Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Yellowstone—Kung Saan Nagsasanib ang Tubig, Bato, at Apoy

Ang Yellowstone—Kung Saan Nagsasanib ang Tubig, Bato, at Apoy

Ang Yellowstone​—Kung Saan Nagsasanib ang Tubig, Bato, at Apoy

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Estados Unidos

Pag-usapan ang mga kauna-unahan at mga sukdulan​—ang kauna-unahang pambansang parke sa buong daigdig, ang pinakatanyag at pinakamataas na mga geyser sa daigdig, at pinakamalaking lawa sa bundok sa Hilagang Amerika. Kung gayon ay tinutukoy mo ang Yellowstone.

TAGLAY ang di-mapigilang pagkamausisa, nagbiyahe kaming mag-asawa patungo sa hilagang pasukan ng Yellowstone National Park sa Wyoming, E.U.A. Mula pa sa aming pagkabata ay naiintriga na kami sa pangalang Old Faithful at sa mga terminong “geyser” at “mainit na bukal.” Matutumbasan kaya ng aming makikita ang aming inaasahan?

Sa pangunahing pasukan ng parke ay may nakita kaming malaking arkong bato. Nakaukit sa gawing itaas nito ang mga salitang: “Para sa kapakinabangan at kasiyahan ng mga tao.” Nang buksan ito sa publiko noong 1872, ang Yellowstone ang naging kauna-unahang pambansang parke sa buong daigdig.

Nagsimula kami sa Mammoth Hot Springs, na lampas lamang nang kaunti mula sa hangganan ng Montana. Dito ay kitang-kita ang matinding ginagawa ng init na mula sa ilalim ng lupa. Ang tubig ay kumukulo at bumubulubok sa mga lawa at lunas. Mga haligi ng singaw mula sa mga siwang sa lupa ang pumapaitaas. Ang mga hagdan-hagdang mineral na kulay-rosas na tinatawag na travertine ay nagmistulang natutunaw na kandila.

Ano ang Kumukulo sa Ilalim ng Yellowstone?

Ang Yellowstone ay may 10,000 kahanga-hangang mga geothermal na pangyayari. Ang Continental Divide * ay bumabagtas sa kalaparan ng mataas na talampas na ito ng Rockies. Ang tubig ay umaagos pakanluran at pasilangan ngunit tumatagas din itong pailalim sa lupa. Nalaman namin na ito palang tubig na tumatagas pailalim ang siyang dahilan ng mga kahanga-hangang pangyayari sa Yellowstone. Noon ay winasak ng malalakas na pagputok ng bulkan ang talampas na iyon. Libu-libong taon ang nakararaan, isang pagputok ng bulkan ang lumikha ng isang pagkalaki-laking caldera (bunganga ng bulkan) na may sukat na 75 kilometro por 45 kilometro. Ang magma, o lusáw na bato, na nananatili sa ilalim ng lupa ang siyang patuloy na nagpapakulo sa Yellowstone.

Ipinaliliwanag ng mga eksibit sa parke na ang tubig sa ibabaw ay unti-unting tumatagas pababa sa mga butás-butás na bato hanggang sa makarating ito sa isang sapin ng mga bato na napakainit, na nasa ibabaw lamang ng magma. Pinupuwersa ng init na bumalik ang tubig paitaas. Saanman ito makasumpong ng malalabasan, nagkakaroon ng mainit na bukal. Kapag may nakaharang sa mga bato na pumipigil sa paitaas na pagdaloy ng mainit na tubig, namumuo ang presyon at nagkakaroon ng geyser. Sa ibang mga dako, ang halumigmig ay ibinubuga bilang singaw. Ang mga singawang ito ay tinatawag na fumarole. Kumukulo ang mga bukal ng putik kung saan ang lupa ay nilulusaw ng maasidong mga gas at tubig upang maging putik at luwad. Totoong kahanga-hangang pagmasdan!

Ang Old Faithful

Habang pinagmamasdan namin ang lahat ng geothermal na pangyayari sa Mammoth Hot Springs, inakala naming malapit na kami sa tanyag na geyser na Old Faithful. Nang tingnan namin ang aming mapa sa paglalakbay, saka lamang namin nabatid na ang Old Faithful ay 80 kilometro pa sa gawing timog. Mas malaki pala ang Yellowstone kaysa sa inaakala namin; ito’y may lawak na 900,000 ektarya.

