantalang ang isang bahagi ng kanilang katawan ay manhid, walang pakiramdam. Sa kasalukuyan, karaniwang ginagamit ng mga dentistang siruhano ang lokal na mga anestisya kapag ginagamot nila ang mga ngipin at mga gilagid, at ginagamit ng mga manggagamot ang mga ito sa maliliit na operasyon at sa pagtatahi ng mga sugat. Karaniwan nang binibigyan ng mga anestisyologo ng lokal na anestisya ang mga babaing nanganganak.

Sa paglipas ng panahon, sumulong ang anestisyolohiya tungo sa isang natatanging larangan sa medisina. Nakikibahagi ang makabagong-panahon na mga anestisyologo sa paghahanda ng mga pasyente para sa operasyon. Naisasaksak nila ang anestisya sa pamamagitan ng modernong kagamitan at iba’t ibang pampamanhid na binubuo ng pinaghalu-halong kimikal na sangkap, kasali na ang oksiheno. Sa katunayan, maaaring hindi alam ng maraming pasyente na ang kanilang doktor ay gumamit ng mga gas na anestisya sapagkat ang mga ito ay kadalasang ginagamit lamang pagkatapos na maiturok ang unang anestisya. Ang anestisyologo ay kasama rin sa pagpapaginhawa ng kirot matapos ang operasyon.

Kaya kung kailangang maoperahan ka balang araw, sikapin na huwag mabalisa nang labis. Guni-gunihin ang iyong sarili na nakahiga sa isang gawa-gawang kama sa pag-oopera, mga dalawang siglo na ang nakalipas. Bumukas ang pinto at pumasok ang iyong siruhano na may dalang dalawang bote ng alak. Hindi ba’t nagmumukhang halos kaginha-ginhawa ang modernong kagamitan ng makabagong-panahong mga anestisyologo?

[Kahon sa pahina 22]

ACUPUNCTURE​—Kaginhawahan sa Kirot Mula sa Silangan

Ang acupuncture ay isang sinaunang paraan ng panggagamot mula sa mga Tsino na sinasabing nakapagpapaginhawa ng kirot. Ang mga nagsasagawa nito ay nagtutusok ng mga karayom sa espesipikong mga bahagi ng katawan, kadalasan ay malayo sa bahagi na ginagamot. Minsang naiturok na, ang mga karayom ay maaaring ipulupot o ikonekta sa kuryente na may mababang boltahe. Sinasabi ng Encyclopædia Britannica na ang acupuncture “ay laging ginagamit sa Tsina bilang isang anestisya sa panahon ng operasyon. Ang mga bisita mula sa Kanluran ay nakasaksi sa komplikado (at karaniwan ay makirot) na mga operasyon na isinagawa sa gising-na-gising na mga pasyenteng Tsino na binigyan ng lokal na anestisya sa pamamagitan lamang ng acupuncture.”

Ang acupuncture ay dapat lamang isagawa ng isang may kakayahang manggagamot na sinanay sa medisina. Ayon sa Encyclopedia Americana, “nangyayari ang malulubhang aksidente kapag natutusok ng mga karayom ang puso o ang mga baga, at maaaring magkaroon ng hepatitis, lokal na impeksiyon, at nakakatulad na mga komplikasyon kapag gumamit ng di-isterelisadong mga karayom.” Mangyari pa, ang paggamit ng general anesthesia ay nagsasangkot din ng mga panganib, tulad ng mga operasyon mismo​—anuman ang anyo ng anestisya na gamitin.

[Larawan sa pahina 23]

Ang anestisyolohiya ay naging isa nang natatanging larangan sa medisina

[Credit Line]

Courtesy of Departments of Anesthesia and Bloodless Medicine and Surgery, Bridgeport Hospital-CT

[Picture Credit Line sa pahina 21]

Pahina 2 at 21: Reproduced from Medicine and the Artist (Ars Medica) by permission of the Philadelphia Museum of Art/Carl Zigrosser/Dover Publications, Inc.