Upang marating ang Old Faithful, sinundan namin ang isang pasikut-sikot na daan sa gawing kanluran ng parke; daanan ito ng mga turista pagkalampas ng limang lunas ng geyser. Di-nagtagal at naging pangkaraniwan na lamang sa amin ang amoy ng asupre at ang tanawin ng mga sumisingaw na halumigmig.

Gaya ng milyun-milyong nakabisita na sa Old Faithful, gusto naming malaman kung kailan bubuga ang geyser. Ang buong akala namin ay bumubuga ito nang palagian na may eksaktong pagkakasunud-sunod​—eksaktong tuwing 57 minuto. Ngunit nang tumingin kami sa paligid, nakita namin ang isang karatulang nagsasabing ang susunod na pagbuga ng geyser ay tinatayang sa 12:47 ng tanghali. Mahigit sa isang oras pa iyon, at ang oras na iyon ay isang pagtaya lamang! Tinanong namin si Rick, isang tagapagbantay sa parke, tungkol dito.

“Ang eksaktong haba ng pagkakasunud-sunod ng pagbuga ng Old Faithful ay isang sabi-sabi lamang,” ang sabi niya. “Ang haba ng pagitan ng mga pagbuga ay laging nag-iiba, at sa pagdaan ng mga taon ang haba ng pagitan ay tumagal dahil sa mga lindol at dahil ang mga manggagawa ng bandalismo ay nagtatapon ng kung anong mga bagay sa bibig ng geyser. Sa ngayon, ang katamtamang haba ng mga pagitan ay mga 80 minuto. Ang mga tauhan namin ay kayang magtaya ng mga pagbuga nang paisa-isa lamang.”

Alas 12:30 na ng tanghali. Lumakad kami patungong Old Faithful upang panoorin ang susunod na pagbuga nito. Daan-daang tao ang nakaupo sa dakong panooran o kaya’y nagtutungo na roon. Pinaghintay kami ng Old Faithful nang sampung minuto. Ngunit nang ito’y bumuga, ito ay may ganda na hindi kayang ilarawan ng anumang litrato. Matapos nitong simulan ang ilang pabugsu-bugsong pagbuga, ito ay nagtuluy-tuloy na. Nagpalakpakan ang lahat. Ang pagbuga ay tumagal nang mga tatlong minuto, at ang aming ikinatuwa, ito ay napakataas. Ang tubig at ang ampiyas nito ay pumaitaas at bumagsak sa sunud-sunod na pagbugso na umabot sa taas na 37 metro hanggang 46 na metro. Ang ampiyas ay tinamaan ng araw at tinangay ng hangin papalayo habang nag-iiba-iba ang hugis nito.

Nang matapos iyon, pumunta kami sa lobi ng isang malapit na otel. Ngunit ang Old Faithful ay patuloy pa ring nagpapasikat. Sa nalalabing bahagi ng araw, kapag malapit na ang oras ng tinatayang muling pagbuga nito, ang lahat ng mga bisita ay humihinto sa kanilang ginagawa at lumalabas upang panoorin iyon. Nagpakita ito ng ilang pagbuga na may natatanging tagal, taas at ganda, lalo na nang minsang ang sumasayaw na tubig nito ay naging guhit-larawan sa lumulubog na araw. Nasumpungan namin na talaga ngang tapat ang matandang geyser na ito.

“Wala pang 500 ang mga geyser sa planetang ito, at mga 300 sa mga iyon ang nasa Yellowstone,” ang sabi sa amin ni Rick, na tagapagbantay sa parke. “At 160 sa mga iyon ang nandito sa maliit na libis na ito, ang Upper Geyser Basin, na dalawang kilometro lamang ang haba. Ang ibang mga geyser ay pasulput-sulpot​—sila’y buháy o kaya’y tulóg​—ngunit ang Old Faithful ay nandito pa rin.” Gayunman, ang katabi ng Old Faithful, ang Grand geyser, ay bumubuga ng tubig na umaabot sa 60 metro. Ang buga ng Steamboat geyser ay halos umaabot ng 120 metro, na tatlong beses na mas mataas kaysa sa Old Faithful​—ngunit maaari itong matulog nang ilang mga taon. Sa Norris, paminsan-minsa’y binabasâ ng isang geyser na pinanganlang Echinus ng mainit-init na tubig ang mga tagahanga nito.

Ang Pagtakas sa Buffalo

Nang kinaumagahan ay binasa naming muli ang isang brosyur para sa mga turista. Sabi roon: “Nakapapaso ang tubig sa ilalim ng manipis at madaling pumutok na sapin ng lupa; ang mga lawa ay may mga temperaturang halos o higit pa sa kumukulo. Bawat taon, ang mga turistang napalihis ng daan at napunta sa maiinit na dako ay malubhang napaso, at may mga namatay dahil sa nakapapasong tubig.” Isa pang brosyur ang nagsabi: “Babala: Maraming turista ang nasuwag ng buffalo. Ang buffalo ay maaaring tumimbang ng mga 900 kilo at makatatakbo ng 50 kilometro bawat oras, tatlong beses na mas mabilis tumakbo kaysa sa iyo.” Sana’y hindi kami habulin ngayon ng buffalo!

Sa Yellowstone, ang mga hayop ang may karapatan na maunang dumaan sa mga kalsada. Kapag may nakitang hayop, biglang humihinto ang mga kotse at sa di-inaasahang mga dako ay nabubuhol ang trapiko. Kaaayos pa lamang ng isang pagbubuhol ng trapiko nang dumating kami roon, at ang mga turista ay pumapasok na sa kanilang mga kotse. Nang tanungin namin ang isang babae kung ano ang tinitingnan nila, ang sabi niya: “Isang malaking lalaking moose, pero nakaalis na.”

Pagkatapos ay pinanood namin ang ilang elk na hinihimok ang kanilang dalawang-linggong edad na mga anak na tumawid sa batis. Bumababa sila sa mababang bahagi ng parke mula sa mga bundok kung saan sila nagpalipas ng taglamig. Ayaw tumuloy ng mga anak​—hindi pa sila handang tumawid sa tubig. Tawag nang tawag ang mga ina sa kanilang mga anak, at nang bandang huli’y tumawid na rin ang mga anak.

“Aking Kaliitan, Aking Kawalang-kaya”

Sumunod ay nagbiyahe kami patungo sa Grand Canyon ng Yellowstone. Lumabas kami sa aming kotse sa iba’t ibang dako na may magandang tanawin sa gilid ng bangin na may taas na 360 metro, at sumisilip kami sa ibaba​—na kung minsa’y nag-aatubili. Sa kaniyang isinulat tungkol sa paglalakbay niya noong 1870, nabanggit ni Nathaniel Langford ang “aking kaliitan, aking kawalang-kaya” habang minamasdan niya ang bangin na ito na 32 kilometro ang haba na may matingkad at madilaw na gilid ng bangin​—na siyang pinagkunan ng pangalan ng Yellowstone River​—at dalawang mataas na talon. Gaya niya, nadama rin namin ang aming kaliitan at kawalang-kaya.

Nang sumunod na araw ay naglakbay kami pasilangan. Nagbago muli ang tanawin ng parke. Dito naman ay may mataas na kakahuyan, at ang daan ay dalawang beses na tumawid sa Continental Divide. Nakakita pa rin kami ng mga buffalo at iba pang malalaking hayop, na nakikita ang buffalo na kadalasang nakatayo sa karaniwang tindig nito. Sayang at hindi kami nakakita ng mga oso​—na isa pang pang-akit ng Yellowstone sa mga turista. Anong nangyari sa kanila?

Sa paglipas ng mga taon, ang pagiging malapit ng mga tao sa oso ay naging dahilan na masaktan o mamatay ang ilang turista. Ang gayong kalagayan ay hindi rin naman mabuti para sa mga oso. Kaya noong unang mga taon ng dekada ng 1970, isinara ng National Park Service ang mga tapunan ng basura, na siyang umawat sa mga oso mula sa pagkaing kinakain ng tao. Dahil dito’y bumalik ang mga oso sa kagubatan. Ang programa ay nagtagumpay. Ang mga oso ngayon ay kumakain na ng kanilang natural na pagkain at mas malulusog na sila. Pero nakakasabay pa rin nila ang mga turista sa ilang lugar, gaya sa Fishing Bridge, kung saan pareho silang kumakain, natutulog at nangingisda.

Ang huli naming pinuntahan ay ang Fishing Bridge. Doon ipinakita ng parke ang huling sorpresa nito sa amin. Nang tumingin kami sa ibayo ng Yellowstone Lake​—ang pinakamalaking lawa sa bundok sa Hilagang Amerika​—sa Tetons na may niyebe sa tuktok nito, sa isang saglit ang akala namin ay nasa hilagang Italya kami; ang lawa at ang tanawin nito ay may gayunding karingalan ng bundok ng Alps. Pero walang mga oso rito.

Panahon na upang lisanin ang Yellowstone. Binusog nito ang aming mga mata at pinasaya ang aming espiritu. Ang aming nakita ay higit pa sa aming inaasahan.

[Talababa]

^ par. 8 Ang Continental Divide ay isang hanay ng mataas na lupang bumabagtas sa Hilaga at Timog Amerika. Ang mga sistema ng ilog sa bawat panig nito ay umaagos sa magkasalungat na direksiyon​—patungong Karagatang Pasipiko at patungong Karagatang Atlantiko, sa Gulpo ng Mexico, at sa Karagatang Artiko.

[Kahon/Larawan sa pahina 17]

Ang mga Sunog Noong 1988

Noong bandang huli ng Hulyo at Agosto ng 1988, ang maliliit na sunog sa Yellowstone ay mabilis na lumaki at naging walong lubos na nakapipinsalang liyab na hindi na kayang kontrolin ng tao. Ang isang dahilan ay ang tagtuyot, yamang ang tag-init noong 1988 ang pinakatuyo ayon sa nakaulat na kasaysayan ng Yellowstone. Ang isa pang dahilan ay ang malalakas na hangin. Bumubugso nang 80 kilometro bawat oras, ikinalat nito ang apoy sa layong 20 kilometro bawat araw. Tinangay nito ang mga alipato at nauna pa sa apoy sa layong hindi pa nararanasan ng mga bombero. Ang mga alipatong ito ang nagsindi ng panibagong mga sunog.

Sa kasagsagan nito, ang pagsisikap upang patayin ang sunog na may halagang $120 milyon ay nagsangkot ng halos 10,000 bomberong sibilyan at sundalo at mahigit sa 100 makinang pamatay-sunog. Naghulog ang mga helikopter at mga aerial tanker ng mga 5,000,000 litro ng pamatay-sunog at 40,000,000 litro ng tubig. Binale-wala ang mga pagsisikap na ito, ang mga liyab ay rumagasa sa parke at muntik nang madamay ang ilang komunidad. Araw-araw ay may makapal na usok na pumailanlang sa hangin. Nang papatapos na ang tag-araw, ang parke ay nagmukhang larangan ng digmaan. Matapos masunog ang 600,000 ektarya, noon lamang kalagitnaan ng Setyembre namatay ang apoy sa pamamagitan ng malamig na hangin, mga bagyo sa taglagas, at marahang ulan ng niyebe.

Halos hindi napinsala ng mga sunog ang mga hayop, at mula noon ay unti-unti na ring dumami ang mga turista. Nang mawala na ang mga usok, ang mga dahon ng taglagas ay nagbigay-kulay sa mga bagong malalawak na tanawin, at pagsapit ng tagsibol ay namukadkad nang husto ang mga bulaklak na ligáw sa mga dakong dating wala nito. Sa paglipas ng mga taon pagkaraan ng mga sunog, maraming bagong-sibol na mga puno ang bumalot sa mga nasunog na lugar.

[Mga larawan sa pahina 15]

Old Faithful

Lower Falls

[Credit Line]

NPS Photo

[Larawan sa pahina 16, 17]

Firehole River

[Larawan sa pahina 17]

Morning Glory Pool

[Credit Line]

NPS Photo